Chapter 7

1822 Words
"Paano mo nagawa sa akin 'to Vincent?" Luhaan ang karakter ni Avah habang nakatingin sa lalaking pinakamamahal. "Paano mo ako nagawang ipagpalit sa ate ko!?" Iniangat niya ang kamay at sasampalin dapat ito. Ngunit sinalag 'yon ng karakter ni Eunice. "Huwag mo siyang saktan, Cynthia," pag-awat nito. "Kasalanan ko ang lahat." "Eh, 'di dapat, ikaw pala ang sampalin ko." Kaagad lumagapak sa mukha ni Eunice ang palad niya. Napakalakas at satisfying ng tunog na nilikha ng ginawa niya. Napahawak si Eunice sa pisngi nang muling tumingin sa kaniya. "Sandali lang, Direk!" wika nitong bumaling na sa direktor na nasa bandang unahan nila. "Wala naman sa script na sasampalin niya ako, ah?" Alanganing napangiti si Direk Pablo nang tumayo. "Okay naman ang kinalabasan. Maganda. Maganda!" Napapalakpak ito. "Retake natin 'yon, tuloy mo, Avah. Sige, ha?" Sumenyas na ito at kinunan ulit ang eksena. Lihim na napangiti si Avah nang matapos ang scene na 'yon. Sa wakas, nakaganti rin siya sa intrimitidang babaeng 'yon. Naupo na siya sa kaniyang resting area, sa loob ng sarili niyang tent. Saka naman lumapit si Beki at inabutan siya ng maiinom. Kinuha niya 'yon at napatingin siya sa makinis na bakla. "Nasaan si Faye?" "Ah, nagpunta sa van," sagot nito na ngumiti. "Kumukuha ng isusuot mo sa next scenes. Oh, ito na pala siya." Pumasok ang babae, bitbit ang ilang hangers ng mga simpleng damit. Tinulungan naman ito ni Beki na kinuha ang ilan sa mga dala nito. "Avah, Avah!" pagtawag ni Fake na mahahalata sa boses ang pananabik. "Ang daming gustong mag-sponsor ng isusuot mo sa victory party!" Lumapit ito at may ibinigay na tablet. "Pumili ka na lang daw riyan sabi ni Kuya Edmund, tapos siya na ang bahala." Tiningnan niya isa-isa ang mga iyon. Karamihan ay gown at dresses na may mga bonggang disenyo. Ang kaso, wala siyang matipuhan. Victory party lang 'yon, hindi naman niya yata kailangan magpapansin. Patuloy ang pag-swipe niya pakaliwa, hanggang sa huminto ang tingin niya sa simple, ngunit may kakaibang dating para sa kaniya. Isa 'yong strapless black tulle-like dress na may golden sequences sa upper part, at ang ilalim ng dress ay may hint ng red. Nagsusumigaw roon ang kombinasyon ng kainosentihan at katapangan. Palagay niya, babagay 'yon sa kaniya. "I want this." Itinuro niya 'yon. "Wow, ang ganda naman nito!" bulalas ni Faye na kinuha na 'yong tablet. "Sige, sasabihin ko agad kay Kuya Edmund." Bigla itong napahinto at alanganing napatingin sa kaniya. "Bakit?" pansin ni Avah. "Kasi...alam mo na ba?" "Ang alin?" Nangunot ang noo niya. "Ah...wala." Ngumiti lang ito at nagpaalam na sa kaniya. *** Kinagabihan, matamis at inosenteng pagngiti ang ibinigay ni Avah sa mga photographer na kumukuha ng larawan niya. Nakatayo siya sa ministage habang marahang kumakaway na parang beauty queen. Hindi na siya nalalayo sa mga naging beauty queen. Suot ang isa sa mga sponsored gown niya, alam ni Avah na walang makakapantay sa taglay niyang natural na ganda. Ang kulay nitong itim at ginto ang lubos na nagpalitaw ng makinis niyang balat. Ngunit, sa kabila ng mala-anghel niyang ekspresyon, ang kaloob-looban niya, gustong pagsasapakin si Direk Sean. Wala siyang kamalay-malay na napakarami palang inimbitahan na reporter ang lalaking 'yon. Magpapa-presscon pa yata para sa tagumpay ng pelikulang pinagbidahan niya, at ang debut film nito bilang director. Matapos ang picture taking, inalalayan na siya ni Julian na makababa roon. Nakasuot din ito ng pormal na naaakma sa okasyon. Suit and tie with matching leather shoes. Ganoon din sina Faye at Beki na parehong 'di magpapakabog sa suot na dress. Kahit mga assistant niya ito, basta't kasama niya sa event, hindi niya hinahayaang mamatahin ang mga ito ng iba. Dahil ang tingin ng mga tao sa mga ito ay maaaring mag-reflect din sa kaniya. Inilibot niya ang tingin sa paligid ng function hall ng five star hotel. Napakaraming tao mula sa iba't ibang industriya. Mayroon nga siyang napapansin na mga pamilyar na pulitiko. Star studded ang ibang guest. May pa-red carpet pa nga kanina, akala mo naman may awards night na magaganap. Tiyak, kailangan na naman niyang makipagplastikan sa mga taong hindi niya kakilala. Naupo na sila sa reserved table para sa kanila. May program pang inihanda si Direk Sean, pero for sure, mas mahaba ang magiging speech nito mamaya. Medyo nagsisi siyang dumalo pa siya. "Mag-iikot-ikot lang ako." Tumayo na siya. Hindi siya komportable sa kinaroronan niya. "Samahan na kita?" alok ni Faye. "Hindi na, diyan lang kayo. Just enjoy," tugon niya at naglakad na siya patungo sa labas. Ang alam niya, karugtong ng function hall ang swimming pool at garden. Bakasakaling walang masyadong tao roon. Pagdating niya roon, may pailan-ilan lamang ang naroon. Napapalingon ang mga ito sa presensiya niya, pero dahil may class ang lugar, alam niyang walang mangangahas na lumapit sa kaniya. Muli lang niyang ipinaskil ang matamis na ngiti sa kaniyang mukha. Gusto na niyang magpalit ng image, kung puwede lang. Nakakasawa ring magkunwaring inosenteng anghel, samantalang hindi naman talaga siya ganoon. Pero, pinilit niyang mapanatili sa kaniyang aura ang karakter na ibinigay ng Glamour Entertainment. Napatingin siya sa direksyon ng pool. Nakakaakit ang kulay ng dala nitong liwanag na kulay asul. Tumatama 'yon sa mga high tables na nasa malapit. Maririnig sa paligid ang piano na live na tinutugtog ng kung sino. "Avah." Napalingon siya dahil sa pamilyar na tinig. Ngingiti na sana siya, pero hindi 'yon natuloy nang makilala niya ito. At hindi ito nag-iisa. "Hi," pagbati ni Janna, ang anak ng napangasawa ng dad niya. Naka-long gown ito at hindi rin magpapakabog sa hair and make up. "Bakit kayo nandito?" pagtataray niya gamit ang mahinang tinig. Nalipat naman ang tingin niya sa kasama nito. "Ah, Avah, this is Mayor Malvar, my fiance," pakilala nito. Naglahad naman ang lalaking medyo pamilyar sa kaniya. Dahil ba mayor ito? "Kumusta na, Avah, ang tagal na nating 'di nagkita," pahayag ng lalaking ngumiti lang at ibinaba na ang kamay. "You know me?" usisa niya. "Si Kuya Brian ito." Humalakhak ang may hitsurang lalaki na para bang close sila. "Sa bagay, huli nating pagkikita, I think, seventeen ka pa lang noon." Saka naman rumehistro sa kaniyang isipan ang isa sa anak ng kaibigan ng dad niya, kaibigan o political consultant, hindi na niya masiguro. Ang alam lang niya, half-brother ito ni Simon— ang kaibigan niyang basta na lang siya iniwan noon, nang mag-aral ito sa ibang bansa. Biglang bumigat ang kalooban niya dahil sa alaalang 'yon. Nang may dumaang server, kumuha siya ng cocktail drink at saglit na sumimsim. Napaismid si Avah bago ulit nagsalita, "Are you sure, gusto mong pakasalan ang babaeng ito?" Tumingin siya sa basong hawak at marahang pinaikot ang asul na likidong nilalaman n'on. "Wala ka bang ideya kung saang putikan siya nanggaling?" usisa niya bago muling humarap sa mga ito. Napaiwas lang ng tingin si Janna. Alam niyang itinatago lang nito sa maamo nitong mukha ang pagtitimpi. Samantalang ang fiance naman nito, diretso lang ang tingin sa kaniya. "I don't care, as long as may pakinabang siya sa akin." Bahagya siyang natigilan sa isinagot nito. Hindi siya makapaniwala. Ngayon tuloy ay mariin na itong tinititigan ni Janna. Napahalakhak si Avah. "I think magkakasundo tayo. Alam mo kung sino ang dapat mong kampihan. Too bad, sa kaniya ka balak ipakasal ni Dad." Iniangat niya ang hawak niyang baso. "Anyway, congrats sa kasal n'yo!" pagbati niya saka niya tinalikuran ang mga ito. Nagsimula na siyang humakbang papasok sa function hall nang bigla naman niyang makasalubong si Direk Sean. "I'm glad na pumunta ka rito," wika nito habang pangiti-ngiti sa kaniya. Sinamaan niya lang ito ng tingin. Dahan-dahan itong lumapit para bumulong sa kaniya. "You heard the news about us? What do you think? Totohanin na kaya natin?" Kaagad siyang umatras. "Imposible, hindi ako pumapatol sa bakla," pang-aasar niya. Napahalakhak lang ito. "What? Are you out of your mind? Think whatever you want." Napailing pa si Direk Sean "Pero alam mo ba? Bukod sa balita tungkol sa atin, may isang blind item na kumakalat din sa social media, at 'yong involve na politician at singer-actress, parang kilala ko." Napatingin si Avah sa paligid para alamin kung walang ibang tao roon. Nang makasiguro, marahas niya itong itinulak kaya naman napaatras ito. "What are you talking about!?" Napapatawa lang si Direk Sean. Sira talaga ang ulo nito. "Marami akong kilalang reporters. Kayang-kaya ko 'yong patunayan sa lahat, Avah," tila pagbabantas nito habang nakangiti pa rin. "Ano bang problema mo sa akin?" mariin niyang wika. "One of my dearest friend is requesting for you, pero ayaw mo siyang pagbigyan." Umismid ang lalaki. "Who do you think you are para tanggihan ako? You're just a cheap idol member." Lumapit siya para bumulong sa lalaki. "Who are you calling cheap?" Napangisi si Avah. "Gusto mo bang makasuhan ng s****l harrasment, right here, right now?" siya naman ang nagbanta. "You're just a new budding director. Isang scandal lang mula sa 'yo, tapos agad ang career mo." Dahan-dahan na siyang umatras para makita ang ekspresyon nito. Kaagad gumuhit sa mukha nito ang pagkabahala. Bigla rin itong napalunok. At kasunod ng marahang pag-iling ay dahan-dahan na itong lumakad palayo sa kaniya. Napakuyom si Avah sa kaniyang kamao. Hindi siya makapaniwalang malakas ng loob ng baguhang direktor, na parang 'di nito kilala kung sinong kausap. Palibhasa, galing din ito sa mayaman at makapangyarihang pamilya. Napakataas ng tingin n'on sa sarili, akala mo naman kung sino. Humakbang na siya patungo sa loob ng function room. Parang gusto na niyang umuwi. Nawalan na siya ng gana para sa superficial na party na ito. Naglakad na siya patungo sa table nila, nang bahagya siyang matigilan dahil sa napansin niya. Sa isang high table, 'di kalayuan mula sa kaniya, nakita niya ang dad niya. Abala ito sa pakikipag-usap sa mga taong bihis na bihis din tulad nito. Minsan na lang niya ito makita, pero matagal nang nagbago ang pakiramdam niya rito. Para sa kaniya, ang taong 'yon ay isang malaking traydor na sumira ng pamilya nila. Muling kumulo ang kaniyang dugo. Sa tuwing nakikita niya ito ay sumasama talaga ang pakiramdam niya, bumibigat ang kaniyang loob, at kung minsan ay nahihirapan siyang huminga. Maglalakad na ulit sana si Avah nang mahagip ng kaniyang tingin ang lalaking kasama nito. Napakatamis ng pagkakangiti ng taong 'yon habang nakikipag-usap sa mga kasama. Paanong... parang wala man lang nagbago sa hitsura nito? Mas nag-mature lang nang kaunti ang mukha nito. Mas tumangkad at mas lalong gumuwapo sa suot nitong itim na suit. Pero ganoon pa rin ang makikitang kislap sa mga mata nito habang nakangiti. Napakatotoo ng ngiti nito, walang bahid ng pagkukunwari. "Avah. Anong ginagawa mo rito?" Tinawag siya ni Faye, pero hindi siya lumingon. Nakatitig lang siya sa direksyon ng mga taong kaniyang pinagmamasdan. Muli nang humakbang ang kaniyang paa, pero hindi sa direksyon ng mesa nila, kung 'di sa daan patungo sa main door. "Tara na, Faye. Tawagin mo na sila," wika niya gamit ang walang siglang tinig. "Umalis na tayo rito."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD