***
Nakatanaw si Anthony sa malawak na karagatan. Nakakalat pa rin doon ang mga rescue boats, maging ang mga divers. Maririnig din ang ingay ng choppers na maya'tmaya ang pag-iikot sa kabuuan ng lugar. Ilang oras na ang lumipas, pero hindi pa rin matagpuan si Avah.
Nakausap na niya ang chief officer na in-charge sa paghahanap, pero wala pa rin itong positibong update na maibigay. Posible raw na napadpad sa ibang lugar ang babae. Napakalakas daw ng alon kagabi. Kaya nga, nilawakan na rin ng mga ito ang parameters sa paghahanap.
Labis na siyang nababagabag. Kahit na ilang taon na silang hindi nagkikita, mahalaga pa rin para sa kanya ang babae. Nag-aalala siyang baka nga totoo ang balitang kumakalat na nagpakamatay ito.
Alam niyang malakas ang loob ni Avah at hindi nito basta-basta gagawin ang bagay na 'yon, pero sa tagal nilang hindi nagkita, baka marami na ring nagbago rito. Baka, labis na rin itong nahihirapan sa industriyang pinasok nito. Lalo pa't napakaraming tao ang sumusubaybay sa bawat kilos nito. At isang pagkakamali lang, katakot-takot na panghuhusga na ang ibinibigay ng mga tao, na para bang hindi nagkakasala ang mga ito.
Kung alam lang ni Avah kung gaano ito kahalaga para sa kaniya. Napakasakit noon na layuan ito dahil sa maling pag-aakala ng mga nakatatanda sa pagiging malapit nila.
Malakas na sampal ang agad dumapo sa pisngi ng labing pitong taong gulang na si Simon.
"How dare you! You still didn't know your place!" bulyaw ng kinilala niyang ama.
Napapaling sa gilid ang kaniyang mukha at nang muli siyang mapatingin, halos panlisikan siya ng mata nito.
"D-dad?"
"Dad?" Inis na napangisi ang ama. "From now on, stop calling me Dad! Alam naman nating pareho na hindi ko dugo ang nanalaytay riyan sa mga ugat mo." Dinuro nito ang kaniyang sintido. "Dahil ikaw ay produkto ng pagtataksil sa akin ng mom n'yo!"
Tumalikod na ito mula sa kaniya. Kitang-kita niya ang mabigat nitong paghinga. "Nakahanda na ang lahat sa pag-alis mo. Sa America ka na mag-aaral. Iyon ang gusto ni Congressman Lopez."
"Pero, Dad?" Punong-punog siya ng katanungan noon. Hindi niya maintindihan kung bakit ito sinasabi ng ama.
"Wala nang pero-pero. Makinig ka na lang! Lumayo ka na kay Avah. Magkaiba kayo at may nakatakda nang ipakasal sa kaniya si Congressman Lopez. Ayaw kong magkaroon kami ng samaan ng loob dahil lang sa relasyon n'yo."
"Dad, wala naman kaming relasyon," pag-alma niya, ngunit muli itong humarap para sampalin siya.
Muli siyang napahawak sa pinsgi. Halos magpanting ang tainga niya.
"Nakita kayo ni congressman! Nakita ko rin kayo! Magsisinungaling ka pa ba sa akin?" bulyaw nito na halos umigting ang panga. "
Siguro, ang tinutukoy nito ay ang ginawang paghalik ni Avah sa kaniyang pisngi noong nasa balcony sila ng kuwarto nito. Pero, wala namang malisya 'yon. Natuwa lang si Avah ng mga oras na 'yon dahil sa pagtaas ng mga grado nito, sa tulong niya.
"Kung hindi lang dahil sa mom n'yo, inabandona na kita," muling pahayag ng ama. "Para sa alaala niya, ako na ang bahala sa pag-aaral mo hanggang makatapos ka. Ayusin mo na ang mga gamit mo at huwag na huwag ka nang magpapakita kay Avah, naintindihan mo?"
Mayor ang dad niya nang mga panahong 'yon, kaya't sunod-sunuran ito sa kagustuhan ng congressman pa lang noon na si Mr. Lopez, ang ama ni Avah.
Wala siyang maidahilan sa matalik na kaibigan patungkol dito. Isa pa, ayaw niya ring suwayin ang ama, kaya kahit labag sa loob niya, sinabi niya ang isang malaking kasinungalingan kay Avah.
"Oo, Avah. Ayaw na kitang makita. Kahit na kailan."
Kahit masakit para sa kaniya, pinutol niya ang ugnayan nila.
Sa paglipas ng mga taon, naging abala man siya sa kaniyang pag-aaral at sariling buhay, alam pa rin niya ang nangyayari kay Avah. Laking pasasalamat niya na naging kilala itong celebrity, kaya kahit malayo siya rito, palagi niya pa rin itong nakikita sa radyo, telebisyon, maging sa internet.
Dinaig pa niya ang isang fan dahil kabisado niya ang awitin ng grupo nito. Napapanood niya rin ang lahat ng nagawa nitong pelikula at serye, maging ang mga programa nito.
Kaya nga nang magbalik siya sa bansa, ang una niyang hinangad ay ang malapitan at makausap ito. Hindi niya 'yon magawa noon dahil wala pa siyang maipagmamalaki rito. Pero ngayon, alam niyang may karapatan na siya. May sarili na siyang kumpanya na pinaghirapan nilang itayo ni David. Kaya nga nagkaroon na siya ng lakas ng loob na magpalit ng pangalan, para hindi na niya kailanganin pa ang apelyido ng ama.
Gusto na niyang magpaliwanag kay Avah kaya nagpunta siya sa victory party ng movie nito, pero hindi ibinigay ng pagkakataon na magkita sila.
At ngayon, sobrang malaki ang naging pagsisisi niya dahil mukhang nahuli na siya.
Naistorbo sa malalim na pag-iisip si Anthony nang tumunog ang phone niya. Tumatawag si David kaya agad niya itong sinagot.
"Bro, may malaki tayong problema," pagbungad nito.
"Ano 'yon." Walang interes niyang wika.
"'Yong babaeng kasama ko... kasi..."
Nangunot ang noo ni Anthony. "Bakit? Anong problema niya? Nasa ospital na ba kayo?"
"Oo, nandito na kami," pahayag nito. "Pinapakuha ko na siya immediately ng mga test na kailangan. Kaso..."
"Ano bang problema? Bakit hindi mo masabi?"
"Mukhang may amnesia 'yong babae. Wala siyang maalalang kahit na ano. Titingnan ko pa kung anong magiging findings ng doktor," paliwanag nito.
Napasapo sa ulo si Anthony. Masyado na siyang maraming inaalala para dumagdag pa ang babaeng iyon. "Hintayin na lang muna natin ang sasabihin ng doktor. Kailangan niyang mai-report sa pulis kung ganoon."
"Natawagan ko na 'yong contacts ko sa Quezon Police. Nag-send na rin ako ng picture niya roon, baka makatulong," tugon ni David. "Pero, okay ka lang ba? Kumusta riyan?"
Napayuko siya. Hindi niya magawang makasagot kaagad. Napabuntong-hininga na lang siya.
"Anthony, nandiyan ka pa ba?"
"Oo. Okay lang ako, huwag kang mag-alala," pagsisinungaling niya na napatingin sa kaniyang sapatos.
"Don't worry. I'm sure, makikita rin siya kaagad," pagpapalakas-loob ng kaibigan.
"Alam ko," pahayag niya. Dahil iyon lang ang tanging panalangin niya ngayon.
Nang matapos ang pag-uusap nila, medyo may ipinagtaka naman si Anthony sa babae. Kung wala itong kahit na anong maalala, bakit nito kilala si Avah? Bakit ganoon na lang ang reaksyon nito sa nangyari? Umiyak pa ito kanina at nagawa pang lumusong sa dagat.
Magkakilala kaya ang dalawa?
***
Maya'tmaya ang pagtingin ni Joan sa malaking relo sa salas. Pasado alas dos na nang hapon pero wala pa rin ang kaniyang Ate Cindy. Ni hindi na nga siya nakapasok sa school dahil sa pag-aalala. Ang sabi nito ay umaga ito uuwi. Ni hindi nga nila ito makontak. Hindi rin ito nagsabi kay Auntie Juana kung saan talaga ito pupunta. Pansamantala tuloy itong pinalitan ng kaniyang Ate Kristina.
Napatingin siya sa pinto nang bumukas 'yon. Kaagad na tumayo si Joan pero muli siyang nadismaya nang makita ang kaniyang Ate Nicole.
"Nakakainis talaga si Ate Cindy!" pagmamaktol nito na padabog na isinalampak ang black shoes nito sa istante sa gilid. "Ang sabi niya, ngayong araw niya ibibigay ang pang-tuition ko, pero wala naman pala siya!"
"Hindi pa rin siya nakakauwi, Ate," pahayag ni Joan.
"Hindi pa rin? Wala ba siya sa chicken house?" usisa ng maarteng kapatid na napataas ng kilay.
"Hindi. Nag-part time siya mula kagabi. At mula rin kagabi, hindi ko na siya ma-contact." Nagsimulang mangilid ang luha ni Joan. "Hindi kaya... may masama nang nangyari kay Ate Cindy?"
"Magtigil ka nga! Baka nandoon lang 'yon at napasarap kasama ng mga kaibigan niya!" bulyaw nito na mabilis nang pumasok sa kuwarto at padabog na isinara ang pinto.
Buong lungkot namang bumulong si Joan, "Pero, mula nang mawala si Mama, wala na siyang naging kaibigan."
***
Tinotoo nga ni David ang sinabi nito na ipapa-confine siya. Hindi naman hinayaan ni Avah na maalis ito sa kaniyang paningin. Nag-aalala siyang baka takasan siya at biglang iwan nito roon. Dahil sa oras na gawin 'yon ng lalaki, hindi niya alam kung saan siya pupulutin.
Kakaba-kaba nga siyang pumasok sa isang room para magpa-MRI. Ang tagal niya roon at paglabas niya, hindi niya nakita si David. Akala talaga niya, lumayas na ito. Iyon pala, tumawag lang ito para magbalita kay Anthony—ang kaibigang nakilala niya bilang Simon. Wala pa rin daw balita tungkol sa katawan niya, habang ang kasama niyang lalaki, halos mabaliw-baliw na dahil sa nangyayari sa kaniya.
Nakausap na kasi nila 'yong doktor, at ibinalita nga rito na mayroon siyang selective amnesia sanhi ng matinding trauma. Talaga namang kahit na sino, mato-trauma dahil sa nangyari sa kaniya. Ang problema, mema-imbento lang ang doktor na 'yon, kasi naaalala naman niya kung sino siya. Hindi lang niya puwedeng sabihin sa mga ito, kasi nga ayaw niyang makulong sa mental.
Sino ba namang maniniwala sa kaniya?
Ang sabi pa ng doktor, bukod sa memorya niya, wala namang ibang problema sa katawan niya. Malakas pa nga raw siya sa sampung kalabaw. Puwede nga rin daw siyang isabak sa Olympus Games.
At dahil nga roon, maaaari na raw siyang lumabas din kaagad.
Kinahapunan, walang magawa si David kung 'di isama siya patungo sa tutuluyan daw nito sa Lamina. May mga kaibigan daw itong babae na puwedeng pagbilinan sa kaniya, habang wala pa itong balita tungkol sa katauhan niya.
Nasa intersection na sila paliko sa Express kaya nagsisimula na rin ang pagsisikip ng trapiko. Patigil-tigil tuloy ang sasakyang minamaneho ni David.
Sakay ng kotse, nagtutumanggi naman siya. "Ayaw ko nga, malay ko ba kung sino 'yang mga kaibigan mo! Doon na lang ako sa inyo."
"Mababait ang mga kaibigan ko," paniniguro ni David na saglit na napalingon. "Malayong-malayo sa 'yo," bulong pa nito nang idiretso na ang tingin sa kalsada.
"Anong sinabi mo?"
"Wala." Nagpilit ito ng ngiti ng saglit na mapalingon sa kaniya. Saka naman ito may naalala. "Sandali? Okay lang sa 'yo na sa amin ka tumuloy? Dalawang lalaki sa condo ang makakasama mo. Sigurado ka ba?"
"Ano naman? Mabait naman si Simon." Pinagmasdan niya ang mukha ni David. "Hindi ko lang alam masyado sa 'yo, pero, mukhang harmless ka naman." Napatango-tango siya.
Natigilan si David at tinitigan siya nang maigi. "Bakit Simon ang tawag mo kay Anthony? Ilang taon na siyang nagpalit ng pangalan. At ayaw na niyang naririnig ang pangalang 'yan."
"Bakit?" Nangunot ang noo ni Avah.
"Teka lang..." Napatingin na ito sa kung saan, saka muling lumingon sa kaniya. "Hindi ba sinabi mong wala kang naaalala?"
Kabadong napatingin pabalik si Avah.
"Kaya paano mo nalaman ang dating pangalan ni Anthony... na parang kilala mo siya?"