Chapter 18

1602 Words
Napahinto si Avah sa pagpalag nang tuluyan niya itong makilala. Bakit ngayon niya lang napansin? Dahil ba gulong-gulo ang isipan niya sa lahat ng nangyayari? Paanong narito ito sa kaniyang harapan? Paanong hindi niya agad nakilala ang kaibigang umabandona sa kaniya, magsa-sampung taon na rin ang nakararaan? "Totoo bang sa ibang bansa ka na pinag-aaral ng dad mo?" tanong ng kinse anyos na Avah noon. Patuloy ang pagdaloy ng malalaking patak ng luha sa kaniyang pisngi. Papalubog na ang araw, ngunit may kakaunti pa ring sinag na tumatama sa kaniya roon sa rooftop. Nakahiga ang lalaki sa isang bench doon at ayaw man lang siyang pagtuunan ng pansin. "Simon, sumagot ka sa akin!" bulyaw niya na halos umalingawngaw roon. Tumagilid lang ito sa kinahihigaan habang may nakatakip na libro sa mukha. "Oo." "Wala ka man lang bang ibang ipapaliwanag sa akin?" pag-iyak niya na ngayon ay basang-basa na ang pisngi. "Bakit hindi mo sinabi kaagad?" "Doon na ako gustong pag-aralin ni Dad. Anong magagawa ko?" wika nito na tila hindi man lang nababahala. "Isa pa, hindi naman big deal 'yon." "A-ano?" "Mas okay 'yon," usal ni Simon habang nakatagilid pa rin. "Nakakasawa na kayang maging bodyguard mo." "A-anong sinabi mo?" Hindi siya makapaniwala sa narinig. "At least doon, magagawa ko na ang lahat ng gusto ko. Hindi ko na kailangang sundan ka kahit saan ka magpunta." Narinig niyang napatawa pa ito. "Seryoso ka ba sa mga sinasabi mo?" tanong ni Avah na mas lalo pang bumigat ang kalooban. "Oo, Avah. Ayaw na kitang makita. Kahit na kailan." Matalim ang pagkakasabi nito na halos dumurog sa puso niya noon. At pagkalipas ng ilang taon, ngayon niya lang ulit ito nakaharap. "Tigilan mo na ang kahibangan mo at bumalik ka na sa kotse," mariing pahayag ng lalaking kaharap niya. "Anthony ba talaga ang pangalan mo?" usisa ni Avah habang tinititigan pa rin ang mukha nito. Hindi ito sumagot at inalalayan na siya papasok ng kotse. Pagkasara ng pinto ay muli siya nitong ibinilin kay David. Habang siya, nakasilip lang sa mukha nito. Saglit pa itong napasulyap sa kaniya, ngunit muli itong bumalik sa pakikipag-usap sa kaibigan. Hindi niya maintindihan kung bakit ganito na lang ang pag-aalala nito sa kaniya. Malinaw na sinabi nito noon na ayaw na siya nitong makita. 'Di niya alam kung bakit ganito ang inaakto nito ngayon. Sumakay na si David at pinaandar na nito ang kotse. At wala siyang magawa kundi ang lingunin ang lalaking 'yon habang papalayo na ang kanilang sinasakyan. *** Magmula pa kagabi, hindi na mapakali si Hannah dahil sa balitang usap-usapan na sa buong bansa. Kahit nasa Glamour siya at abala sa pagpapraktis ng sayaw, hindi niya maiwasang mangilid ang luha. Para namang hindi nababahala ang mga kagrupo ni Avah, na sina Erica at Rhian na nakukuha pa ngayong magtawanan. Nang magpahinga sila, nanatili siya sa isang tabi hawak ang phone. Naghahangad siyang may masagap na magandanag balita roon. Bigla namang lumapit si Erica at inakbayan siya. "Masyado ka namang nag-aalala kay Avah. Naniniwala ka ba talagang nahulog siya sa dagat?" tanong sa kaniya ng babaeng may blonde na buhok. "Bakit? Tingin n'yo ba, hindi totoo 'yong balita?" usisa niya na tiningnan ang mukha nito. "'Iyon? Totoo?" Napahagalpak ng tawa si Rhian. "Hindi tanga si Avah para basta magpakamatay kagaya ng sinasabi sa news." "Of course, at hindi rin kami tanga para maniwalang nagpakamatay siya by jumping in the middle of the sea." Napatango-tangong pahayag ni Erica. "I'm sure, pakulo lang 'yan ni Avah para makaganti kay Hector," dagdag pa ni Rhian. "Yeah, right," pag-ayon ni Erica na napakibit-balikat. "Ang hindi ko maintindihan, bakit ito pinapatulan ng media?" "They are so stupid para maniwala sa dramang 'yan ni Avah!" wika ni Rhian. "Pero, sana naman bumalik siya bago ang launching ng album natin, ano?" "Hay...kawawa naman si Hannah. If ever, baka 'di ka makapag-debut," pang-aasar ni Erica na napanguso pa. "Don't worry, babalik din ang babaeng 'yon." "Hindi ba talaga kayo nag-aalala sa kanya?" mahinahong tanong niya. "Kami? Mag-aalala?" Nanlaki ang mata ni Rhian kasabay ang pagngiti. "Kanino? Kay Avah? Asa pa siya!" "Si Avah, hindi deserving ng pag-aalala namin." Muli siyang inakbayan ng may katangkarang si Erica. "Sa 7 years namin siyang naging kagrupo, ni minsan, hindi man lang siya nagpakita ng paagpapahalaga sa min." "Mas okay nga kung mawala na lang siya," pahayag naman ni Rhian. Kumawala siya kay Erica at bumaling kay Rhian, "Anong sinabi mo?" Hindi siya makapaniwalang maririnig ang bagay na ito sa mga co-member ni Avah na matagal na nitong nakasama. "Hindi mo pa nakilala nang husto si Avah," sabi ni Rhian na ngiting-ngiti pa rin. "Kakaiba siya sa lahat dahil sarili lang niya ang iniisip niya. Wala siyang pakialam sa iba. Hindi ko nga alam kung paanong in 7 years, natiis ko siya. Si Lizzie lang umiintindi doon eh." "Kaya hindi mo kami dapat sisihin kung bakit ganito na lang ang pagkainis namin sa kanya," wika naman ni Erica. "Ibang klaseng tao ang iniidolo mo. She's not even deserving na hangaan mo." Lihim na lamang na kinimkim ni Hannah ang sama ng loob sa kabila ng naririnig. Wala siyang ibang magawa kundi ang mapakuyom sa kamao. Marami siyang gustong sabihin sa dalawa, pero ayaw namang bumukas ng bibig niya. Napalingon sila nang dumating ang isa sa manager nilang si Edmund, kasama si Beki, ang bagong manager. Lumapit si Rhian para tuksuhin ang baklang manager. "Hala, paano 'yan, wala 'yong alaga mo, baka mapabalik ka sa HR." Muli na naman itong napahalakhak na kala mo, kinikiliti ang tagiliran. "Huwag kayong masyadong masaya," pagsaway ni Tito Edmund sa seryosong tono. "Hindi n'yo ba alam na posibleng ma-postpone ang paglabas ng album n'yo dahil sa nangyari?" "Ano!?" bulalas ng dalawa. "Paano mangyayari 'yon? Tapos na ang lahat ng recording ni Avah, 'di ba?" pag-alma ni Erica. "Oo nga! Hindi ba, inuna n'yo 'yong sa kaniya?" "Kung sa moralidad lang ang pag-uusapan, at may mangyari sa kaniyang hindi maganda, tingin n'yo ba, papayag ang management na basta ilabas ang album n'yo?" paliwanag ni Kuya Edmund. "What? You mean to say, nakasalalay sa pagbabalik niya ang pag-release ng album namin?" nagimbal na tanong ni Erica na umawang na lamang ang bibig. "Oo, kaya ipagdasal n'yong bumalik siya kaagad. Dahil kung hindi." Napatikhim na lamang si Kuya Edmund. "Hindi ko na alam ang mangyayari sa grupo n'yo. Lalo't alam n'yo namang si Avah ang nagdadala sa Empress, 'di ba?" *** Sa kotse, nakakibit-balikat si Avah habang nakatingin sa labas ng dinaraanan nila. Kahit medyo naiirita siya sa kulot at mahabang buhok ng babaeng may-ari ng katawang 'to, 'di na niya 'yon gaanong iniintindi. Natulala na lang siya sa labas ng bintana, kinakain nang malalim na pag-iisip. Matapos nilang umalis sa port kung saan nakahinto 'yong ferry, bumiyahe na sila patungo sa pinakamalapit na ospital. Panay naman ang pagpapaliwanag ni David. Sinusunod lang daw nito ang utos ng kaibigan. "At mukhang tama naman siya. Mukhang malakas ang tama mo," pagbibiro pa nito na nagawa pang tumawa habang nagmamaneho. "Talaga bang Anthony ang pangalan niya?" usisa niya na sinulyapan ang lalaki mula sa backseat. "Hindi ba Simon?" Biglang nanlaki ang mata nito nang mapatingin sa rearview mirror. "Paano mo nalamang 'yon ang pangalan niya dati?" Kung ganoon, tama nga siya. Iyon nga si Simon—ang kababata niyang kasama niyang lumaki. "Bakit siya nagpalit ng pangalan?" tanong ni Avah na napuno ng kuryusidad. "Kilala mo ba siya?" tugon ni David. Hindi siya sumagot at muling tumingin sa labas ng bintana. "Noong magpalit siya ng apelyido, nagpalit na rin siya ng pangalan. Gamit na niya ang apelyido ng mom niya," sagot nito. "Teka, bakit ko ba sinasabi sa 'yo?" Hindi na niya ito tinugunan, ngunit muli itong nagsalita. "Eh, ikaw? Ano ba talagang nangyari sa 'yo kagabi?" "Hindi ko alam," simpleng tugon niya habang nakatuon pa rin ang tingin sa labas. "Wala kang maalala?" laking pagtataka ng lalaki. "Eh ano nga palang pangalan mo?" Muli, hindi siya sumagot. Alam man niya ang pangalan ng babaeng ito, hindi naman niya talaga ito lubusang kilala. Alangan namang sabihin niyang siya si Avah Lopez. Baka maidiretso na talaga siya nito sa mental. "Paano kita matutulungan kung wala kang sasabihin sa akin?" tila namumrublema ng wika ni David. "Ganito na lang. Dadalhin kita sa ospital 'gaya ng sabi ni Simon. Ipapa-confine kita, para ma-overall check up ka. Tapos, magre-report na rin ako sa pulis tungkol sa nangyari sa 'yo." Humarap siya sa lalaki at halos nagmakaawa. "Can you please call your friend? Sabihin mong balitaan niya ako tungkol kay Avah?" Nangunot naman ang noo ni David. "Teka. Bakit parang mas nag-aalala ka pa sa kaniya, kaysa sa nangyari sa 'yo? Kagabi, muntik ka nang mamatay sa gitna ng kalsada." Mariin siyang tinitigan ni David mula sa salamin. "Fan ka ba niya?" "Ha?" "Kung fan ka niya?" Napaiwas si Avah ng tingin. "Ah... oo." "Okay. May tatawagan akong contact ko sa pulis sa Quezon. Pero ngayon, isipin mong mabuti kung ano talaga nangyari sa 'yo, maliwanag?" "Hindi mo ba ako narinig kanina? Sinabi ko sa 'yong wala akong maalala," pagsusungit niya na muling napakibit-balikat. "W-wala kang matandaan?" tila gulat na gulat na wika ni David na biglang nanlaki ang mga mata. "Wala," pag-uulit niya. Iyon ang sinabi niya dahil wala naman siyang kaalam-alam sa nangyari sa babae matapos nilang maghiwalay kahapon. Lalong-lalo na at wala siyang ideya kung paano siya napunta sa katawan nito. "Huwag mong sabihing pati pangalan mo, hindi mo rin alam?" Bumilog ulit ang mata nito. "Hindi nga," pagsisinungaling niya na nagawa pang titigan ito. "Bakit ngayon mo lang sinabi!?" bulyaw ni David na muntik na niyang ikatalon sa kinauupuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD