Nag-uumapaw ang pagkainis ni Avah nang malamang marami na palang nakaabang na reporters, kahit sa basement parking. Bakit nga ba nawala sa isip niya ang tungkol doon?
"Bw*sit talaga 'yang Hector na 'yan!" bulalas niya habang nagngingitngit nang mapapadyak.
Nakarating na siya roon dahil nandoon naka-park ang spare car niya, pero mabuti at nakapasok agad siya pabalik sa elevator, bago pa may makapansin sa kaniya. Huminto siya sa kahit anong palapag. Tumingin din siya kaliwa't kanan kung may ibang tao. Mamaya, may ibang empleyado rito ang isumbong siya sa mga reporter. Mahirap magtiwala sa panahon ngayon.
Pero, mukhang safe naman siya sa palapag na inakyatan niya. Pagkalabas niya roon, saka pa tumunog ang phone niya. At nang tingnan niya, nalaman niyang tawag 'yon na matagal na niyang hinihintay.
Kaagad niya 'yong sinagot, "Hello, Investigator? Anong balita?"
"Oo, Miss Lopez. May Emily Enriquez na nagpa-reserve sa isang exclusive ferry resto, dito sa Batangas. At magboboard siya ngayong gabi," wika ng baritonong tinig.
"N-ngayong gabi?" Halos hindi siya makapaniwala.
"Yes, Miss Lopez. Papunta na po ako roon para makasiguro," tugon nito na may pagmamadali ang tinig.
Napuno naman si Avah ng matinding desperasyon. "Okay, sige. Magkita na lang tayo roon. I-text mo sa kin ang mismong address, maliwanag?"
Matapos ang pag-uusap nila, kaagad na niyang ibinaba ang tawag. Kailangan na niyang magmadali. Wala na talaga siyang oras na manatili rito.
Saka naman niya nakita ang isang taong nakasuot ng bagay na alam niyang makakatulong sa kaniya. Mula sa daang paliko sa isang comfort room, maingat niya itong inabangan. At nang makalapit ito, dali-dali niya itong hinila papasok sa banyo.
Nagpumiglas man ang naalarmang babae, naging mas malakas siya, marahil ay dahil nga sa kaniyang pagiging desperada.
"Ano ba, bitiwan mo nga ako!" paghiyaw ng babaeng nakasuot pa ng helmet.
Nang makapasok na sila, kaagad niyang ini-lock ang pinto ng banyo.
"Anong ginagawa mo? Manyak ka ba—"
Pagharap niya, natigilan ito sa pagsasalita nang makilala siya. Sumilip siya sa ibang cubicle sa pag-aalalang baka may ibang tao roon, pero palagay niya'y wala naman.
Nang makasiguro ay hinarap na niya ito.
"Kailangan ko ng tulong mo," pahayag ni Avah sa babaeng parang pamilyar sa kaniya.
"Ikaw?" 'di makapaniwalang wika nito na agad ding tinanggal ang suot na helmet. Lumitaw tuloy ang kulot at mahabang buhok nito.
"Ako nga, si Avah lopez," pakilala niya at agad din siyang nagpaliwanag. "Ganito, kailangan ko nang makaalis ngayon, pero 'yong mga reporters ay nakaharang sa lahat ng puwede kong madaanan. Kaya, tulungan mo ako."
Napahalukipkip ang babae kasunod ng pagtawa. "Paano mo naisip na papayag ako? Hindi mo ba ako natatandaan? Kanina lang, naaksidente ako nang dahil sa 'yo. Ni hindi ka man lang nag-sorry? Tinakbuhan mo pa ako! Hanggang ngayon nga, masakit pa rin ang tagiliran ko," wika nitong napahawak sa batok.
Agad din itong napakurap nang mapansin ang pagkakamali. "Ah, batok pala."
Unti-unti namang pumasok sa isipan ni Avah ang tinutukoy nito. Kanina noong papunta siya rito, muntik na nga siyang mabangga ng isang motor. Pero wala siyang oras para doon.
"Makinig ka. Nasa desperado na akong sitwasyon. Kailangan ko nang makita ang mama ko—"
"Ako rin, gusto kong makita ang mama ko. Kaso, wala na siya!" pahayag ng babae.
"Babayaran kita, kahit magkano," alok ni Avah na tinitigan ito sa mata. "Pumayag ka lang na ibigay 'yang helmet mo. Actually, makipagpalit ka sa akin ng lahat ng suot mo." Aligaga siyang naglabas ng makakapal na bills mula sa nakasukbit niyang bag. Agad niya rin 'yong iniabot sa babae.
Napansin niya ang paglunok nito habang nakatitig doon.
"Kung kulang pa ito, sabihin mo lang."
Bigla naman itong bumaling sa kaniya, "Tingin mo ba, mabibili mo ang prinsipyo ko?"
Nawawalan na si Avah ng pasensya kaya pinagtaasan na niya ito ng boses. "Nababaliw ka na ba! Hindi ko binibili yang prinsipyo mo. Ang suot mo lang, ang helmet mo, pati 'yong motor mo. May motor ka, 'di ba? Magkano ba 'yon? Sapat na ba ang one hundred thousand?"
"One hundred thousand?" halos maang na wika nito.
"Ibabalik ko rin naman, promise. Kung gusto mo, para makasiguro ka, ipapahiram na ko rin ang kotse ko." Nag-bargain na si Avah ng maaari niyang ma-bargain. "Hindi ko 'yon masasakyan dahil, alam ng mga reporters ang plate number ko."
"One hundred thousand?" pag-uulit ng babae na halos mapatulala na.
"A-ayaw mo pa rin?" Napasuklay na siya sa kaniyang buhok. "Okay. One million," desidido niyang pahayag.
"One million," pabulong nang wika nito.
"Pumayag ka na! Parang awa mo na," mangiyak-ngiyak niyang pakiusap. "Kailangan ko nang makaalis. Hindi ko alam kung ilang oras ang biyahe pa-Batangas. Kailangan ko 'yong motor para makaalis ng premises—"
"One million talaga? Hindi ka nagbibiro?" paniniguro ng babae na napakapit pa sa suot niyang cardigan.
"Mukha ba akong nagbibiro!?" bulyaw ni Avah pero agad niyang pinakalma ang sarili. "I'm sorry."
"Kahit katawan ko pa ang hilingin mong ipagpalit ko sa 'yo, papayag na ako. Deal." At naglahad na ito ng kamay.
Tinanggap niya 'yon at agad na silang nagpalit ng suot. Pumasok siya sa isa sa mga cubicle, at doon naman sa kabila ang babae.
Pagkalabas nila, siya na ang nakasuot ng helmet nito, ng jacket nito na nakapatong sa simpleng asul na tshirt na may tatak ng resto.
Iniabot din nito ang susi ng motor sa kaniya, saka ito nagpakilala. "Ako si Cindy. Paano ako makakasigurong, hindi mo ako niloloko."
"Paano kita lolokohin? Ako si Avah Lopez at mayroon akong isang salita." Ibinigay niya ang phone niya rito. "Ilagay mo rito ang account number mo at nang ma-send ko agad sa 'yo ang bayad."
Napaawang ang bibig ni Cindy na agad kinuha 'yong phone. Mabilis din nitong ipinasok ang mga numero ng account number nito. Makailang ulit pa nga nitong siniguro na 'di ito nagkamali sa pagtipa ng mga 'yon.
Mayamaya rin ay nag-vibrate na ang phone nilang pareho.
Mas lalo pang bumilog ang mata ng babae nang mabasa ang kumpirmasyon mula sa phone na hawak nito. "Totoo ba ito?" usal nito sa sarili.
Iniabot niya rin ang car key niya sa babae at nagpalitan na sila ng impormasyon kung saan naka-park ang motor at kotse ng isa't isa.
***
Naunang lumabas ng comfort room si Avah suot ang complete uniform ni Cindy, with matching unique black jacket. Madaling-madali na nga ito. Mukhang mahalaga talaga ang pupuntahan nito para bayaran siya ng ganoong kalaking halaga.
Naiwan naman si Cindy sa banyo na bahagyang nagsisisi habang nakatitig sa luma niyang phone. Paulit-ulit pa niyang binilang ang mga zero na kasunod ng one. Sigurado siyang anim 'yon. Isang milyon ang nilalaman ng account niya. Bibihira nga 'yong umabot ng sampung libo. Kapag sahod niya at nagkakalaman ang card niya, kadalasang nasa walo o pitong libo lang 'yon, na mabilis ding nawawala at tila nahipan ng hangin. Dumadaan lang doon.
Nababaliw na yata siya. Pero kung tutuusin, malaki na ang perang 'yon para mabayaran niya ang lahat ng pinagkakautangan nila. Sapat na 'yon pang-college ni Nicole at ni Bobby. Actually, palagay niya, sobra-sobra na 'yon pang-budget nila sa isang taon.
Muli siyang napalunok.
"Mali ito. Anong ginawa ko?" Kaagad bumuhos sa kaniya ang matinding pagkabahala. "Ano nang pinagkaiba ko sa mga opurtunista?"
Kahit bahagya siyang nanghihinayang, pinindot niya ang phone para maibalik ang buong halagang 'yon. Dahil hindi siya tinuruan ng mga magulang na manamantala ng iba.
Lumabas na rin siya para makababa sa basement parking. Sakay ng elevator, pagkababa niya, kaagad bumungad sa kaniya ang mga flashes ng camera. Saglit siyang napapikit at nang dumilat siya, mababakas sa mga mukha ng mga taong nakaabang doon ang pagkadismaya ng mga ito.
"Haist, akala ko naman si Avah na," turan ng isa.
Humakbang na siya para hanapin ang kotse nito. Nakita naman niya ang papadaang pamilyar na motor— ang motor niya kung saan nakasakay si Avah. Napalingon din doon ang mga reporter.
"Sandali, 'di ba? Cardigan 'yan ni Avah?" usisa ng isang babae na nilapitan siya. "Oo, tama. Nakita ko 'yang ipinost niya sa social media niya."
Muli siyang tinutukan ng camera ng mga ito, kasabay ng pagtapat sa bibig niya ng mga mic na hawak ng mga ito.
"Sino ka? Kaano-ano ka ni Avah?"
"Bakit suot mo ang cardigan niya?"
"Alam mo ba kung saan siya nagpunta ngayon?"
Sunod-sunod na ang pagtatanong ng mga ito habang sinasabayan siya sa paglalakad. Medyo nahihirapan tuloy siya. Mahirap palang maging superstar. May ilang guwardiyang lumapit para maalalayan siya. Humarang din ang mga ito sa mga reporter sa gitna ng komosyon.
Madali naman siya sa pagpindot sa car key na binigay ng babaeng 'yon. Nawala na sa isipan niya ang sinabi nito kung nasaan banda naka-park ang kotse. Itinutok na nga niya 'yon sa iba't ibang direksyon hanggang sa may narinig siyang tumunog 'di kalayuan sa kanan. Dali-dali na siyang naglakad sa kabila ng pagdumog sa kaniya ng mga reporter.
Gusto niyang sigawan ang mga ito, pero hindi niya magawa. Patuloy lang sa pagsasalita ang mga ito.
Nang makarating siya sa tapat ng sasakyan ng babae, binuksan na niya ang pinto nito. Mabuti na lang talaga, naturuan din siya ng tiyahin na makapagmaneho.
"Teka, 'di ba kotse 'to ni Avah?" pansin ng isa sa mga babaeng reporter.
"Oo. Pinapahatid niya sa kanila. Nandoon kasi siya sa set nila. Kanina pa nga, eh," alanganing wika niya at bigla na itong nagtakbuhan palayo.
"Oi! Huwag n'yong ipo-post ang pictures ko! Mahal ang portraits rights ko!" pahabol niya pero wala namang nakarinig sa kaniya, bukod doon sa naiwang tatlong guwardiya na napapakamot na lang sa ulo.
Matapos magtinginan ng mga ito ay humakbang na rin palayo.
Nalipat ang atensyon ni Cindy nang tumunog ang kaniyang phone. Message ulit 'yon mula kay Jane. Nag-text na ito ng exact location ng private yacht kung saan gaganapin anag trabahong inaalok nito.
"Sa Batangas?" usal niya sa sarili na napatingin pa sa kaniyang relo. Alas siyete ang simula n'on kaya dapat ngayon pa lang, makaalis na siya para makapagpaalam sa tiyahin nang maaga.
Sumakay na siya sa kotse ni Avah. Magkakapalitan pa naman sila kapag isinauli na nito ang motor niya.
"Promise, last na ito," pahayag niya sa sarili.