BUONG umaga ay tensiyonado si Alaina habang naghahanda sila ng almusal sa kusina. Bago kasi sila magsimula ay pumunta roon ang mayordoma upang sabihin na dumating kagabi si Master Randall Qasim. Lalo lang tuloy niya nakumpirma ang kutob niyang si Randall nga ang lalaking nakita niya kanina.
Nang ihain ng dalawang helpers ang almusal na niluto ng kaniyang ama sa dining area para sa amo nila ay sandaling nakalimutan ni Alaina ang sarili niyang isipin. Nagkatinginan kasi sila ng papa niya. “Sana magustuhan niya.”
Huminga ng malalim si Alaina at ngumiting pinisil ang braso ng kaniyang ama. “Papa, kung hindi niya magugustuhan, e di aalis tayo at bumalik ka na lang sa dati mong trabaho.”
Ngumiti ang kaniyang ama at niyakap siya. “Tama ka.” Kaya mas kalmado na silang naghintay sa kusina. Nang muling bumalik ang mga helper dala ang noon ay wala ng lamang mga pinagkainan at binigyan ang papa niya ng thumbs up ay saka lang sila nakahinga ng maluwag.
“Pinuri ba niya ang pagkain niya?” excited na tanong ni Alaina.
Natawa ang dalawa at umiling. “Hindi ganoong klase ng tao si Master Randall. Mas mahirap makatanggap ng papuri mula sa kaniya kaysa sa mga magulang niya. Pero wala rin naman siya inireklamo at naubos niya ang pagkain. Ibig sabihin gusto niya ang hinanda ninyo,” sabi ng isang helper na ang pangalan ay Rosy.
Nagkatinginan silang mag-ama at sabay na napangiti. Masaya si Alaina na mukhang nakahinga na ng maluwag ang kaniyang ama. Nabalik ang tingin nila sa bukana ng kusina nang sumulpot ang may-edad na mayordoma at bumaling sa kanilang mag-ama.
“Gusto ni Master Randall na makita ang bagong staff members. Sumunod muna kayo sa akin Chef Argel. Ikaw rin, Alaina.”
Bumilis ang t***k ng puso niya at sandaling hindi nakahuma. Bahagyang kumunot ang noo ni Yolly. “May problema ba?” tanong ng may-edad na babae.
Hinamig ni Alaina ang sarili at mabilis na umiling. “Wala po.”
“Follow me.”
Sumunod silang mag-ama sa mayordoma patungo sa ikalawang palapag at palapit sa pinto na malapit sa dulong silid. Napansin niyang may dalawang matangkad na arabo na nakatayo sa magkabilang gilid ng pinto. Mainit ang panahon pero naka-itim na suit ang dalawa at seryoso ang mga ekspresyon sa mukha. Curious na pinakatitigan ni Alaina ang dalawa. Sumulyap ang mga ito sa kaniya at ngumiti si Alaina. Pero hindi siya pinansin ng mga arabo at ibinalik ang atensiyon sa pagtitig sa harapan na tila mga sundalo.
Kumatok ang mayordoma sa pinto kaya bumalik doon ang atensiyon niya.
“Enter,” utos ng maawtoridad na tinig ng isang lalaki mula sa loob. Binuksan ni Yolly ang pinto at iminuwestra silang mag-ama na pumasok sa loob. Tumalima sila bago sumunod sa loob ang mayordoma at isinara ang pinto.
Isang tingin niya sa silid ay napagtanto ni Alaina na nasa isang library sila. Malaki iyon at sa gitna ay may itim at malapad na lamesa na mas malaki pa sa dining table nilang mag-ama sa apartment nila. May mga papeles, mga libro at laptop ang nakapatong sa lamesa. May malaking leather couch ang nasa tabi ng lamesa na iyon. Subalit wala pang ilang segundo lumampas na sa mga iyon ang tingin niya dahil tila may magnet na humahatak sa atensiyon niya patungo sa isang bahagi ng library na malapit sa floor to ceiling glass windows.
He was there, standing like a king as he gazes outside. Nang humarap sa direksyon nila ang lalaki ay napansin ni Alaina na nakasuot ito ng gray pants at open-collared shirt. Maganda ang tindig nito na parang sa mga modelo. At napansin niya na sa kaniya derekta nakatingin ang lalaki. Wala siyang nababasang emosyon sa malamig nitong mga mata ngunit sigurado siyang nakilala siya nito. Medyo nanlamig tuloy si Alaina at nahiling na sana walang mapansin ang kaniyang ama at si Yolly. Lagot kasi siya kapag nalaman ng dalawa na nag-ikot siya sa loob ng mansiyon kanina na walang permiso.
“Master Randall, I would like you to meet Chef Amador Argel and his daughter, Alaina. They will be in charge of your meals for the next two months,” pakilala ni Yolly sa kanila.
Naglakad palapit sa kanila si Randall pero huminto rin ilang metro ang layo mula sa kanila. Sandaling pinakatitigan nito ang kaniyang ama bago muling ibinalik ang tingin kay Alaina. Mahabang sandali ang lumipas at nakaramdam siya ng pagkailang dahil naramdaman niyang maging ang papa niya at ang mayordoma nakatingin na sa kaniya.
“You can all leave now,” sa wakas ay sabi ni Randall na umupo sa leather couch at inalis na ang atensiyon sa kanila.
“Yes, Master Randall,” sagot ng mayordoma at muling binuksan ang pinto upang makalabas sila.
Subalit bago pa makahakbang si Alaina ay muling nagsalita ang lalaki. “You.” Gulat na napalingon siya. Binubuhay na ni Randall ang laptop na nasa harapan nito at sumulyap sa kaniya. “Bring me something to drink.”
Napakurap si Alaina. Bago pa siya makasagot inalis na uli ng lalaki ang tingin sa kaniya at parang hindi na siya nakikita. “Yes, sir,” nausal na lang niya bago tuluyang lumabas sa library. Natigilan siya nang mapansin ang matamang tingin sa kaniya ng mayordoma. “Bakit po?” tanong niya.
“Maliban kapag nasa dining room, ako lang ang pinapayagan ni Master Randall na makalapit sa kaniya. Kapag may kailangan siya ako ang nagdadala sa kaniya at hindi ang ibang helper dahil ayaw niyang may kung sino-sinong lumalapit sa kaniya. Kaya nagulat lang ako na ikaw ang inutusan niyang magdala ng maiinom,” sagot ni Yolly na nakatingin pa rin sa kaniya.
Hindi alam ni Alaina kung ano ang isasagot kaya bahagya na lang siyang ngumiti. Dahil sa totoo lang ay nagtataka rin siya.
“Baka ayaw ka lang niya istorbohin sa pagkakataong ito, ma’am Yolly,” sabi ng kaniyang ama.
Marahang tumango ang mayordoma at inalis na ang tingin kay Alaina. “Maybe. Anyway, Master Randall prefers coffee. Ipagtimpla mo siya sa kusina at bumalik dito para ibigay sa kaniya.” Iyon lang at tuluyan nang naglakad palayo ang may-edad na babae. Mabilis na sumunod silang mag-ama rito.
“Mabuti na lang kape ang gusto niya. The best ang kape ng unica hija ko eh,” bulong sa kaniya ng papa niya.
Matamis na napangiti si Alaina at kumapit sa braso ng kaniyang ama. “Thank you, papa.” Sana nga totoo ang sinabi nito na masarap siya magtimpla ng kape. Kasi gusto niyang magustuhan iyon ni Randall. Baka sakaling may makita siyang ibang emosyon maliban sa poker-faced expression ng binata.