Chapter 2

1559 Words
“MASTER Randall will arrive tomorrow. You can start your duties by then,” sabi ng mayordoma ng Qasim mansion na nalaman ni Alaina na isa ring pilipina. Hinatid sila ng may-edad na babae sa likod na bahagi ng mansiyon kung saan naroon ang servant’s quarters. Binuksan nito ang isang pinto ng magiging silid nila ng kaniyang ama. May dalawang single bed sa magkabilang gilid ng pader, may pinto para sa isang maliit pero magandang banyo at malaking cabinet sa isang bahagi. “Katulad ni Master Abel, Master Randall is strict and difficult to please. Pero kung gagawin ninyo ng maayos ang trabaho ninyo ay wala kayong magiging problema. Just make sure that you don’t get in his way kapag nandito na siya. He hates it when strangers get near him,” sabi pa ng mayordoma na humarap na sa kanilang mag-ama. “Yes, ma’am,” sabay pang sabi ni Alaina at ng papa niya. Ilang sandaling napatitig sa kanila ang may-edad na babae bago bahagyang ngumiti. “Well, maliban sa mga personal bodyguard ni Master Randall, halos puro Pilipino rin naman ang mga tauhan dito kaya hindi naman kayo mahihirapan mag-adjust.” Kumibot ang mga labi ni Alaina dahil may gusto siyang itanong. Mukhang napansin iyon ng mayordoma dahil umangat ang kilay nito habang nakatingin sa kaniya. “Yes?” Tumikhim si Alaina at sumulyap muna sa kaniyang ama bago muling tumingin sa may-edad na babae at nagsalita. “Kaya ho ba puro Pilipino ang nagtatrabaho dito ay dahil half-filipino si Master Abel?” “No. Ang dahilan ay dahil kay Madam Reira, Master Randall’s mother. Pilipina si Madam Reira at matagal na akong nagtatrabaho para sa pamilya niya noong dalaga pa siya. Nang mag-asawa siya ay sumama ako para maging tagapag-alaga ni Master Randall dahil madalas silang wala ng asawa niya. Ako ang in charge sa supervision ng mga tauhan sa iba’t ibang mansiyon at villa ng pamilya Qasim. Mas gusto ko makatrabaho ang mga kapwa ko pinoy dahil mas kasundo ko sila sa trabaho kaya mga pinoy ang tinatanggap nina Master Abel na helpers.” Namilog ang mga mata ni Alaina. Isa lang ang mansiyon na iyon sa mga bahay ng mga Qasim? Kahit naroon na siya mismo hindi pa rin siya makapaniwala na may mga ganoon talagang pamilya sa mundo. “May tanong pa?” Ngumiti si Alaina. “Last na po. Ano pong pangalan ninyo?” Mukhang ikinabigla iyon ng matandang babae pero nakabawi naman agad. Kumislap sa amusement ang mga mata nito at bahagyang ngumiti. “Yolly. At ikaw?” “Alaina po.” Tumango si Yolly at bumaling sa papa niya. “You have a charming daughter, Chef Argel.” Nag-init ang mukha ni Alaina lalo na nang proud na ngumiti ang papa niya. “Alam ko ho.” Ngumiti ang mayordoma at naglakad na palabas ng silid. “Maiwan ko na kayo. Puwede kayong magtungo sa kusina kapag nakapag-ayos na kayo ng gamit para tingnan kung tama lang para sa inyo ang naka-stock doon. Kung may kulang sabihin ninyo sa akin para makapagpabili.” Nagkatinginan na lamang sina Alaina at ang kaniyang ama nang mawala na ang may-edad na babae. Pabuga ng hangin na ngumiti ang papa niya. “Parang gusto ko na tingnan ang kusina.” “Ako na po ang bahala mag-ayos ng mga gamit natin. Sige na pumunta ka na sa kusina, papa,” taboy niya sa ama. Ginulo muna nito ang buhok niya bago lumabas ng silid nila. Naiwan si Alaina na nakangiti. Huminga siya ng malalim bago nagsimulang ayusin ang mga gamit nila. Balak niyang matulog ng maaga para magising siya ng maaga bukas. Sayang naman kasi kung hindi niya maiikot ang mansiyon habang wala pa ang amo nila. Wala naman siyang gagalawin na kahit ano, gusto lang talaga niyang maikot ang loob. Kaya iyon ang gagawin niya bukas ng umaga habang tulog pa ang lahat.   ALAS singko ng umaga nang magising si Alaina kinabukasan. Maingat siyang bumangon sa kama para hindi niya magising ang kaniyang ama. Sigurado kasi na hindi siya nito papayagan mag-ikot sa mansiyon ng ganoong oras. Kailangan din niya bilisan dahil alam niyang tatlumpung minuto na lamang ay babangon na rin ang papa niya para magtungo sa kusina. Nakakabingi ang katahimikan nang makalabas siya ng silid nila at habang naglalakad paalis sa servant’s quarters at papasok sa mansiyon. Hindi na madilim sa paligid dahil maliwanag na ang kalangitan para sa papalapit na pagsikat ng araw kaya nakikita ni Alaina ang paligid niya. Pagbukas niya ng glass door na nag-uugnay sa loob ng bahay at sa servants’ quarters ay narinig niya kaagad ang mabining lagaslas ng tubig. Curious na lumapit siya sa pinanggagalingan ng tunog. Nakarating siya sa open staircase at namilog ang mga mata nang makita ang indoor water fountain sa gilid niyon. Wow. Sosyal talaga. Maingat na humakbang si Alaina sa mga baitang at nakita na himbis na sarado ay salamin ang nagsisilbing pader ng bahaging iyon ng mansiyon kaya kitang kita ang malaking swimming pool at garden sa labas. Beyond the pool and garden, she can see the sky. Mukhang sa silangan nakaharap ang staircase dahil nakikita na niya ang tanda ng papasikat na araw. Kung hindi lamang sana siya mapapagalitan kapag nahuling nakatayo roon, hihintayin niya ang sunrise. Pero dahil pumupuslit lang siya kaya tumalikod na siya sa scenery na iyon at nagpatuloy sa pag-akyat ng hagdan. Maluwag at malamig sa mata ang ikalawang palapag ng mansiyon. Sa bungad ng staircase ay may maluwag na tila living room na kumpleto sa sofa set at flat screen television na nakadikit sa pader. Pagkalampas doon ay maluwag na hallway. Kada apat na pinto ay may open area sa magkabilang gilid patungo sa mga terrace. Siyempre hindi tinangka ni Alaina na magbukas ng pinto. That’s the line she will never cross without permission.  Ang ginawa na lang niya ay naglakad deretso sa dulong pinto at nang makita ang kanugnog na terrace niyon ay doon siya nagtungo. Napahugot ng malalim na paghinga si Alaina nang humampas sa mukha niya ang malakas na hangin. Napangiti siya at ipinikit ang mga mata. “Paradise,” usal niya sa sarili. Matagal siya sa ganoong ayos nang may narinig siya na kaluskos mula sa kaliwa niya. Nawala ang ngiti ni Alaina at mabilis na napadilat kasabay ng tunog ng binuksang pinto. Nanlalaki ang mga matang napalingon siya. Sumikdo ang puso niya at nanlamig nang biglang sumulpot mula sa nakabukas na pinto ang isang matangkad at morenong lalaki. He’s not wearing anything other than the pajama bottoms clinging low on his hips. Maganda ang pangangatawan nito; wala mang muscle pero hindi rin sobrang payat. He was lean and he looks young. Marahil ilang taon lang ang tanda nito sa kaniya. Bago pa siya makakilos upang tumalilis ng takbo palayo roon ay napatingin na sa kaniya ang lalaki. Nasalubong ni Alaina ang mga mata nito na kulay light gray. Natigilan siya. Hindi dahil sa kakaibang kulay ng mga mata ng lalaki na hindi tugma sa itim na buhok at morenong balat nito kung hindi dahil sa katotohanang malamig at walang emosyon ang mga matang iyon. Kumurap siya at noon lang niya napagmasdan ang kabuuan ng mukha ng lalaki. Hanggang batok at lampas sa mga tainga ang haba ng alon-alon nitong buhok. Makapal ang mga kilay nito subalit maganda ang mga hugis. Ang mga mata ng lalaki ay napaparesan ng makakapal na pilik mata sa itaas at ibaba. Ang ilong nito ay matangos at aristocratic. At ang mga labi ay makurba at mapupula. He was beautiful. The most beautiful man she had ever seen in her young life. Subalit mas mukhang mannequin ang lalaki kaysa tao dahil katulad sa mga mata nito ay walang mababasang emosyon sa guwapong mukha nito. Sa kung anong dahilan ay nagdulot iyon ng kurot sa puso ni Alaina.  Because how could someone so beautiful be so… cold. Bigla ay parang nais niyang haplusin ang balat ng lalaki upang malaman kung mainit ba ang balat nito o kasing lamig ba iyon ng mga mata nito. Kumunot ang noo ng lalaki. “What are you doing?” tanong nito sa malamig at aroganteng tinig. Napakurap si Alaina at noon napagtanto na mas malapit na siya sa lalaki kaysa kanina. Katunayan ay nakaangat pa ang kamay niya at tila hahaplusin ang mukha nito. Namilog ang mga mata niya at nanghihilakbot na napaatras. Ano ba ang nangyari sa kaniya? Kusang gumalaw ang katawan niya bago pa niya napagana ang isip niya. Muli niyang sinalubong ang mga mata ng lalaki na ngayon ay matiim nang nakatitig sa kaniya. “I’m sorry,” usal ni Alaina. Pagkatapos ay mabilis siyang tumalikod at kumaripas ng takbo palayo roon, pababa sa hagdan at pabalik sa servant’s quarters. Pero hindi kaagad siya pumasok sa silid nila ng papa niya dahil kinailangan muna niyang hamigin ang puso niya na napakabilis ng t***k. Subalit nang bumalik sa isip niya ang mukha ng lalaki, ang tinig nito na medyo may accent kahit malinaw naman ang ingles, at higit sa lahat ang katotohanang lumabas ang lalaki mula sa isa sa mga silid sa ikalawang palapag, ay lalong natensiyon si Alaina. Dahil malakas ang kutob niya na nakita na niya ng personal ang taong nakatakda nilang paglingkuran.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD