Chapter 61

2130 Words
Naging seryoso ang tingin ni Khendrey sa dalawang babaeng nakangisi, habang nakatingin sa kanya. Nakita rin niya ang isang maitim na aura na mula sa kinilala niyang Marjorie, patungo kay Clarise. Hindi niya halos maipaliwanag ang awa na nararamdaman niya para kay Clarise, dahil sa kanyang nakikita ngayon dito. Naalis ang kanyang tingin sa mga ito, nang hampasin siya ulit ni Clarise. Tinamaan siya sa kanyang balikat at agad iyong dumugo. "Ako ang kaharap mo, kaya huwag kang titingin sa iba," nakangising sabi sa kanya ni Clarise. Pikit-mata niyang iniinda ang hapdi at sakit, na nagmumula sa kanyang mga sugat. Hindi niya alam kung paano labanan ito, dahil nga wala siyang kapangyarihang taglay. Ang tanging makakatulong lang sa kanya ngayon ay si Kherra. Mayamaya ay bahagya siyang natigilan, nang mawala ang hapdi na nararamdaman niya. Napatingin naman siya sa kanyang sugat at nakita niyang unti-unti itong gumaling. Doon lang niya napansin na nakapalibot sa kanya ngayon ang kulay gintong pixie dust, na mula kay Kherra. Nagawa nitong pagalingin ang kanyang sugat. Nang mawala na ang kanyang sugat, ay napatili pa siya nang muntik na siyang malaglag, kung hindi lang siya nasalo ni Jarryl. Hiniwa ni Yuan ang nakapulupot sa bewang ni Khendrey, kaya nagawa siyang makawala doon. "Ayos ka lang ba, Khen?" tanong sa kanya ni Jarryl. Napatango naman siya bilang tugon dito at sabay silang napatingin kay Clarise. Mula sa ere ay dahan-dahan itong bumaba at nakangisi. "Hindi ko aakalain na may kakayahan din pala kayong dalawa. Medyo nagulat ako sa ginawa niyo kanina," sabi ni Clarise sa kanila. Napagtanto nilang ang kausap nila ngayon ay talagang si Clarise. Ngunit nasisiguro silang kontrolado ito ng dalawang babaeng nasa itaas at pinapanood sila. "Gusto mo pa bang mabuhay?" mayamaya ay tanong ni Khendrey. Nagugulat namang napalingon sina Jarryl at Yuan sa kanya, dahil sa sinabi niyang iyon. Samantalang natawa naman si Clarise. "Sa tingin ko, ako dapat ang magsabi niyan. Gusto mo pa bang mabuhay?" Hindi sumagot si Khendrey at tumingin sa itaas, kung nasaan ang dalawang babae. "Akala ko ba malakas kayo? Bakit kayo gumagamit ng isang walang kwentang tao, laban sa akin? Ganoon na ba kayo kaduwag para gamitin pa ang iba? Nakakaawa pala kayo," matapang na sabi ni Khendrey sa mga ito. Napataas naman ang kilay ni Demeria sa sinabing iyon ni Khendrey. Nasisiguro niyang iniinis lang sila nito. Ngunit, sadyang mainitin din ang ulo niya at nainis sa sinabi ni Khendrey. "Mas maganda kasing manood muna nang laban. Gusto lang namin makita ang kakayahan ng bagong tagapagmana. Ngunit mukhang, mahina pa siya ngayon," nakangising sabi ni Sahara. Napangisi naman si Khendrey at naisip na mas lalo pang inisin ang mga ito. "Ganoon naman pala eh, mahina pa ako ngayon. Ganyan ba kayo makipaglaban? O takot lang kayong mahigitan ko kayo kapag ganap ko nang makuha ang kapangyarihan ko," saad ni Khendrey sa mga ito, na mas lalong kinainis ni Demeria. "Ang tapang mo rin kung magsalita, kahit alam mo namang dehado ka sa labang ito," sabi sa kanya ni Demeria. "Talaga, alam kong dehado ako. Ang tanong, kaya niyo nga ba akong patayin?" hamon niya sa mga ito. Napakunot noo ang dalawa dahil sa sinabi niyang iyon. Maging sina Yuan at Jarryl ay naalarma sa sinabing iyon ni Khendrey. "Khen, huwag mo silang hamunin ng ganyan. Hindi mo alam kung ano ang kaya nilang gawin," seryosong awat sa kanyang ni Jarryl. "Alam ko iyon," sagot ni Khendrey dito. "Talagang hinahamon mo kaming patayin ka, eh no?" narinig niyang sabi ni Demeria at lumipad ito pababa sa kinaroroonan nila. Taas-noo'ng nakatingin si Demeria kay Khendrey, na napangisi. "Hindi kita hinahamon, sinasabi ko lang kung kaya mo nga ba akong patayin. Nandito ba kayo para patayin ako, o makigulo? Dalawa lang naman ang posible niyong gawin eh. Ngunit kung papatayin niyo ako, dapat noon pa. Hindi ako ganoon kalakas, pero alam ko kung paano mag isip. Siguro naman naisip niyo, na ako ang bagong tagapagmana ng kulay gintong pixie dust at alam niyo ang mangyayari sa inyo kapag kayo ang papatay sa akin. Alam ko naman ang kahinaan niyo eh, kundi ang kapangyarihan na taglay ko," nakangising sabi ni Khendrey kina Sahara at Demeria na nakatingin sa kanya ngayon. Nagtataka namang nakatingin si Jarryl at Yuan sa kanya dahil sa kanyang sinabi. Hindi nila naisip na posible pala ang sinabi ni Khendrey. "Ha! Sa tingin mo madadala mo kami sa sinasabi mo?" natatawang saad ni Demeria. "Kherra," tawag ni Khendrey kay Kherra, na agad namang lumapit sa kanya. Iniangat niya ang kanyang kamay at nakita nilang lumabas doon kapangyarihan ni Kherra. "Natuklasan ko mismo sa aking sarili, na maaari kong gamitin ng kapangyarihan ng guardian ko. Hindi man ito kasing-lakas nang inaasahan niyo, nasisiguro kong kahit papaano ay makakalaban kami," seryosong sabi ni Khendrey. Naging seryoso naman ang dalawa habang nakatingin ngayon kay Khendrey. Maging sina Jarryl ay hindi inaasahan ang mga nalaman nila. Hindi nila alam na posible ang sinasabi ni Khendrey, dahil ni minsan ay hindi nila iyon nagawa kasama ang guardian nila. "Posible nga ba iyon?" wala sa sariling sambit ni Yuan at nagugulat na nakatingin ngayon kay Khendrey. "May narinig na akong tungkol sa pagsasanib pwersa ng guardian at ang binabantay niya. Ngunit ang ganitong pangyayari ay hindi ko alam. Wala pang sapat na kapangyarihan si Khendrey, kaya naman si Kherra ang mapapahamak sa gagawin nila," seryosong sabi ni Jarryl, na silang dalawa lang ni Yuan ang nakakarinig. "Hindi mapapahamak si Kherra, nakita niyo nang may lumabas na malakas na aura kay Khendrey di ba? Noong nalaman niyang si Gajeel ang kumidnap kay Heart. May sapat na kapangyarihan si Khendrey, hindi niya pa lang makontrol at mailabas nang kusa," sagot sa kanila ni Jarrah, na bigla na namang lumitaw sa tabi ni Jarryl. Nagugulat namang bumaling si Jarryl sa guardian niya, na bigla-bigla na lang susulpot. Tinaasan lang ng kilay nito dahil sa kanyang naging reaksyon. "Ibig sabihin, posible nga iyong sinabi mo?" tanong na lang niya dito. "Yes, hindi ko alam kung paano niya iyon nalaman. Siguro dahil sinabi ni Kherra, kaya kahit papaano ang makakalaban siya sa dalawang iyan. Tungkol naman sa sinabi Khendrey, na ang kapangyarihan niya ang kahinaan ng dalawang iyan ay totoo. Gold pixie dust ang kahinaan ng mga taga-itim, dahil maaari silang mamatay sa isang atake lang. Ngunit hindi pa rin naman ako siguro kong gagana iyon, makikita lamang natin ngayon kung totoo nga ba iyon," paliwanag sa kanila ni Jarrah. Napatango-tango naman sina Jarryl at Yuan sa sinabing iyon ng guardian ni Jarryl. Mayamaya ay tuluyan na silang lumapit kay Khendrey at tumabi dito. "Khendrey, sigurado ka ba sa naiisip mo?" tanong ni Jarryl dito. "I will try," tugon naman ni Khendrey. Hindi na nila nagawang magsalita pa at seryoso nang tumingin ngayon sa dalawang babaeng nasa harapan nila, na handa na ring sumugod sa kanilang dalawa. Subalit, agad silang napatalon, nang hampasin sila ng latigo ni Clarise na bahagyang dahan-dahang bumaba mula sa ere. "Ako ang kalaban mo ngayon, Khendrey," seryosong sabi ni Clarise at muli inihampas ang latigo patungo kay Khendrey. Naiwasan naman iyon ni Khendrey at lumipad sa ere. Nagugulat pa rin sina Jarryl sa kanilang nakikita ngayon kay Khendrey. Pakiramdam nila ay marami na itong alam sa pakikipaglaban, sa mga taong may kakayahang gumamit ng kapangyarihan. Alam nilang may kakayahan itong makipaglaban, ngunit hindi nila inaasahan na kaya rin pala nitong makipagsabayan. "Ahh, kaya mo pa lang lumipad ah?! Sige, maghabulan tayo!" sigaw ni Clarise at lumipad rin patungo kay Khendrey. Samantalang si Khendrey ay nagugulat pa rin. Kanina lang sinabi sa kanya ni Kherra, na gamitin ang kapangyarihan nito para makalaban siya at sinabing magtiwala rin siya sa kanyang kakayahan. Kaya naman hinayaan niyang gawin ni Kherra ang nais nitong gawin, ganoon rin siya. Sanay na siya sa pakikipaglaban at nagsasanay siya, lalo na sa paggamit ng latigo at mga sandata. Hindi man siya makagamit ng sandata ay alam niya sa kanyang sarili na may magagawa siya para makalaban ngayon kay Clarise. Habang lumilipad siya sa ere, gamit ang kapangyarihan ni Kherra, nakita niyang nakasunod sa kanya si Clarise. Kaya naman, bigla siya huminto at bigla itong sinalubong. Dahil sa ginawa niyang iyon ay nagulat si Clarise at hindi agad nakahinto. Kaya naman nagawa ni Khendrey na suntukin si Clarise sa bandang dibdib nito. Napadaing ito sa kanyang ginawa at bumusulok pababa saka bumagsak sa lupa. Dahan-dahan siyang bumaba mula sa ere at tiningnan si Clarise. Nakita niyang dahan-dahan itong tumayo. Napabuntong-hininga na lang, kahit anong gawin niya ay alam niyang dehado si Clarise sa laban nila. Lalo na at kontrolado ito ni Sahara. Hindi rin niya maaaring tuluyang talunin si Clarise dahil nasisiguro niyang kapag ginawa niya iyon ay baka mapatay niya nang tuluyan ang babae. Kaya naman napatingin siya kay Sahara na nakangisi sa kanya. "Pakawalan muna si Clarise," mariing sabi niya dito. "Magagawa lang makawala sa akin ni Clarise, kung matatalo mo ako," sabi sa kanya ni Sahara. 'Mag ingat ka sa kanya, ipapalabas ko lahat ng kapangyarihan ko para mapabagsak mo siya,' narinig niyang sabi ni Kherra sa isipan niya. Hindi na nagawang tumugon pa ni Khendrey. Mayamaya ay biglang lumakas ang kapangyarihang lumalabas sa kanya at sa isang iglap ay nagawa niyang makalapit agad kay Sahara. Inatake niya ito ng suntok, ngunit agad itong naiharang ang dalawang kamay nito, bago ito napaatras. "Nakakabigla ang kilos mo ngayon, mukhang napakalakas ng guardian mo. Ngunit hindi m—" Hindi na nito natuloy ang sasabihin, nang mapansin ang nangyari sa kanyang kamay. Nakita niyang unti-unti itong nangingitim. Maging ang latigo na hawak ni Clarise kanina ay nakapulupot sa bewang nito. Hindi ito makapaniwala sa nangyari at nagugulat na napatingin ngayon kay Khendrey. "Di ba nga, sabi ko saiyo? Na kahit dehado ako ay may mailalaban ako," nakangising sabi ni Khendrey dito. "You! Ah!" napadaing ito, nang bigla niyang hilain ang latigo. Mula sa kamay niya ay pinalakas niya ang kapangyarihan niya at naging kulay ginto ang latigong hawak niya, na mas lalong nagpadaing kay Sahara. "Sige, subukan mong gumalaw at talagang dito ka mamamatay," mariing sabi ni Khendrey dito. "Sahara! You b*tch!" narinig niyang galit na sigaw ni Demeria. Agad itong lumapit sa kasama nito, ngunit hindi ito hinayaang mangyari ni Khendrey. Hinigpitan niya ang latigong nakapulupot ngayon kay Sahara. "Sige, subukan mo siyang hawakan at pareho kayong mamamatay," banta niya dito. Napahinto naman sa paglapit si Demeria kay Sahara at masamang tiningnan si Khendrey. Iniangat ni Khendrey ang isa niyang kamay at mula roon ay lumabas ang kapangyarihang mula kay Kherra. "Nakita mo naman kung paano nasaktan ang kasama mo kanina, di ba? Kapag tinamaan siya nito ay siguradong mawawalan ka nang kasamahan. Kaya naman dalawa lang ang gusto kong gawin niyo ngayon," mariing sabi ni Khendrey sa mga ito. Hindi naman magawang magsalita ng dalawa, dahil sa sinabing iyon ni Khendrey. Hindi sila makapaniwala na mababaliktad ang sitwasyon nila ngayon. Nagkatinginan naman si Sahara at Demeria. "Sige, anong gusto mong mangyari?" mayamaya ay tanong ni Demeria, na tila ba sumusuko na sa binabalak nitong gawin. "Una, pakawalan niyo si Clarise at ibalik sa dati. Pangalawa, umalis na kayo dito, dahil alam ko namang hindi pa panahon upang maglaban tayo," seryosong sabi ni Khendrey sa kanila. Napasinghal naman si Demeria sa sinabing iyon ni Khendrey. Bigla namang lumitaw sina Jarryl at Yuan, sa tabi ni Khendrey at seryosong tumingin sa mga ito. "Talaga ngang matapang ka na ngayon, dahil ba iyan sa ginawa kong pag atake saiyo? Haha! Sige, pagbibigyan kita sa gusto mo ngayon. Hahayaan namin kayo sa pagkakataong ito. Sahara, pakawalan mo na ang walang kwentang babaeng iyon," sabi ni Demeria. Masama ang loob na ginawa ni Sahara ang sinabing iyon ni Demeria. Inalis niya ang nakakonekta kay Clarise at nang magawa na niya ay bigla na lang nawalan nang malay si Clarise. Pinakawalan na rin ni Khendrey si Sahara at bahagyang natumba dahil sa sugat nito, na mula sa latigong nakapulupot sa kanya. "Madali naman pala kayong kausap. Tatandaan ko ang mga mukha niyo at inaasahan kong magkikita pa rin tayo," seryosong sabi ni Khendrey sa dalawa. Walang salitang inalalayan ni Demeria si Sahara patayo, saka muling tumingin kay Khendrey nang masama. "Magkikita pa rin tayo at sisiguraduhin kong mamamatay ka," mariing sabi ni Demeria at biglang nawala kasama ni Sahara. Nang tuluyan nang makaalis ang mga ito ay saka lang nawala ang kapangyarihan niya, na mula kay Kherra. Agad siyang nahawakan ni Jarryl at Yuan, nang muntik na siyang matumba. "Are you okay?" nag aalalang tanong nila kay Khendrey. "N-Nanghihina ako, k-kayo na ang bahala sa iba," nanghihinang sabi ni Khendrey sa kanila, bago nawalan nang malay. Napabuntong-hininga na lang sina Jarryl at binuhat ni Jarryl si Khendrey papasok sa isang silid. Samantalang si Yuan naman ay binuhat si Clarise at sumunod kay Jarryl.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD