Tatlong Sulat ng Pagmamahal

2566 Words
Chapter 6 Natuwa si Tito nang dumating ako. Niyakap niya ako dahil parang tunay na anak ang turing niya sa akin. Naiiyak siya sa tuwa dahil binigla ko daw siya sa aking pagbisita ngunit mas nabigla ako sa ibinalita niya sa akin. "Sayang hindi kayo nagpang-abot ni Aris?" "Aris? Galing si Aris dito, tito?" "Oo, akala nga niya dito ka lang sa Tuguegarao nag-aaral kaya sorpresahin ka sanang bisitahin. Pero nang malaman niyang wala ka dito ay umalis din siya kinabukasan." "Anong sinabi, tito? Anong hitsura niya ngayon? Tumaba ba, pumayat, pumogi, pumuti na ba siya? Ano..." hindi ko napigilang ihayag ang aking pagkasabik. Natigilan ako ng makita kong parang nagbago ang mukha ni tito. Parang sinusukat niya ang aking pagkatao. "Bakit ganyan yung mga tanong mo saka reaksiyon mo? Parang...parang..." "Hayan parang ano? Tito talaga. Siyempre, nakasama ko dito yung tao. Alam niyo namang siya ang pinakaclose sa akin na nakasama ko sa lahat ng mga nakasama ko sa kumbento. Saka namimiss ko na 'yun no." mabilis kong paliwanag. Mahirap ng mabuking. Alam ko pa namang malakas ang pang-amoy ng tito ko. "Sabi mo e. May binigay siyang sulat para sa'yo. Mabuti hindi ko pa naipapadala sa bahay ninyo." "Sa'n tito?" atat kong paghingi. "Naku ikaw umayos ka ha. Parang may iba akong naaamoy sa'yo. Bilin nga niya, ibibigay ko lang daw sa iyo ang sulat na ito kung sakaling uuwi ka dito ngayong bakasyon pero kung hindi ka daw uuwi hanggang matapos ang summer ay ipapadala ko na lang sa iyo sa Manila. Hindi ko alam kung anong kabuktutan ang ginagawa ninyong dalawa at may nalalaman pa kayong ganito. Kaya ikaw, magtapat ka sa akin kung ano ito." "Tito talaga, pari pa naman kayo, ta's andumi ng iniisip ninyo." "Siya na nga ipinasok na naman ang pagkapari. Kunin mo do'n sa dating kuwarto mo. Nilagay niya sa drawer mo." Dali-dali akong pumasok. Naroon nga ang sobrang balot na balot na sulat. Ilang sobre din iyon. May nakalagay na number 1 at number 2 sa sobre ng sulat. Minabuti kong buksan na lang muna ang unang sulat... Baby Rhon, Kung umuwi ka, baka puwede mong buksan ang susunod na sulat ko sa lugar na pinangako kong iaalay sa iyo. Kung nasa Manila ka naman. Puwede mo na lang buksan ang pangalawang sulat dahil imposible naman yatang uuwi ka pa sa probinsiya para basahin ang sulat ko. Mahal na mahal parin kita. Inihahanda ko lang ang aking sarili para sa muli nating pagkikita." Bhie Aris Nagpalit ako. Hindi ko na inisip kumain o magpahinga man lang. Sobrang excited na kasi akong buksan ang pangalawang sulat. Hindi ko na iyon maipagpabukas pa. Nagulat ang tito ko nang nagmamadali akong umalis. Hindi ko na pinansin ang mga patutsada niya. Sa daan palang ay gustong-gusto ko ng buksan ang sulat ngunit kailangan kong sundin ang pakiusap niya. Napakabilis ng aking lakad papunta sa lugar na matagal ko na ding hindi napupuntahan. Namimiss ko na din ang lugar na iyon. Pagdating ko doon ay nakita ko ang malaking puno na may nakaukit ng pangalan ko at pangalan niya. Halatang bago pa lamang naukit iyon. Aris- tapos may isang malaking puso- Rhon. Sa loob ng puso ay may nakasulat na "Forever". Napangiti ako. Di ko namalayan ang pag-agos ng aking luha. Mahal parin ako ng baby ko. Mahal na mahal parin niya ako. Dali-dali kong binuksan ang pangalawang sulat niya sa akin. Hi baby ko, Kumusta naman ang pag-aaral? Pasensiya ka na kung hindi ako nakapunta noong graduation mo hindi ko kasi alam kung anong eksaktong date saka busy din sa trabaho at pag-aaral. Ikaw po ang nagbibigay ng lakas para ituloy ko lang ang lumaban. Ikaw at ang lugar na ito ang tanging pangarap kong makamit. Sana makapaghintay ka. Gusto kong magpakita sa iyo kung kailan handa ko ng ibigay sa iyo ang buong oras ko at ang lugar na ito. Gusto kong dito tayo tumira malayo sa pagkutya ng ibang tao. Alam ko hindi nila maiintindihan ang ating pagmamahalan ngunit ang mahalaga ay tayo. Ang importante ay masaya tayo sa pinili nating buhay at wala tayong inaapakan o sinasaktan. Alam kong maiintindihan ng Diyos dahil wala tayong ibang ginawa kundi ang magmahal. Ikaw, ako at ang magandang lugar na ito ang magiging lakas ko para pag-igihan ang pag-aaral. Sa iyo ko iaalay ang lahat ng ito bhie. Bigyan mo lang ako ng sapat pang panahon. Masakit sa akin na hindi ka nakakasama sa mga mahahalagang okasyon ng buhay mo ngunit wala akong magawa. Hindi man kita nakakasama ngayon, hindi man kita nayayakap at nahahalikan ngunit gusto kong sabihin sa iyo na hindi ka nawala sa aking isip. Lagi kang nasa puso ko. Para kang kanser na dumikit at ayaw magamot. Pasensiya ka na kung sa sakit talaga kita inihanmbing. Alam mo naman siguro kung gaano katalino ang baby mo. Iyon lang kasi ang abot ng aking utak. Hindi kagaya mo, matalino. Sabagay alam kong maiintindihan mo ang tinutumbok ko. Hindi ko naman sinasabing isa kang sakit na nagpapahirap sa akin kundi isa kang bahagi ng aking buhay na nagbibigay ng tunay na pag-asa at ligaya. Hintayin mo sana ang tamang panahon ng ating pagkikita. Gusto kong handa na ang lahat sa ating muling pagtatagpo. Magtiis muna tayo ngayon para sa ating mga pangarap. Alam kong mahihintay mo ako. Alam kong ako parin ang nasa puso mo. Darating ang araw na iyon, bhie. Lahat ng pasakit at luha na wala tayo sa piling ng isa't isa ay mapapalitan ng saya. Pagdating ng araw na iyon ay hinding hindi na tayo magkakalayo pa. Pangako...sinusumpa ko 'yan sa iyo. Hanggang sa muling pagkikita. Kung darating man ang araw na may mamahalin kang iba at makakalimutan mo na ako, hindi ako magsasawang hintayin kita dito. Narito lang akong maghihintay sa pagdating mo. Gaano man iyon katagal. Gaano man kahirap. Gaano man kalungkot..maghihintay at maghihintay ako dahil malaki ang tiwala kong hinding-hindi mo ako bibiguin. I love you so much. Aris Naramdaman kong basa ang aking pisngi. Lumuluha ako. Napakasaya ko sa araw na iyon. Parang lalo ako nasabik sa kaniya ngunit kuntento naman ang puso ko. Muli kong binalikan ng alaala ang nakaraan. Siya at siya parin sa puso ko. Mananatiling siya ang aking mamahalin. Hihintayin ko ang araw na ipinangako niya. Kahit gaano man iyon katagal, kahit gaano man kalungkot basta ang importante ay kami ang magkakasama kami hanggang sa huli ngunit paano ang mga umaasa sa akin? Paano na ang aking pagpapari? "Bakit ngayon ka lang?" salubong ni Mama sa akin. "Anong ngayon lang e di ba ang paalam ko dalawang Linggo ako mamalagi kay tito?" sagot ko. "E, kasi may kaibigan kang pumunta dito. Namalagi nga dito ng isang gabi. Kaibigan mo pa sa Cagayan. Binigay ng tito mo ang address natin dito." "Galing si Aris dito 'Ma?" "Yun nga. Si Aris nga. Mabait at magalang na bata. Umalis din siya kinabukasan dahil nga sa may trabaho siyang iniwan. Di daw kasi siya puwedeng magtagal. Tito mo naman kasi, sinabi ko ng bumili ng celphone e, ayaw naman. E di sana kahit papano natext ko kayo do'n na may bisita ka dito." "Ma naman, di pa po uso ang cellphone sa probinsiya. Saka wala pa pong signal doon ngayon." "Sabagay, ngayong taon lang naman na ito nagkauso ang cellphone. Sige na magpahinga ka na muna at kakain na mamaya." "Wala ba siyang sinabi o binilin 'Ma?" "Wala naman." Marami pa sana akong tatanungin pero ayaw kong makahalata si mama. Tama na yung casual lang na parang kaibigan ko lang ang dumalaw. Hindi ko kasi alam kung matatanggap nila ang pagkatao ko lalo pa't wala din naman akong kilalang bakla sa amin pamilya. Hindi ko alam kung paano tatanggapin iyon ni Papa. Nang gabing matulog ako at nang yakapin ko ang unan ko ay parang may matigas na bagay na nakasuksuk sa unan. Inapuhap ko iyon at isang sobre ang nakita ko. Sulat kamay ni Aris. Nawala na naman ang pagod at antok ko kaya binasa ko ang laman ng sulat. Baby ko, Sayang hindi tayo nagpang-abot sa probinsiya saka dito. Hindi bale, habang buhay naman tayo magkakasama kaya kahit hindi muna tayo nagkakapang-abot ngayon at puro sulat ko na lang ang mga naaabutan mo ay isipin mo lang na lagi naman tayong magkasama sa puso ng bawat isa. Naisipan ko kasing magpakita sana sa iyo dito kasi namimiss na din kita kaso wala ka naman kayang napagpasyahan kong mag-iwan na lang ng picture ko. Huwag kang mag-alala nakakuha na ako ng isang album ng pictures mo na kapalit. Di bale kapag magkita tayo, ibabalik ko din lahat ng mga pictures mo na ninenok ko. Namiss na kasi kita kaya isang album ng pictures mo ang kinuha ko kapalit ng tatlong picture na iiwan ko. Pagpasensiyahan mo na munang halik-halikan ito hehe. Basta pag-igihan mo ang pag-aaral mo. Ganoon din ako. Sana habang maaga pag-isipan mong mabuti ang pagpapari. Hindi sa gusto kong maging akin ka ngunit paano tayo kung ganap ka ng pari? Paano kita aagawin sa Kanya kung pag-aari ka na Niya. Paano ako kung sakaling hindi na ikaw magiging akin. Ngunit kung iyon ang gusto mo, sana masabihan mo ako. Nakahanda kong tanggapin ang aking pagkatalo. Magkikita pa tayong muli. Hindi man siguro tayo pinagsasadyan ngayon ng pagkakataon ngunit naniniwala akong kung handa na ang lahat ay mas madali na lang natin ituloy ang ating pagmamahalan. Mahal na maha na mahal at sobrang miss na miss na kita bhie. Baby Aris mo. Tinignan ko ang mga pictures na iniwan niya. Sobrang namangha ako sa malaking ipinagbago niya. Mas lalong gumanda ang katawan. Kahit sabihin ganoon parin ang kutis niya ngunit parang tumingkad ng konti na lalong bumagay sa kanyang kapogihan. Sa kulay at tindig ng katawan, panis si Jericho Rosales sa kaniya. Siguro dahil mahal ko siya kaya walang panama sa kaniya ang kahit sino pang artista. Lalong kinilig ang puso ko. Lalo ko siyang minahal. Lalo akong nabighani. Gustuhin ko mang puntahan siya ngunit hindi niya sinabi kung saan ko siya mahahanap. Maghihintay ako. Habang naghihintay ay pagbubutihin ko ang aking pag-aaral. Wala na sa isip ko ang magpari. Magiging ilaw ako ng pamilya ngunit walang iilawang anak. Magiging asawa ako ngunit hindi ikakasal. Natawa ako sa mga pinag-iisip kong iyon. Dumaan ang tatlong taon ngunit wala na akong balita kay Aris. Ang tanging nagpapalakas sa akin ay ang mga pangako niya. Minsan ay napapaiyak na ako ngunit kailangan kong tibayan ang loob ko. Kailangan kong maghintay. Nakakaya ko pa nung unang taon na hindi kami nagkita, yung pangalawa at pangatlo parang nawawalan na ako ng pag-asa. Sobrang parang pinahihirapan niya ako. Mabuti sana kung alam kong nasa ibang bansa siya. Ngunit nandito lang siya sa Manila. Napakaimposibleng hindi niya magawang bisitahin ako ng isang araw? Ang simpleng pagtatampo ko ay nauwi sa sakit ng loob. Ang sakit ng loob na iyon ang paminsan-minsang nagiging lason sa aking pagtitiwala at pagmamahal. Nagugulo ang kinabukasan ko. Hindi ako makapagdesisyon para sa aking sarili dahil binibigyang halaga ko ang pangako niya sa akin. Kung sana magpakita siya kahit sandali lang. Ang mga batas nga, nagkakaroon minsan ng mga revision sa pagdaan ng panahon, ang simpleng pangako pa kaya mula sa taong minahal mo? Lalo pa't alam kong ang maraming mga sumpa ang patuloy na nasisira. Paano kung ang isa sa mga sumpa niya sa akin ay sira na pala? Paano naman akong umaasa. "Malapit ka ng magtapos anak? Nakapagdesisyon ka na bang magpari?" tanong ni papa sa akin. Hindi ko lang alam kung paano ko sa kanila sasabihin na parang nagbabago na ang desisyon ko. Hindi ko alam kung paano nila maiintindihan kung sasabihin ko sa kanilang nagmahal ako ng katulad ko ng kasarian. "Bigyan niyo pa ako ng sapat na panahon 'Pa para pag-isipan lahat. Bata pa naman ho ako." "Hindi sa pinipilit ka namin anak. Ngunit alam mo naman na ikaw na lang ang pag-asa ng lahat na susunod sa yapak ng tito mo. Lahat ng mga pinsan mo walang interes magpari. Iba nga nakabuntis na't nag-asawa. Ang sinasabi ko lang naman ay pag-isipan mo." "Sige po 'Pa, pag-iisipan ko po." Gusto ko mang magdesisyon na hindi ko na ituloy ang pagpapari ngunit wala pa si Aris. Tatlong mahabang taon na hindi siya nagparamdam o kahit nagpakita man lang. Alam naman niya ang bahay namin? Kaya minsan hindi ko maiwasang hindi magdamdam. Maanong magpakita sana siya kahit isang araw lang sa isang taon. Ano ba yung trabaho niya at pag-aaral? 24/7? Ngunit pinilit kong inintindi. Nagawa kong maging loyal kahit napakaraming tukso sa paligid. Binusog kasi niya ako ng kaniyang mga pangako. Iyon lagi ang mga pinanghahawakan ko. Ang mga sumpa niya sa akin. Masakit nga lang, hindi ko alam kung mahal pa niya ako hanggang ngayon. Ni hindi ko nga alam kung buhay pa siya. Mahirap. Sobrang hirap maghintay at umasa lalo pa't alam kong alam naman niya kung saan niya ako puwedeng puntahan. Mahal pa kaya niya ako? Yung mga magkasama nga, minsan nawawala nang kusa ang pagmamahal. Lumalamig ang pagsinta. Nauuwi sa hiwalayan ang kahit ilang taon ng pagmamahalan. E, kumusta naman iyong tatlong taon namin na hindi man lang niya nagawang magparamdam. Hanggang saan ako dadalhin ng aking walang katiyakang paghihintay? Napalapit na si tito at sa Laguna na siya nadestino. Halos kada Linggo ako sumasama sa kaniya kapag may misa o kasal siyang pinupuntahan. "Sama ka ba sa akin bukas anak?" tanong ni tito na nasa kabilang linya. Sa wakas marunong na siyang gumamit ng cellphone. "Saan ho ba tayo? May kasal, binyag o namatayan?" "Kasal. Kailangan ko ng mag-aayos sa gamit ko. Iba kasi kung ikaw ang umaalalay sa akin. Hindi ko na kailangang sabihin pa ang mga kakailanganin ko." "Sige po. Sasama ako." Kinabukasan ay pinuntahan ko si tito na abalang tinatapos ang mga ginagawa niya sa simbahan. Marami pang tao kaya halos hindi niya ako maharap lalo pa't medyo mahuhuli na kami sa kasal. "Naku kilalang-kilala mo kung sino ang ikakasal ngayon anak, kaya kita tinawag." "Kilalang-kilala? Schoolmate ko ba dati o kaibigan?" "Basta kilala mo siya..." may sasabihin pa sana si Tito pero may lumapit na namang bisita kaya minabuti niya munang harapin. "Iuna mo na ang mga 'yan sa sasakyan, anak. Susunod na ako. Tignan mong mabuti ha at baka may makalimutan tayo?" bilin niya sa akin bago niya muling hinarap ang kausap. Minabuti ko na lang na tapusin ang pag-aayos sa mga dadalhin sa kasal. At sa araw na iyon, tatlong Linggo bago ang graduation ko ng college ay isang trahedyang maituturing ang aking nasaksihan. Isang bangungot na sumira sa aking mga pangarap. Isang napakasakit na kasal ang tuluyang pumatay sa aking mga adhikain. Isang kasal ang tuluyang nagpabago sa aking pasya. Iyon ay ang kasal ng matagal ko ng hinihintay. Ang kasal ng taong labis kong minahal at pinagkatiwalaan. Ang kasal ng taong nangako sa akin. At sa araw na iyon ay para na rin niya akong pinatay. Noon ko sinimulang kinamuhian si Aris. Note From The Author: Read the continuation in my account at h***:://www.dreame.com/ Search my Name: Joemar Ancheta. Follow Me and Read all my old and new novels there!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD