ALEX
NAGISING ako dahil sa sinag ng araw na tumatama sa aking mukha mula sa maliit na awang sa bintana. Napahawak ako sa aking sentido nang makaramdam ako ng kirot doon.
“Fvck!“ malakas kong mura habang nakasapo sa aking ulo. Agad kong hinanap ang aking cellphone upang tingnan ang oras. Mag-a-alas sais pa lamang ng umaga. Hindi ko na maalala kung anong oras ako natulog at kung paano ako nakarating sa aking silid.
Pinilit kong bumangon at kahit pakiramdam ko ay binugbog ang buo kong katawan. Ilang minuto pa lamang ang nakakalipas simula nang magising ako, agad ko nang napansin ang aking suot. Kumunot ang aking noo habang pilit na inaalala kung kailan ako nagpalit ng damit. Hindi ko maalala kung paano ako nakarating dito kaya't malabo rin sa aking kung paano ako nakapagbihis.
Marahil ay dulot lamang nang labis na kalasingan kaya't nakalimutan ko na ang huling mga nangyari kagabi. Sinubukan kong alalahanin ang nangyari simula masaya naming kuwentuhan kagabi. Unti-unti ay bumabalik sa aking alaala kung paanong inihatid ni Klaus si Jordan sa kanilang silid at pagkatapos noon ay bumalik ito upang ako naman ang sunduin.
Kasabay nang pilit kong paggunita sa nangyari ay ang panunumbalik nang naging pag-uusap namin ni Klaus kagabi. Maaaring dahil wala na ang epekto ng alak sa akin kaya't ganoon na lamang ang sakit habang inaalala ko ang kaniyang mga sinabi.
Ngunit ang mas lalo kong ikinabigla nang mapagtanto kong ito ang umakay sa akin pabalik ng aking silid. Ang mga huling bahaging iyon ang nananatiling malabo sa aking isip. Ngunit natitiyak kong ito ang nagpalit sa aking damit dahil tuluyan na akong nawalan ng malay kagabi dahil sa labis na kalasingan.
“D-Did he just take off my clothes?“ turan ko sa aking sarili.
Hindi ko maiwasang uminit ang aking buong mukha dahil sa pagkapahiya. Iniisip ko pa lamang kung paanong nahantad sa harapan ni Klaus ang aking kahubdan ay parang gusto ko nang lamunin na lamang ako ng lupa. Hindi ko lubos maisip ang nangyari kagabi habang wala akong malay.
Hindi naman siguro……no, no, no! He's not that kind of person. Sigurado ako roon. Bagama't hindi naman ito ang unang beses na mahantad sa kaniyang harapan ang aking buong katawan, hindi ko pa rin maiwasang mailang lalo na't iba na ang sitwasyon namin ngayon.
Nagtatalo ang aking isip kung dapat ba akong lumabas at harapin ito matapos ang nangyari o manatili na lamang sa silid lalo na't bukas pa naman ang simula ng aming pormal na trabaho.
Habang nagdadalawang-isip sa susunod kong hakbang ay bigla na lamang akong napapitlag nang makarinig ako ng katok mula sa pinto. Mabilis akong napalingon doon. Malakas ang tahip ng aking dibdib dahil sa labis na kaba.
“Alexis, anak, gising ka na ba?“ boses iyon ni Manang Gina.
Saka lamang ako nakahinga nang maluwag nang mapagsino ang nasa kabilang bahagi ng pinto. Agad akong tumayo at lumapit sa pinto upang pagbuksan iyon.
“Magandang umaga po, Manang Gina,” bati ko rito matapos kong buksan ang pinto.
“Magandang umaga rin. Mabuti naman pala at gising ka na. Alam kong marami ang nainom n'yo kagabi kaya nagdadalawang-isip akong katukin ka. Kaya lamang ay sayang naman ang pagkakataon. Nag-aaya kasi ang Tata Ambet mo para mag-almusal malapit doon sa talon. Maganda ang tanawin doon at presko ang hangin at tubig. Hindi ko sigurado kung tanda mo pa pero madalas kayong maligo roon noong mga bata pa kayo,” paliwanag nito.
Natatandaan ko ang talon na tinutukoy ni Manang Gina. Sadya ngang napakaganda at napakalinis ng tubig doon. Sakto ang lamig ng tubig doon upang mapalis ang pananakit ng aking ulo dulot nang labis na kalasingan.
“Gusto mo bang sumama?“ pahabol nitong tanong.
“Sige po, Manang Gina. Maghahanda lamang po ako ng mga dadalhin,” tugon ko.
“Naku! Tiyak matutuwa ka roon. Nakapagluto na rin ako nang almusal na babaunin natin sa pagpunta roon. Sige at sasabihan ko rin ang iba para makapaghanda na,” turan nito bago akmang tatalikod.
“Po?“ gulat kong saad dahilan upang mabaling itong muli sa akin.
“Oh, bakit parang gulat na gulat ka riyan? Ay, s'yempre at aayain ko rin ang mga kasama mong bisita. Bakit may problema ba?“ kunot-noong tanong nito.
“Ah—eh—w-wala po. B-Baka lang po kasi tulog pa sila,” pagsisinungaling ko.
“Naku! Si Klaus, ayon at kanina pa panay ang sibak ng kahoy katulong ng Tata Ambet mo. Para ngang hindi natulog ang batang 'yon. Napakaaga ay gising na at naghahanap nang gagawin,” saad pa nito. “Oh, s'ya sige na at maghanda ka na. Maya-maya lang ay aalis na tayo,” turan nito bago tuluyang tumalikod.
Napabuga na lamang ako nang malakas na hangin bago muling isinara ang pinto. Tila wala akong ibang pagpipilian kung hindi sumama sa mga ito. Kung sabagay nais ko rin namang balikan ang talon kung saan kami madalas noong maligo sa tuwing magbabakasyon kami rito.
Nagtungo ako sa banyo upang maghilamos at magsipilyo. Matapos iyon ay agad na akong nagbihis at naghanda ng mga gamit na aking dadalhin sa pagpunta sa talon. Balak kong doon na lamang maligo at magbabad kaya't nagdala na rin ako ng ilang pirasong pamalit at saka maliit na tuwalya.
Isinuot ko na ang aking kulay pulang two-piece swimsuit sa ilalim ng aking damit upang hindi ko na kailangang magbihis pagdating doon. Sigurado kasing walang palikuran doon na maaari naming gamitin upang magbihis. Pinatungan ko ang aking swimsuit ng isang maong na short at kulay puting tank top cover up.
Matapos kong maihanda ang lahat ng aking dadalhin ay agad na rin akong lumabas ng aking silid. Nagulat pa ako nang makasalubong ko si Klaus at Jordan pababa ng hagdan.
“Good morning!“ masiglang bati ni Jordan sa akin.
“Good morning,” matabang kong tugon bago dali-daling nilampasahan ang mga ito. Hindi na ako naglakas-loob na lumingon pa kay Klaus. I don't think I have the strengtht to look him in the eye after what happened last night.
Halos lakad-takbo kong tinahak ang hagdan pababa sa sala kung saan naroon ang iba at naghihintay sa amin.
“Oh, narito na pala ang lahat! Tara na at baka tanghaliin pa tayo,” turan ni Manang Gina.
Alam kong nakasunod sa aking likuran ang dalawa kaya't hindi na ako nagtangka pang lingunin ang mga ito. Dali-dali akong sumunod kina Manang Gina patungo sa labas kung saan naghihintay ang sasakyang aming gagamitin patungo sa talon.
Nakakarga na rin ang mga dadalhin at tanging kami na lamang ang hinihintay.
“Hindi tayo kakasya sa isang sasakyan kaya dalawa ang gagamitin natin. Doon na lamang kayo sa Wrangler sumakay. Ayos na kami rito sa jeep ko,” turan ni Tata Ambet.
“Sa inyo na lang po ako sasabay,” mabilis kong turan. Hindi ko na hinintay pang sumagot ang mga ito at mabilis na sumakay sa likod ng lumang customize owner-type jeep na pagmamay-ari ng mag-asawa.
Ang wrangler pick up truck kasi na tinutukoy ni Tata Ambet ay sasakyan ni Dad na sadyang iniwan n'ya rito upang gamitin sa tuwing magbabakasyon s'ya rito. Hindi kasi patag ang daan dito at may mga bahaging malalalim ang putik kaya't hindi uubra ang basta-bastang sasakyan lamang.
Ramdam ko ang pagsunod nila ng tingin sa aking ngunit mas pinili kong balewalain na lamang iyon. Bukod sa nakakahiyang nangyari kagabi, hindi ko rin magawang kalimutan ang naging pag-uusap namin ni Klaus tungkol sa naudlot naming kasal. Matapos naming mailabas ang aming mga nararamdaman ay tila naging sanhi iyon upang muling maging sariwa ang mga sugat ng kahapon.
Mas mabuti nang iwasan ko na lamang ito hangga't maaari. I need to guard my heart or else I might hurt myself in the process.
*
*
*
HALOS sabay-sabay rin kaming nakarating sa talon na aming pagliliguan.
“Wow! Ang ganda naman dito!“ hiyaw ni Tammy nang makababa ito ng sasakyan.
Tila biglang nawala ang mabigat na dalahin ko sa aking dibdib nang masilayan ko ang kulay berdeng kapaligiran. Mas lalong nakagaan ng aking loob ang presko at sariwang hangin na humahampas sa aking mukha. Hindi ko rin maiwasang mapangiti nang marinig ko ang malakas na lagasgas ng tubig na bumabagsak mula sa kabundukan. Talaga nga namang nakakaenganyong maligo sa napakalinaw na tubig doon.
Nagtungo kami sa maliit na kubo na nakatayo sa tabi ng ilog. Ibinaba na nila ang mga baong pagkain sa ibabaw ng lamesang naroon.
“Oo nga! Hidden paradise talaga! Ang suwerte natin at tayo ang nakasama ni Miss Alex at Sir Klaus dito,” tuwang-tuwang saad ni Carlos.
“Sinabi mo pa! Parang gusto ko na agad tumalong sa tubig,” dagdag naman ni Harold.
“Sige na, magsiligo na muna kayo habang inihahanda namin itong mga pagkain,” suhestiyon ni Manang Gina.
“Ayon, ayos!“ sigaw ni Carlos.
“Miss Alex, tara! Ligo na tayo. Pangtanggal ng hangover,” turan ni Tammy sa akin.
Bahagya pa akong natawa sa kaniyang sinabi. “Sige, susunod ako,” tugon ko.
“Kayo, Sir Klaus? Hindi pa po ba kayo maliligo?“ baling ni Tammy sa dalawa.
“No, thank you. Masyadong malamig ang tubig para sa akin. Madali kasi akong sipunin kapag nalamigan,” tanggi ni Jordan.
“I'll stay here with Jordan,” sagot naman ni Klaus.
Tila may kumurot sa aking puso dahil sa naging tugon ni Klaus. Malungkot akong ngumiti nang marinig ko kung paanong mag-alala ni Klaus para sa kasintahan at kung paano niya ito alagaan.
I suddenly feel an urge to get away from them as far as possible.
“Susundan ko lang po sila Tammy,” paalam ko kay Manang Gina.
Pagkatapos magpaalam agad na akong lumapit sa kinaroronan nang tatlo. Bago lumusong sa tubig ay hinubad ko muna ang tank top cover up na aking suot dahilan upang mahantad ang aking kulay pulang bikini. Hindi ko na hinubad ang suot kong short at hinayaan na lamang iyon.
Napakunot ang aking noo nang mamamataan kong nakatitig sa akin ang tatlo habang nakanganga na tila ba namaligno.
“Is everything okay?“ nagtatakang tanong ko.
Mahina akong napatawa nang hampasin ni Tammy si Harold at Carlos dahil tila na-estatwa ang dalawa.
“Gusto n'yong hindi na makauwi ng Maynila nang buhay?“ turan ni Tammy sa dalawa dahilan upang mabilis na mag-iwas ng tingin ang mga ito sa akin.
“Itong mga ito, akala mo ngayon lang nakakita nang porselanang kutis,” dagdag pa ni Tammy.
“Eh, ngayon lang naman talaga kami nakakita nang gan'yan kaganda sa personal. Sa TV lang kami nakakakita nang mala-d'yosang ganda,” wika ni Carlos.
“Mga bolero kayo,” natatawa at naiiling kong saad. Hindi ko alam kung bakit ngunit tila may magnet na humihila sa aking atensyon patungo sa kinaroroonan ni Klaus. Wala sa sarili akong napabaling sa kaniyang gawi. Nahigit ko ang aking hininga nang magtama ang aming mga tingin. Madilim ang mukha nito habang matalim na nakatitig sa akin. Mariin akong napalunok bago mabilis na nag-iwas ng tingin dito.
Muling binatukan ni Tammy ang dalawa dahilan upang magtawanan kaming lahat. Matapos iyon ay lumusong na rin ako sa tubig upang maglangoy.
Agad akong nakaramdam ng ginhawa nang lumapat ang malamig na tubig sa bawat parte ng aking katawan. Saglit kong nakalimutan ang bigat at lungkot na aking nararamdaman. Parang kay sarap ipaanod sa agos ng tubig ang lahat ng aking alalahanin.
Nakailang ulit din akong nagpabalik-balik ng langoy bago ako nagpas'yang umahon saglit. Bahagya pa akong nagulat nang salubungin ako ng nakangiting si Jordan habang may bitbit na tuwalya nang umahon ako mula sa tubig.
“Dinalhan kita ng tuwalya baka kasi lamigin ka.“ Abot-tainga ang ngiti nito habang inaabot sa akin ang tuwalya.
Hindi ko na naman lubos na maintindihan kung bakit ganoon na lamang kabait ang babaeng ito sa akin. Malinaw naman siguro rito na ex-fiancée ako ng fiancé n'ya.
“S-Salamat,” tugon ko bago kinuha ang inaabot nitong tuwalya.
“How's the water? Malamig ba?“ muling tanong nito.
“It's fine,” malamig kong tugon.
“Ay! S'ya nga pala. May dinala akong sun block dito baka gusto mo. Super effective nito at palagi kong ginagamit sa tuwing nasa beach ako,” wika nito. “Halika, lalagyan ko 'yong likod mo,” alok nito.
“No, thanks,” tanggi ko.
“No, you should try this. It's super effective,” pilit nito.
“I'm fine, thank you,” muli kong tanggi ngunit talagang mapilit ito.
Sinubukan pa nitong lumapit sa akin upang ipahid ang lotion na nasa palad nito. “Hindi, subukan mo lang. Here, come,” giit nito.
“Sinabi na ngang ayaw ko, eh!“ bulyaw ko rito kasabay nang marahas kong pagtabig sa kaniyang kamay.
Ngunit laking gulat ko nang hindi sinasadyang napalakas ang aking tabig dahilan upang mawalan ito ng balanse at tuluyang mahulog sa tubig. Nanlaki ang aking mga mata sa gulat habang tila bigla akong napako sa aking kinatatayuan at hindi ko agad nagawang kumilos dahil sa labis na pagkabigla.
“Jordan!“ hiyaw ni Klaus kasabay nang mabilis na pagtakbo at nagmamadaling tumalon sa tubig upang sagipin si Jordan.
Ilang minuto lamang ay naiahon na agad ni Klaus si Jordan mula sa tubig. Akmang lalapit ako rito upang tingnan ang lagay nito nang madilim ang mukhang bumaling si Klaus sa akin at malakas na sumigaw.
“Stay away from her, Alexis!“ galit nitong saad bago mabilis na tumalikod habang buhat sa kaniyang mga bisig si Jordan na nanginginig sa lamig.
Natulos ako sa aking kinatatayuan. Hindi ko magawang kumilos. Ito ang unang pagkakataon na nasigawan niya ako ng ganoon. Sa ilang taon naming nagsama, ni minsan ay hindi nito nagawang pagtaasan ako ng boses. Nananatili itong kalmado at mapagpasensya sa lahat ng pagkakataon.
Malungkot akong napayuko habang naglalaro sa aking isip ang itsura ni Klaus kanina. Puno ng galit ang kaniyang mga mata. Galit na kailanman ay hindi ko nakita sa kaniya. Hindi na nga ito ang Klaus na kilala ko noon.
*************