Chapter Five

2567 Words
"GAGA KA TALAGANG BABAE KA!" Malakas na sigaw ng amo kong babae nang sumala ang tubig sa sinasalinan kong baso at natapunan ko ang platong kinakainan nito. "Pagsasalin lang ng tubig sa baso, hindi mo pa magawa ng tama?!" "S-sorry po." Sagot ko sa maliit na tinig. Nagpakayuko-yuko ako at ganoon na lamang ang gulat ko nang ipaligo nito sa akin ang tubig na isinalin ko sa baso sa harapan nito. Napa-awang ang mga labi ko at bahagya pa akong nanginig sa lamig niyon na unti-unti ang panunuot sa suot kong uniporme. "Iyan ang bagay sa 'yo." Malupit na sabi nito. Nang-uuyam na umangat pa ang gilid ng mga labi. Hindi ako kaagad nakakilos sa kinatatayuan ko ngunit awtomatiko ang pagbalong ng mga luha sa mga mata ko dahil sa awa sa aking sarili. Ni sa hinagap ay hindi ko inakala na aabutin ko ang ganitong klaseng kalupitan sa kamay ng ibang tao. Pakiramdam ko ay ang liit-liit ng tingin ko sa aking sarili sa mga oras na ito. Sa sobrang liit, kahit tapak-tapakan ng iba ay walang makapapansin. "O, ano pang hinihintay mo riyan, Pasko?!" Muling sigaw ng amo ko na ikinapitlag ko. "Ano gusto mo, ako pa ang magpunas sa 'yo?! Kumilos ka na diyan! Diyos ko, bakit ba naman napaka-tnga ng katulong na kinuha ng matandang 'yon!" Naiiling na ipinaikot pa nito ang mga mata at saka tumayo na. "Nawalan na ako ng ganang kumain, sa katangahan mo. Iyang bata, ha. Asikasuhin mo. Baka naman pati 'yan, hindi mo pa magawa ng tama!" Bilin pa nito bago tuluyang tumalikod. Kahit wala na ito sa paningin ko ay hindi pa rin ako kaagad makakilos, dala ng pagkabigla at awa sa sarili. Kung hindi pa naglaglag ang plastic na baso ng alaga ko sa sahig na gumawa ng munting ingay ay hindi pa ako matatauhan. Kaagad akong kumilos at dinampot iyon. Kinuha ko rin ang alaga ko sa high chair at dinala sa silid. Mamaya ko na lang siguro liligpitin ang mesa kapag nakatulog na ang alaga ko. Pero bago iyon ay dumaan muna kaming dalawa sa silid ko upang makapagpalit ako ng damit. Mayroong isang maliit na silid na malapit sa kusina at iyon ang ibinigay sa akin bilang tulugan. Hindi ko na masyadong tinuyo ang sarili ko. Basta nagpunas lang ako ng mukha at pinalitan ang unipormeng suot ko, bago ko muling dinampot ang alaga ko na nagmamarakulyo na. Inaantok na siguro. Pag-akyat namin sa kwarto nito ay nilinis ko muna ito at pinalitan ng damit. Hindi pa man nito nauubos ang tinimpla kong dede ay nakatulog na ito kaagad. Antok na talaga. Ilang sandali pa akong nanatili sa loob ng silid upang tiyaking mahimbing na nga ang tulog ng alaga ko. At nang masiguro na hindi na ito basta-basta magigising ay dinampot ko ang tablet na nakakonekta sa CCTV na nakalagay sa loob ng silid ng bata at lumabas na upang tunguhin ang kusina at magligpit naman ng mesa. Sa loob ng halos dalawang linggo na pananatili ko rito sa Maynila ay ganito ang naging trabaho ko. Mabait naman ang unang ginang na nakausap ko. Siya ang amo ng kaibigan ng madrasta ko. Nanay daw ito ng amo kong lalaki. Ayon dito ay ang isang taong gulang na apo nga raw niya ang aalagaan ko. Kapwa raw kasi may trabaho ang mag-asawa kaya't walang naiiwan palagi sa bata. Ngunit pagdating ko sa bahay ng anak nito ay hindi ko inakala na bukod sa pagiging yaya ng bata, ay sa akin lahat ibinigay ng manugang niya ang lahat ng trabaho sa bahay. Mula sa pagluluto, paglalaba, pamamalantsa at paglilinis ng buong bahay. Umalis daw umano ang kasambahay ng mga ito bago pa man ako dumating kaya't habang naghihintay ng panibagong mahahanap na kasambahay ay ako muna ang gagawa ng lahat ng trabaho. Wala naman sanang problema sa akin. Ang importante ay mayroon akong trabaho. Ang kaso lang, ang iniinda ko ay ang lupit ng amo kong babae. Masyadong magaan ang pingkok nito. Sa konting kibot ay palaging nakasigaw. At kapag minalas-malas pa ako, katulad na lamang kanina ay ibinubuhos talaga sa akin ang kung ano man ang hawak nito. Noon lang isang araw, orange juice naman ang ipinaligo nito sa akin nang ayon dito ay lasang sabon daw ang basong iniinuman nito. Linggo iyon ng umaga. Paalis na sana ako upang magsimba. Nang magpaalam ako rito ay sinabi nito na dalhan ko raw muna siya ng orange juice sa may veranda habang nag-e-excercise siya. Mayroon kasing naka-set up na ilang gym material doon. Wala naman akong nagawa kung hindi sundin muna ang gusto nito. Ngunit hindi ko nga inaasahan ng ginawa nito. Pagka-inom nito sa hawak na baso ay kaagad na umasim ang mukha nito at bago pa man ako makakilos ay ibinuhos na sa akin ang iniinom na juice. "Sa uulitin, aayusin mo ang trabaho mo, nang wala tayong nagiging problema!" Pahabol pa nitong sigaw sa akin habang papalayo ako rito at pabalik ng kusina. Nakasalubong ko pa ang asawa nito na kalalabas lang ng CR na kanugnog ng kusina. Kaagad na nagungot ang noo nito ng makita ako. "Ano ang nangyari sa 'yo?" Hinagod ako nito ng tingin mula ulo hanggang paa. "N-nagalit po si Ma'am. L-lasang sabon daw po ang baso." Sagot ko sa maliit at nanginginig na tinig. Basang-basa ang blouse na suot ko. Parang sinigurado talaga ng amo kong babae na walang matitirang tuyo sa pang-itaas kong damit. Huminga ng malalim ang amo kong lalaki. "Pagpasensyahan mo na ang Ma'am mo, ha. Mainitin lang talaga ang ulo n'on." Pag-aalo nito sa akin. Lumapit pa ito at hinagod-hagod ang likod ko. Dagling napa-angat ang tingin ko rito nang marmdamang bumababa ang hagod nito sa likod ko. Isa pa, mas matagal na iyon kaysa sa nararapat. Nang magsalubong ang aming mga mata ay mayroon akong kakaibang kislap na nakita roon. At ganoon na lang ang paglakas ng tahip ng dibdib ko nang bumaba ang tingin nito sa dibdib ko. Dahil nga nabasa ay bakas na bakas ang suot kong itim na bra, pati na rin ang itaas ng dibdib ko sa may kanipisang tela ng blouse ko. At doon nagpipiyesta ngayon ang mga mata ng amo ko. Mariin akong napalunok at kaagad na lumayo rito. Umangat naman ang isang kilay nito at pilyong ngumisi, bago bumabang muli ang tingin sa parteng dibdib ko. Nag-iwas na lamang ako ng tingin. "A-ahmm... S-sir, magbibihis na po ako. M-magsisimba po sana ako." Naka-angat pa rin ang isang kilay na tumango-tango ito. "Sige na. Kailangan mo ba ng pera?" Pati ang tinig nito ay nagkaroon na ng ekstrang tamis. Mabilis akong umiling sa sinabi nito. "H-hindi po. M-may pera pa namab po ako rito." Tumango-tango itong muli. "Kung may kailangan ka, huwag kang mag-atubiling magsabi sa akin, ha." Akmang lalapit muli ito sa akin ngunit mabilis na akong nakalayo at nakapasok ng silid ko. Pagpasok ay sinigurado ko na naka-lock ang pintuan at saka ako sumandal doon. Ang bilis pa rin ng t***k ng puso ko. Para akong habol ng pitong demonyo sa lakas ng tambol ng dibdib ko. Isa pa iyon sa hindi ko gusto sa bahay na ito. Ang amo kong lalaki. Sa unang dating ko pa lang sa bahay na ito at hagurin ako nito ng tingin mula ulo hanggang paa ay iba na ang nakita ko sa mga mata nito. Pakiramdam ko pa ay hinuhubaran ako nito sa pamamagitan lamang ng mga mata nito. Ipinagwalang bahala ko na lamang iyon dahil baka nga ganoon lang talaga itong tumingin. Mabait naman ito at palaging nakangiti, salungat sa asawa nito na panay namang nakasimangot, kung hindi naman ay naka-ismid. Ngunit habang lumalaon ay nag-uumpisa na ang amo kong lalaki ng padikit-dikit sa akin. Madalas ay kapag hawak ko ang anak niya. Hindi ko na lamang pinapansin dahil iniisip ko ba baka nagkakataon lang at hindi naman talaga sinasadya. Noon lang talaga iyong direkta ako nitong hinawakan na sa pakiramdam ko ay mayroong malisya. Hindi naman ako basta-basta maaaring umalis na lamang dito sapagkat bayad na ang isang buwan ko rito. Ang ibinigay ni Ate Monic sa akin ay naitabi ko pa. Iyon nga lang ay kalahati na lang iyon. Ang kalahati ay nasa madrasta ko na. Saka saan naman ako pupunta kung aalis ako rito? Paano ako uuwi? Paano ang papa ko? Napailing na lamang ako at napahinga ng malalim. Kaya ko pa naman. Ang kailangan ko lang gawin ay iwasang mapag-isa, kasama ang amo kong lalaki. Nang matapos akong magbihis ay muli kong tinungo ang veranda kung saan naroon ang amo kong babae upang magpaalam na aalis na ako para magsimba. Bahagya pa akong natigilan nang makitang naroon na rin pala ang amo kong lalaki at sinasabayan ang asawa nito sa treadmill. Nasa likod ito ng asawa at tila nakakulong ang babae sa mga bisig nito dahil nakahawak ito sa handrails. Kapwa lumingon sa akin ang mga ito. Sa disimuladong paraan ay nag-iwas ako ng tingin sa amo kong lalaki. Iba na naman kasi ang ibinabadya ng mga mata nito. Hinawakan pa nito sa bandang tiyan ang asawa nito at idinikit sa katawan nito habang nakatingin sa akin. "Sige na. Bumalik ka kaagad, may lakad ako mamayang pagkakain ng tanghalian." Walang kangiti-ngiting turan ng amo kong babae. Mahinang tango lang ang isinagot ko rito. Wala naman din kasi akong pupuntahan pagkatapos kong magsimba. Hindi ko naman alam ang pasikot-sikot dito sa Maynila at natatakot ako na maligaw kung sakali at mag-iikot ako. Nang makaalis ako sa harapan ng mga ito, para bang biglang nagluwag ang paghinga ko. Pakiramdam ko ba ay nakawala ako sa hindi nakikitang tali sa leeg ko. Nilakad ko lang ang simbahan. Nasa loob lang naman iyon ng village. Nakita ko ito noong isang araw na nagpunta ako sa palengke upang mamili. Pagdating ko ay medyo marami nang tao sa loob. Karamihan ay mga pamilya na nakatira din sa loob ng village. Sa bandang likuran ko na lamang napiling maupo. Umusod pa ng kaunti ang babae na nakatabi ko. Kimi ko itong nginitian bilang pasasalamat. Ngumiti rin ito sa akin. "Bago ka rito?" Narinig kong mahina nitong bulong sa akin. Maang muna akong tumingin dito upang tiyakin kung ako nga ang kinakausap nito. At nang makitang sa akin nga ito nakatingin ay mahina ko itong tinanguan. "Doon ako kila Mr. Da Silva nagtatrabaho.Ikaw? Saan ka?" Usisa pa nito. Wala namang masama sa tinatanong nito kaya mahina akong sumagot. "Doon kina Mr. and Mrs. Espinosa." Nanlalaki ang mga matang humarap ito sa akin. "Naku, talaga ba, beh? Doon ka nagtatrabaho?" Kunot ang noo na nilingon ko ito mula sa pagkakatingin ko sa nagmimisang pari. "Bakit?" Tuluyan na ako nitong hinarap. Tila nakalimutan na, na nasa loob nga pala kami ng simbahan. "Naku, beh, mag-iingat ka roon, ha. Alam mo ba? Kaibigan ko iyong dati nilang kasambahay. At kaya siya umalis doon kasi minamanyak siya noong amo niyang lalaki." Walang prenong mahina nitong sabi sa akin. Ako naman ang nanlaki ang mga mata sa sinabi nito. Ngunit hindi pa pala ito tapos na magkwento. "At iyong pinakahuling attempt ni Mr. Espinosa, talagang pinasok na siya sa kwarto. Ayun, nagsisigaw siya sa takot. Ang siste pa, hindi siya pinaniwalaan noong amo niyang babae. Pinagbintangan pa siyang nilalandi ang asawa nito." Mariin akong napalunok sa sinabi nito. Ayaw ko mang paniwalaan, at ilagay sa isipan ko na baka tsismis lang ang sinasabi nito ay pilit pa ring nagsusumiksik sa isipan ko ang mga ikinikilos ng amo kong lalaki. May posibilidad talaga ang sinasabi ng babaeng kaharap ko ngayon. Nang sabihin ng pari na lumuhod ang lahat ay halos sabay pa kaming lumuhod ng katabi ko. Ngunit sa akin pa rin nakatuon ang atensyon nito. Magkasalikop ang mga kamay nito na nakadikit sa noo, pero sa akin nakaharap. "Ikaw ba, hindi pa minamanyak ng amo mo?" Akmang sasagot ako nang tumayo ito at magpaalam. "Ay, wait lang susubo lang ako ng Ostia, ha. Diyan ka lang. Pagkatapos tsika tayo ulit." Napapailing na sinundan ko na lamang ito ng tingin. Hindi ko na hinintay pa na bumalik ang babae. Taimtim na lamang akong nanalangin para sa kaligtasan ko at mabilis na paggaling ng papa ko, pagkatapos ay lumabas na ako ng simbahan. Baka kung anu-ano pa ang sabihin nito sa akin. At ayoko rin naman ilabas pa sa ibang tao ang nangyayari sa sambahayan ng pinagtatrababuhan ko. Pagkagaling ko sa simbahan, dahil nga wala naman akong ibang pupuntahan ay dumeretso na ako ng uwi sa bahay. Baka mamaya magalit na naman ang amo kong babae kapag nagtagal ako. Sa likod na ako ng bahay dumaan para hindi mapansin ng mga ito. Nagbihis lang akong muli ng uniporme at ang plano ko ay aakyat na ako sa silid ng alaga ko. Linggo naman noon. Walang pasok ang amo kong lalaki, at kapag ganoon, ay ito ang nagluluto ng pagkain namin. Saktong kasusuot ko lang ng damit ko, at isinasara ko pa ang huling butones nang bumukas ang pintuan. "Nandiyan ka na pala." Humagod sa kabuuan ko ang nagnanasa nitong tingin bago bumalik sa mukha ko. Mariin akong napalunok. "S-sir..." "Pinatatawag ka na ng Ma'am Elsie mo. May ibibilin yata sa iyo, bago umalis." Matiim pa rin ang tinging wika nito sa akin. Nag-iwas ako ng tingin dito. "S-sige po. Susunod na po ako." Napigil ko ang paghinga ko nang lumapit ito sa akin at tumaas ang isang kamay patungo sa dibdib ko. "S-sir..." Bumaba ang tingin nito sa akin at umangat ang gilid ng mga labi. "Inayos ko lang." Pigil pa rin ang hinininga ko nang ilabas nito mula sa bandang leeg ko ang collar ng suot kong uniporme. "Tristan!" Sabay kaming napatingin sa pinanggalingan ng tinig na pag-aari ng asawa nito. "Ang tagal mo naman! Nandiyan na ba si Beatrice?! Anong oras na?! Male-late na ako sa usapan namin ni Marie!" "Yes, Hon! Nandito na!" Yumuko pa ito sa akin at kinidatan ako. "Lalabas na raw siya diyan!" "Bilisan niya kamo! Ano pa ba ang pinaggagagawa diyan ng babaeng 'yan at hindi makalabas-labas?!" Narinig kong sigaw muli ng amo kong babae. "Sige na. Lumabas ka na, at baka lumabas na naman ang sungay ng Ma'am mo." Tila naaaliw pang mahinang untag sa akin ng amo kong lalaki. Nag-alanganin naman ako kung papaano akong dadaan sa harapan nito. At nang sa wakas, ay waring napansin nito iyon ay may nakakalokong ngisi pa sa mga labing tumabi ito sa pintuan at inilahad ang kamay na waring pinararaan ako. Pasimple na lamang akong huminga ng malalim at pinakagilid-gilid ko ang katawan ko upang hindi sumagi rito. Ngunit para naman nananadya, umunat ito ng tayo, saktong pagdaan ko, kaya't dumikit ang harapan nito sa tagiliran ko. Abot-abot na kilabot ang nanulay sa buo kong katawan nang dumikit sa tagiliran ko ang umbok sa harapan nito. Alam kong sinadya nito iyon, base na rin sa pangingislap ng mga mata nito. Hindi na ako nakapagpigil at tinaliman ko ito ng tingin. Ngunit isang kindat lang muli ang isinagot nito sa akin. Nang muli kong marinig ang galit nang tinig ng amo kong babae ay saka pa lang ako muling tuminag. Baka kung ano na naman ang maisipan nitong gawin kapag nagtagal pa ako. Kagat naman ang pang-ibabang labi na napailing-iling lang ang amo kong lalaki habang habol ako ng matiim na tingin. Doon ay naisip ko na baka nga tama ang babae sa simbahan. Kailangan kong mag-ingat sa amo kong lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD