MALUNGKOT NA inikot ko ang tingin ko sa kabuuan ng aking silid. Sigurado ako na mamimis ko ito sa mga susunod na araw ng buhay ko.
Masakit para sa akin na iwan ang bahay na ito. Ang bahay na ipinundar ng mga magulang ko para sa akin. Para siya kong maging kanlungan sa tag-araw man, o sa tag-ulan.
Sa bahay na ito inumpisahang buuin ng mga magulang ko ang pangarap nilang isang masayang pamilya. Dito nila unang hinabi ang kinabukasan, sa piling ng isa't isa.
Dito nila unang ipininta ang kinabukasan ko.
Ang bahay na ito ang siyang naging piping saksi na minsan ay nagkaroon din ako ng isang masayang pamilya.
Sa loob ng humigit kumulang isang taon, ang silid na ito ang nagsilbing sanktuwaryo ko. Magmula nang dumating dito ang mag-inang iyon, ay ito na lamang ang lugar sa bahay na ito ang sa pakiramdam ko, ay payapa ang kalooban ko.
Dito, pakiramdam ko, ligtas ako laban sa mapanghamong mundo.
Dito, pakiramdam ko, narito pa rin at ginagabayan ako ng aking namayapang ina.
Ngunit bukas, paggising ko ay iba na. Ibang silid na ang magigisnan ko. Ibang bahay na ang mamumulatan ko.
Ibang mundo na ang haharapin ko.
Pero para sa papa ko, kakayanin ko.
"Ano ba?!" Pinutol ng magaspang na tinig na iyon ang katahimikan ng aking silid. "Kanina ka pa riyan, ah! Hindi ka pa ba tapos?!"
Pabalandrang bumukas ang pintuan ng aking silid at bumungad doon ang nakabusangot na mukha ng asawang kauli ng aking ama. Bakas na bakas sa mga mata nito ang iritasyon habang nakatingin sa akin.
"Ano ang akala mo, iyong amo mo pa ang maghihintay sa iyo?!" Muli ay bulyaw nito sa akin. Nanlalaki pa ang mga mata habang panay ang kumpas ng hawak na pamaypay, na wari ba ay init na init.
Napatingin ako rito at lihim na napailing. Huminga ako ng malalim at nilunok ang lahat ng masasamang salita na nais lumabas sa aking bibig. Wala na rin namang saysay ang mga iyon sa mga oras na ito. Sasayangin ko lang ang oras at lakas ko.
Isa pa, kaya nga ako nalagay ngayon sa kilalagyan ko ay dahil sa pagpatol ko rito. Kung alam ko lang na ganito ang kalalabasan ng lahat ay sampung beses kong mas pipiliing manahimik na lamang at palampasin ang kamalditahan ng mag-inang ito, kung ang magiging kapalit naman ay ang buhay ng aking ama.
Napansin ko ang kuryosong pag-ikot nito ng tingin sa loob ng aking silid. At hindi ko alam kung dinadaya lamang ba ako ng aking paningin, pero sandali kong nakita ang pangingislap ng mga mata nito sa mga nakita.
Sa lahat kasi ng silid sa bahay na ito, ang silid ko lang ang hindi nila napapasok na mag-ina. Lagi na, sa tuwing aalis ako ay sinisiguro ko na naka-lock ang pinto ng aking silid. Kinuha ko na rin sa cabinet ang duplicate key ko, para masigurong walang sino man sa mga ito ang magtatangkang pakialaman ang mga gamit ko habang wala ako.
Karamihan sa mga gamit sa loob ng silid na ito ay ang namayapa ko pang ina ang personal na bumili. Kaya't talaga namang pinahahalagahan ko ang mga ito. At hindi ako makapapayag na pag-interesan lamang ang mga ito ng mag-inang ito.
"Hintayin mo na lang ako sa ibaba," malamig na agaw ko sa patuloy na pagmamasid nito sa mga gamit ko. "Bababa na ako."
Dagling bumalik sa akin ang mga mata ng madrasta ko at sinamaan ako ng tingin. Muling umikot ang naghahangad na mga mata sa mga gamit ko, bago ako inirapan at padarag na tumalikod na.
"Bilisan mo na riyan, ha! Baka akala mo bakasyon ang pupuntahan mo!" Pahabol pa nitong tungayaw habang papalayo. "Hindi ka magpapasarap doon!"
Napailing na lamang ako.
Isa pa muling ikot ng tingin ang ginawa ko sa aking silid bago ako pabuntong-hiningang tumayo na. Inabot ko ang hindi kalakihang bag na naglalaman ng mga gamit ko at binitbit na iyon.
Hindi naman na ako nagdala pa ng masyadong maraming gamit, sapagkat ayon sa madrasta ko ay yaya naman daw ang papasukan kong trabaho, kaya't nasisiguro ko na magkakaroon ako roon ng pang-araw-araw na uniporme. Ilang mga blouse at maong lang na maaari kong magamit sa tuwing day off ko at nais kong dalawin ang aking ama. O, kung araw ng simba.
Parang may bolang bakal na nakatali sa mga paa ko habang dahan-dahan akong humahakbang papalabas ng aking silid. Kung maaari lang sana ay hindi ko gagawin ito. Ngunit wala na talaga akong ibang pagpipilian. Kailangan kong gumawa ng paraan upang maipagamot ang papa ko.
Matapos kong masiguro na nailock ko ng maayos ang aking silid at tiyaking hawak ko ang lahat ng susi para hindi iyon mabuksan ng mag-inang iyon at matamlay pa ring bumaba na ako ng hagdanan.
Ayon sa madrasta ko ay naroon na raw at naghihintay sa akin ang kaibigan nito na nagtatrabaho sa pagtatrabahuhan ko ring pamilya.
Nasa bukana pa lamang ako ng hagdanan ay naririnig ko na ang mga tinig ng mga ito na nag-uusap. Kung anu-anong mga bagay lang naman, ngunit kulang na lang ay lumuwa ang tonsil ng madrasta ko sa katatawa.
Masayang-masaya ang bruha.
Lihim na lamang akong napairap sa hangin.
Alam ko na masayang-masaya ito sapagkat sa wakas ay masosolo na rin nilang mag-ina ang bahay.
Hustong nakababa na ako nang lumipat sa akin ang tingin ng mga ito. Nakangiti ang babaeng kausap nito, habang kaagad namang napalis ang ngiti sa mga labi ng madrasta ko pagkakita sa akin.
"O, hayan na pala ang anak ni Roberto," matabang na pakilala nito sa akin.
Umingos pa ito at muling humarap sa kausap nito na tila ba walang kwentang paglaanan ako ng kahit na kaunting atensyon. Ni hindi nga nito nagawang banggitin ang pangalan ko.
"O, siya," pabuntong-hininga nito muling sabi. "Lumakad na kayo at baka gabihin pa kayo sa daan." Tumayo na ang madrasta ko na tila inip na inip nang mawala ako sa paningin niya.
Tumango ang babae at tumayo na rin. Hindi pa rin nawawala ang ngiti sa mga labi.
"Handa ka na ba, hija?" Tanong pa nito sa akin.
Isang mahinang tango lang ang isinagot ko rito.
"Nasabi na ba sa iyo ng Mama Valerie mo ang magiging trabaho mo?" Mabait na muli nitong tanong sa akin.
Parang gustong bumaligtad ng sikmura ko sa inaakala nitong tawag ko sa madrasta ko. Kahit na kailan ay hindi nito malulugaran ang posisyong iyon sa buhay ko. Lalo pa ngayon na lumabas nang lubos ang tunay nitong kulay.
Gayon pa man ay hindi pa rin ako kumibo. Sa halip ay maliit ko lang itong nginitian at marahang tinanguan.
"O, pa'no, Val?" Baling ng babae sa madrasta ko. "Aalis na kami at baka nainip na si Alas sa paghihintay sa amin."
May bumakas na pagka-alarma sa mga mata ng madrasta ko. "Teka, paano iyong pinag-usapan natin?"
"Oo nga pala." Anang babae na yumuko sa sling bag na nakapaikot sa katawan nito. Dinukot doon ang isang puting envelope at iniabot sa madrasta ko. "O, hayan. Mabuti na lang at pumayag si Madam na ibigay na kaagad ang sahod ng stepdaugther mo."
Nanlaki ang mga mata ko nang rumehistro sa isip ko ang pinag-uusapan ng mga ito. Ngunit bago pa ako makapiyok ay matatalim ang mga mata na kaagad akong binalingan ng madrasta ko at sinikmat.
"O, may reklamo ka pa? Ano sa palagay mo ang gagastusin ko sa ama mo habang wala ka? At saan kami kukuha ng kakainin naming mag-ina habang inaalagaan ko ang ama mo?" Nanlalaki pati butas ng ilong nitong singhal sa akin. "Magpasalamat ka pa nga hindi ako nanghihingi ng sweldo sa pag-aalaga ko sa ama mo."
Muli ay hindi na lamang ako kumibo. Nilunok ko na lang ang lahat ng mga nais kong sabihin.
Para sa papa ko.
Tumingin ako sa babae, na sa akin din nakatingin. Mayroon akong nababasang awa sa kislap ng mga mata nito.
Huminga ako ng malalim. Pilit kong tinatagan ang dibdib ko. Hindi ko kailangan ng awa 'nino man, sa pagkakatong ito.
"Halika na po. Umalis na po tayo." Wika ko rito sa pilit na pinatatag na tinig.
Alanganin na ang ngiting sumilay sa mga labi ng babae. Waring naramdaman na ang tensyon sa paligid. "S-sige. Tayo na." Muli nitong binalingan ang madrasta ko. "Aalis na kami."
Tumango na lamang ang huli at tila hindi na interesado, sa buwan man kami makarating. Napapaling na napahinga na lamang ng malalim ang babae.
Bumaba ang tingin nito sa bag na dala ko. "Iyan na bang lahat ang dadalhin mo?"
Mahina lang akong tumango. Isang tango din ang isinagot nito sa akin bago ako kinambatan na sumunod na rito.
Paglabas ko ng pintuan ay muli kong malungkot na nilingon ang bahay namin. Para bang biglang naging malungkot ang aura niyon sa paningin ko.
Para bang pati ang bahay namin ay nalulungkot sa pag-alis ko.
Natanaw ko pa ang anak ng madrasta ko na pababa ng hagdanan at nakatingin sa akin. Mayroong nang-uuyam na ngiti na nakapaskil sa mga labi nito. Habang ang ina naman ay abala sa pagbibilang ng perang iniabot sa kanya kanina ng babaeng kasama ko na ngayon.
Paglabas namin ay naroon nga at naghihintay ang isang itim na sasakyan, na sa isang tingin ko pa lang ay alam ko na kaagad na kayamanan na ang katumbas para sa isang ordinaryong tao. Nasa loob niyon ang isang lalaki na nahinuha kong siyang driver, base na rin sa suot nitong uniporme.
Nang makasakay kami sa sasakyan ay nakangiti akong binalingan ng babae. "Ako nga pala si Monica. Pero pwede mo akong tawaging Ate Monic. Ikaw, ano ang pangalan mo? Hindi ko pala naitanong sa Mama--"
"Beatrice po." Putol ko kaagad sa sasabihin nito sa mahinang tinig. Kinikilabutan kasi ako sa itinatawag nito sa madrasta ko.
Alanganin itong tumango. Muli nitong niyuko ang sling bag na ngayon ay nasa kandungan na nito. May inilabas na katulad ng sobre na ibinigay nito sa madrasta ko kanina at inipit sa mga kamay kong magkapatong sa kandungan ko.
Nagtatanong ang mga matang lumipad ang tingin ko rito.
"Kalahati lang ang ibinigay ko sa--" alanganin ako nitong tiningnan bago nagpatuloy. "...ahm, kay Valerie. Naisip ko na baka kailanganin mo rin iyan."
Nang bumaba ang tingin ko sa sobre sa kamay ko ay napangiti ako ng mapait.
Matalino man ang matsing, napaglalalangan din.
"Salamat po."
Mabait na ngumiti ang babae. "Wala kang dapat na ipagpasalamat. Sa iyo naman dapat talaga ang perang iyan. Kaya't hindi ko maatim na ibigay lahat sa Ma--kay Valerie."
Kimi ko itong nginitian at saka kinipit sa kamay ko ang sobre sa kandungan ko.
Sa isip ko ay hindi ko gagalawin ang perang ito, at ang iba pang matatanggap ko hangga't maaari. Sapat naman na marahil ang kalahati ng sahod ko para sa pang-araw-araw na gastusin nila sa bahay.
Para ito sa pagpapagamot ng papa ko.
Nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib nang maalala ko ang papa ko at ang kalagayan nito.
Ibinaling ko sa bintana sa tabi ko ang tingin ko upang hindi makita ng kaharap ko ang pamamasa ng mga mata ko.
Hintayin mo lang ako, ha, Papa. Mahal na mahal kita. Pagbalik ko, mapapaopera na kita.