NAPABUNTONG-HININGA ako nang pagpasok ko sa aming bahay ay bumungad sa akin ang madilim na mukha ng aking madrasta. Base pa lamang sa talim ng mga mata nito ay alam ko na kaagad na hindi na naman maganda ang mood nito. At sa malas, ay ako na naman ang mapagbubuntunan niyon.
Bata pa lamang ako nang pumanaw ang aking ina sa sakit na cancer. Alam ko na hindi iyon naging madali para sa aking ama dahil nakita ko kung gaano nito kamahal si Mama noong nabubuhay pa.
Kasabay ng pagdadalamhati sa pagkamatay ng mahal na asawa ay kailangan pa rin nitong maghanap-buhay upang mag-isa akong itaguyod. Na alam kong lalong hindi naging madali para dito sapagkat noong mga panahong iyon ay nagdadalaga na ako. Mga panahong kailangan ko ng isang ina upang gumabay sa akin.
Nagtatrabaho ang Papa ko bilang teller sa isang malaking bangko sa bayan. Doon nito nakilala ang pangalawang asawa na nagbukas naman ng account sa naturang bangko.
Kahit naman may edad na ang aking ama ay hindi naman kumupas ang gandang lalaki nito, isama pa ang taglay na kakisigan. Idagdag pa na mayroon itong permanente at magandang trabaho.
Good catch, 'ika nga.
Noong una ay nababalitaan ko lamang ang paminsan-minsang paglabas-labas nito kasama ang babae. Hindi ko naman iyon masyadong pinagtuunan ng pansin. Inisip ko na lamang na baka kailangan din naman ng aking ama ang kaunting dibersyon sa buhay at hindi puro trabaho na lamang.
Hanggang sa ang paminsan-minsan ay maging madalas.
Hanggang sa isinama niya na ito sa aming bahay at ipakilala sa akin bilang kasintahan.
Nang una ko itong makaharap ay hindi ko alam kung papaanong kikilos. Sa kabila kasi ng nakangiting mga labi, naroon ang kakaibang talim sa mga mata nito, pati na rin ang hindi mapigilang pag-arko ng mga kilay kapag hindi nakatingin ang aking ama. Lalo na kapag nagagawi ang paningin nito sa mga litrato ng aking ina. Gayundin, ang family pictures namin na nakadisplay sa sala ng aming bahay. Hindi ko naman na iyon pinansin, ni binanggit sa aking ama.
Hanggang sa isang araw ay tuluyan na nitong iuwi ang babae sa aming bahay, kasama ang anak umano nito, na halos ay kaedaran ko lang.
Katulad ng ina ay mapanuri din ang mga mata nito na permanente na yata ang pagkaka-angat ng mga kilay. Ngunit kabaligtaran naman, hindi man lamang ito ngumiti, kahit pakitang-tao lamang nang ipakilala ito sa akin ng aking ama.
Nang mga panahong iyon, pakiramdam ko ay biglang sumikip ang bahay namin.
Kung dati, pagkatapos ng eskuwela ay umuuwi na ako kaagad ng bahay upang maghanda ng makakain naming mag-ama, pag-uwi ni Papa galing sa trabaho, magmula nang dumating ang mag-ina ay mas gusto ko pang gugulin ang aking oras pagkatapos ng klase sa library. Umuuwi lang ako kapag sa tingin ko ay pauwi na si Papa, o kaya naman ay nasa bahay na ito. Pakiramdam ko kasi ay nakatuntong ako sa numero kapag wala sa paligid si Papa. Ayoko rin ng mga tingin na ibinibigay nila sa akin kapag kami lamang tatlo ang nasa bahay. Tinging tila ba ako ang nakikitira at hindi sila.
Kung alam lang nila.
Sa kabila ng lahat ng mga ipinakikita sa akin ng mag-ina, hindi pa rin ako kumibo. Nakikita ko naman kung papaano alagaan ng madrasta ko ang Papa ko kapag umuuwi ito. At sa nakikita ko rin sa aking ama, masaya naman ito sa piling ng bagong asawa.
Ngunit isang pangyayari ang hindi ko na kinaya pang palampasin. Na kung alam ko lang ang kalalabasan ay minabuti ko na lamang sanang balewalain.
Katulad ng nakasanayan ko na, naglagi ako sa library pagkatapos ng aking klase upang iwasan ang mag-ina.
Pag-uwi ko, napasukan ko si Dyna, ang anak ng madrasta ko na naka-upo sa sala at abala sa kadudutdot sa hawak nitong cellphone. Ni hindi man lamang ito nag-abalang mag-angat ng tingin, kahit pa alam kong alam niya, na dumating na ako. Napansin ko pa nga ang bahagyang pag-arko ng manipis na kilay nito, kahit na hindi nakatingin sa akin.
Ipinagkibit ko na lamang iyon ng mga balikat. Sanay na ako.
Wala sa paligid ang ina nito, na sa hula ko, ay nagluluto ng hapunan sa kusina.
Hahakbang na sana ako paakyat sa hagdan nang mapatingin ako sa estante na dating kinapapatungan ng larawan ng aming pamilya.
Napatda ako at agad na nagsalubong ang mga kilay.
Iba na ang mga larawang nakapatong doon.
Puro larawan na ng mag-ina!
Ang isa ay kuha ng mga ito kasama ang Papa ko.
Diyata, at ako pa talaga ang initsa-puwera ng mag-inang 'to. Nailing na lamang ako.
Muli ay kaya kong palampasin ang mga iyon. Maliit na bagay lamang naman iyon. Kung doon sila liligaya, bahala sila.
Pero may isa pang umagaw sa paningin ko... at doon na tuluyang naningkit ang mga mata ko at nagtagis ang aking mga bagang.
"Sino ang nag-alis ng urn ng mama ko sa altar?" Kalmado ang boses na tanong ko sa dalagang naroon pa rin at sige ang dutdot.
Sa kabila ng pagiging kalmado ko ay naghihimagsik ang kalooban ko.
Pakiramdam ko, binastos nila ang ala-ala ng mama ko.
Tila wala pa rin itong narinig at ipinagpatuloy lang ang ginagawa.
Malalaki ang mga hakbang na lumapit ako rito, inagaw ang hawak nitong cellphone at inihagis sa sahig.
Doon ito nanlalaki ang mga mata at awang ang mga labi na tumingin sa akin.
"Ay, putang...!" gilalas na sigaw nito na niyuko ang nabasag na cellphone, bago muling umangat ang nanlilisik na mga mata sa akin. "Ano ba ang problema mo?!"
"Nasaan ang urn ng Mama ko?" Ani ko, sa mababa ngunit mariing tinig.
"Pakialam ko naman sa abo ng nanay mo?! Letse ka, bayaran mo 'yung cellphone ko, isusumbong kita kay Mommy!" Sigaw pa nito, sabay tulak sa akin.
Mas mataas ako sa kanya, kaya halos ay hindi naman ako natinag.
"Wala kayong karapatan mag-ina na pakialaman at palitan ang kahit na ano rito sa bahay na ito! Pumayag akong makitira kayo rito at magreyna-reynahan, pero wala kayong karapatang alisin ang mga ala-ala ng mama ko sa pamamahay namin!" Sa galit na tinig ay sigaw ko rin dito.
"Ano ang nangyayari dito?!"
Mula sa pagluluto sa kusina ay lumabas ang madrasta ko, dala pa ang sandok na ginagamit nito. Marahil ay narinig ang sigawan namin ng kanyang anak.
Agad namang tumakbo palapit dito si Dyna na animo ay aping-api. "'Ma, iyang malditang babaeng iyan, binalibag 'yung cellphone ko sa sahig... hayun, basag." Sumbong pa nito.
Lumipad ang mga mata ng madrasta ko sa basag na cellphone sa sahig, bago madilim ang mukhang umangat sa akin ang tingin.
"Beatrice, ano ang karapatan mong gawin iyon sa gamit ng anak ko?!" Anito, sa gigil na tinig.
Pero wala akong kahit na katiting na takot na naramdaman dito. Mas nangingibabaw sa akin ang paghihimagsik ng kalooban dahil sa pagtanggal nila ng mga ala-ala ng Mama ko.
"At ano rin ang karapatan ninyo na alisin ang mga ala-ala ng mama ko sa sarili naming pamamahay?" Sagot ko, sa mariing tinig.
"Aba't--" tila lalo namang nagningas ang galit nito. "Hoy! Para sabihin ko sa iyo, ako na ang asawa ng ama mo ngayon! Wala na ang Nanay mo! Matagal nang naabo! Kaya sa ayaw at sa gusto mo, ako na ang bagong reyna ng bahay na ito! Kung hindi ka makatiis, pwede ka nang umalis!" Nanlilisik ang mga matang sabi nito sa akin.
Sarkastiko akong tumawa. "Talaga ba?" Nang-uuyam kong sagot. "I guess, you did not do your homework well, dear stepmother!"
Lalong tila nag-apoy ang mga mata nito sa galit dahil sa nakakaloko kong mga ngiti.
"Aba, at talagang hinahamon mo ako, ha?! Makikita mo! Makakarating lahat sa ama mo iyang kalapastanganan mo! Sinisigurado ko sa iyo na tatalsik ka palabas ng bahay na ito!"
"Eh, di tingnan natin!" Matatag kong sabi, na akmang tatalikuran na ito upang umakyat sa aking silid, nang galit na hablutin nito ang buhok ko.
"Bastos ka talagang babae ka!" Galit na sigaw nito habang iwinawagwag ang buhok ko. "Saan ka pupunta, ha? Huwag mo akong tinatalikuran kapag kinakausap pa kita!"
"Bitiwan mo ako! Wala kang karapatang saktan ako!" Sigaw ko rin dito habang pilit na binabaklas ang mga kamay nitong nakakapit sa buhok ko.
"Wala kang modo! Hindi na ako magtataka kung kapareho mong wala ring modo iyong ina mo!"
Iyon ang nagpangyari upang animo nagkaroon ako ng ibayong lakas at natanggal ko ang pagkakakapit nito sa akin. Wala itong karapatang pagsalitaan ng ganoon ang mama ko.
"Bitiwan mo ako!" Sigaw ko, sabay balya rito.
Dahil mas malaking bulas akong di-hamak kaysa rito, isama pa ang galit na nararamdaman ko dahil sa pagdamay nito sa pangalan ng mama ko, pabalandra itong bumagsak sa sahig.
Nanlalaki ang mga matang tumingin ito sa akin. Hindi marahil inaasahan ang ginawa ko.
"Mommy!"
"Beatrice!"