"BEATRICE!"
Sabay na sigaw na narinig ko buhat kay Dyna at sa Papa ko, na tila itunulos sa pagkakatayong nakatingin sa akin, bago inilipat ang tingin sa asawang-kauli nito at saka muling ibinalik ang tingin sa akin.
Mariin akong napalunok sa nakikitang ekspresyon sa mukha ng Papa ko.
"Ano ang ginawa mo? Bakit mo sinaktan ang Mommy mo?"
Muntik nang umikot ang mga mata ko sa sinabi nito. Mommy?
"'Pa, inalis nila iyong picture at urn ni Mama rito sa sala."
"Iyon lang?" Anito na nilapitan ang asawang-kauli at inalalayan sa pagtayo.
Naroon din at tila maamong tupa na naka-alalay ang anak ng madrasta ko.
"Beatrice, you could have talk to her, in a nice way. Hindi iyong nananakit ka pa. Hindi ka namin pinalaki ng Mama mo ng ganyan."
"Pero 'Pa--"
"Say sorry to your Mom."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Papa. "No." Mariin kong tanggi.
"Beatrice!"
"It's okay, Rob. Hayaan mo na lang. Okay lang naman ako." Muntik na akong mapa-palakpak sa pag-arte nito.
"Hindi ko siya Mommy! At kahit kailan, hinding-hindi niya mapapalitan ang mama ko!"
Hindi ko napaghandaan ang paglapit sa akin ni Papa at paglapat ng palad nito sa pisngi ko.
Nanlalaki ang mga mata na tumingin ako kay Papa. Katulad ko, ay kita rin ang pagkagulat sa mga mata nito. Sa buong buhay ko, ngayon lamang ako pinagbuhatan ng kamay ni Papa.
"A-anak..." akmang hahawakan ako nito ngunit kaagad akong pumiksi.
Sa kabila ng mga luhang bumabalong sa aking mga mata ay pagak akong tumawa. Nang mapasulyap ako sa mag-ina sa likuran ng Papa ko ay naroon sa mga labi ng mga ito ang ngiti ng tagumpay.
"I'm sorry, anak. Hindi ko sinasadya." Bakas ang pagsisisi na sambit nito. "Maybe we should talk about this matter, as a family. Anak, pamilya na tayo. Miyembro na ng ating pamilya ang Mommy mo at si Dyna, bilang kapatid mo. Sana matanggap mo na iyon." Malumanay nang sabi ni Papa.
Sige pa rin ang tila walang patid na pag-agos ng mga luha ko. "Sa tingin mo 'Pa, hindi ko pinilit na tanggapin sila?" Puno ng pagdaramdam na wika ko. "Sila..." ani ko, sabay tingin sa mag-ina. "...sila ang ayaw tumanggap sa akin!"
"Rob, that is not true." Tanggi naman agad ng madrasta ko. "Pinipilit namin na mag-reach out sa kanya, pero siya ang umiiwas. Laging gabi na siya kung umuwi, kasi nga ayaw niya kaming makasama."
Kung nag-artista sana ang madrasta ko, palagay ko ang dami nitong award!
Mapait ang ngiti na umiling-iling ako. Wala namang saysay na nakipagpagalingan ako sa pag-arte sa mag-ina na ito.
"Noong ipinakilala mo siya sa akin bilang girlfriend mo, wala kang narinig sa akin, 'Pa. Noong iuwi mo silang dalawa rito, kahit hindi mo man lang hiningi ang opinyon ko, nanahimik pa rin ako. Kahit araw-araw nilang ipinararamdam sa akin na ayaw nila sa akin. Kahit nahihirapan akong kumilos sa sarili kong pamamahay, nagsawalang-kibo pa rin ako. Alam mo kung bakit, Pa? Kasi nakikita ko, masaya ka. Ayokong ipagkait sa iyo iyong kasiyahan na iyon. Kasi mahal kita. At buong buhay kong ipagpapasalamat lahat ng hirap at sakripisyo mo sa pagpapalaki sa akin. Pero Pa, kahit malalim na balon, napupuno rin kapag pinanay ang pag-ulan. Hindi nila dapat binastos ang ala-ala at pangalan ng mama ko. Wala silang karapatang gawin iyon." Sabi ko, kasabay ng pag-iyak. "Ngayon 'Pa, kahit ngayon lang, magpapaka-selfish ako..."
Alam kong masasaktan ko ang sarili kong ama. Pero ano ang magagawa ko? Nasasaktan din ako.
"Mamili ka... sila, o ako?" Matatag kong sabi.
Bakas ang sakit at kalituhan sa mga mata ng Papa ko nang tumingin ito sa akin at inilipat ang tingin sa mag-ina.
"A-anak..." iyon lang ang tangi nitong nasabi habang palipat-lipat ang tingin sa akin at sa pangalawa nitong pamilya.
Mapait ako ngumiti habang umiiling-iling. "Para hindi ka na mahirapang mamili, ako na lang ang aalis." Ani ko, na tumalikod na upang umakyat sa silid at kuhanin sana ang mga gamit ko.
Alam ko na higit na may karapatan ako sa bahay na ito. Sa akin nakapangalan ang bahay na ito. Nang bilhin ng mga magulang ko ang lupang kinatitirikan ng bahay namin ay agad nila iyong inilagay sa pangalan ko at saka pinatayuan ng bahay. Gusto ko sanang ipaglaban iyon, ngunit ayoko rin naman na alisan ng kaligayahan ang papa ko.
Kung ang mag-ina na iyon ang nagbibigay dito ng labis na kaligayahan, malugod ko iyong tatanggapin.
"Roberto!" Sigaw ng madrasta ko na nakapagpalingon sa akin.
Nanlaki ang luhaan kong mga mata nang makita kong nakahandusay sa sahig ang aking ama habang sapo ang dibdib at nahihirapang huminga.
"'Pa..." iyon lamang ang tanging lumabas sa bibig ko.
Ni hindi ako makakilos sa pagkabigla.
"SAAN ka nanggaling?" Salubong kaagad sa akin ng madrasta ko, sa madilim na mga mata.
"Naghanap ng pagkakakitaan." Walang emosyong sagot ko rito. "Hindi naman ako pwedeng basta maupo lang dito na tila naghihintay ng grasya." Sinadya kong idiin ang dalawang salita.
Mula nang ma-stroke si Papa ay hindi na ito nakapag-trabaho. Tanging ang savings na lamang na naitabi pa ng mga magulang ko ang ginagamit namin sa araw-araw. Iyon din ang ginagastos namin sa pagpapagamot kay Papa. At malapit nang maubos iyon.
Nagpapasalamat ako at hindi tuluyang pinakasalan ng Papa ko ang babaeng ito. Ako pa rin ang nag-iisang trustee sa bank account ng Papa ko.
"Mabuti naman kung gan'on." Angat ang kilay na anito.
Simula rin noon ay hindi na, kahit pakunwari lang, na nagpakita ng bait sa akin ang madrasta ko at ang anak nito. Lumabas na talaga ang mga tunay na kulay.
"May nahanap ka ba?"
Nag-iwas ako ng tingin. "Wala." Maigsing sagot ko na aakyat na sana sa itaas upang silipin ang Papa ko.
"Mabuti." Napalingon ako at nangunot ang noo sa sagot nito.
Nagtatanong ang mga matang tiningnan ko ito.
Nagkibit naman ito ng mga balikat. "Iyong amo ng kaibigan ko, naghahanap daw ng yaya ng apo niya. Ipinasok kita."
"Ano?!" Gulat na sabi ko, na tuluyan nang humarap dito. "Nababaliw ka na ba?"
"Pag-isipan mo. Mayroon ka pang isang linggo."
"No." Mariin kong sabi.
Nagkibit lamang ito ng mga balikat at nauna nang umakyat sa itaas. Bahagya pa nitong binangga ang balikat ko.
Nailing na lamang ako at ipinapatuloy ang pag-akyat.
DESISYONG hindi ko napanindigan nang muli na namang atakihin ang papa ko, hindi pa natatapos ang linggo na iyon. Sa pagkakataong ito ay fatal daw ang atake ni Papa, sabi ng doktor. At kakailanganin nito ng malaking halaga upang maoperahan.
Ang problema, kaunti na lamang ang natitira sa laman ng libreto ng papa ko. Kahit anong isip ko, ay hindi ko alam kung saang kamay ng Diyos ko kukuhanin ang pagpapaopera nito.
"Tinatanggap ko na ang trabahong sinasabi mo." Walang kangiti-ngiting sabi ko sa madrasta ko.
Nasa ospital kami at kapwa nakatunghay sa natutulog kong ama. Hindi na ako pumapasok sa eskuwela kahit pa nanghihinayang din ako at malapit naman na ang pagsasara ng klase. Minabuti kong mag-focus sa paghahanap ng pera, para sa operasyon ni Papa.
Sandaling umangat ang kilay nito nang tumingin sa akin bago gumuhit ang nakakainis na ngisi.
"Mabuti naman at nakapag-isip ka." Anito, sabay ismid. "Tatawagan ko ngayon din ang kaibigan ko, para sabihin na pumapayag ka na."
Iyon lang at walang sabi-sabi na tinalikuran na ako nito at umakyat sa dating silid ng aking mga magulang, na ngayon ay ito na ang gumagamit.
Wala naman nang nagawa na nasundan ko na lamang ito ng tingin at napailing. Kailangan ko itong gawin.
Para sa aking ama.