"HINDI mo ba ako naririnig, Aria? Mahal kita!" Mahina, ngunit may diin ang pagkakabigkas ko ng bawat salita, para iparamdam dito ang inis na nararamdaman ko.
Narito kami ngayon--no, dito ko pala siya nahanap, sa pinakasulok na bahagi ng library na nakasalampak ng upo sa sahig at mayroong kung anong binabasa.
Hindi katulad ng ibang estudyante na nakaupo sa hilera ng mahahabang mga mesa habang nag-aaral, si Aria ay nasa sulok at nakakubli sa naglalakihang shelves ng mga libro.
Matagal pa naman ang exams at wala naman akong natatandaang may quiz, o nagbigay ng assignment ang teacher namin, kaya alam ko na hindi ito nagre-review kaya naroon, kung hindi nagpapalipas lang ng oras.
O, may pinagtataguan.
Mula sa alam ko namang kunwari lang na pagbabasa ay nakita kong saglit na natigilan si Aria. Hindi ito tumingin sa akin, ni nag-angat ng kahit kaunting tingin pero nakita ko ang pag-iigtingan ng mga ugat nito sa leeg. Nag-iba din ang direksyon ng itim ng mga mata nito, bagaman ayaw salubungin ang sa akin.
Kapagkuwan, ay nagbuntong-hininga at muli ring ibinalik ang atensyon sa kunwaring binabasa.
Frustrated na mariin kong naihilamos ang isang palad ko sa paligid ng mga labi ko at huminga ng malalim. Pasalampak na naupo na rin ako sa harapan nito at ipinatong ang dalawang siko ko sa aking mga tuhod habang matamang nakatingin dito at iniisip kung ano pa ba ang kailangan kong gawin para pansinin at paniwalaan nito.
Matapos ang nangyari sa amin dalawang araw na nakararaan, ay ramdam ko ang disimuladong pag-iwas nito sa akin.
Kung dati, kahit hindi namin kasama si Brianna ay sumasama ito sa akin na kumain sa labas, o pumapayag itong tumambay na mag-isa sa bahay namin... matapos ang araw na iyon ay hindi na.
Kung minsan pa nga, kahit na dalawa pa kami ni Brianna na nag-aaya sa kanya ay naghahanap ito ng dahilan para hindi makasama.
Ayon dito ay para daw magkaroon kami ng privacy ni Brianna.
Fuck.
Sa inis ko ay hinablot ko ang binabasa nitong libro at padabog na ibinagsak iyon sa sahig, sa gilid ng kinauupuan ko.
Sabay pang lumipad ang mga mata namin sa direksyon ng librarian nang marinig namin ang pagtunog ng bell at ang tinig nito.
"Quiet!"
Napabuntong-hininga na lamang akong muli at ibinalik ang tingin sa kaharap ko. Si Aria naman ay lumipad sa akin ang nag-aakusang mga mata.
"Ano ba kasi ang problema mo?" Paangil na tanong nito sa akin, bagaman pigil na pigil ang pagtaas ng tinig.
"Ikaw." Pabulong na asik ko rin. "Iniiwasan mo ako. Habang pilit akong gumagawa ng paraan para magka-usap tayo at magkaliwanagan, pilit ka namang umiiwas at lumalayo. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko sa iyo."
Ilang sandali na nakatingin lang ito sa akin matapos ang lahat ng sinabi ko. Tila ba nililimi nito ang mga iyon at pinag-iisipang mabuti kung ano ang isasagot.
At nang bumuka ang mga labi nito ay parang gusto ko nang panghinaan ng loob.
"Just leave me in peace, K-kael," bahagya pa itong nautal at nag-iwas ng tingin nang banggitin ang pangalan ko.
Malamig ang tinig, pati na rin ang mga mata nitong nakatingin sa akin.
Hindi kasi ako madalas tawagin nito ng ganoon kapag kami lang dalawa.
Mik ang tawag nito sa akin.
May hinanakit sa mga matang ilang sandali akong nakatunghay lang dito. Pilit na hinahagilap sa isip kung saan ba ako nagkamali.
"Tama na." Muling sabi nito nang manatili lang akong nakatingin sa kanya at hindi kumibo. "Okay. Point proven. Naka-move on ka na nga kay Brianna. Pero please naman, huwag mo naman akong gawing rebound. Magkaibigan tayo, Kael--"
"Hindi na tayo magkaibigan." Paangil na kaagad kong agaw sa sinasabi nito, sa nagtatagis na mga bagang. "Hindi na tayo magkaibigan pagkatapos ng araw na 'yon Aria. At hindi kita ginagawang rebound." Sa pagkakataong iyon ay bahagya nang bumaba ang tinig ko.
"Eh, ano pala? Malinaw sa ating dalawa, o sabihin na nating sa ating tatlo, na si Brianna ang gusto mo, sa una pa lang. Kasasabi mo lang sa akin, noon ding mismong araw na 'yon," idiniin nito ang huling salita na mariin kong ikinapikit.
Sa guilt?
Siguro.
"Na masakit para sa iyo na nararamdaman mo, na may something kay Brianna at sa ninong niya. Tapos nalasing ka lang... may nangyari lang sa atin--"
"Your mouth!" Agaw kong muli, sa pag-aalalang may ibang makarinig.
Ayaw ko lang naman na mapulaan ito ng ibang tao dahil doon.
Ngunit hindi ako nito pinansin.
Sarkastiko pa itong tumawa, saka nagpatuloy. "...pagkagising mo--natin, bigla, ako na 'yong gusto mo?" Ipinaikot nito ang mga mata at muling sarkastikong tumawa. "Ano 'yon, magic?"
Itinukod ko ang dalawang siko ko sa mga tuhod ko at mariing hinagod ng mga daliri ko ang buhok ko. Nakaupo pa rin ako sa harapan niya at matamang nakatingin lang sa kanya habang hinayaan kong nakasabunot ang dalawang kamay ko sa buhok ko, sa likod ng ulo ko.
"Bakit ba ayaw mong maniwala?"
"Dahil imposible, Kael." Matigas at mariing sagot nito sa akin, sa malamig na tinig.
Nasa mga mata na nito ang pagkahapo, marahil ay dahil sa aming pagtatalo. "Love does not grow, overnight. Huwag mo naman akong gawing tanga."
Nagtagis ang mga bagang ko nang may isang butil na luha na pumatak mata nito, na kaagad nitong pinalis at saka nag-iwas ng tingin. "Please, tama na. Huwag kang mag-alala, hindi ako maghahabol, o magpipilit na panagutan mo. Just go back to the old you. Iyong Kael na walang pakialam sa iba, maliban kay Brianna--"
"Aria..."
"Iyong Kael na walang ibang nakikita kung hindi si Brianna--"
"You know, that is not true." Tutol ko, sa mahina ngunit matigas na tinig.
"It is." Sagot naman nito na tinumbasan din ang tigas ng tinig ko. "So, please, leave me in peace."
Pagkasabi niyon ay isa-isa na nitong sinamsam ang mga gamit, pati na rin ang libro sa tabi ko, na kanina ay binabasa nito bago nagmamadaling tumayo na at iniwan ako.
Napailing na lang ako sa inasal nito at sinundan ito ng tingin.
Napakatigas ng ulo.
Ngunit kung inaakala nito na matatakasan na naman ako nito ngayon, katulad ng noong mga nakakaraang araw ay nagkakamali ito.
Pabuntong-hiningang tumayo na rin ako mula sa pagkaka-upo pa rin sa sahig upang sundan ito.
Nasa may hagdanan na ito at may pagmamadali sa mga hakbang na bumababa, nang inabutan ko.
Muli, ay napailing na lamang ako.
Obvious na obvious naman kasi na gusto ako nitong takbuhan at iwasan.
Inilang hakbang ko lang ang pagitan namin at nang mapatapat ako rito ay hinawakan ko ito sa kamay at nauna pang maglakad dito habang akay ko ito sa likod ko.
"Kael, ano ba? Bitiwan mo nga ako." Piglas nito, habang pilit na hinahatak ang kamay mula sa akin.
Ngunit hindi ko iyong binitiwan. Sa halip, ay lalo ko pang hinigpitan ang kapit doon.
"Ano ba?! Saan mo ba ako dadalhin?! Tantanan mo na nga ako!" Paasik, bagaman pigil na pigil ang tinig nito. Marahil, ay dahil ayaw ding makakuha ng atensyon ng ibang mga estudyante sa paligid. "Kael?! Saan ba tayo pupunta?!"
"Tuturuan kita ng leksyon." Hindi lumilingong sagot ko rito. Malapit na kami sa parking lot at natatanaw ko na ang sasakyan ko. "Napakatigas ng ulo mo. Kung kinakailangang itali kita, para lang hindi mo ako matakbuhan ulit, so be it."