"BAKIT KA MALUNGKOT?" Nangalumbaba ako at nakalabing itinuon ang mga mata kay Nickos. Ginaya ko pa ang parang batang pagsasalita nito. Mula pa kanina ay kapansin-pansin na ang pananamlay nito. Habang kumakain ng almusal ay hindi ko na yata mabilang kung ilang buntong-hininga ang ginawa nito. Mabababaw din ang mga ngiting pinakakawalan nito. Hindi umaabot sa tainga. Hindi ko akalain na kaya ng isang limang taong gulang na bata ang magpakita ng ganitong emosyon. At ngayon nga, habang tini-trace nito ang ginawa kong mga letra ng pangalan nito ay halatang wala pa rin ito sa focus. Sa katunayan ay ilang beses na nga nitong naputol ang tasa ng lapis sa sobrang diin nang pagsulat nito. Tila doon nito ibinubuhos ang frustrations na nararamdaman. Sa muling pagkakataon ay tumalon ang sulat nito