Chapter Six

936 Words
Pria Residence April 01, 2015 7:01 AM   Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras na tabunan ng lupa ang katawan ng pusa. Basta hinulog ko na lang ang nabubulok nitong katawan doon sa hukay. Tutal sa pagkakaalam ko, ang gusto lang ni Diane ay mawala iyon sa paningin niya at sa paningin ng mga darating na bisita niya mamaya. Ayaw niyang mapahiya. Ugali na niya iyan. Tuwing alam niyang may bisita, ang bungangerang si Diane ay magsusuot ng kanyang maskara, maskarang ginagamit niya upang itago ang kanyang baho. Ipapautos niya sa lahat ng nasa loob ng bahay na maglinis nang mabuti, iyong tipong wala dapat alikabok na makita. Gugutomin niya kami ng ilang linggo para lang makapag-ipon siya ng malaking halaga, o kaya ay uutang sa mga kakilala, maipaghanda lang ng masarap na pagkain ang kanyang mga minamahal na bisita. At kapag darating na ang mga hinihintay niya, ang bungangerang babae ay bigla-bigla na lang magiging si Maria Clarang hindi makabasag pinggan. Magbabago ang mukha niya dahil sa make-up. Magiging inosente ang dating brutal. Sa madaling sabi, ang demonyo ay pansamantalang magiging anghel. Gusto niya kasi ang ideya na perpekto kaming pamilya, na nakakaangat kami, na dapat kaming kainggitan kahit hindi naman. Sa tindi ng kagustuhan niyang iyon, mas pinili na lang niyang mandaya, mas pinili na lang niyang magkunwari kaysa simulan ang pagiging mabuti niya. May ilang beses na napapaisip akong may taglay din naman siyang kabaitan. Sa tuwing may sakit ako, hindi man niya ito ipakita nang lubos, pero kusa niya akong binibigyan ng gamot. Nagbago na lang ang lahat nang mawala si Papa at nang maiwan ako sa kanya. Doon na nagsimula ang pagturing niya sa akin bilang pasanin. Sabagay, inasawa lang naman niya si Papa nang dahil sa pera. Pakiramdam ko tuloy, ganti lang ito sa kanya ng tadhana. Nang matapos ko ang ipinauutos sa akin, nagmadali na ako sa pagpasok sa loob. Sa pinto sa likuran ako dumaan at dahan-dahan ko iyong sinara. Sa gitna ng maliit na mesa, naroroon ang ulam na hinihinala kong asosena. Pagkabukas ko ng takip, ayun nga, tama nga ako, aso. Tinakluban ko na lang uli. Ayokong kumain no’n. Wala naman kaming aso para maawa ako. Ang totoo, hindi kami mahilig mag-alaga ng hayop. Ni pusa o aso o daga, wala. Hindi lang ako kumakain dahil hindi ko gustong magka-rabies. Tingin ko’y kailangan ko na naman muling magtiis ng gutom. Himalang luminis ang kusina. Kahapon lang, nagkalat ang mga alikabok dito. Nadagdagan din ng mga palamuti. Malamang humiram nanaman ng mga mamahaling gamit itong si Diane mula sa mga kapitbahay upang makapagpasikat sa mga bisita niya mamaya. “Rick?” tanong ng isang boses mula sa isang doorway. Napalingon agad ako at nakita si Justin, ang pinakabata sa dalawang trabahador ni Diane. May hitsura siya, malinis at manipis ang gupit, matangkad, payat lang siya kung titignan dahil sa mukha niya, pero kung titignan mo ang katawan niya, hulmado ito. Siya lang ang pumasok ngayon, ilang araw na kasing may sakit ang isa, si Jomel. “Oh?” lumihis agad ako ng tingin. Ayokong makakita ng isang kagaya niya. May alaalang nagbabalik sa akin. “‘Yung kutsilyo niyo, nasaan?” “Wala ba riyan?” turo ko sa lalagyanan. Pinuntahan niya ang tinuro ko saka nakuha ang kaisa-isang kitchen knife na mayroon kami. Ewan ko kay Diane, hindi makabili ng isa pa. Minsan magasta, minsan matipid. Pabago-bago. Tingin ko ay alam naman talaga ni Justin kung nasaan ang hinahanap niya. Paraan lang niya ang pagtatanong bilang paghingi ng purmiso. Mahiyain lang talaga. Hindi katulad nung isa, nung absent na si Jomel. “Si Diane?” tanong ko. “Uh, andun kina Nana Rosa, humihiram ng gamit.” Ayos. “Okay,” sagot ko saka iniwan na siya. Umakyat na agad ako sa kwarto ni Renz. Pagkakataon ko na rin kasi ito para masolo ang computer. Wala kasing mapaglibangan dito sa bahay. Kontento naman akong mag-isa lagi, pero nakakabaliw lang din kasi ang mabulok dito sa bahay nang tulala lang. Sa computer, para akong nakakuha ng pagkakataong makabakasyon sa ibang bansa. Pwede akong makibalita sa mga ganap sa ilan kong makilala nang hindi ko na kailangan pang pumunta sa kanilang mga bahay. Tingin ko ay magkakaroon sana ako ng ilan pang dagdag na kaibigan sa internet kung hindi lang laging si Renz ang nakaupo rito. Ang kapal ng mukha sa pang-aangkin nito e si Papa naman ang bumili nito, hindi naman si Diane. Puro dota lang naman ang ginagawa. Kapag sisitahin ko naman, mananakit agad. Bawat segundong hindi pa nagbu-boot ang computer ay katumbas ng pagtulo ng pawis ko. Hindi ko alam kung bakit pero para bang krimen itong gagawin ko, eh samantalang magsu-search lang naman ako sa internet. Hindi ko na problema pa ang password. Ilang beses ko nang sinubukan ang mga combinations dito noon at nalamang ang pangalan ng nililigawan ni Renz ang password dito. Tinype ko ang pangalang marian, walang dagdag na numero, walang kahit anong special characters, at umokay na rin agad. Mabuti at hindi video ang habol ko ngayon, hindi ako mag-you-youtube, tanging si Google lang naman ang gusto kong makita. Isa lang naman ang balak ko pang malaman bago mangyari ang pinaplano ko mamaya. Ang mga dagdag dekorasyon ko sa aking kwarto. Mga dagdag pang simbolo. Hindi ko maalala kung kailan nagsimula ang pagkakaroon ko ng interes sa mga ito. Hindi ko rin alam kung sarili ko bang desisyon ito o kung nagiging sunud-sunuran na ba ako. Basta ang alam ko lang, kung sakali mang nakikita ni Papa ang ginagawa ko ngayon, magtataka iyon nang sobra.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD