Chapter Five

1388 Words
Pria Residence April 02, 2015 4:15 AM   Alas-tres ng umaga nalaman ni Police Inspector Homer Zapanta na siya na ang itinalagang investigator-on-case sa krimeng naganap sa Pria Residence. Siya ay kwarenta anyos na, mahaba ang mukha, at may receding hairline. Minsan na niyang napanata sa sarili na kailangan niya nang makakompleto ng oras ng tulog dahil nakakaapekto na ang kanyang trabaho sa kanyang kalusugan--pero sadya talagang ayaw siyang lubayan ng mga kaso, gawa na rin kasi ng kanyang magandang reputasyon. Asar man dahil naistorbo ang kanyang tulog, napaupo naman siya agad nang tuwid nang malamang ibang klaseng kaso itong naibigay sa kanya ngayon. At hindi lang iyon, nabanggit din kasi ang apelyidong Pria. Sa kasulok-sulukan ng kanyang isip ay tila may kung anong mapait na memorya ang nabuhay. Naupo muna siya sa gilid ng kanyang kama ng ilang saglit matapos ng tawag. Pinag-isipan niyang mabuti kung paano niya ito haharapin. Matagal na rin kasi niyang pinutol ang kanyang ugnayan sa pamilya Pria at ngayon ay parang multo itong gusto muling magparamdam sa kanya. Huminga siya nang malalim. Hindi bale na, sabi niya sa sarili. Malamang ay mataas lang ang tiwala sa kanya ng kanilang supervisor kaya sa kanya ito iniasa. Saktong-sakto lang din dahil nauubusan na siya ng maganda-gandang kaso na makakapagpa-angat muli sa kanya. Alas-kwatro emedya siya nakarating sa tapat ng bahay kung saan naganap ang krimen. Sa kanyang kotseng minamaneho, nakahiga lang sa kanyang tabi ang mga reports na ipinasa sa kanya ng mga First Responders. Wala na siyang oras para basahin pa ang lahat ng iyon. Isa pa, kulang kasi siya ng tulog. Tanging dalawang detalye lang ang alam niya: na posibleng isa itong kaso ng murder at ang biktima ay pinangalanang Diane Intal-Pria. Nakita na niya kanina ang ilang mga naunang litratong kuha mula sa bangkay nito. Sa dalawang dekada na niya sa ganitong trabaho, ilang kaso na rin ng pagpatay ang nakuha at napanalunan niya noon, pero hindi niya pa rin maiwasang magimbal mula sa nakitang sunog na katawan ng biktima. Iba rin kasi ang epekto kapag kilala mo ang namatay. Bumulabog sa paligid ang sirena ng kanyang kotse habang ipina-park ito sa gilid ng kalsada, tapat ng bahay ng mga Pria. Tanaw niyang may mga media nang pakalat-kalat sa tabi at may mga kapitbahay nang nakiki-usyoso.  Asar niyang sinara ang pintuan ng kanyang kotse. Binigyan din niya ng pansin ang hitsura ng bahay. Ang harapan ng bakery nito’y kadikit na ng bakod sa harapan. Ang kalahating parte naman ay ang mismong bahay, up-and-down. “Good morning Inspector,” bati sa kanya ng isang mababang rangong police woman paglabas niya ng kanyang kotse. Si PO2 Maricel Casupanan. Katamtamang tangkad at may malaking tiyan. “Ang crime scene?” sabi ni Homer. “Doon po, sa loob ng bakery.” Yumuko sila mula sa nakaharang na yellow tape. Nagsuot na rin si Homer ng kanyang gloves, iwas contamination ng mga posibleng ebidensya. Mula sa may bagong pintang gate hanggang sa pagpasok nila sa palibot ng bahay, masusing nagsusuri itong si Homer, tinitignan kung may mali kahit pa wala pa sila sa loob ng bakery. “Forensic results?” tanong niya. “On-going pa po.” “Suspects?” “Sa ngayon, hinahanap pa namin ang nawawalang anak nung biktima, si Renz Pria. May mga nagtatanong-tanong na rin kung saan mahahanap ang dalawag trabahador ng mga Pria.” “Ano nang lagay nung isang anak?” “Nasa ospital pa po, unconscious.” Tumango siya. Dalawang pintuan ang sumalubong sa kanila pagpasok ng gate. Sa harapan ay ang pintuan papasok sa bahay, sa kaliwa naman ay papasok ng bakery. Sa kaliwa sila unang nagtungo at pumasok. Isang yellow tape ang kanila naman ngayong hinakbangan. Nahahati sa dalawang seksyon ang bakery. Ang sa bungad ay ang tindahan, at ang isang parte naman nitong nakatago ay ang lugar kung saan naroroon ang tanyag nilang lumang pugon. Sa nakasaradong pugon na iyon natagpuan kailan lang ang sunog na katawan ni Diane Pria. “Isang kutsilyo po ang na-retrieve dito,” tinuro ni Casupanan ang isang mahabang mesang ginagamit sa pang-masa ng dough. “Suspetya namin, pwedeng sinaksak muna ang biktima bago kinulong sa pugon.” “Anong klase ng kutsilyo?” Napa-isip si Casupanan. “Kitchen knife po, Inspector.” Kitchen knife? “Mga bakas ng dugo?” “Wala ho Inspector, walang traces ng dugo ang sahig nang datnan namin. Pupwedeng nilinis ito ng salarin.” “Nagpa-order na ba ng luminol sweep?” “Opo, Inspector.” Tinitigan ni Homer ang sahig sa tabi ng pugon. Hinahanap kung saan maaaring kumalat ang dugo sa saksak. Kung sakali mang walang mahanap na dugo, mas hihirap ang kaso. Mangangahulugan lang na ang kutsilyong nakita ay isa lamang dekorasyon sa isang staged-up crime. At isa pa, hahayaan lang ng salarin na pakalat-kalat ang murder weapon? Imposible. Hinarap niya ngayon si Officer Casupanan. “Escape route?” “Naiwang bukas ang back door nung bahay.” May teorya nang naiisip si Homer pero isinantabi niya muna ito. Masyado pang maaga para mag-conclude. “E, fingerprints?” sabi niya. “Base po sa mga kuhang pictures, pulido po ang paglinis, pinunasan po ang bawat parte ng crime scene. Baka pati rin po ‘yung murder weapon, napunasan din.” Tinitigan ni Homer ang bawat sulok ng kinatatayuan nila. Oo nga, naisip niya, malinis na malinis ang paligid. “Ah, Inspector, maliban lang po rito,” pinapunta ni Officer Casupanan si Homer sa isang spot sa isang panibagong pinto, na tingin ni Homer ay konektado papasok sa bahay ng Pria. Ito ang detalyeng napansin na rin niya kanina pa, mga bakas ng sapatos at paa. Nilapitan niya ito. “Kasama rin ba ito sa nakuhanan, o bago lang ito?” “Kasama rin po, Inspector.” Napakamot si Homer sa kanyang baba. “Ibigay mo sa akin mamaya ang listahan ng mga officer na pumasok rito kanina,” sabi niya. “Yes po.” Matapos inspeksyunin ang crime scene, sunod nilang ginawa ay ang paglibot sa loob ng bahay. Ang pintuan nga na nakita ni Homer kanina ay nagdudugtong sa bahay ng mga Pria. Ang bakery ay konektado sa kanilang sala, at ang sala ay karugtong ng isang maliit na kusina. Sa itaas naman ay mayroong tatlong kwarto: dalawang magkadikit na kwarto, ang isa ay may computer stand, ang isang kwarto naman ay naka-lock. Ang katapat naman nito ay ang mas maluwang na silid, may mga gamit na amoy-sunog at naging kulay itim. Nilibot ni Homer ang kanyang mga mata at nakakita ng mga gamit pambabae. Malamang kay Diane itong kwarto. Sinilip niya ang ilalim ng bagong labang bedsheet, doon niya kasi nahahalimuyak ng amoy sunog. At ayun nga, nakita niyang tustado ang kutson nito. Sinulat niya rin ito sa kanyang notes. Wala silang nakitang mga importanteng detalye sa mga kwarto na makatutulong sa kaso. Kaya bumaba na lang sila at tinignan ang pintuang ginamit na escape route. Sira-sira ito sa may bandang knob at halatang sinira mula sa labas. Base sa pag-iisip ni Homer, isang metal na may tusok o kaya ay isang crowbar ang puwersahang ginamit upang sirain ang nakakandadong pinto. “Posibleng forced entry, posibleng hindi,” komento ni Homer. “Inspector, wala hong na-retrieve na gamit sa pagsira nung pinto,” sabi agad ni Officer Casupanan bago pa man maitanong ni Homer. Natahimik saglit ang Inspector. Hinarap niya ang police woman. “Sa ngayon, medyo magulo pa ang mga detalye. Ang mga pag-asa natin ngayon na makatutulong sa atin ay ang ma-locate ang nawawalang anak niyang si Renz, makuhanan ng mga pahayag ang mga trabahador ng bakery, gayon din ang mga kapitbahay.” Walang krimeng nagaganap nang walang motibo o dahilan, iyon ang laging itinuturo sa kanila noong nag-aaral pa lamang siya. Hindi papatay ang suspek nang trip-trip lang. Maaring may nakaaway o nakasagutan itong si Diane, o maaaring si Diane ang nauna, bumawi lang ang suspek, o maaaring may mas malaki pang istorya katulad ng paghihiganti. Sa ngayon, hindi pa alam ni Homer. At para malaman niya ang kwento sa likod ng naganap na krimen, kailangan niya munang makilala nang lubusan kung ano na nga ba ang nangyari kay Diane bago siya mapaslang. Kung ano nang naging ugali nito, at kung ano ring ugali na mayroon ang mga taong konektado sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD