Chapter Seven

1131 Words
San Isidro Medical Center April 02, 2015 7:11 AM   Umalis muna saglit si Menchie pababa ng canteen ng ospital para makapag-almusal at makapaglakad-lakad at nang hindi tuluyang manakit ang kanyang puwet sa ilang oras na niyang pag-upo. Kanina pa siyang nagbabantay nang mag-isa sa waiting area, walang karamay, walang kasamang miyembro ng pamilya ni Rick. Tanging siya lang naman kasi ang nagmamalasakit. Hindi niya alam kung bakit pero mula sa mga wirdong pangyayari ngayon, tila kumakalabit sa memorya niya ang unang beses nilang pagkakakilala ni Rick, noong araw na lumusob siya sa kagubatan, noong nahuli siya ni Rick na may pinapatay na ahas. Panigurong-paniguro na siya noon na sira na ang kanyang reputasyon dahil naaktuhan siya nito na ginagawa ang brutal na pagpatay. Handa na sana siyang magdahilan, na ang ahas na huli niya ang nasisiguro niyang pumatay sa alaga niyang guinea pig, na nilusob niya lang iyon bilang paghihiganti, pero lubos niyang ipinagtataka na mukhang wala lang iyon kay Rick. Kahit sa mga sumunod na araw, kung kailan sigurado na siyang kumalat na sa kanilang school ang balita tungkol doon, wala ring nangyari. Iyon ang simula ng pangangako niya sa sariling hindi niya kailanman iiwanan si Rick, na handa siyang gawin ang lahat maprotektahan man lang ito. Sabi ng mga doktor, maayos na raw ang kalagayan nito. Ang kaso lang, hanggang ngayon, hindi pa rin ito nagigising. Kung ito’y magpatuloy pa ng ilang araw, idedeklara na nilang na under coma ito. Usap-usapan ng mga tao sa ospital, mapa-pasyente man ‘yan, bisita, o nurse, ang mahiwagang pangyayari tungkol kay Rick. Bawat taong malampasan ni Menchie, maririnig niya ang mga salitang nasunog, star symbol, pentagram, bading, emo, na nakakabit sa pangalan mismo ni Rick. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya dahil hindi lang siya ang nakikisimpatya sa kalagayan ng kanyang kaibigan o maiinis dahil pinag-iisipan pa nila ito ng masama. Libangan lang talaga ng mga tao ang magkuda sa mga bagay na hindi nila tuluyang naiintindihan. Nagtungo siya sa counter at walang ganang nag-order ng kahit anong ulam ang maituro niya. Isang slice ng luncheon meat at sinangag ang ibinigay sa kanya ng tindero. Matapos magbayad, kumuha rin siya ng kanyang kape. Umupo siya sa gitnang mesa katapat ang isang T.V. na nakasabit sa dingding na umaakit ng atensyon sa lahat ng nag-aalmusal. Dalawang balita ang tampok ang bayan ng San Isidro: (1) Ang misteryosong pagkasunog ng binti ni Rick Pria (2) Ang sunog na bangkay ni Diane Intal-Pria. “Ayun oh, ayun,” turo ng isang nakatayong nurse sa monitor. Naroon ang video footage na nakuha ni Jolina habang halos mamatay sa sakit si Rick. Napapangiwi sa sakit ang mga taong kumakain sa canteen. Detalyado kasi sa video ang pagkasunog ng binti ni Rick, pati na rin ang misteryosong pagguhit ng nagliliyab na star symbol sa kanya. HIndi alam ni Menchie kung bakit big deal para sa mga tao ang star symbol na iyon. Eh star lang naman iyon? Nag-cut ang video at napalitan naman ngayon ng isang interviewee na may edad nang lalaki. Nagsalita na ang host ng program. “So, kasama po natin ngayon sa studio si Mr. Cesar Reambonanza, isa umanong symbol analyst na magpapaliwanag sa atin kung ano nga ba ang kahulugan nitong simbolong nakaukit sa binti ni Rick Pria. So Sir,” hinarap nito ang guest, “ano ho ang masasabi ninyo doon sa simbolong ginuhit sa binti nitong si Rick Pria?” “Ang symbol po na iyon ay ang tinatawag nating inverted pentagram, na mas kilala sa tawag na Sigil of Baphomet. Isa iyong simbolo ni Satanas. At kagaya nga ng nakikita natin sa video, no? Nakabaligtad itong star na ito, which represents the satanic goat. And correct me if I’m mistaken, but I heard na nangyari ang sunog-sunog na ito at 6:06 P.M.? Right?” Tumingin saglit ang interviewer sa kanyang notes. “Oo nga po, tama ho kayo Mr. Reambonanza. Nangyari nga po ito noong 6:06 P.M.” “So, ano bang ibig sabihin niyan? I think it’s best to assume na nangyari ang misteryong ito at exactly 6:06:06 P.M. na siyang nagrerepresenta naman sa sikat na numerong 666. The number of man. The mark of the beast.” Nagdulot ito ng takot sa mga taong nasa canteen. “Demonyo nga ‘yan!” sigaw ng isang customer. Napatingin ang lahat sa direksyon nung sumigaw. May ibang natulala, may ibang tumango, tila sumasang-ayon. “...para sa akin,” tuloy pa ni Reambonanza. “Si Rick Pria ay under ng demonic possession.” May mga napasinghap na babae sa narinig nilang ito. Mayroon ding mga napa-sign of the cross. Habang nasasaksihan ni Menchie na tuluyang nalalason ang utak ng mga tao sa tabi niya, lalo siyang naiinis. Halos durugin na niya ang kutsara’t tinidor niya sa galit. Makikitid ang mga utak ng mga tao rito, naisip niya. At dahil ikinakalat na ang akusasyong sinaniban ng demonyo itong si Rick Pria, hindi tuloy mapigilan ng mga taong mag-isip na baka si Rick Pria nga ang hinahanap na suspek sa pagpatay kay Diane Intal-Pria? Malaki raw kasi ang posibilidad, lalo pa’t ilang oras lang ang pagitan ng pangyayari. At isa pa, kumalat na rin kasi sa social media ang bawat opinyon ng mga nakakakilala kay Rick. Pinakita na rin sa telebisyon ang mga tweets at sss posts ng mga taong nagpapahayag ng kani-kanilang opinyon. Ayon kay Rosa Malaluan, katapat-bahay ng mga Pria: “Madalas pagmalupitan ‘yang batang ‘yan. Malamang napuno, nasaniban, at naghiganti.” Si Dindin Benitez naman: “Ang shushunga nung iba, ako pa ang pinagbibintangang may sala? E totoo namang matagal nang may problema iyang Rick Pria na iyan. Matagal na iyang may sapi!” Alyssa Alarzar: “Let’s pray for the soul of Rick Pria.” “Demonyo nga iyan!” ulit nung lalaking sumigaw kanina. Hindi na nakatiis itong si Menchie. Padabog siyang tumayo sa kanyang mesa at matapang na tinitigan ang lalaking kanina pa sumisigaw. Hindi niya alintana ang mga matang nakadikit na sa kanyang direksiyon. “Alam mo ba ang pinagsasasabi mo ha, Mister?” sabi niya. “Hindi porket pinapalabas sa T.V. na nasaniban ang kaibigan ko, e nasaniban na nga talaga siya. At isa pa, sinasabi mong demonyo siya? Bakit? Nakakita ka na ba ng demonyo?” Natahimik ang mga tao sa loob ng canteen. “Magdahan-dahan kayo sa mga sinasabi niyo. Hindi niyo kilala si Rick. Hindi niyo kilala ang kaibigan ko!” sabi niya. Hindi na nagawang ubusin ni Menchie ang pagkain niya. Hindi na niya maatim na manatili pa roon sa lugar na iyon. Hinablot na lang niya ang kanyang kape at bumalik sa waiting area, kung saan siya galing.   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD