Chapter Four

1266 Words
Pria Residence April 01, 2015 6:25 AM   Ayokong bumaba at magpakita sa sala, o sa kusina, o sa kahit saan mang parte nitong bahay kung saan makikita ko na naman si Diane, ang madrasta ko, ang nakabibwisit na babaeng pinakasalan ni Papa mula nang mawala si Mama. Alam kong dapat Mama na rin ang itawag ko sa kanya, pero sa ugali niya hindi ko magawa. Sa tuwing makikita ko siya, parang gusto kong tanggalin ang kwentas ko at gamitin na agad ang apoy ko sa kanya. Gutom na gutom man, ayoko pa ring mag-almusal. Umay na umay na ako sa pandesal, na siyang laging present dito sa pamamahay namin. Mayroon kasi kaming panaderya at dito lang din sa bahay namin ang pwesto. Walang araw na hindi ko iyon maaamoy. Kung hindi naman tinapay ang handa, sigurado akong ang paborito na naman ni Diane ang nakahain sa mesa. Ang karne ng aso: mapa-asosena man iyan o adobong aso, na siyang sikat na sikat dito sa bayan ng San Isidro. Talamak ang lihim na bentahan no’n dito. Maraming nasasarapan dahil delicacy kuno. Hindi nila inda na ang pagkain ng karne ng aso ay masama, maaaring makakuha ng rabies. Wala silang pakialam kung may batas na nagbabawal sa p******y ng aso, at hindi nila alintana ang brutal na paraan ng mga tao sa pagsagawa nito. Nakasaksi na ako no’n minsan: ginigilitan sa leeg, o paulit-ulit na paghahampasin ang kaawa-awang nilalang hanggang sa mamatay. Wala silang paki sa nakaka-awang iyak nito. Isa iyon sa mga pagkakataong gusto ko nang kumilos, tanggalin ang kwentas na aking suot, at mag-ala bayani. Pero kapag tinanggal ko naman ang kwentas ko, ano naman ang sunod kong gagawin? Saktan ang mga taong kumakatay ng aso? O tulungang makawala ‘yung aso? Pero kahit pakawalan ko naman ‘yung aso, kahit saan man iyon makapunta rito, tiyak ha-huntingin din iyon ng mga tao. Siyam na taong gulang ako noon. At masasabi kong isa iyon sa mga panahon kung kailan duwag pa ako. Hindi ko pa alam kung alin ang tama sa mali, o kung gumawa ako ng tama, magdudulot ba ‘yon ng mali, o kung gumawa man ako ng mali, magdudulot ba ‘yon ng tama. Maraming bagay ang hindi ko pa maintindihan noon. Pero isa lang talaga sa dalawa ang maaari mong gawin. At ngayon, alam ko na ang desisyon ko. Nakapag-isip isip na ako. “Rick?!” tawag ni Diane mula sa ibaba. Hindi ko iyon pinansin. Nanatili akong nakatitig sa kisame, nag-iisip. “RICK!!!” matining na boses ni Diane. Isa ito sa mga nagpapabwisit sa akin. Hindi niya ugaling magpatalo. At ayun, tila pumupukpok na ang malalakas na yabag ng kanyang paa, papalapit na, patungo na sa kwarto ko. Kumatok siya nang pagkalakas-lakas, “RICK! Tinatawag kita, lumabas ka riyan!” Sa boses niya’y mapapaisip ka na lang kung araw-araw ba ang dalaw niya. Sa tono niya’y tila handa na siyang manakit sa oras na kumontra ako sa kanya. “Buksan mo ‘tong pinto!” sinisipa-sipa niya ng pagkalakas-lakas ang pintuan ng kwarto ko. “RICK!!!!” “ANO BA?!” sagot ko. “Maghukay ka sa likod, ilibing mo iyong patay na pusa sa harapan!” “Bakit hindi mo utusan iyang Renz mo?” Si Renz iyong isa niyang anak, hindi ko tunay na kapatid. Mukhang gago, madalas manigarilyo, at barumbado. Huminga siya nang malalim. Mabigat, na tila ba labag sa kanyang kalooban ang pagpapakalma sa sarili. “Wala iyong Kuya mo, hindi pa umuuwi.” “Wala o bini-baby mo na naman iyon?” “Punyeta kang bata ka!” Sinipa niyang muli ang pintuan. Napakalakas na halos alugin na ang kwarto ko. “Ilang araw ka nang walang ginagawa rito sa bahay, wala kang silbi! Pasalamat ka na nga kinukupkop pa kita e, kung hindi lang ako mabait, baka niligaw na kita noon pa. Pinapakain kita kaya gawin mo naman iyang parte mo.” Tahimik lang ako. Nang makaramdam siya, umusbong muli ang pagkainis niya. Malakas ang loob niyang magwala-wala rito sa lugar namin, tutal, wala namang tao sa isang kapit-bahay namin. ‘Yung isa naman, sa kaliwa, kina Aling Rhea, kilalang-kilala na si Diane na isang bungangera, kaya ganyan, hinahayaan na lang. “RICK!!!!” “Oo na! Oo na!” sagot ko nang hindi ko na kaya ang walang sawa niyang pagsigaw. Umupo na ako mula sa aking paghiga, saka kumuha ng damit pang-itaas. Naka-shorts lang kasi ako. “Bababa na!” At sa sinabi kong iyon, narinig ko na ang paglayo ni Diane. Pero bago pa siya tuluyang makaalis, meron pa siyang pahabol, “Kapag nakita ko pa iyang putanginang pusang iyan mamaya Rick ha? Makakatikim ka uli sa akin. Tignan mo.” “Makakatikim ka uli sa akin. Tignan mo,” panunuya ko. Nang makapagbihis na, lumabas na ako ng kwarto at siniguradong naka-lock ang pinto nito bago ako bumaba sa sala. Off-limits ang kahit sino man sa kwarto ko. Hindi pa ito ang tamang oras para makita nila kung anong naroroon. Inikot ko ang knob ng katabi kong kwarto, ang kwarto ni Renz. Himalang hindi ito naka-lock. Nang silipin ko ito, wala nga siya sa loob. Baka nga nagsasabi nga ng totoo itong si Diane? Napatitig ako sa computer stand katabi ng kanyang kama. Masarap titigan iyon ngayon. Walang nakaupong swapang na ayaw magpasunod. Mabuting matapos ko na agad ang ipinipagawa sa akin nang makagamit agad ako, bago pa man umuwi iyong Renz na iyon. Hindi ako sinalubong ni Diane sa ibaba. Tiwala na siyang natakot na niya ako para kumilos. Maaring naroroon na iyon ngayon sa bakery, nag-aasikaso ng mga bumibili, katulong ng mga trabahador namin, na dumarating dito sa bahay tuwing alas-kwatro pa lang ng umaga. Dumiretso ako sa may gate namin at iyon nga, sa tapat namin, sa malapit sa kalsada, naroon ang katawan ng isang nasagasaang pusa. Nadaanan ang parte nito sa may paa. Ang mga litaw nitong lamang-loob ay nilalangaw na. Bumalik ako sa loob ng bahay upang kumuha ng pala. Pagkakuha ko, nagtungo ako sa likod-bahay, at doon nagsimulang maghukay. Habang patagal nang patagal ang pagtira ko sa lupa, lalo kong nararamdaman ang gutom ko, lalong sumasakit ang ulo ko. Ramdam ko rin na may nakatitig sa akin mula sa malayo. Hindi iyon galing kay Diane, alam ko, kundi sa kapitbahay, kina Aling Rhea. Walang hiya. Siguro’y nag-iisip na naman ang kung sino mang iyon ng kung anu-ano sa akin. At tutal, may nararamdaman na akong inis, nagsikap na lang ako sa pagpapalago nitong inis ko. Inalala ko ang lahat ng mga kasalanan ng bawat taong nang-api sa akin. Bawat taong pumapasok sa isip ko ay siyang pag-akyat ng temperatura ng dugo ko. Kailangan ko ito, sabi ko sa isip. Kailangan kong ipunin ang galit ko. May kung anong relaxing effect na hatid ang bawat pagtama ng pala sa lupa. Ang mga hindi ko nagawang paghiganti noon laban sa mga umabuso sa akin, sa mga kumakantyaw sa akin, parang dito ko naibubuhos. Ang imahe ng mga talunan nilang hitsura ang lumilitaw sa isip ko. Mga pag-angat nila ng kanilang palad sa paghingi ng tawad, sa pakikiusap na itigil ko na ito. Mga pag-iyak nila, na kaytagal ko nang inaasam na gawin nila, heto at nai-imagine ko. At hindi inaasahang nagbunga ang pag-iipon ko ng galit. Ang nahukay ko na para lang sana sa laki ng isang pusa, ngayon, heto at mukhang nahukay ko na ng para sa isang tao. Napakapit ako sa beywang mula sa pagkamangha sa nagawa ko. Mukhang bagay kay Diane ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD