Chapter Eight

1092 Words
Pria Residence April 01, 2015 7:15 AM   Ang balak ko lang talaga sana ay mag-search sa internet, pero dahil naakit ako sa libreng oras na meron pa ako, binuksan ko ang f*******: account ko, na siyang lubos ko ring pinagsisisihan. Gusto kong durugin ang mouse. Gusto kong sumabog muli sa natuklasan ko. Hindi lang kasi ako nakapag-f*******: ng ilang araw, heto at napuno uli ng mga bastos na links ang timeline ng aking profile. Mga links na ibinigay nina Troy, Alec at Cedric, na hindi man nila pangalan ang nasa mga may sala, pero alam kong sila lang itong mag-aaksaya ng panahong gumawa ng dummy account para guluhin lang ang buhay ko.  Para sa iba, magmumukha lang itong spam or virus, kung saan hindi alam ng nag-share na kagagawan niya pala ang ganoong bagay. Pero sa kaso nitong tatlong ito, alam kong sinadya ito. May caption pang: “Oh, ayan. At nang maging lalaki ka naman!” Ang pangkakantyaw nila sa akin na bading ay nag-ugat sa pagiging malapit ko sa Kuya ni Alec, na naging panadero rin namin noon. At dahil na rin sa madalas nilang nakakaalitan si Renz mula sa mga laban nila sa dota, sa akin nila ibinubuhos ang galit nila. Nang minsan lang nila napansing naapektuhan ako sa pagkantyaw nila ng bading, iyon na lagi ang gamit nilang pang-asar sa akin. Pero hindi ako bading. Sadya lang talaga silang mga duwag at mga isip-bata na umaasa pa sa pang-aasar. Ang ginawa ko na lang ay pumunta sa options nung link nila, saka ko pinindot ang remove tag na button. Lahat ng limang links na iyon, ni-remove tag ko at ni-report sa f*******:. Matapos no’n, nag-search muli ako ng mga kontrobersyal na kanta--mga kantang sinasabi umanong may mga hidden meaning, mga kantang satanic songs daw. Hindi ko man pinapakinggan ang mga ganitong kanta, pinili ko pa ring i-share ang mga ito. Parte kasi ito ng aking plano. Nang maisagawa ko na ang motibo ko sa paggamit ng computer, bumalik ako sa news feed sa f*******: saka nakialam sa mga pangyayari sa mga kaklase ko. May ibang nagpost ng kanilang selfie suot-suot ang kanilang swimming outfit na gagamitin para sa outing namin mamaya. Nakalagay pa ang #eggzoited sa kanilang status. Ang iba ay nagsasabing buntis na--isang old school prank, na tanging tanga na lang ang mabibiktima. May mga nag-in a relationship din, kahit pa halata namang hindi. Isang post galing kay Diane ang nakabingwit ng atensyon ko. Isang throwback picture ito ng masayang pagsasama nila ni Papa. Kuha ito pitong taon na ang nakalipas. Nakalagay sa caption: Missing him. Missing those days. Hindi ko alam kung totoo nga bang nami-miss ni Diane si Papa. Baka kasi mabibilang din ito sa mga nagkalat na pranks ngayon sa f*******:. Basta isang bagay lang ang sigurado ako, ginagawa ni Diane ito taon-taon, ilang araw bago ang death anniversary ni Papa sa April 05. Tinitigan ko uli ang picture. Masaya silang magkayakap habang nakatingin sa camera. Iyan ang engagement photo nila na kinuha sa tabing dagat ng bayan. Isa ito sa mga bagay na ikinatatampo ko kay Papa. Nakahanap agad kasi siya ng kapalit ilang taon matapos pumanaw si Mama. Minsan tuloy, naitanong ko sa sarili ko kung totoo nga bang mahal ni Papa si Mama. Kung totoo ba iyong pagmamahal na nakikita ko, iyong pag-aaruga at pag-aalala. Anim na taong gulang ako nang hindi na kayanin ni Mama ang iniinda niyang cervical cancer. Nang mangyari iyon, ang tanging nasa isip ko lang noon ay kung paano na kami magiging maligayang muli, magiging normal muli. Naiwan kami ni Papa na umiiyak buong araw. Tulala. Minsan, walang ganang bumangon mula sa kama. Si Mama nga pala ang nakaisip na magpatayo ng bakery sa tabi ng bahay namin. Uso na ang mga high-tech na oven noon, iyong mga metal na ang kabuuan, pero mas pinili ni Mama ang lumang uri ng pugon, iyong malaki ang bunganga, na kayang pumasok at matulog ng isang tao sa loob. Kapag titignan iyon ngayon, aakalain mong pugong pang-pizza iyon, hindi pang-pandesal. Mabenta ang mga gawa ni Mama. Parang itinadhana nga siya sa ganitong propesyon, ang tagagawa ng masasarap na tinapay. Mapatustado man o malambot, pareho iyong tinatangkilik ng masa. Minsan nga, kahit ang mga taga-malayong barangay, dumadayo pa rito sa amin para lang makabili ng aming pandesal. Ngunit ang bentahan ng Pria’s Pandesal ay pansamantalang natulog nang iyon na nga, namaalam na si Mama. Nalungkot ang mga suki. Mag-hire man si Papa ng ibang mga panadero, hindi pa rin matumbasan ng mga ito ang gawang pandesal ni Mama. Hanggang sa dumating sa buhay ni Papa si Diane. Basta, isang araw sa buhay ko, nagulat na lang ako at may panibagong babaeng pumasok sa loob ng bahay, nakakapit sa braso ni Papa. “Pa? Sino siya?” tanong ng siyam na taong gulang na bersyon ko. “Ah, anak, siya si Ate Diane mo.” “Ate?” sabi ng babae. “Huwag Ate, Mama na lang.” Lalong naguluhan ang batang ako. “Bakit Mama?” Nilingon ko si Papa na siyang tumango lang sa akin. “Oo. Mama.” Yumuko ang babae sa harapan ko at hinawakan ako sa pisngi. “Tawagin mo na lang akong Mama Diane.” Hindi makapaniwala ang tainga ko sa naririnig kong iyon. Nag-iisa lang ang Mama ko. Bakit ko tatawagin ang babaeng hindi ko kilala na Mama? Pero dumating din ang araw na nasanay na ako sa araw-araw na pagsulpot ng mukha niya sa loob ng bahay. Minsan nga, napapansin ko na lang na hindi siya umuuwi. Makikita ko na lang na lalabas siya galing sa kwarto ni Papa. O minsan, maririnig ko ang mga sigaw nilang dalawa sa naka-lock na kwarto tuwing gabi. Wala pa akong kaalam-alam noon kung ano ang ginagawa nila. Ang akala ko, si Diane lang ang magiging kahati ko sa atensyon ng nag-iisa ko na lang na kapamilya. Mali pala ako, may isa pa pala. Nalaman ko na byuda na pala siya, na may anak. At nang sa tingin ni Diane ay magaan na ang loob sa kanya ni Papa, sinasama na niya ang anak niyang si Renz sa kanyang pagpasyal. Nang makita ni Papa ang potensyal ni Diane sa paggawa ng masarap na tinapay, binuhay nilang muli ang Pria’s Pandesal. Hindi rin nagtagal, nagpropose na si Papa sa babaeng ito. Hindi ko pa man nakikita ang baho ng ugali ni Diane noon, pero mula nang gawin iyon ni Papa, alam ko na agad na literal nang sira ang buhay ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD