Chapter Nine

1512 Words
Aling Rhea’s Sari-sari Store April 02, 2015 9:36 AM   Nakatambay sa isang tindahan malapit sa Pria Residence si Inspector Zapanta. Pahigop-higop sa straw ng kanyang softdrinks habang nagsusulat ng mga listahan ng mga kailangan niyang gawin. Nakatitig siya sa isang detalyeng nakasulat sa kanyang notes: ang time-estimate kung kailan naganap ang krimen, na posibleng nasa 2:30 p.m. April 01, 2015. Pitong katao ang nakita ng mga kapitbahay na nasa loob ng bahay ng mga Pria sa pagitan ng oras na iyon: Si Rick, ang dalawang panadero na sina Justin at Jomel, at ang apat na miyembro ng pamilya Macanlalay, ang pamilya ng isa sa mga nakatatandang kapatid ni Diane. Kinross-out ni Homer ang pamilya Macanlalay. Nakuhanan na kasi ito ng pahayag kanina pa at ang sinabi nilang oras ng pag-alis nila sa mga Pria na 12:30 PM ay nag-match sa pahayag ng mga na-interview na kapitbahay. At isa pa, nakita raw nilang buhay pa si Diane noong mga oras na iyon. Ibig sabihin, tatlo ang posibleng suspek. Pero idinagdag pa rin ni Homer si Renz sa listahan, dahil may duda rin siya sa batang iyon. Kamamatay lang kasi ng kanyang ina pero hindi siya makontak kahit saan. Alam niyang kalat na rin sa bayan ang balita tungkol dito, pero hindi man lang siya umuuwi. Pinindot ni Homer ang kanyang dispatcher saka nagtanong, “Ano, nahanap niyo na iyong Renz?” “No good pa rin, Inspector,” sabi ng officer sa kabilang linya. Napatunog na lang siya ng dila. “Eh iyong Justin at Jomel?” “Nilo-locate na po namin.” “Bilisan niyo, kailangan ko na ang mga statements nila. If you have any updates, inform me right away.” “Yes po.” Nang maramdaman niyang bumalik muli sa tindahan si Aling Rhea, tinigil niya ang pagsusulat at nagsimula muling magtanong-tanong. “Ma’am, may kilala ba kayong nakakaaway nitong si Diane?” “Ay naku, iyong dalawa niyang anak. Lalo na iyong anak ng asawa niya, si Rick.” “E iyong dalawa niyang trabahador? Sina Justin at Jomel?” Napailing si Ale, pero agad ding napabawi. “Kahapon, pagkakaalam ko, naikuwento ni Diane kay Nana Rosa na nangangailangan siya ng pera. Kinukulit na kasi siya ng mga trabahador niya, atat nang makuha iyong sahod.” “Alin sa dalawa?” “Parehas.” “Alam niyo ba kung anong oras ang pagdating at pag-alis nung dalawa sa bakery? Kahit tantya niyo lang.” Pinikit ng Ale ang mata niya. “Iyong Justin, lagi iyong maaga pumasok e. Alam ko, nakita ko siyang umalis, mga oras na ng Ryza Mae Show.” “Galit ba? Takot? Malungkot? Hindi mapakali?” “Wala naman. Basta, nakayuko siyang naglalakad.” Nagsulat muli si Homer sa kanyang notebook. “Eh si Jomel?” sabi niya. “Ay, kahapon nakita ko rin siya. Mga tanghali siya dumating, halos kasunod lang ng pag-alis nung Justin.” Parang may nag-click sa utak ni Homer. Tanghali dumating? Binilugan niya iyon sa kanyang notes. “Anong oras naman umalis?” “Iyon ang hindi ko alam. Umulan na kasi nang pagkalakas-lakas no’ng mga hapon saka wala ako rito sa tindahan, nasa loob ako, naglalagay ng mga pangsahod na balde sa mga tumutulong tubig.” “Iyong dalawang bata?” “Naikuwento ni Diane kay Nana Rosa, na naikuwento rin sa akin, na iyong Renz, mula umaga hanggang tanghali ay hindi umuwi, si Rick naman daw ay naglayas.” “Naglayas? Bakit?” “Nag-away na naman ang dalawa. Si Rick daw ang nagsunog nung kama niya bago ito tumakbo at naglayas. Laging ikinukwento ni Diane kung gaano niya kinaiinisan iyong batang iyon. Ang tamad-tamad daw, laging nagkukulong, parang babae. Sinasabihan niya rin iyong bata na demonyo raw.” Gumawa ng isang mental note si Homer na kumustahin ang kalagayan nung sikat nang si Rick Pria. Kailangan din niyang makuhanan iyon ng paliwanag. Isa rin kasi ang batang iyon sa mga posibleng suspek. Magtatanong pa sana siya sa tindera kaso tinawag na ito ng anak nito sa loob. Humigop na lang muna ulit si Homer sa kanyang softdrinks, at ni-review ang mga datos na nakalap niya. Abala siya sa pag-iisip ng teorya kaya hindi niya inaasahan ang pagsugod ng isang kiliti sa kanyang tagiliran. Napatindig siya agad at galit na nilingon ang babaeng tumatawa. “Hay nako, ang lakas talaga ng kiliti mo diyan.” “Andy?” Nakatawa itong ngumuti. “Long time no see!” Siya si private investigator Andrea Moreno, high school classmate nitong si Homer. Kahit halos magka-edad lang sila, hindi maikakailang mas batang tignan si Andrea. Balingkinitan ang kanyang katawan, mahaba at laging nakaputong ang buhok, at laging nakangiti. Noon ay nag-team-up na sila sa dalawang kaso na siyang pinaghirapan nilang lutasin. Ilang taon na rin pero iyon. Ngayon lang uli sila nagkitang dalawa. “Anong ginagawa mo rito?” sabi ni Homer. “Hindi mo man lang ba papansinin ang new look ko?” Nag-posing pa ito sa harapan niya nang para bang gagawing model ng isang magazie. Pinagupit na ni Andy ang mahabang buhok niya at ngayon ay hanggang baba niya na lang. Nabago nito ang pigura ng kanyang mukha. Iyon lang naman. Sa iba’y wala nang pagbabago, sexy pa rin kahit pa parehas na silang kwarenta anyos. Hindi nagkomento si Homer. Si Andy na lang itong nagpatuloy. “Bakit? Bawal bang pumasyal sa lugar na ito?” “May isang kaso akong sinosolve dito at sasabihin mong pumasyal ka lang? Ha! Imposible.” “O alam mo naman pala e, ba’t nagtanong ka pa?” Umusog kaunti si Andy sa matalik na kaibian. “Painom nga niyan Home, nauuhaw ako. Ang init init.” “Naka-duty ka ngayon?” “Nope. Magbabakasyon sana ako kasama ng mga kaibigan ko, kaso nabalitaan ko nga iyong nangyari rito. At kung kailangan mo ng tulong--at base sa obserbasyon ko sa’yo, na mukhang kailangan na kailangan mo nga ako, heto, tutulong ako.” Binalik niya kay Homer ang simot nang softdrinks. “Ha, ha. Marami-rami na rin akong nalutas na kaso na wala ang tulong mo.” “Pwes, hindi ngayon, dahil sigurado akong mahihirapan ka rito.” “Paano mo naman nasabi?” “Nararamdaman ko.” Napangiti nito si Homer. “Sus.” Natahimik sila saglit. Pinanood muna nila ang mga palakad-lakad na pulis sa palibot ng Pria Residence. Si Andy uli itong nagsalita. “Kumusta na ang anak mo? Si Mia?” “Ayun, nasa Japan, may stable nang trabaho, may boyfriend na. Maya’t maya ko ngang tinatakot iyong mokong niyang lalaki, na kung sasaktan niya ang anak ko, babalian ko siya ng leeg.” “What an over-protective father?” “Kapag nagka-anak ka na, mararanasan mo rin iyang mga nararanasan ko.” “Baka magka-anak?” “Bakit, ayaw mong magka-anak?” “Hindi naman sa ayaw. Hindi naman ako magkakaanak nang solo ko lang.” “E bakit ba kasi ayaw mo pang mag-boyfriend? Kwarenta ka na. Wala na sa kalendaryo iyang edad mo.” “Wow. Kung makasalita ka, akala mo kung sino kang bata ah?” Humalakhak itong si Homer. “Oh, ano nga, bakit ayaw mo pa?” “Hinihintay ko lang na magkahiwalay kayo ng asawa mo, Home.” Napaangat-kilay si Homer. “Hanggang ngayon, may crush ka pa rin sa’kin?” “Oo.” Nagtitigan silang dalawa habang nagpipigil ng tawa ang babae. Limang segundo, sampung segundo, hanggang sa sumabog ang halakhak ni Andy. Nakitawa na lang din si Homer. “Hay nako, I miss those days,” komento ni Andy. Nakatingin sa malayo. “Noong high school tayo, noong madadali pa ang mga pinapagawa sa atin. Hindi katulad nitong mga kasong ito. Talagang ang sakit sa ulo.” Tango lang ang sagot ni Homer. Naaalala rin niya ang saya niya noong mga high school pa sila. Inalala rin niya ang tuwang nadama niya nang siya ang maging salutatorian ng kanilang school. Hindi mapantayan ang tuwa niya noon. “Ano na? Umuusad naman ba ang imbestigasyon?” tanong ni Andy. “Apat na posibleng suspek. Tatlong hindi mahanap, isang hindi makausap.” “Tinignan mo na ba ang buong bahay?” “Oo naman.” “Talaga?” Anong talaga? Nagsimula nang magtaka si Homer sa tono ni Andy. “Bakit gan’yan ka makatanong?” “Pinabuksan mo ba iyong kwarto ni Rick Pria?” nakangiting sabi ni Andy. Kunot-noong lumingon si Homer. “Hindi.” “Hindi mo ba natandaan ang tinuro noon? Na kahit ang mga lugar na malapit sa crime scene, posibleng may nakatagong importanteng bagay?” “Huwag mong sabihing--” “‘Yup, pinabuksan ko iyong kwartong iyon.” “Bakit mo ginawa iyon? Responsibilidad ko itong kaso, hindi responsibilidad mo. Hindi mo dapat--” “W-w-wait, don’t panic, babe. Alam mo bang may natuklasan kami roon?” “Ano iyon?” Ngumisi si Andy. “Sabi sa’yo eh, kailangan mo nga talaga ako.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD