KABANATA 9

1813 Words
Sumunod ang araw ng Linggo, isang malungkot na Edgar ang nakaharap n'ya sa kanilang sala. "Natutuwa ako na tulad ni Kurt ang napili mo, Teen," mapait itong nakangitj sa kan'ya. "Bagay na bagay kayo. Pero kung sakaling magkakaproblema ka sa kanya.... heto lang ako. " Ngumiti s'ya kay Edgar. Lumuwang din ang pagkakangiti nito sa kan'ya, nabawasan kahit kaunti ang lungkot sa kislap ng mga mata nito at bahagya itong tumuwid sa pagkakaupo. "Salamat sa sinabi mo, Ed," aniya. "Alam mo, noon pa talaga ako may lihim na paghanga kay Kurt. Nasa high school pa lang tayo. Pero ako na ang kusang umiwas sa kanya noon." "Bakit, Teen?" "Dahil nga sa kalagayan namin sa buhay. Mayaman sila... mahirap lang kami." "Bakit nagbago ang loob mo ngayon?" Nagkibit-balikat s'ya. "Nang pumunta kami sa Punta Alegre, parang hindi naman totoo lahat ng akala ko noon." Napabuntong-hininga si Edgar. "Masuwerte na rin Kurt sayo, Maganda ka. Pareho kayong nakatapos ng kolehiyo. Dapat lang na isang binatang tulad ni Kurt ang ibigin mo." mabigat at malungkot ang mga salitang binitawan nito. "Ed—" Nagpatuloy ito sa pagsasalita. "Ako, magiging maligaya na rin sa isiping higit sa isang tulad ko ang gusto mo." "Ed, marami pa naman diyan na mas nakahihigit kesa sa akin." "No," iling ni Edgar. "Dito sa Sta. Dolores,nag-iisa kang diyamante rito. Ikaw lang ang taun-taon ay nagiging Reyna Elena sa Santakrusan dito. Ikaw lang ang alam kong babae rito na may paninindigan at di basta-basta. Iba ka sa lahat ng kadalagahang tagarito sa lugar natin." "Oo. Pero ano'ng napala ko sa pag-aaral sa college? Napunta ako sa Hong Kong. Nag-DH doon para makaipon ng pera. Ed, hindi ako naiiba sa kanila." "Gusto ka ni Kurt Vergara.." "So?" "Iba na ang standard niyon sa pagpili ng babae." "Dahil lang me-kaya sila?" Hindi ito sumagot at nagsalitang muli. "At ang pamilya nila'y isa sa kinikilala sa buong probinsiya natin." "Minsan, Ed, ang mga prinsipe ay umiibig din sa mga babaeng nakadamit-basahan." "Ikaw at si Kurt ay hindi isang fairy tale, Teen. Ikaw at si Kurt ay patunay lang siguro na ang lipunan natin ay matalino na," "I guess so, Ed." "Edukasyon siguro, hindi pera at kabuhayan ang daan para ang lahat ng tao ay maging tunay na pantay-pantay, ano?" Tumango siya. "Ang yaman ay likha lang ng taong marurunong." "At minsa'y mga mandaraya." Bahagyang tumawa si Ed. "Ang mga yumayaman, kadalasan daw, ay nandaraya. O kaya'y di makaiwas na di mandaya." Iisipin niya na lang na kaya iyon nasabi ni Ed ay dahil sa naranasan nitong panloloko ng recruiter sa kanya dati. Hindi na lanb s'ya mag-iisip ng kung ano-ano. "Wala namang mandaraya kung walang padadaya, Ed." "It depends." natatawang sagot ng lalaki. "Ed..." "Ano?" "Totoo bang nagantso ka ng isang fake recruiter?" Malungkot na tumango si Edgar. "Ayoko namang mag-Saudi sana. Ang gusto ko, dito magtrabaho. 'Kako, bakit naman ako paaalila sa mga Arabo? Bakit ako mananamantala sa paggamit ng di patas na palitang piso-dolyar para sa pansarili kong kapakanan?" "Ed, kaya naging gano'n ang palitan ng piso-dolyar ay dahil mahirap nga ang ating bansa. Hindi okay ang ekonomiya natin." Napangiti nang mapait si Ed. "Ganoon ba ang itinuro sa inyo sa college?" "Ang devaluation ng pera ay isang fiscal policy. Yon ang natutuhan ko sa college, Ed." "Maling-mali pala ang college kung ganon." "Sila ba?" "Yah. Ang devaluation, Teen. Base sa pagkakaalam ko, ay isang patakarang instrumento ng International Monetary Fund upang ang mga mamamayan ay di makaahon sa hirap... at manatiling laborer, DH, japayuki at puta ng mundo." "Ed!" Bahagyang s'yang namula. "Mga nasa banko at kapitalista lang ang nakinabang sa p*t*ng'nang devaluation na 'yan." "Galit ka sa mga bankers?" "Sa mga katusuhan nila, yes." "Nag-aral ako ng banking and finance, Ed. Yun djn ba ang tingin mo sa akin?" mahinahon na tanong n'ya rito. "Nag-aral kang maging ususera?" Ngumiti nang mapakla si Edgar. "Lahat ng banko ngayon sa Pilipinas, masahol pa sa Bumbay na nagpapautang ng five-six." Tuluyan na s'yang namula sa sinabi nito. "Ed, ang nobyo ko ngayon ay isang banker. Nakakatulong sa mga taong walang kapital na pera. Walang ekonomiya, walang bansang uunlad kung wala ang banking system." Malungkot na tumango si Edgar. Mayamaya ay nagpaalam ito na uuwi na at saka tumayo. "Teen, aalis na 'ko. Magtatanggal pa ako ng mga damo sa mga gilid ng pilapil. Bukas, magwi-weeder pa ko." Hindi s'ya umimik at tanging pagtango lang ang naging tugon n'ya. "Sorry, ha? Di kasi ako nakatapos ng college, e. Iba ang natutuhan ko sa aking mga pagbabasa." "Okay lang. Mabuti nga't nag-aaral ka kahit sariling sikap lang. Ed, uunlad ka sa buhay. Masuwerte ang mapapangasawa mo." Muling bumuntunghininga si Edgar. "Ang kailangan ko ay sariling sakahan. Pero ni kapirasong lupa, wala man lang ako, Teen.. Isinilang akong mahirap. Bata pa lang ay talo na ako." Magkahalong habag at paghanga ang nadama n'ya para sa lalaki. At kung di lamang nauna sa puso niya si Kurt, wala na siyang ibang pipiliin kundi si Edgar. Ang gusto niya sa mga lalaki ay iyong marunong din namang mag-isip. Isang lalaking may pangarap, at nalalaman ang mga dapat gawin para matupad ang pangarap na iyon. "Ed, ang alam ko ay hindi ganyan kapait ang pananaw mo sa buhay. Ang alam ko'y may ambisyon ka." Bahagyang ngumiti ang binata. "Yah. Maski born loser ang mga tukad kong mahirap lang, heto na tayo sa mundo. Kailangan pa ring lumaban tayo. Talo o panalo, importante ang lumaban. Sige na, aalis na 'ko." Tumango siya. Inihatid ang binata sa tapat ng pinto at malungkot na sinundan ng tanaw. Patungong opisina, tuwing umaga ay sinusundo s'ya ni Kurt at kung minsan ay sinasadya nitong maagang dumating para sumalo sa kanila sa pag-aalmusal. Biyernes nang sumunod na linggo, lumapit ito sa desk niya. "Kunwari ay nasa field ka, Teen," pangiting sabi nito na kasunod ang makahulugang kindat. "Punta ka sa bahay." "Sa bahay mo?" Kunot-noo pero napangiti rin siya. "Yeah," "Bakit?" "Naroon pa si Aling Rosing. Baka namamalantsa pa. So... puwede tayong doon mananghalian." "Maaga pa naman, ah." "Walang pagkain doon. Kung di nakakahiya sa 'yo, puwede bang ipagluto mo tayo ng tanghalian?" "Hindi puwede," pabirong sabi niya. "Ang dami kong ginagawa rito." Nagkibit-balikat si Kurt. Tumalikod. "Kawawa naman ako." Nakangusong saad nito. Nagtatawang tumayo si Teen. Sinundan ang binata papunta sa desk nito. Di pinansin ni Teen ang ilang ka-opisinang nagkakangitian at nagkikindatan din dahil sa naririnig. "Ang dali naman nitong mapikon," aniya. "Ano bang ulam ang gusto mong iluto ko?" "Kahit inihaw na talong lang." Tumawa siya. "Ang cheap mo naman." Nagtatawa ring naupo na sa likod ng sariling desk si Kurt at pinagsalikop ang mga palad sa likod ng ulo. "Chinese cuisine. Let's try Chinese cuisine, Teen." Napapormal siya. Bigla niyang naalala na dati s'yang DH sa Hong Kong. Lagi bang nasa isip nito na dati'y katulong lang siya ng isang pamilya sa Hong Kong, kaya ang gusto nitong iluto niya para sa tanghalian nila ngayon ay Chinese cuisine? Tumango siya. "Sige, ipagluluto kita ng Chinese cuisine." "Thanks," anang binata na masiglang tumayo uli, iniwan ang upuan sa likod ng mesa at hinawakan siya sa kaliwang palad. "Halika... ipahahatid kita kay Mang Nestor." Si Mang Nestor ang driver at mensahero ng rural bank. Kotse ni Kurt ang ginamit nito nang ihatid siya sa bahay ng nobyo. Naroon nga si Aling Rosing na labandera ni Kurt. Namamalantsa na nga. Nang sabihin ni Teen ang dahilan kaya siya naroon, natatawang napailing ang nakatatandang babae. "Magkasintahan pa lang kayo e gusto nang tikman ang luto mo, ano? pagbibiro sa kanya ng labandera. "Sige nga nang ako'y makalibre na rin ng tanghalian, hija." "Marami akong lutuing natutuhan sa Hong Kong, Aling Rosing." "Mga lutong Intsik?" "Opo." "Tutulungan kitang magluto." Umiling siya. "Huwag na ho," aniya, at tumalikod na sa babae. Ito'y sa isang bakanteng kuwarto namamalantsa. Mula roon, kaagad nang nagtungo sya sa kusina. At pagtingin niya sa labas ng kusina nasilip agad niya ang kanilang kamalig, At si Edgar na nagwi-weeder sa palayan, nasa gitna ng palayan ay abala sa ginagawa nito. Nangingiting binuksan na niya ang refrigerator. Matapos alamin kung ano ang mailulutong putahi base sa laman ng freezer at vegetable crisper, nagsalang siya ng sinaing at nag-uumpisa nang ihanda ang mga sangkap ng putaheng gusto niyang iluto. "Aling Rosing??" tawag ng isang lalaki. Napalingon siya sa pinto ng kusina, Naroon si Edgar. Pawisan. At takang-taka ito nang siya ang makita sa kusina ni Kurt. "Namamalantsa si Aling Rosing, Ed," aniya. "Bakit, ano ang kailangan mo sa kanya?" Kahit halata pa ring nagtataka si Edgar, kaagad itong ngumiti sa kanya. "Makikiinom lang sana ako, Teen. Kasi, malamig ang tubig dito dahil galing sa refrigerator." Tumango siya. Itinuloy niya ang paghihiwa ng carrot. "Help yourself na lang, Ed." "Salamat." Nagtungo sa refrigerator si Edgar. Kumuha ng nakaboteng tubig, humagilap ng baso sa may lababo at uminom. "Wala ka bang pasok sa banko ngayon?" pagkuwa'y itinanong nito. Alam niyang iuon ang itatanong ng binata sa kanya. "Meron. Pero nakiusap ang Boss ko na ipagluto ko siya ngayon ng para sa tanghalian." "Hindi ko akalaing pati pagluluto ay trabaho na rin ngayong ng isang credit investigator." sarakastiko nitong sabi. "Ed, hindi niya ito ipagagawa sa iba nilang empleyado sa rural bank," makahulugang sabi niya. "At tinitesting ka na ni Kurt bilang tagapagluto niya habambuhay." Sarkastiko pa rin na sambit ni Edgar. "Pero sa tingin ko ay mali ang kanyang timing. Lumilitaw niyan na parang di ka propesyonal. Hanggang ngayon, para pa ring Hong Kong DH ang trato niya sa 'yo." Nag-init ang mga punong-tainga niya. Namula siya. Pero pinigil pa rin niyang mawala ang kanyang pagiging kalmado. Ayaw niyang makapagbitiw s'ya ng masakit na salita sa binata. "Ed, naglambing lang naman sa akin ang nobyo ko," sinadya niyang idiin ang salitang naglambing. "At kapag mahal ko ang isang tao, konting lambing lang niya ay gusto kong pagbigyan." Parang pinitpit na luyang natahimik si Edgar. Mayamaya'y nagtagis ang mga bagang nito. Tila galit itong lumapit sa kanya. Bigla siyang hinawakan nito sa mga braso, mahigpit iyon. At sa unang pagkakataon ay ngayon niya lang ito nakitang ganoon. "Siguraduhin mo lamang na di ka pagsasamantalahan lang ng lalaking 'yon, Teen," pigil pero mariing sabi ni Edgar. "Dahil kapag niloko ka lang niya at pinaluha, mananagot siya sa akin, kahit anak pa siya ni Victor." "Bitiwan mo 'ko, Ed." Mahinang daing n'ya dahil mahigpit ang pagkakahawak ni Ed sa braso n'ya. Lalo pang hinigpitan ni Edgar ang pagkakahawak sa mga braso niya. Di nito alintanang may hawak siyang matalas na kutsilyo. "Huwag mo nang idiin sa akin na siya ang mahal mo huwag mo nang idiin at ipamukha sa akin na ako ay hamak lang na katulong ng iyong ama sa pagbubukid. Alam ko kung saan ako lulugar, Teen. Ang inaalala ko lang, ... Baka hindi mo alam ang iyong mga desisyon." mariin ngunit makahulugan ang mga binitawan niyong salita. *******
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD