MAG-AALAS-TRES ng hapon nang matanaw ni Tiyo Inggo ang dalagitang anak na si Maymay na naglalakad sa makipot na daan sa gilid ng palayan mula sa highway.
Nagtataka man sa di inaasahang pagdating ng anak sa may dalawang ektaryang bukiring iyon na nabili nila sampung taon na ang nakararaan, hindi itinigil ni Tiyo Inggo ang pag-aararo sa pamamagitan ng hand tractor.
Siguro'y may kailangan na naman sa kanya si Maymay, naisaloob na lamang ni Tiyo Inggo. Third year student na si Maymay sa Sta. Dolores National High School.
Bagaman mura lang ang tuition fee roon, pero marami rin ang mga gastos na dapat harapin ng mga mag-aaral at magulang. Tulad nila na hikahos lamang sa buhay at tanging ang sakahan lamang ang inaasahan nila para may makain sa araw-araw.
Sa muling pagtanaw niya kay Maymay, isang pampasaherong bus na pula at puti ang nakita niya na nagdaraan sa highway, kasalubong ang isang lumang tricycle na kinakalawang ang sidecar.
Kahit sa mga iyon nakatingin si Tiyo Inggo, napansin niyang nakangiti agad si Maymay, bagaman kung mag-uusap sila'y di pa gaanong magkakarinigan sa normal na lakas ng boses.
"Dalaga na talaga ang pangalawa ko," nangingiti ring naisaloob niya. " At tulad ng kanyang Ate Teeny ay maganda rin ito."
Pinatay ni Tiyo Inggo ang makina ng hand tractor at iniwan iyon sa gitna ng sakahan. Lumapit siya kay Maymay na huminto na sa paglalakad sa katapat na pilapil.
"Bakit, anak?" nakangiting usisa ni Tiyo Inggo habang papalapit dito. "Ba't napasugod ka rito?"
Marahang napawi ang ngiti ni Maymay.
"Tatay, nasa bahay po si Mr. Vergara," ang sabi ng dalagita. "Importante raw ho na makausap kayo."
Parang humilab kaagad ang tiyan ni Tiyo Inggo sa narinig kay Maymay.
"Nasa bahay ba si Mr. Vergara?" tanong ng matanda gayong iyon mismo ang kasasabi lang ng dalagita.
"Oho."
Tumangu-tango siya. Sinikap na huwag mapahaba ang buntunghininga sa harap ng anak.
"Hintayin mo 'ko sa kamalig, anak," aniya.
Tumango si Maymay. "May kasama si Mr. Vergara,Dad."
"Sino?" kunot-noong tanong ni Tiyo Inggo.
"Si Kurt ho. 'Yong anak niyang binata. Si Kurt na ho pala ang manager sa rural bank nila."
"Me kailangan din sa 'tin si Kurt?"
"Ewan ko ho. Siguro ho... dahil siya na ho'ng manager ng banko."
Tumangu-tango uli si Tiyo Inggo. "Sige, hintayin mo na 'ko sa kamalig."
Humakbang na siya pabalik sa hand tractor. Muli niyang pinaandar iyon pero ang araro'y di na niya pinatalab sa namamasang lupa. Iniharap niya ang pang-ararong makina sa direksiyong kinaroroonan ng highway.
Naroon ang maliit, kuwadrado at semi- kongkretong kamalig nila. Sementong gilingan ng palay ang likuran niyon. May poso din doon na hindi na kailangang bombahan pa pagkat kusang binubukalan ng tubig, nagsisilbing patubig na rin ng kanilang bukirin kung tag-araw.
Sa isang mahabang bangko na yari sa kahoy, sa tabi ng kamalig, naupo si Maymay at doon naghintay kay Tiyo Inggo. Kailangang maipasok muna niya ang traktora sa kamalig bago sila makauwi sa kanayunan ng Sta. Dolores..
Naroon ang kanilang bahay na balak niyang ilipat sana sa harap ng kamalig para maging katabi na lang ng kanilang sakahan. Pero gipit pa sila. Hindi sapat ang kita ng palay. Nakasangla sa rural bank ang sakahan dahil kay Teeny na ngayon ay domestic helper sa Hong Kong.
Kahit mainit pa rin ang sikat ng araw, nilakad lang nina Tiyo Inggo at Maymay ang patungo sa nayon ng Sta. Dolores mula sa kanilang sakahan.
Wala pang kalahating kilometro ang layo ng kanilang bukirin mula sa nayon. Mula sa pamamasukan bilang bodegero ng kopra sa poblasyon ng Imperial, kaya nakapagpundar ng lote sa bayan si Tiyo Inggo.
Sa umpisa'y barung-barong lang halos ang itinayo nilang bahay roon ni Tiya Krising, ang kanyang asawa. Nagtanim sila ng gulay sa lote. Nag-alaga ng mga manok at baboy. At ang barung- barong ay naging bungalow na walang palitada at ni walang bakod.
Nagtayo ng sari-sari store si Tiya Krising sa harap ng bahay. Nakaipon sila ng pera at makaraan ang may labindalawang taon ng pagsasama, nabili nila ang dalawang ektaryang sakahan malapit sa bayan.
Pero nang magkolehiyo sa Maynila si Teeny at mag-high school sina Maymay at Eric, bunso sa tatlo nilang anak, naisangla nila sa banko ang kanilang sakahan.
Nakatapos ng college si Teeny sa Banking and Finance. Makaraan ang anim na buwang paghahanap ng trabaho, nakapasok na clerk sa isang construction company sa Cainta si Teeny. Di pa natatagalan, nagresign sa trabaho si Teeny para lang maging isang DH sa Hong Kong.
Sa sarili ay parang nakaramdam ng awa si Tiyo Inggo nang pumasok bilang domestic helper sa Hong Kong si Teeny.
Nagkasangla-sangla sa Rural Bank ang kanilang sakahan para lang mapagtapos sa kolehiyo ang kanyang panganay. Ginampanan niya ang tungkulin ng isang ama maigapang lang ang pagpapaaral sa mga anak kahit pa magkanda-utang utang siya.
Tapos ay magiging domestic helper lang sa ibang bansa? Ano ba itong nangyayari sa Pilipinas?
Napabuntunghininga si Tiyo Inggo habang papasok na sila ni Maymay sa kanilang bakuran. Ang nagbabantay sa maliit na sari-sari store ay si Eric.
Sa sala, nadatnan nilang kausap ni Tiya Krising ang isang lalaking medyo patpatin, nakabarong Tagalog na kulay asul, tulad ni Tiyo Inggo ay malapit nang magsisenta ang edad ang matanda.
Katabi nito sa mahabang sofa na upholstered ang isang binatang nakapantalong dark gray at asul na t-shirt.
Guwapo ito kahit kayumanggi ang medyo pangahang mukha, kaagad itong ngumiti, tumayo at bumati kina Tiyo Inggo at Maymay pagpasok pa lamang nila sa salas. Namukhaan ni Tiyo Inggo ang binata. Naglalaro ito ng basketball, kung minsa'y dumadayo sa Sta. Dolores ang team ng mga ito sa kabayanan. Anak nga ito ni Victor Vergara, ang CPA at bankero sa Imperial.
"Sinisingil na tayo nina Mr. Vergara, Inggo," sabi ni Tiya Krising. "Noon pa nga namang Pebrero tayo dapat magbayad at ngayo'y unang linggo na ng Marso."
Naupo si Tita Inggo sa isang sofa. Si Maymay naman ay nagpaalam sa kanila para samahan si Eric sa sari-sari store na karugtong lamang ng salas.
"Itatanong ko lang naman, Mang Inggo," aniya ng matandang bisita, "kung muli ninyong iri-renew na lang ang sangla sa inyong lupa. Puwede pa ring di ninyo bayaran ang principal. 'Yon na lang ho munang interes kung gusto n'yo."
Tumango si Tiyo Inggo at bahagyang ngumiti sa matandang kaharap. "Ganoon na lang ho muna ang balak kong gawin, Mr. Vergara. Magri-renew na lang muna ako ng sangla at magbabayad ng interes."
Tumangu-tango si Mr. Vergara. Pagkuwa'y bumaling sa anak na binata. "Kurt, 'yong proposal mo kay Mang Inggo?"
Napatingin si Tiyo Inggo sa may kaguwapuhang binata. Muli itong ngumiti sa kanya.
Nagtaas ng mga kilay si Tiyo Inggo.
"Tiyo Inggo," ani Kurt na ngayo'y seryoso na. "Napansin ko ho na ang sakahan ninyo ay kadikit ng sakahan nina Mang Mariano...." Tumigil ito sa pagsasalita at parang naghihintay ng sagot ni Tiyo Inggo.
Napatango si Tiyo Inggo. "Kasunod mula sa highway," aniya. "Pero kakapiraso lang naman 'yong sakahan ni Mariano. Dati nga e, pinagbabahayan nila 'yon, Mr. Vergara..."
"Kurt na lang ho, Tiyo Inggo. Masyado hong pormal pag mister ang tawag n'yo sa 'kin."
Tumango uli s'ya, nang tumingin ay nagsalita s'ya kay Tiya Krising "Krising, sa kalkula mo ba e me ikapat na ektarya 'yong natirang sakahan nina Anong?"
"Baka sakaling gano'n nga lang kalaki, Inggo," ani Tiya Krising. "Pero mahaba rin namang tingnan, di ba? Lalo na't ang kahabaan ay katulad ng highway.."
"Nabili ko na ho kay Mang Mariano ang kapirasong lupang iyon, Nanay Krising" ani Kurt.
"Kelan pa?" Si Tiyo Inggo ang nagtanong. "Noon lang hong bago mag-Pasko."
"At ang balak ni Kurt," dugtong ng nakatatandang Vergara, "muling gawing residential lot ang kapirangot na sakahang iyon, Tiyo Inggo. Pero napakakitid nga. Ang sukat nga pala niyon e kuwarenta por dose metros."
"Oo nga ho, Mr. Vergara," pagsang-ayon ni Tiyo Inggo. "Makipot nga ang lupang iyon na kadikit highway.."
"Tiyo Inggo...," sabi ni Kurt na ikinaagaw ng atensyon ng mag-asawa dahilan para sabay silang mapalingon.. "Ang gusto ko ho sana ay madagdagan man lang ng walong metro ang lawak ng lupang iyon."
Muling nag-angat ng kilay kay Kurt si Tiyo Inggo.
"Pero kung papayag kayo," pagpapatuloy ni Kurt "bawasan ninyo ng otso por kuwarenta ang inyong sakahan. Ibenta ninyo na sa akin at bale natubos na ninyo sa pagkakasangla ang inyong lupa."
Nagkatinginan sina Tiyo Inggo at Nanay Krising.
"Otso por kuwarenta?" nagtatanong ang mga matang nasabi ni Nanay Krising kay Tiyo Inggo "Inggo, sa presyo ba ngayon e gaano 'yon? Magkano aabutin 'yon?"
"Tresyentos-beinte metro-kuwadrado 'yon, Krising," ani Tiyo Inggo. "Sa presyong sisenta pesos kada metro-kuwadrado, humigit-kumulang e—"
"Nineteen thousand two-hundred pesos ho," ani Kurt, na dinampot ang baso ng softdrink sa mesa ng sala set. "Ang inyong sakahan e nakasangla ng treinta mil, Tiyo Inggo," saka lumagok mula sa baso ang binata.
Napatuwid sa pagkakaupo si Tiyo Inggo. Mabilis na umandar ang isip niya. Mababawasan lang ng kaunti ang kanyang sakahan. Kapirasong lupa na ang halaga'y wala pang beinte mil pero ikatutubos naman ng sakahan niya sa pagkakasangla ng treinta mil. Mukhang ito'y magandang proposal na sa atin nila Mr. Vergara, Inggo..."
Napatingin siya sa asawa. "Maa-adjust palayo sa highway ang ating kamalig, Krising," aniya. "Yon lang ang inaalala ko. Pero kapiraso lang naman ang mababawas sa ating sakahan."
"At mahirap rin namang maghagilap ng treinta mil pesos para lang matubos iyon, Inggo. Sa hirap ng buhay ngayon." bulong ni Nanay Krising, upang hindi marinig ng dalawang bisita sa harap nila, makahulugang tumingin sa mga mata niya ang asawa.
Bumaling kay Kurt si Tiyo Inggo. "Buweno, Kurt. Payag ako sa proposal mo. At siguro'y ganoon din naman itong si Nanay Krising mo. Pero tatlo na kaming mayor de edad sa pamilya. Ang isa pa ay ang anak kong panganay, si Teenyl. Nasa Hong Kong siya sa ngayon, Domestic helper s'ya doon at ewan ko kung bakit, ano? Basta DH siya roon. Kailangan ko rin ang opinyon at pagsang-ayon niya."
Napatango si Kurt. Ngumiti sa mag-asawa. "Sa palagay ko ho e papayag din sa proposal ko si Teeny. Ka-member ko ho sa dramatic guild namin sa high school ang anak ninyong iyon noon.."
Ngumiti si Tiyo Inggo kay Kurt. "Nagkakilala rin pala kayo ni Teeny nang nasa high school pa kayo," aniya.
"Oho," anang binata. "Pero nauna ho akong maka graduate sa kanya. Mas matanda ho siguro ako ke Teeny nang dalawang taon."
"Tatawagan ko siya bukas o kaya e sa Lunes. Ipapaalam ko sa kanya ang proposal mo, Kurt."
"Salamat, Tiyo Inggo."
"E, matanong naman kita, iho." Si Nanay Krising ang nagsalita. "Ano ba ang balak mo sa lupang nabili mo ke Mang Anong?"
"Kung sakali ho e doon ko gustong magpatayo ng bahay," ani Kurt na sumulyap sa ama na President ng Imperial rural bank. "Labas na ho ng baryo 'yon, kadikit naman ng highway at mula ho roon e tanaw ang bundok ng Maningcol, di ho ba? At kung ang magiging likuran ho ng bahay e ang inyong bukid, magiging laging sariwa ang hangin sa likod-bakuran ko."
"Me pagkaadelantado sa pagbabalak sa buhay ang anak ko, Mang Selmo," nangingiting koment ng ama ni Kurt. "Nanliligaw pa lang, pagpapagawa na ng sariling bahay ang iniisip."
"Naku e wala naman hong masama sa ganoon, Mr. Vergara," ani Nanay Krising.. "E sino naman ho ang nililigawan ng binata ninyo? Makitsismis na nga ho."
Medyo umasim ang mukha ni Tiyo Inggo.
Ang mga babae talaga'y likas na mga tsismosa, bulong ni Tiyo Inggo sa kanyang isip.
"Yon hong si Mayette," anang ama ni Kurt. "Anak ho 'yon ni Gobernador na nakilala nitong si Kurt sa UP."
"Dad," ani Kurt na parang nahihiya. "Ang mabuti pa'y magpaalam na tayo sa kanila. Nanay Krising, Tiyo Inggo kayo na po sana ang bahalang magpaliwanag ng proposal ko kay Teeny."
Sumagot si Tiyo Inggo. "Sige, iho... ako na ang bahala."
Nang may ilang minuto nang nakaaalis ang mag- amang Victor at Kurt, mula sa sari-sari store na karugtong ng salas ay lumabas si Maymay at sumali sa usapan ng magulang na nag-uusap pa.
"Para ho yatang may problema tayo tungkol sa ating sakahan, Tatay," sabi nito na naupo sa mahabang sofa.
Umiling si Tiyo Inggo.. "May proposal 'yong si Kurt, Maymay. At sa palagay naman ng Nanay mo e maka- tutulong sa atin."
"Ano hong proposal?"
Paliwanag ni Tiyo Inggo sa dalaga.
"Para sa akin ho e okay ang proposal ni Kurte," sabi nito pagkatapos. "Tatay, ako na lang ho ang tatawag kay Ate Teeny. Mamayang gabi na ho ako tatawag kina Sonia sa bayan."
"May telepono na ba sina Sonia, anak?" tanong ni Nanay Krising.
"Gumising ka na."
Tumango si Tiyo Inggo kay Maymay.
"Sige, ikaw na lang ang tumawag sa Ate Teeny mo, May."