NAGPATULOY ang pagbuhos ng ulan at pag-ihip ng malakas na hangin. Bahagyang umuga ang kubong nag-iisa sa bahaging iyon ng itaas ng dalampasigan.
Sa pagkakaupong magkatabi sa sahig na kawayan, nanatiling nakaakbay si Kurt kay Teeny, at ang ulo naman niya'y nakahilig sa matipunong balikat ng lalaki.
"Sorry, ha? Ginabi na tayo, inabot pa ng ganitong unos."
"Ano ka ba? Huwag kang mag-alala. Sanay ako sa ganito."
"Siyanga?"
"Oo. Minsan, inabot kami ni Maymay ng biglang buhos ng ulan habang nagtatanim kami ng palay sa aming bukid. Tumakbo agad kami pabalik sa kamalig. Pero nabasa rin kami dahil may palay kaming pinatutuyo sa harap niyon. Ipinasok namin ang palay sa kamalig pero basang-basa na kami. Alam mo, naglakad kami pauwi na nanginginig sa ginaw."
Humigpit ang pagkakakawit ng braso ni Kurt sa katawan ni Teeny. At naramdaman niyang idinikit nito ang pisngi sa basa niyang buhok.
"Teeny," ang masuyong sabi ng lalaki, "siguro'y ang dami mo ring hirap na dinanas sa pagdi-DH sa Hong Kong, ano?"
"Oo. Pero sana'y naman ako sa hirap. Lumaki akong mahirap. Di tulad mo."
"Hindi na kami masyadong mayaman, Teeny."
"Oo, pero di ka sanay sa hirap, Kurt."
"Sanay rin ako," depensa nito.
Umiling siya. "Nakaranas ka bang magtanim ng palay?"
"Hindi. Pero nang nag-aaral ako sa Maynila, natuto akong magluto, maglaba, mamalantsa, mamalengke at minsa'y sumasama rin ako kina Mang Felipe sa pangingisda."
"Wala ka bang maid nang nag-aaral ka pa sa Maynila?"
"Wala naman."
"Bakit wala?" nagtatakang tanong niya.
"Nakitira kasi ako sa Auntie Nita ko. Siyempre, 'yong maid nila e di ko sarili."
"E, bakit di ka umupa ng sarili mong maid?"
"Hindi nga kami sobrang yaman," pag-uulit nito.
"Nang nasa high school pa tayo, ang tingin ko sa 'yo ay very aloof ka sa mga tulad naming pobre."
"Di ba't magbarkada naman tayo noon?" ani ni Kurt.
"Oo, pero mas barkada mo sina Cleofe at Sandra."
"They are family friends. At noon pa kita mas gusto kesa sa kanila. Kaya lang, ang akala ko'y talagang likas kang suplada."
"Ow?"
"Oo. Lagi mo 'kong iniiwasan."
Saglit siyang natahimik. Talagang iniiwasan niya noon pa na mapalapit sa binatang ito 'pagkat ayaw n'yang matutong umibig at mabigo lang.
"Teeny..."
"Op?"
"Ba't ang ilap-ilap mo sa 'kin noon?"
"No'ng nasa high school pa tayo?" tanong ni Teeny, na naninigurado kung iyon nga ang tinutukoy ng katabi n'ya.
"Well," simpleng sagot nito.
"Ewan. Di naman. Kasi, siguro dahil nga mayaman ang pamilya n'yo at kilala sa buong bayan. At ako'y heto ...... empleyada mo lang sa inyong rural bank."
"Pero di ka naman asar sa 'kin noon?" seryoso itong nakatingin sa kan'ya.
"Hindi siguro. Mabait ka naman."
"Noon, gusto na kita, Teeny." diretsong saad ni Kurt.
Napalayo siya nang bahagya sa binata. Pero idiniin nito ang pagkakapatong ng braso sa basa niyang mga balikat dahilan para hindi s'ya makalayo ng tuluyan.. At hinawakan nito ang kanyang baba para maiharap dito ang kanyang mukha.
Hindi siya nakaiwas nang dampian ni Kurt ng halik ang kanyang mga labi. At nakangiti siyang pinagmasdan nito, napabaling siya ng tingin sa di nakasaradong pinto ng bahay na pawid.
"K-kurt?" nauutal na saad niya.
"Noon pa kita mahal, Teeny." Pagtatapat ulit nito.
Napalunok siya. "H-hindi a-ako n-naniniwala. Lumaki ako sa paniniwala na sa Imperial, ang mayayaman ay para sa mayaman at ang mahirap ay para sa mahirap din. Malabong magustuhan mo ako."
"Buburahin ko sa isip mo ang maling paniniwalang iyan, Teeny."
"Kurt—"
Di niya naituloy ang sasabihin. Lumakas ang ihip ng hangin at ang gasera sa harap nila ay nawalan ng sindi. Naghari ang dilim sa kabuuan ng kubo. At ganoon din ang katahimikan. Sapagkat wala na ang panandaling unos at humupa na rin ang ulan. At ang huling hampas ng malakas na hangin ay hudyat din na okay na ang panahon.
Pero lalo namang tila bumugso ang init sa katawan ni Teeny. Muli siyang hinawakan ni Kurt sa baba. Masuyo s'yang dinampian ng halik. At nang idiin nito ang paghalik ay umiling siya, nagtangka s'yang umiwas.
Ngunit hindi siya pinayagan ni Kurt. Tuluyan na siya nayakap ng mga matitipuno nitong bisig. Pinilit nitong iawang niya ang kanyang mga labi para maipasok nito ang dila sa kanyang bibig. Ayaw na ayaw niya ang naglalaro sa isip n'ya. Pero may kung anong nagtutulak sa kanya na gawin ang hindi dapat , tila naghahabulan ang mga daga sa kanyang puso.
Napapikit siya nang masuyong haplusin ni Kurt ang itaas ng kanyang braso habang patuloy na tinutudyo-tudyo ng dila ang kanyang bibig. At mayamaya lang, kumilos na nang kusa ang kanyang mga braso. Ikinawit niya ang kanang braso sa batok ni Kurt at tinanggap ang mainit nitong halik nang buong pagmamahal. Mapusok at puno ng pagnanasa ang bawat halik.
Mahirap dayain ang sarili. Noon pa siya umiiwas na mapaibig sa lalaking ito.
Marahang silang napatigil ng maghiwalay ang kanilang mga labi. At kung hindi nagpakita ng pagtutol si Teeny, ang isang palad ni Kurt ay humantong na sana sa maselang bahagi ng kanyang p********e.
Naitulak niya ito nang aktong hihipuin ang kanyang dibdib.
Bumangon siya. Nag-init agad ang kanyang mga mata. At kasunod niyon ay ang pagsubsob niya sa kanyang mga palad.
Yumugyog ang kanyang mga balikat habang nakayuko pa rin sa kanyang mga palad. Umiyak siya.
"Teeny.." mahinang tawag ni Kurt sa pangalan niya.
Lumakas ang paghikbi n'ya. Bumangon si Kurt at inakbayan siya sa dilim.
"Bakit, Teeny?" Paos na nag-aalalang tanong ni Kurt sa kanya.
"P-pinagsasamantalahan mo na ako."
"Hindi, Teeny. Totoong mahal kita. Handa kitang pakasalan."
Umiling siya. "Hindi ako ang bagay sa 'yo. At paano 'yong anak ni Gobernador?"
"Di ba sabi ko sa 'yo... hindi na ako manliligaw sa kanya? Natuklasan kong iba pala ang gusto ko—ikaw ang gusto ko."
"Kurt, napunta lang tayo sa ganitong sitwasyon, nagbago na ang damdamin mo para kay Mayette, Natatangay ka lang ng isang damdamin na di mo pa sigurado sa 'yong sarili." Tumingin ito sa labas ng pinto ng kamalig, saka nagsalita. "Humupa na naman ang ulan, umuwi na tayo."
"Teeny, mahal kita," seryoso at may diin ang pagkakasabi ng kaharap niya.
"Sa tingin ko hindi ito totoo. Umuwi na tayo."
"Totoo!" seryosong sabi nito.
"Sinasabi mo lang 'yan, dahil tayo lang dalawa ang nasa kamalig na 'to, mamaya o bukas ay babawiin mo rin 'yan na sinabi mo," pilit n'yang pinapaniwala ang sarili na hindi totoo ang sinasabi ni Kurt.
"Hindi ako sinungaling. Okey, huwag ka munang maniwala. Pero gusto kong malaman kung mahal mo rin ba ako?"
"Ewan ko."
Muli siyang kinabig nito, niyakap at mapusok na hinagkan sa kanyang mga labi.
Muling tinangka ni Teeny na umiwas. Pero muli s'yang nabigo.
*********