"Makukuha ko ho kaya ang damit sa Martes, Aling Cita?"
"Ano ba ngayon?" tanong ng matanda.
"Biyernes ho ngayon."
Saglit na nag-isip ang modista. "Titingnan ko, Teeny.." kapagkuwan ay sabi nito. "Kasi, ang dami kong tanggap na tahiin ngayon, eh."
Medyo nabahala s'ya sa sagot ng matanda. Ang ipinatatahi n'yang dress ay pampormal, isang simpleng evening dress na isusuot niya sa birthday party ng ama ni Kurt.
Marami s'yang iniuwing damit mula sa Hong Kong. Pero ngayo'y napa-fancy-han na siya sa mga iyon. Natitiyak niya na magagara ang isusuot ng mga panauhing dadalo sa party ng mga Vergara.
Baka magmukhang cheap s'ya kung sobrang stylish ang damit na kan'yang isuot. Naisip n'yang magpatahi na lamang ng medyo pormal at simple sa ninang ng kapatid n'yang si Eric.
"Aling Cita, isusuot ko ho ang damit sa birthday party ng daddy ni Kurt," aniya. "Baka naman puwede ho niyong i-rush iyon."
Umiling si Aling Cita.
"Baka pumangit lang ang ipatatahi mong damit kapag ni-rush ko, Teeny," sabi nito. "Wala ka na bang ibang maisusuot kahit luma?"
"Meron naman ho," aniya. "Kaya lang... mga tipong masyadong maarte. Simple lang ho ang gusto ko, Aling Cita. Pero kailangang elegante rin namang tingnan."
Natatawang napailing si Aling Cita. "Anong oras ba ang party?"
"Alas-syete ng gabi ho magsisimula."
"Okay. Tingnan natin. Ibig kong sabihin, baka nga matahi ko ang damit mo hanggang martes ng gabi."
"Salamat ho."
Paglabas n'ya ng dress shop, mag-aalas-syete na ng gabi, ay nag-abang siya ng tricycle para umuwi na. Nang may magdaan sa harap ng dress shop, iyon ay may pasahero pero huminto pa rin sa harap ni Teeny.
"Uuwi ka na?" tanong ng pasahero na nang masilip niya ay si Edgar pala. "Halika na..."
"Uh.?.." napaawang ang bibig niya at hidni agad siya nakagalaw sa kinatatayuan n'ya.
"Halika na't ida-drop na kita sa inyo."
Sumakay s'ya sa tricycle at nagkatabi sila ng binata sa maliit na sidecar.
"Sa dress shop ka ba nanggaling?" tanong ng binata.
"Oo."
"Bakit ginabi ka yata?" nag-aalalang tanong ng binata.
"Gabi na ba? Alas-syete pa lang naman, ah."
"Nang umalis ako sa kamalig kanina, nakita kong may ilaw na sa bahay ni Kurt. Kanina lang."
"Maaga s'yang umalis sa opisina at di na nagbalik. Kaya di niya ako naihatid."
"Ano'ng ginagawa ni Mayette sa bahay ni Kurt, Teeny?"
"Ha?"
Nagsikip agad ang kanyang dibdib sa sinabing iyon ni Edgar.
"Totoo, Ed? Nasa bungalow niya ngayon 'yong anak ni Governor?"
"Oo. Puntahan mo. baka abutan mo pa."
Umiling s'ya. "Huwag na. Salamat na lang sa sinabi mo."
Kinabukasan, sa opisina'y naging matamlay ang pakikiharap n'ya sa nobyo.
Pero tambak ang kanyang deskwork, at doon n'ya ibinuhos ang kan'yang atensiyon.
Nang mag-aalas-dose na ng tanghali'y nilapitan siya ni Kurt.
"Mag-half-day tayo ngayon at mag-swimming, Teeny. Paglutuin natin ng spaghetti si Tita Eden."
"Tinatamad ako, e," pormal n'yang sagot. "Bukas na lang."
Napakunot-noo si Kurt. "Kanina ko pa napupuna parang lagi kang pormal. Bakit ba?"
Umirap s'ya sa binata. "Nasa bahay mo si Mayette kagabi, ano?"
"Yes. Pero kasama niya si Pete, 'yong kapatid niyang binatilyo. They just dropped by dahil pauwi na sila sa Kapitolyo and the house is just along the highway."
"Baki sila nag-drop by?"
"I don't know,"ani Kurt na nagkibit pa ng balikat. "Itinanong lang niya kung bakit di na raw ako dumadalaw. Sabi ko, busy ako."
"Di mo sinabing may nobya ka na?"
"Nope. Pero, sweetheart malalaman din niya iyon at ipakikilala pa kita sa kanya sa birthday party ni Daddy. Nagseselos ka ba?"
Umirap lang siya.
Nagtatawang lumapit sa kanya si Kurt at ninakawan siya ng isang halik. Saka parang batang nagtatawa pa rin na tumakbo pabalik sa sariling desk nito.
Sumapit ang gabi ng kaarawan ng daddy ng kanyang nobyo, si Mr. Victor Vergara, isa sa mga kauna-unahang CPA at bankero sa Imperial..
Alas-sais pa lamang, nakabihis na sina Tatay Inggo ,Nanay Krising, Eric at Maymay. Habang siya naman ay nagpapaayos sa isang beauty parlor, nagpapa-hair-do at make-up.
Mayamaya'y dumating na siya. Pasimangot siyang pumasok sa kanilang sala.
"Ate, bakit?" salubong sa kanya ni Maymay.
"Hindi pa tapos 'yong isusuot kong damit. Pinaghihintay pa ako ni Aling Cita, thirty minutes pa raw. Konti na lang daw."
"Baka mayamaya lang ay dumating na ang sundo sa atin," ani Nanay Krising. "Anak, wala ka na bang mapipili talaga sa mga nariyang party dress mo?"
"Meron ho, Nanay," aniya. "Pero mga fancy ho sa tingin ko."
Tumingin si Tatay Inggo sa wallclock. "Me oras pa naman. Alas-siyete ang umpisa ng party. Palagay ko'y darating ang sundo nati ng mga sampung minuto bago mag-alas-siyete, Krising."
"Kung gayon me panahon ka pa rin na palitan ng mas bago yang pantalon mo," saad ni Nanay Krising sa asawa. "Ang mas katerno niyang barong Tagalog mo e hindi itim. Pumili ka nga ng mas angkop d'yan. Halika..."
Sumunod si Tatay kay mama papasok sa silid ng mga ito. Napawi nang bahagya ang pagkainis n'ya. Sa tingin niya'y okay na ang bihis ng kanyang ama. Ganoon din sina Eric at Maymay. Siya na lang talaga ang may problema.
Wala pa siyang maisusuot.
"Eric," tawag niya sa binatilyo. "Pumunta ka sa dressshop. Hintayin mo 'yong nira-rush doong damit ko."
"Oo, Ate."
Kaaalis lamang ni Eric, nang dumating naman ang sundo nina Teeny. Kotse ni Kurt ang sasakyan nila patungo sa malaking bahay ng mga Vergara sa poblasyon, pero ang isa sa mga driver lang ang nagdala ng kotse pagkat abalang-abala raw si Kurt.
"Pasensiya ka na raw, Miss Teeny," sabi sa kanya ng driver.. "Maaga ho kasing nagsidating ang mga bisita, e. Naroon na nga ho sina Gobernador, nag- iinuman na."
"Okay lang," ani Teeny."Pero puwede bang maghintay ka kahit sandali?"
"Bakit, ma'am?"
"Nasa dress shop pa ang isusuot ko."
Napangiti ang nakaunipormeng driver. Tumango ito.
Habang hinihintay nila si Eric, inuusyoso naman ng ilang bata ang makintab na kotse ni Kurt sa harap ng bahay nila.
Panay ang tingin niya sa kanilang wallclock. Panay ang tanaw niya sa labas ng bintana. At hindi siya matigil sa pagbalik-balik na kakalakad.
"Pwede ngang maupo ka lang d'yan, anak" natatawang puna sa kanya ng ina.. "Nilililip na lang naman pala yong damit mo. Madali na lang 'yon."
"Quarter to seven na ho, Inay," aniya.
"Relax ka lang, Ate," ani Maymay. "Hayaan mo silang maghintay sa atin. Isa ka sa mga importanteng bisita roon dahil magiging asawa ka na ni Kuya Kurt.."
Natatawang iningusan niya si Maymay. "Ayokong magpaimportante, 'no?"
"Ayaw mong mag-dramatic entrance doon, Ate?"
"Oo... dahil mga importanteng tao lang ang may karapatang gumawa ng gano'ng kahibangan.. Tayong mga mahihirap, dapat e lagi tayong punctual."
Kahit sarado ang kanilang tindahan, maraming nakaistambay sa harap. Mga binatilyo at ilang dalagita. Pinag-uusapan ang tungkol sa pagiging magkasintahan nila ni Kurt.
Sa Sta. Dolores, bihira ang mga taong naiimbitahan sa pagtitipon ng mga may-kaya at makapangyarihang mga tao. At kung sakali, sa unang pagkakatao'y ngayon pa lang may mapapabilang sa isang mayamang angkan na mula sa nayon nila.
Pagdating ni Eric ay plantsado na ang damit na ipinatahi n'ya at kaagad n'ya iyong isinuot. At di nagtagal, may sampung minuto makaraan ang alas-siyete ng gabi, lima silang nagkasya sa kotse ni Kurt. Sina Eric at ang ama niya ang nagtabi sa unahan. Sila ni Maymay at ng Mama n'ya ang nasa backseat.
Habang tinarahak na ng kotse ang daan patungo sa highway, di lingid sa kanya na ang tingin ng marami sa kanilang mga kanayon ay nakasunod sa likuran ng sasakyan. Na tila ba sinisipat ng mga ito ang nangyari.
"Ate," ani Maymay maya-maya.
"Ano?"
"Ang ganda-ganda mo sa suot mong 'yan. Para kang artista at mayaman na talaga. Bilib na bilib tuloy sa 'yo sina Mila at Sonia."
Nilingon sila ni Eric. "Ano'ng sabi nila tungkol ke Ate Teeny, May?"
"Iba na raw talaga ang maganda at may pinag-aralan pa.
Tumikhim ang ama n'ya. "Ewan ko ba kung bakit hindi ako kumportable sa isiping magiging asawa ka nga yata ng isang Vergara, Teeny," ang sambit nito.. "Di kasi maalis sa isip ko, may isang taon ding naging domestic helper ka lang sa Hong Kong. Walang masama roon dahil marangal na trabaho iyon. Pero iba ang standard ng mga Vergara."
Hindi umimik si Teeny. Ano ang masasabi niya? Tama ang kanyang ama. Ano man ang sabihin, siya ay nabibilang sa inaalilang uri. Isang dukha lamang.
Pero umaasa siyang hindi ganoon si Kurt. Alam n'yang mahal s'ya nito.
Umaasa siyang ang mga katulad niya'y matatanggap na rin sa lipunang kinabibilangan ni Kurt Vergara.
Umaasa siyang sa pag-ibig, wala talagang mayaman o mahirap. Sapat na ang karangalan.
Sapat nang mayroon kang paninindigan.
Sapat nang nagmamahal nang tapat at walang pagkukunwari, tulad ng pag-ibig na nadarama niya para kay Kurt
Muli siyang sumulyap sa kanyang relong pambisig.
Malamang na mahuli sila nang may kalahating oras sa pagdalo sa pagdiriwang ng kaarawan ng ama ni Kurt. Kasalanan niya kasi.
Di niya agad inasikaso ang pagpapatahi ng tamang party dress.
Nakakahiya sa kanyang nobyo, naisip niya.
Baka magalit sa kanya si Kurt.
Pero mayamaya'y tumuwid siya sa pagkakaupo at medyo pinatigas ang leeg.
Bakit kailangang lagi siyang may katakutan? E ano kung malate man sila?
Kung importante siya kay Kurt at sa pamilya nito, maghihintay sa kanila ang mga ito at hindi siya kailangang mag-alala ng kung anu- ano.
*****