Pahpasok nila sa maluwang na bakuran ng mga Vergara, bumulaga na sa kanila ang maraming sasakyang pribado sa harapan ng bahay.
Si Eden ang pinag-antabay ni Kurt sa kanilang pagdating. At di pa man nakakababa sila sa kotse ay nakalapit na ito sa kanila.
"Late na ba kami, Ate Eden?" tanong niya nang sinasamahan na sila ni Eden papasok sa malaking entrance ng bahay.
"Tamang-tama lang ang dating ninyo," masayang saad ni Eden. "Nasa terrace si Kurt, kainuman ang mga kabarkada n'ya. Naku, e, pasensiya ka na raw sa kanya dahil ayaw siyang paalisin ng barkada."
Iginala n'ya ang tingin sa entrance.. Puno iyon ng maraming mesa. Ang mesang nasa gitna ay mahaba na kinalalagyan ng mga pagkain. Dalawang litsong baboy ang nasa mesang iyon at sa paligid ng mga litson ay ang iba't ibang putahe sa serving plate.
Ang malaking golden chandelier doon ay nakatapat sa mahabang nakahanay na mga pagkain.
Nakahanay sa dingding ang mga mesang para sa mga bisita. At sa isa sa mga iyon sila dinala ni Eden.
Nakareserba ang kanilang uupuan sa mas malaking mesa kung saan naroroon ang mga kamag-anak ni Kurt.
Naroon rin ang mga pinsan nito, pati ang isang kapatid ni Kurt na binata rin.
"Hoy, Gus." mahinang tawag ni Eden sa binatilyo. "Heto na'ng mga Ate Teeny mo. Asan ba sina Uncle Vic?
"Nasa itaas sina Daddy," anang binatilyo na ngumiti
sa kanya.
"Halina kayo, Ate Teen. Join the family,"
"Thanks," aniyang bumaling sa mga magulang. "Tatay, Nanay, dito raw ho tayo pupuwesto."
"Itong regalo natin sa me kaarawan, anak," wika ng jna n'ya na hawak ang nakabalot na box.. "Kanino ko ba ito ibibigay? Nasa itaas pa yata ang may birthday."
Si Eden ang sumagot kay Nanay Krising. "Pakibigay na lang ho ninyo ke Gus." At tumingin ito kay Argus. "Argus, please..."
Tumayo si Argus, tinanggap mula sa mama n'ya ang regalo at dinala sa iba pang nakatambak na sa isang mesa. Nagkukumpulan ang mga napakaraming regalo.
Pagkatapos ay naupo na sila. Akmang uupo na din s'ya nang bigla s'yang hinila ni Eden paitaas.
"Puntahan natin Kurt at sina Mayette." wika nito."Nasa terrace sila."
"Bakit pa?" pangtanggi niya. "Hihintayin ko na lang siya rito."
"Basta puntahan mo." tila may kung anong gustong iparating sa kanya si Eden. At hindi lang nito masabi iyon.
Pumanhik sila sa second floor. Dere-deretso sila sa isang pasilyo na humantong sa terrace na nasa isang gilid ng bahay, nakaharap sa mas mahalaman ng hardin.
Maraming tao sa terrace, mga binata at dalaga ang nakararami na naroon.
Sa isang mesa, napansin agad n'ya si Kurt na naka-dark blue t-shirt lang at khaki na pantalon. Kainuman nito ng beer ang ilang kapwa binata din. Sigurado siyang ito ang mga barkada nito. Nagtatawanan ang mga ito at halata ang tuwa sa mga mata ni Kurt at parang gustong-gusto pa nitong makasama ang mga kaibigan kaysa sa kanya.
Ni hindi man lang s'ya nito sinalubong nang makarating sila.
Sa dulo ng terrace, may ilang kadalagahan ang nasa isa ring mesa habang umiinom ng punch May karaoke, sound system, at isang masiglang awiting nock ang maririnig.
Saglit na biglang natahimik ang lahat nang magkasabay na pumasok sila ni Eden.
"Kurt," sabi ni Eden. "Heto na sina Teeny."
"Hi, boss!" masiglang bati ni Teeny sa nobyo.
Agad na tumayo si Kurt, niyakap s'ya nito at ipinakilala sya nito sa mga kaibigan.
"Guys, this is Teeny, my girlfriend but soon to be wife."
Isa-isang kumamay sa kanya ang lahat ng binata at dalagang nagkakainan at nag-iinuman sa terrace.
"Mahusay pumili ang kaibigan namin, Teeny, ha?" biro pa sa kanya ng isang binata.
"Bakit mo nagustuhan si Kurt?" tudyo naman ng isang dalaga.
"Bakit, ano ba'ng hindi kagusto-gusyo sa kan'ya?" pabirong tanong niya sa sumulyap at ngumiti nang maluwanng sa nobyo.
"Parehong kaliwa ang paa n'yan."
Nagtawanan ang lahat ng naroroon.
Hanggang kumamay sa kanya ang isang dalagang parang pamilyar sa kanya ang mukha.
"Hi, "ang nakangiting sabi nito.. "Di ba't madalas tayong magkita sa Hong Kong?"
Kumunot ang noo niya.
"Huwag mong sabihing hindi ka nag-DH sa Hong Kong?" sabi nito, tila may kung ano sa tono ng pananalita nito pero mukhang mabait naman ito.
"Nag-DH," aniya. Bigla s'yang napatayo ng tuwid at namamawis ang kanyang mga magkahawak na kamay. "Parang pamilyar ka nga sa akin, a."
"Mona. Ang pangalan ko'y Mona." sambit nito.
'Yes, nakikita kita sa Hong Kong noon. So kelan ka pa umuwi?"
"Last month pa."
Lumapit sa kanila ang anak ng gobernador, si Mayette. Blonde ang hair na bumagay ang kulay ng buhok nito sa kutis na mala-porselana at dark green na dress nito, strapless iyon at hanggang kili-kili lamang. Hantad ang maputing mga balikat nito, pati ang clevage ng malulusog nitong dibdib.
"Mona is my personal maid," kaswal na sambit nito. "I am glad na magkakilala pala kayo dahil pareho kayong dating maid sa Hong Kong." mataray na saad ng dalaga.
Nakaramdam s'ya ng panliliit nang mapatingin siya sa mga taong nakapaligid sa kanila. Natahimik ang mga kabinataan. Habang nag-bulong-bulungan naman ang mga babae na naroroon.
Narinig pa n'ya ang pabulong na pagtatanong ng isang binata kay Kurt.
"Is that true, Pre? nag-DH sa Hong Kong ang girlfriend mo?"
Tumango lang si Kurt. Parang nanliit siya sa sarili nang hindj man lang nagsalita si Kurt para ipagmalaki s'ya.
Nagulat s'ya nang hilahin siya ni Mona sa isang braso. "Halika," yaya nito sa kanya. "Magkwentuhan muna tayo ng tungkol sa mga karanasan natin sa pagdi-DH."
Parang humihingi ng saklolong napalingon sya kay Kurt.
Atubili itong ngumiti, na para bang ikinakahiya siya nito na naroroon. Saka tumango. "Sige, Teen. you can join us later."
Nanliliit na napasunod na lang siya kay Mona. Naglakad sila sa mahabang pasilyo, lumiko sa isa pang pasilyo na ang dulo ay maliit na azotea na kinaroroonan din ng fire escape.
"Doon tayo," ani Mona na itinuro ang maliit na azotea. "Solo natin ang puwesto roon."
"Ano ba ang pag-uusapan natin, Mona?" matamlay niyang sabi.
"Sa totoo lang... tungkol sa relasyon ninyo ni Kurt ang gusto kong pag-usapan natin." Napakunot-noo s'ya.
Ano ang nalalaman nitong personal maid diumano ni Mayette sa relasyon nila ni Kurt? At parang interesado ito sa personal niyang buhay.
Nang nakatayo na sila sa pantay-beywang na barandilya ay sumandal sila roon at humarap sa isa't isa.
Ngumiti si Mona sa kanya. "Mapresko rito, `no?" T
Tumango siya. "Oo nga. Mona—"
"Matanong nga kita, Teeny. Kelan mo nakilala si Kuya Kurt?"
"Nasa elementary pa lang ako, magkakilala na kami."
"Ow?"
"Yes. At grumaduate kami pareho sa high school."
"Sigurado ka ba na seseryosohin ka talaga ni Kuya Kurt?"
Napakunot-noo siya. "Bakit mo naitanong sa akin yan, Mona?"
"Kasi, Teen, ang alam ko ay si Ate Mayette ang pakakasalan ni Kuya Kurt," ani Mona sa tonong parang normal na bagay lamang ang pinag-uusapan nila. "Me kasunduan na `ata sina Governor at Uncle Vic, 'yong father ni Kuya Kurt."
Ngumiti siya nang medyo naiinis. "Gusto mong paniwalaan kita, Mona?"
"To naman!" irap ni Mona. "Nagagalit ka pa `ata sa akin diyan e pinagmamalasakitan na kita. Kesa naman umasa ka sa walal"
Nagpanting ang mga tainga niya. Bahagya pang naningkit ang kanyang mga mata. Pero tinimpi niyang makapagsalita ng di maganda sa personal maid ni Mayette.
"Nobyo ko si Kurt, Mona," sabi niya na parang gagaralgal ang boses. "May balak na kaming pakasal ngayong papasok na taon sa January.."
Namilog ang mga mata ng kausap n'ya.
"Talaga?"
"Oh."
"Kung gayo'y nagsisinungaling lang pala sa akin si Ate Mayette."
"Bakit, ano pa ang mga sinabi niya sa 'yo?"
"Sabi raw sa kanya ni Kuya Kurt, kaya ka lang daw niligawan niya e dahil ayaw mong ibenta sa kanya yong lote sa likod ng kanyang bungalow. Gustung- gusto raw nito ang lugar na iyon. At kung puwede pa nga raw mabawasan yong sakahan ninyo e bibilhin din ni Kuya Kurt para makapagpagawa siya ng swimming pool doon."
Nag-isip siya. Kung ganoon lang ang motibo ni Kurt ,bakit naman yayayain pa siya ng binata na pakasal sila at sa harap pa ng labandera ng binata na si Aling Rosing?
Napailing siya at muling napangiti nang painsulto kay Mona.
"Alam mo," aniya, "wala akong naiintindihan sa mga sinasabi mo."
Nagkibit ng balikat si Mona. "Ayaw mo lang kasing maniwala. Ikaw rin. Mas masasaktan ka kung patuloy kang aasa na pakakasalan ka nga ni Kuya Kurt.. Hindi naman sa minamaliit ko ang pagiging DH mo noon sa Hong Kong, 'no? Pero talaga namang tayong mga katulong lang, walang karapatang mag-ambisyon nang mataas.
Biglang napakunot-noo siya.
Kapagkuwan ay napatawa siya nang malakas.
"I think,"aniya, "hindi ka nagsasabi ng totoo, Mona. Kamukha mo lang 'yong madalas kong makita sa Hong Kong noon. Sa palagay ko, hindi ka pa nakakarating sa Hong Kong."
Medyo umilap ang mga mata ni Mona. "Ang ibig mong sabihin ay sinungaling ako?"
"Oo."
"Anak ng p*t*—"
"Huwag kang magmura!" Napataas ang tono boses niya. "Kung nag-DH ka sa Hong Kong, hindi mo ako mamaliitin. Sa Hong Kong kasi, ang lahat ng tao ay pantay-pantay. Kahit boss ka roon, pagkatapos ng trabaho ay ka-level mo na ang iyong mga trabahador. Sabihin nang nag-maid lang ako sa Hong Kong, hindi kailanman ako trinatong alila ng mga amo ko. Sa lugar na 'yon, ang dignidad ng tao'y di sinusukat sa kanyang kalagayang panlipunan o pangkabuhayan. Sa lugar na 'yon, basta tao may dignidad ka. No, Mona. Hindi ka nakapag-DH sa Hong Kong. May P1,000 ako rito. Pustahan, o! Wala kang passport."
Magpapakita sana ng galit si Mona pero nagtaas-noo s'ya rito.
Ngumiti na lang ito nang painsulto rin. "Hindi ka pakakasalan ni Kuya Kurt," ang sabi sabay talikod. "Makikita mo. Nag-iilusyon ka lang." Humakbang na ito. At naiwang nag-iisa siya.
Naiilang na napatungo siya, tumalikod sa pantay- beywang na barandilya at saka bumuntunghininga.
Nakatatak na sa isip nya ang pagdududa tungkol sa intensiyon ni Kurt. Bagaman napapantastikuhan siya na isiping kaya lang siya niligawan at hinangad maging nobya nito ay dahil sa kapirasong lupa, ngayon ay bigla siyang nakaramdam ng kaba. Baka tama talaga ang sinabi sa kanya ni Edgar.
Kailangang magkausap na sila ni Kurt tungkol sa lupang iyon. Para sa kanya ay mahalaga na pag-usapan ng dalawang nagmamahalan ang tungkol sa mga materyal na bagay.
Bakit kailangang maging sangkot sa pag-ibig ang tungkol sa materyal, lalo na, iyon ay kapirasong lupa lang naman?
Baka naman ganoon talaga ang mayayaman? Baka ilusyon n'ya lang na mahal takaga siya ni Kurt.
Minsan, ang pride ay nagtutulak sa tao na magdesisyon at gumawa ng mga bagay na nakakatawa, di makatwiran at labag din sa kalooban niya.