Nagising ako sa malakas na tunog ng alarm namin sa bahay, pero hindi ordinaryo ang alarm clock namin. Bawal kang mag-adjust ng five minutes, siguradong lilipad ang hanger o kaya kaldero kapag nagreklamo ka. Ang alarm namin sa bahay ay parang armalite na bunganga ni Nanay.
“Magsigising na kayo! Anong akala n’yo? Anak mayaman kayo! Tirik na ang araw nakahilata pa kayo!” sigaw niya.
Kahit inaantok ako, napabangon ako dahil nagsimula nang magalit si Nanay.
“Good morning, Nay!” Nakapikit pa ako ng bumati sa kanya. Kahit hindi ko siya nakikita, alam kong nakapamewang siya, nakasuot ng saya, may ipit ng sampayan sa buhok. Ganyan lagi ang itsura niya sa umaga.
“Gising na ang anak sa mayaman!” sigaw niya.
“Nay, anong almusal?” sabi ko.
“Aray!” sabay hawak sa ulo kong binatukan niya.
“Gumising ka na tirik na tirik ang araw, maghahanap ka pa ng almusal?”
Gusto ko sanang takpan ang tenga ko, kaya lang baka kaldero na ang tumama sa mukha ko.
“Nay, ‘wag po kayong magalit lalo kayong papangit.”
“Abah! Bwiset kang bata ka!” Binatukan na naman niya. “Parang sinabi mo na rin na pangit ako!”
“Nagkamali lang ako ng sinabi. Lutang pa kasi ako kaya nasabi ko ‘yon.”
“Anong bago? Lagi ka naman lutang.”
Napakamot ako sa ulo. Wala na talaga akong magandang paliwanag kay Nanay, laging may rebat sa akin. Dumiretso ako sa kusina para magtimpla ng kape. Simula nang magkasakit ang Tatay ko, himala na ang magkaroon kami ng almusal sa umaga. Masaya na kaming may kape na maiinom.
“Halley, ikaw muna ang bantay sa bahay, pupunta ako sa Lola mo para umutang ng pera pampagamot sa Tatay mo,” wika ni Nanay sa akin. Bitbit pa niya ang bayong niya at sombrero.
Sandali akong tumingin sa kanya. “Sige, Nay.”
Tiningnan ni Nanay ang nasa screen ng laptop ko. “Nagsusulat ka na naman! Hindi ka naman napapakain ng sinusulat mo,” inis niyang sabi.
“Nay, marami na akong readers ngayon.”
Namaywang siya. “Tigilan mo ang kalokohan na ginagawa mo. Maghanap ka ng trabaho na may ambag ka sa gastusin natin. Hindi ka ba nahihiya sa Tatay mo? Nagkasakit na lang siya sa pagtatrabaho para makapagtapos ka ng pag-aaral, pero hindi mo naman ginagamit. Kung nag-apply ka ng trabaho sana, sekretarya ka na ngayon.”
“Nay, kapag naging sikat ako na writer, yayaman din tayo.”
“Tumigil ka!” sabay batok niya sa akin.
“Aray, naman!”
“Malapit na tayong palayasin dito sa inuupahan natin, wala ka pa rin ambag.”
“Maghahanap na ako ng trabaho.”
Dinuro niya ako. “Siguraduhin mo lang!” Pagkatapos, tuluyan na siyang umalis.
Pinuntahan ko naman si Tatay sa kuwarto niya.
“Tay, uminom ka na ba ng gamot?”
Tumango siya bilang tugon. Hindi siya makapagsalita nang maayos dahil tatlong buwan na siyang stroke. Simula nang wala na siyang trabaho nagsimula na rin kaming magipit sa pera. Hindi na rin sapat ang pension na nakukuha niya buwan-buwan.
“Tulungan na kita maglakad-lakad sa labas.”
Hinila ko ang wheelchair niya para mailabas ko siya ng bahay. Tuwing umaga at hapon, pinipilit namin siyang maglakad para bumalik ang dating lakas ng kanyang katawan. Hirap na hirap ako sa pagbubuhat bago ko siya nailipat sa wheelchair niya. Pagkatapos, hinila ko ito palabas.
“Tayo na, Tay,” sabi ko habang inalalayan ko siya sa paglalakad ng dahan-dahan. Kahit mas napapagod ako dahil sobrang bigat niya, ayos lang. Ang mahalaga ay gumaling siya.
Pagkalipas ng kalahating oras na paglalakad, binalik ko na siya sa loob ng bahay. Dinala ko siya sa sala dahil manonood siya ng paborito niyang palabas.
“Ate Halley, nandiyan si Aling Aroh,” sabi ng bunso kong kapatid na si Harry.
“Sabihin mo wala si Nanay?”
“Ikaw ang makipag-usap,” sagot niya.
Napakamot na lang ako sa ulo. Hindi ko na kasi alam kung paano kakausapin ang landlady namin. Siguradong maniningil na naman siya ng upa ng bahay.
“Sige, lalabas na ako.”
“Kayo po pala, Aling Aroh.”
“Halley, nasaan ang Nanay mo?”
“Umalis po siya.”
“May iniwan ba siyang pambayad sa upa ng bahay?”
“Eh... wala siyang iniwang pera pambayad.”
“Tatlong buwan na kayong hindi nagbabayad ng upa. Kung hindi kayo magbabayad hanggang sa katapusan, kailangan n’yo ng umalis.”
Tumango ako. “Opo, sasabihin ko kay Nanay.”
Nakasimangot siya nang umalis.
“Kailangan ko na talagang maghanap ng trabaho,” bulong ko.
Naglinis ako ng bahay namin bago pumunta sa kaibigan kong si Betina. Nakita ko siyang nakatambay sa tindahan nila at abala sa cellphone niya.
“Hoy, anong binabasa mo?”
“Ha, may binabasa akong kuwento. Grabe! Ang ganda ng plot ng story.”
“Kuwento ko ba ’yan binabasa mo?”
Umangat ang kilay niya. “Nagsusulat ka?”
“Oo, nagsusulat ako ng kuwento. Ang dami ko na ngang followers at readers.”
“Talaga? Bakit ngayon ko lang nalaman? Anong penname mo?”
“SexyLola@69.”
Napangiwi si Betina. “Ang dami namang puwedeng maging nickname bakit ganyan ang naisip mo?”
“Ayoko kasing may makilala sa akin na kapitbahay natin. Alam mo namang biktima na ako ng ‘Naka-graduate pero walang trabaho.’”
“Sige, bisitahin ko ang profile mo.”
Nakatingin ako sa kanya habang sini-search niya ang name ko.
“Akala ko ba marami ka nang followers? Sampu lang nag-follow sa ’yo. Bente lang ang nagbasa ng story mo.”
“More than one is plural.”
“Wow! Naisip mo pa talaga ’yon.”
"Minus five, 'yung lima ako din. Gumawa ako ng dummy account para makadagdag sa followers at reads."
"Wow! self support."
Ngumiti ako nang sinimulan niyang basahin ang kuwento ko. Isang pahina pa lang ang nabasa niya, huminto na siya.
“Bakit ka huminto?”
“Hindi ko gusto ang ganitong genre, masyadong pabebe. Gusto ko ’yung mga matured content. Mga Female Lead at Male Lead na nasa edad 23 above para may bayo si Male Lead.”
Kumunot ang noo ko. “Anong bayo?”
“Bayo? Yugyugan sa kama. Gano’n ang binabasa ng mga readers ngayon.”
“Gano’n ba ’yon?”
“Oo, romance story ang isulat mo para naman maganda.”
“Eh, paano ’yon wala pa akong experience sa ganyan?”
“Manood ka ng mga romance movie.”
Bumuntong-hininga ako. “Baka nga tumigil na ako sa pagsusulat.”
“Oh, bakit naman?”
“Kailangan ko nang mag-apply ng trabaho. Araw-araw na lang may naniningil sa amin ng utang.”
“Hindi naman sa nakikialam ako, pero tama ’yan naisip mo, puwede mo namang pagsabayin ang pagsusulat habang nagtatrabaho ka.”
Tumango ako. “Gusto kong mag-apply ng trabaho bukas pero wala naman akong pamasahe.”
“Isangla mo muna ang laptop mo.”
“Ayoko, may sentimental value sa akin ’yon.”
“Kaysa naman hindi ka makapag-apply ng trabaho.”
“Pautangin mo muna ako o kaya isama mo ako sa raket mo.”
“Halley, hindi ka puwede sa trabaho ko. Magkano ba uutangin mo?”
“Kahit limang daan lang para makapag-apply na ako bukas.”
“Oh, sige.”
Ngumiti ako. “Thank you.”
“Hindi ’yan lista sa tubig.”
“Oo, babayaran ko rin kapag nagkaroon ako ng trabaho.”
“Sandali, kukuha ako ng pera.”
Nakahinga ako ng malalim dahil papautangin ako ni Betina. Hindi ko na kailangan manghingi kay Nanay ng pamasahe.
“Oh, ayan, good luck!”
“Thank you!”
Pag-uwi ko ng bahay, sinalubong ako ng kapatid kong si Harry.
“Ate, si Tatay, wala na pa lang gamot na iinumin para mamayang tanghali.”
“Sige, bibili ako.”
“May pera ka?”
“Umutang ako kay Betina pamasahe ko bukas dahil mag-apply ako ng trabaho. Babawasan ko ng pambili ng gamot ni Tatay.”
“Puwede ba, Ate, pabawasan mo rin kahit sampung piso pambili ng tinapay?”
Ngumiti ako. “Okay.”
Mas lalo akong nakaramdam ng awa dahil ramdam ng bunso kong kapatid ang hirap namin. Dumiretso ako sa botika para bumili ng gamot. Mabuti na lang talaga at generic ang mga gamot ni Tatay kaya nakabili ako ng marami. Bumili rin ako ng tinapay, isang kilong bigas, at sardinas. Mahigit dalawang daan na lang ang natira sa inutang ko.
Tuwang-tuwa naman ang kapatid ko nang bumili ako ng tinapay. Kape lang din kasi ang laman ng tiyan niya simula kaninang umaga.
Pagdating ni Nanay, may dala na itong bigas at ulam.
“Saan ka umutang ng bigas?” tanong niya.
Nakita kasi niyang may kanin sa kaldero.
“Umutang ako kay Betina para may pamasahe ako bukas.”
“Saan ka pupunta?”
“Mag-apply na ako ng trabaho.”
Seryosong tumingin sa akin si Nanay.
“Harry!” tawag niya sa bunso kong kapatid.
“Bakit po, Nay?”
“Kunin mo ang thermometer, nandoon sa kuwarto namin ng Tatay mo.”
“Sige po.”
Kumunot ang noo ko. “May sakit ka, Nay?”
Hindi niya sinagot ang tanong ko. Nakatingin lang siya sa akin.
“Ito na po ang thermometer,” wika ni Harry.
“Oh, ilagay mo sa kilikili mo.”
“Wala naman akong sakit.”
“Wala ka bang sakit? Ibig sabihin isang malaking himala ang nangyari sa ’yo dahil naisip mo na rin sa wakas mag-apply ng trabaho para makatulong sa amin.”
Sumimangot ako. “Mag-apply na ako ng trabaho bukas.”
“Abah! Mabuti ’yan naisip mo, hindi ’yon nagkukulong ka sa kuwarto at nakatutok ka lang sa laptop mo.”
“Ginisa ko na ’yung sardinas, kumain na tayo,” pag-iiba ko ng usapan.
Nagsisimula na naman kasi siyang mag-fliptop.
“Maghain ka ng pagkain at kukunin ko ang Tatay mo.”
“Sige po.”
Pagkatapos kong kumain, nagpasa na ako ng mga resume sa mga kumpanyang naghahanap ng sekretarya. Graduate ako ng Bachelor of Science in Secretarial Administration, ngunit wala pa akong experience sa kurso ko.
“Lord Jesus, kayo na po ang bahala sa akin bukas,” bulong ko.
Kinabukasan...
“Halley, lagyan mo ng piso ang sapatos mo para hindi kabahan sa interview mo,” wika ni Nanay.
“Meron nang nakalagay na piso.”
“Sige, galingan mo.”
“Opo.”
Sumakay ako ng jeep papunta sa terminal ng bus. Isang oras at kalahati ang biyahe ko kung hindi traffic, kaya inagahan ko dahil baka abutan ako ng traffic at hindi makapunta sa oras ng interview ko.
Alas-sais pa lang ng umaga ay nasa loob na ako ng kumpanya at naghihintay sa interview. Alas-otso kasi ang interview ko sa mismong magiging boss. Pagsapit ng alas-otso ay hindi pa rin ako tinatawag para interbyuhin.
“Ang tagal naman, nagugutom na ako,” bulong ko.
Mas lalo akong nagutom sa amoy ng kinakain ng isang aplikante na kumakain ng burger. Huling beses akong nakatikim ng burger ay noong birthday ng boss ko sa pinag-ojt-an ko.
Alas-diyes na, hindi pa rin kami tinatawag.
“Hello, applicants!” wika ng staff member.
Napaunat ako sa kinauupuan ko.
“We're sorry, but our boss can't make it to the interview today because of an important matter. We'll call you to reschedule the interview.”
Kung sa ibang aplikante ay okay lang, sa akin ay hindi. Bukod sa wala akong pamasahe pabalik dito, hindi rin biro ang effort ko para lang makapunta rito.
Hinintay kong umalis ang mga kasabay kong aplikante bago ako lumapit sa babae kanina.
“Hello, Ma’am!” sabi ko.
“Yes?”
“Wala ba kayong ibang bakanteng puwedeng pasukan? Kahit janitress ay okay lang sa akin.”
“Pasensya na, wala kaming ibang posisyong bakante sa ngayon.”
Pilit akong ngumiti. “Okay po, thank you!”
Nakatulala ako habang naglalakad palabas ng building.
Uuwi akong luhaan ngayon araw. Magagalit na naman sa akin si Nanay.
“Kung minamalas ka nga naman.”
“Ay, kabayo!” sigaw ko.
Bigla kong narinig ang sunod-sunod na busina ng sasakyan. Hindi ko napansin na naglalakad na pala ako sa gilid ng daan. Mabuti na lang at nakahinto ito dahil sa traffic lights.
Umupo ako sa gilid ng kalsada dahil bigla akong namlambot. Siguro dahil sa gutom at pagkadismaya sa nangyari.
Biglang may bumato sa mukha ko.
“Aray!” Nilingon ko ang sasakyan na bumato sa akin. Hindi ko nakita ang sakay ng itim na kotse.
“Siraulo ‘yon.”
Hinanap ko ang binato niya sa akin, ngunit bigla akong nabuhayan dahil parang kakulay ng isang libo. Mabilis kong pinulot ang binato niya.
“Dalawang libo, akala siguro pulubi ako.” Muli kong nilingon ang sasakyan. Kumaway ako sa kanya kahit medyo malayo na siya.
“Hindi baleng mapagkamalan pulubi basta may dalawang libo.” Tuwang-tuwa akong naghanap ng puwedeng bilihan ng tinapay at tubig, kanina pa ako nagugutom.
“Sino kaya ang taong naghagis ng pera sa akin? Ang bait naman niya,” bulong ko.