Julianna
Para akong bakal na nakaupo sa couch. Hindi rin ako makalunok-lunok dahil sa malakas na kabog ng dibdib ko.
Maging si Valerie na nakaupo sa tabi ko ay walang kibo, parang nahihiya pa. Mukhang ngayon pa lang na-proseso nang husto ang ka-gagahang ginawa niya.
Pagkatapos kaming anyayahan ng guest ni Millie, hindi na nagsayang ng segundo ang kaibigan ko upang sumang-ayon. Mabilis pa niya akong hinila paupo sa couch—na parang naka-depende sa upuan ang mga buhay namin.
Kaya ngayon ay hindi ko alam kung ano ang gagawin ko rito. Gusto ko nang umalis ngunit nangangatog ang mga tuhod ko. Ni hindi ko magawang tumingin sa gawi ng lalaking nakatayo habang kausap si Millie, na mayroon namang inililista sa order slip na hawak.
Isa pang nakakahiya para sa akin ay iyong sinabi ko kanina. Baka iniisip niyang ipinarinig ko talaga iyon para imbitihan niya kami. Nagkatinginan pa kaming dalawa. O ang malala, iniisip niyang mga bayaran kaming babae dahil sa ayos namin—lalo na ako. Nahuli ko siyang nakangisi sa akin kanina kaya posible iyon.
Ano ba kasi itong ginawa ni Valerie?!
Nakalimutan din yata niyang malapit na akong mag-asawa! Mas lalo akong kinakabahan sa tuwing sasagi sa isipan ko na baka mayroong mga tauhan si Aljon dito na pa-sikreto akong binabantayan.
Paano kung hindi pa umalis iyong naghatid sa amin dito? Lalo pa na't alam niya ang hitsura ko sa mga sandaling ito. Paniguradong magre-report iyon sa amo niyang sugo ng impyerno.
"What would you like to drink?" rinig kong tanong ng lalaki. Ramdam ko rin ang mga titig niya sa akin—o sa amin ng katabi ko.
"Uh..." usal naman ni Valerie. Naramdaman ko pa ang bahagya niyang pagbangga sa may braso ko.
Hindi ako kumilos. Ni tumingin man lang sa kanya o sa gawi ng lalaki ay hindi ko rin ginawa. Pinanatili ko ring tikom ang mga labi ko.
"We didn't do pregaming, so low-alcohol cocktail drinks should be fine," anang kaibigan ko sa malumanay at medyo nahihiya pang tono.
Pero siguradong mawawala ang hiya niya mamaya kapag nabahiran na ng alcohol ang sistema niya. Konting alcohol man 'yan o marami, gano'n pa rin ang magiging resulta sa kanya.
Idinikta ng lalaki ang sinabi ni Val kay Millie, pati iyong iba pa niyang gustong order-in. Maya-maya ay narinig kong nagpaalam si Millie na kakausapin niya muna kami. Wala naman akong narinig na pagtutol sa lalaking hindi namin kilala.
Nang mapagpasyahan kong tumingin sa lalaki ay nakita ko siyang naglalakad palapit sa may handrails nitong second level. Naisipan niya muna sigurong lumayo upang bigyan kami ng privacy.
"Nakakahiya ka, Val!" May halong tawa at panenermon ang tinig ni Millie nang tumayo ito sa may likuran ng upuan namin.
Pareho namin siyang nilingon ng kapatid niya. Maligalig pa akong tumango dahil totoo ang sinabi niya. Idinamay pa niya ako rito!
"Inimbitahan niya kami, tinanggap ko lang! Mas nakakahiya kung basta na lang kami umupo rito," katwiran ni Valerie saka pa inirapan ang kapatid.
Hindi naman nagkakalayo-layo ang edad namin. Dalawang taon lang ang tanda ni Millicent sa aming dalawa ni Valerie kaya kapag nag-uusap-usap kami ay para lang kaming magkaka-edad lahat. Kami na ang magkakasama simula mga bata pa lang kami kaya kilala na rin namin ang ugali ng isa't isa.
"Umayos kayo, ha?" Tinulak ni Millicent ang balikat ko kaya nginiwian ko siya. "Lalo na ikaw, Valerie! Iba pa naman ang takbo ng utak mo kapag nakainom ka na. Mukha pa namang high-profile 'yang guest ko. Pero huwag na huwag kayong magtitiwala sa kanya! Huwag din masyadong palagay ang loob ninyo!" Tinuro nito ang mukha ng kapatid, at pagkatapos ay ako.
Sabay kaming napatango ni Valerie.
"Bantayan mo 'yan, Jules. Kilala mo 'yan kapag nakatikim ng alak. Ibubuka niya ang lahat!" bilin pa nito sa akin. Humalakhak ako, habang si Valerie naman ay hinampas sa balikat ang kapatid.
Nang magpaalam si Millie ay napabuntonghininga ako. Sinundan ko rin siya ng tingin at nakitang lumapit sa guest niya. Agad din akong nag-iwas ng tingin nang makitang tumingin sa gawi namin ang lalaki.
Itinuon ko ang buong atensiyon ko sa lamesa kung saan naroon ang isang bote ng mamahaling alak, basong may laman, bucket ng yelo, at isang phone—na malamang ay pagma-may-ari ng lalaki.
"Um... Thank you for inviting us to sit with you. And thanks for the drinks," ani Valerie. At sigurado akong nakabalik na rito ang lalaki. Nakita ko na rin siyang nakatayo sa tapat ng couch na nasa harapan lang namin.
"The pleasure is all mine," anang lalaki. Napaka-friendly din ng tinig niya.
"I'm Valerie, by the way."
Nilingon ko ang katabi ko nang tumayo ito. Pinanood ko siyang i-abot ang kamay sa lalaki saka nakipag-shakehands.
"Jercie. Great to meet you, Valerie." Polite itong ngumiti sa kaharap saka na pinakawalan ang kamay ng kaibigan ko.
Nakaramdam ako ng panic. Hindi ko alam kung magpapakilala rin ako o hindi. Pero ayokong magmukhang ungrateful dito kaya tumayo ako.
Sa akin natuon ang atensiyon ng dalawa, at sa sandaling mag-abot ako ng kamay sa lalaki, mabilis, ngunit marahan niya iyong kinuha habang nakangiti. Subalit iyong ngiti niya ay hindi polite tulad ng ibinigay niya kay Valerie. There was something wicked in it.
Parang nang-aasar.
Bigla kong naalala kung ano ang hitsura at suot ko. Ganoong ngiti rin ang iginawad niya sa akin kanina.
"J-Julianna," utal kong pakilala. Damang-dama ko ang hiya sa balat ko at ang mainit at magaspang niyang palad sa buong sistema ko. "Thank you..." Pilit akong ngumiti saka pasimpleng sinulypan ang lamesa.
"Nice to finally put a name to the face," aniya, naroon pa rin iyong nang-aasar na ngiti. "How is it going, Julianna?"
Tumaas ang mga kilay ko gawa ng pagtataka. May pagtatanong pa akong napatingin sa kaibigan ko dahil na-weirdo-han ako sa mga sinabi niya. Biglang nabuhay sa akin ang pakiramdam na magkakilala kami kahit na sigurado naman akong hindi.
Kung kilala ko siya, malamang ay kilala rin siya ni Valerie. Pero sa hitsura ng kaibigan ko, hindi niya rin kilala ang isang to.
Ni hindi siya pamilyar sa akin.
"Good..." humalo ang pag-aangalangan sa tinig ko saka binawi ang kamay ko na agad namang pinakawalan ng lalaki habang tumatango.
Hindi na siya muli pang nagsalita. Iminuwestra na lamang niya ang couch. Agad namang umupo si Val habang ako ay may pag-aatubili pang bumalik sa pagkakaupo.
Ilang minuto lang ang lumipas ay dumating na si Millie dala ang mga in-order ni Jercie na inumin para sa amin at mga snacks. Inimbitihan din niya si Millie na samahan kami ngunit tumanggi ito dahil may mga dapat pa siyang asikasuhin.
"Enjoy your drinks, ladies." Itinaas ni Jercie ang rum glass nito sa amin bago ilapit sa bibig para sumimsim.
Hindi ko naman maiwasang mapalunok dahil habang umiinom siya, sa akin nakatuon ang mga mata niya.
There's no doubt that he's indeed handsome. Pero kahit anong gawin kong pag-alala kung saan kami nagkita nitong lalaking ito, hindi ko talaga matandaan. Wala akong matandaang na-encounter ko na siya o naka-interact, maliban ngayon.
Walang parte ng mukha niya ang pamilyar sa akin. Napansin ko rin ang parang tattoo sa may left side ng leeg niya at sigurado akong ngayon ko pa lang iyon nakita.
Hindi pa talaga siguro kami nagkita. Nag-assume lang ako at iba lang ang dating no'ng mga sinabi niya.
Imposible rin na kilala niya ako dahil kay Aljon Esquivel. Bukod sa ngayon pa lang ako nag-ayos nang ganito, wala pa akong nakakaharap sa pamilya o kung sino mang kamag-anak at maging kaibigan ng lalaking iyon. Kilala sila rito sa Leiden pero siya pa lang ang talagang nakakaharap ko sa mga Esquivels. Hindi rin ako interesadong kilalanin ang bawat miyembro ng pamilya niya.
Humugot ako ng hininga saka inabot ang cocktail drink na para sa akin. Nag-umpisa na rin namang uminom si Valerie. Dumadampot-dampot na rin siya kung minsan sa mga snacks.
Ang lalaki namang kasama namin ay tahimik pero nararamdaman ko minsan sa mukha ko ang mga mata niya. At ayokong tumingin sa gawi niya para lang kumpirmahin iyon.
"So, are you two just from here?"
Agad na natuon ang mga mata ko sa lalaking kaharap namin nang mag-initiate ito ng conversation. Ramdam pa siguro niya mula sa amin ang paka-ilang kahit na pormal na kaming nakapagpakilala sa isa't isa.
"Yes." Si Val ang sumagot. "Ikaw?"
Lumabi lang ito saka nagkabit ng balikat bilang sagot, hindi direktang sinabi kung taga rito siya o hindi. At wala akong balak na mangulit.
"Madalas ba kayo rito?" Muli pa niyang tanong saka tumingin sa akin.
Umiling ako. "Hindi."
"Actually, ngayon pa lang kami nakapunta—I mean, nakapasok sa club na 'to," kwento ni Val. "Ito kasing kaibigan ko, she wants to waste her life away." Agad kong tinapik ang braso niya at sinaaman siya nang tingin. Tumawa naman ito, at nang tingnan ko ang lalaki ay naroon na naman ang ngisi niya sa mga labi.
"Do you do that out of habit?" Tumaas ang mga kilay ni Jercie. "Is it that hard to fight the urge?"
What?
"Nagbibiro lang siya," depensa ko. Muli kong sinamaan nang tingin ang kaibigan ko. Sanay na akong ganito si Valerie sa tuwing may dadaloy nang alcohol sa sistema niya.
"Kidding aside, gusto lang niyang sulitin ang mga natitirang araw na magawa pa niya ang mga gusto niya."
Inilingan ko ang kaibigan ko pero hindi ako nagsalita. Totoo naman iyong sinabi niya. Kaya nga kami nandito sa club ngayon. Ang hindi ko lang masikmura ay ang sasabihin niya ang ganoon sa isang estranghero.
Nang tumingin ako kay Jercie ay saktong nakatingin ito sa akin. May multong ngiti ang naglalaro sa mga labi niya, at parang may sinasabi ang mga mata nito na hindi ko makuha kung ano.
"How would you like to make the most of your remaining free days, Julianna?" Naramdaman ko ang paghagod ng init sa likuran ng leeg ko dahil sa tono ng boses niya at kung papaano niya bigkasin ang pangalan ko.
The way my name rolled off his tongue...parang sanay na siya.
"I-I don't know," halos pabulong kong sabi. Hindi ko alam kung narinig niya iyon dahil bigla na lamang nagsigawan ang mga tao sa ibaba nitong kinaluluguran namin dahil sa biglaang pagpapalit ng tugtog.
Matagal pang tumitig sa akin si Jercie, nandoon pa rin iyong multong ngiti, at parang may gustong i-offer o i-suggest na magandang paraan.
At kung ano man iyon, hindi na niya sinabi. Kinuha lang niya ang baso ng alak saka lumagok doon.
Nagdaan pa ang mga minuto na si Jercie at Valerie lang ang talagang nag-uusap. Nakailang baso na rin kami ng cocktail drinks na muling in-order ng lalaki para sa amin. Tuluyan na ring naging maingay si Valerie.
At sa tuwing magtatama ang mga mata namin ni Jercie, palaging naroon iyong pakiramdam na may gusto siyang i-alok sa akin. Hindi ko pa rin makuha kung ano, subalit hindi ko mapigilan ang pagkabog ng dibdib ko sa hindi malamang dahilan. Lalo na kapag sisimsim siya sa alak o hindi kaya ay itataas nito ang mga kilay sa akin.
Kapag tumatagal din ang atensiyon niya ay palagkit nang palagkit ang mga titig niya. He's also making me feel uncomfortable in a bad way. Kapag wala ang atensiyon niya sa akin, gustong-gusto kong kunin.
Nagiging malikot ako sa upuan pero wala akong pakialam kahit na umangat na ng tuluyan ang skirt ng dress ko.
It's strange how someone I just met can make me behave like this? May distansya kami ngunit iyong tingin niya, kinakain ang lahat ng espasyong namamagitan sa aming dalawa. Hindi ko alam kung ako lang ba o pati na rin si Valerie? O baka dala lang ng alcohol? Pero hindi pa ako lasing.
Naputol ang usapan ng dalawa nang umilaw ang screen ng phone na nasa lamesa. Sandaling tumitig doon si Jercie bago kinuha.
"Give me a minute," aniya saka tumayo.
Mabilis din akong tumayo, at ramdam ko ang tingin sa akin ng kaibigan ko.
"Pupunta muna kami sa baba," paalam ko. At alam ko sa sarili ko na hindi na ako babalik sa booth na ito.
Prevention is better than cure coz I'm starting to think he's interested in me. Nagiging malisyosa na rin ako dahil sa mga iginagawad niyang mga titig. Nagsisimula na rin akong mag-isip ng mga hindi ka-aya-ayang bagay dahil ang hirap balewalain ng presensiya niya.
Hindi naman ako ganito. Ang alam ko ay gusto ko lang magsaya at uminom ngayong gabi pero bakit may iba pa akong gustong gawin bukod doon dahil sa lalaking ito?
"Huh?" Naramdaman ko ang pagtayo ni Val sa tabi ko.
Nilingon ko siya. "Dance floor."
"Okay, Julianna," wika ni Jercie kaya muli kong ibinalik ang paningin ko sa kanya. "I'll be there with you right after this call."
Sandali akong napahinto sa paghinga dahil sa kiliting naramdaman ko. At ito ang problema sa akin ngayon. Nabibigyan ko ng ibang kahulugan ang mga simpleng salita lang ng isang estranghero.
"You don't have to," umiiling kong tanggi.
"But I want to." Ngumiti ito saka na naglakad palayo.