Chapter Two
Layla pov's
Tinarayan ko lang siya at hindi na sumagot pa. Tinalikuran ko na siya dahil kumukulo lang ang dugo ko kapag nakikita ko siya.
"Ang sungit talaga!" dinig ko pang sabi niya pero hindi ko na siya nilingon pa.
Lumipas ang ilang Linggo, hindi na ako tinantanan ni Arwel. Pumupunta siya sa bahay at inaabangan niya ako sa palengke.
Tutol si Mama sa kaniya, ayaw niya kay Arwel. Pero nagkagusto na ako sa kaniya kaya sinagot ko siya. Dahil sa pangungulit nito ay naibigay ko sa kaniya ang matamis kong 'Oo'.
Sa una, akala ko ay hanggang mag-boyfriend/girlfriend lang muna kami. Pero dumating ang araw na niyaya na niya akong magsama kami at hindi ko tinanggihan iyon. Sa edad na sixteen, sumama ako sa kaniya. Tumira ako sa bahay nila kasama ang tita niya.
Nagalit si Mama at Papa, subalit natanggap rin nila ito kalaunan. Ang buong akala ko, okay na kami ni Arwel pero hindi ko akalain na papangarapin kong umahon sa buhay, papangarapin kong makaalis sa buhay na nakasanayan ko noon.
Nangarap ako nang mataas, nangarap ako nang hindi kayang ibigay ni Arwel sa akin. Kaya naman nang sabihin sa akin ni Mama na kailangan ng pera ni Levi para sa pag-aaral ay kaagad akong nag-volunter na magtrabaho at huwag na lang ipaalam kay Arwel ang tungkol doon. Umalis ako sa bahay na hindi alam ni Arwel ang lahat.
Hindi niya alam na iiwan ko siya, tulog siya nang umalis ako at nag-iwan ako ng sulat na kabaliktaran sa iniisip ko. Sinulat ko ang pinakamasakit na salita upang kamuhian na niya ako at huwag na niya akong hintayin pa. Gusto kong kalimutan na niya ako. Pero ang totoo, masakit at mabigat sa dibdib ko ang lahat nang isinulat ko para sa kaniya.Napabalikwas ako ng bangon nang marinig ko ang katok mula sa labas ng pinto.
"Gising na, Layla. Gising na, alas-siyete na. Late ka na sa karinderya." Malakas na yugyog ang naramdaman ko sa aking balikat.
Kumurap-kurap ako bago tuluyan na tumayo sa higaan.
"Jusmiyo, Marimar! Hindi ka pa rin nagigising! Kung hindi pa kita ginising ay hindi ka pa magigising. Maligo ka na para sabay na tayo palabas," aniya.
Tumango lamang ako at nagtungo na sa banyo.
Nag-enjoy din naman ako sa karinderya. Kahit papaano ay nakalimutan ko ang probinsya.
Umabot ang ilang Linggo at ilang buwan ang pagtatrabaho ko sa karinderya. Wala akong naging balita sa probinsya namin.
Naglakad ako patungo sa kusina ngunit bigla akong nakaramdam na kakaiba nang maamoy ko ang ginigisang bawang at sibuyas sa niluluto ni Devine.
"Mabuti naman at gising ka na!" Hindi ko na siya napakinggan dahil sobrang sama ng pakiramdam ko. Para akong masusuka kaya tumakbo agad ako patungo sa lababo.
Lumapit naman si Devine at hinimas-himas ang aking likod.
"Umagang-umaga, nagsusuka ka na! Ano bang kinain mo? Meron ka bang kinain na panis or something?" pag-aalala niyang tanong.
Kahit ako, hindi ko rin alam kung bakit?
Kalaunan ay sinamahan ako ni Devine para magpa-check up. Pinilit niya akong pumunta ng hospital. Hindi talaga siya tumigil hangga't hindi ako pumapayag na magpa-check up dahil sagot naman daw niya ang pagpapa-check up ko.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ng doctor. I'm two months pregnant, maging si Devine ay hindi rin makapaniwala. Wala akong nai-kwento sa kaniya about sa aking past.
Naalala ko na naman siya, ang lalaking iniwan ko at ang lalaking iniwanan ko nang masasakit na salita sa aking liham. Hindi ko akalain na mabubuntis ako. Sa loob ng isang buwan naming pagsasama ay isang beses lang ako ginalaw ni Arwel. He respects me.
Hindi namin mapigilan noong gabing nakalimot kami. Ang weird pero iyon ang totoo, isang beses pa lang may nangyari sa amin.
"Jusmiyo, Marimar. Layla! Hindi mo sinabi na may asawa ka na pala sa edad mo na 'yan!" bulalas sa akin ni Devine. Kahit ako ay naguguluhan.
Sa loob ng dalawang buwan kong hindi nagparamdam at tiniis kong hindi siya makita ay nagkabunga pa ang gabing may nangyari sa amin.
"Anong balak mo ngayon? Uuwi ka na ba sa inyo?" tanong sa akin ni Devine. Bakas ang pag-aalala sa kaniyang mukha.
Nasapo ko kaagad ang aking noo. Nag-iisip pa ako kung uuwi ba ako o hindi. Ang dami kong iniisip.
Matatanggap pa kaya ako ng lalaking iniwan ko?
Matatanggap kaya niya ang batang dinadala ko.
Mabilis kong tinungo ang bahay ng tita ni Arwel, kung saan dati kong tinirhan at ang bahay na iyon ang pinag-iwanan ko kay Arwel. Agad naman ako sinalubong ng kaniyang tita.
"Layla!" Gulat na gulat siya nang makita ako.
"Bakit ka narito? Lumayas ka na, 'di ba?" sarkastiko nitong sabi sa akin habang ang damit nito ay nakalihis kaya halos nakikita na ang dibdib nito.
"Honey, sino ba 'yan? Ang tagal mo namang bumalik sa kwarto." Dumungaw ang isang lalaking may balbas at walang suot na pang-itaas. Tanging shorts lang ang suot nito.
"Ah... si Layla, ang asawa ni Arwel na pamangkin kong matagal nang hindi nagpapakita!" sigaw niya.
"Si Arwel, hindi nagpapakita?" nauutal kong tanong sa kaniya.
Napalunok ako sa aking nalaman. Wala siyang ibang pupuntahan dahil wala akong alam na may iba pa siya na kamag-anak. Bukod sa tiyang niya na kausap ko ngayon ay wala na akong alam na may iba pa siyang kakilalang kamag-anak.
"At bakit ka naman concern? 'Di ba nga, iniwan mo siya! Alam mo bang naging barumbado ang lalaking iyon?! Araw-araw, may kasuntukan at araw-araw umiinom. Napaka-walanghiya mo rin para magpakita pa dito, no? Lumayas ka na, di ba? Lubos-lubusin mo na!" galit na sabi nito sa akin.
Talagang wala pa rin pinagbago ang tiya ni Arwel. May pagkasuplada at masyadong mapagmataas pa din ito.
"H-hindi niyo po ba alam k-kung saan siya nagpunta?" nauutal kong tanong sa kaniya.
Nagsisisi ako kung bakit ko siya iniwan at pinagsalitaan nang masasakit na salita sa aking liham. Alam kong nasaktan ko siya at siguradong kinakamuhian na niya ako ngayon nang sobra.
"Umalis ka na! Hindi ko alam kung saan siya nagpunta! Siguro, nagpakalayo-layo na para kalimutan ka! Ang tanga mo kasi, aalis alis ka tapos babalik-balik ka rin naman pala pagkatapos!" patuloy niya na sabi sa akin.
Talagang masakit magsalita ang tiyahin ni Arwel. Isa din iyon sa dahilan kung bakit sinunod ko ang gusto ni Mama.
Laglag-balikat akong umalis sa bahay na iyon. No choice kung 'di ang umuwi sa bahay ng mga magulang ko kung saan naman palaging galit ang tatay ko sa akin.
***