Kabanata 2

1055 Words
Kabanata 2 Nang bumalik ang may edad na babae ay binigyan siya nito ng isang basong tubig. "Ako nga pala si Manang Rosalya, kapitbahay ako ni Lola Faustina. Nasa likod lang ang bahay namin." Napasinghot siya. Nang mahimasmasan ay pinahiran niya ang kanyang mga luha. "Ano daw po ikanamatay ng Lola Faustina?" "Inatake sa puso. Nako, ayaw ba naman kasi papigil ni Lola Faustina. Nagtatrabaho pa rin kasi siya sa Rancho kahit na hindi naman na kailangan dahil may pension naman siyang tinatanggap buwan-buwan. Saka hindi ba't nagpapadala ka rin sa kanya ng pera?" Agad naman siyang tumango sa huling sinabi nito. "Nakakalungkot lang dahil kahit medyo maalwan naman ang pag-araw-araw niyang gastusin ay kumakayod pa rin siya. Ayaw kasi ng Lola mo na umasa sa pensyon niya at sa mga padala mo." "Kung sana'y mas dumating po ako ng maaga. Napatigil ko na sana siya sa pagtatrabaho sa Rancho," malungkot niyang ani. Hinagod ni Manang Rosalya ang kanyang likuran. "Pero wala na ang Lola Rosalya, paano ka na ngayon niyan?" Huminga siya nang malalim. "May pera pa naman po akong naitabi," nakangiti ngunit may pait sa labi niyang sagot sa kaharap. "Kuhanin ko lang iyong susi ng bahay ha," anito at iniwan siyang saglit. Malungkot siyang napatayo at pinagmasdan ang maliit na bahay ng kanyang Lola Faustina. Sinapo niya ang sariling dibdib. Magiging maayos siya. Magsisimula siya ng panibagong buhay kahit wala na ang kanyang Lola Faustina. "Hannah, heto oh," ani Manang Rosalya sa kanya at ibinigay sa kanya ang susi. "Walang kuryente ang bahay na ito at tanging lampara lang ang gamit ni Lola Faustina. Sa likod naman siya madalas na maglagi dahil nga sa pagluluto niya ng mga ulam," kuwento pa ni Manang Rosalya sa kanya. "Huwag po kayong mag-alala Manang Rosalya, sanay naman po ako sa hirap. Salamat po sa pagbabantay sa bahay," nakangiti niyang ani. "Nako, wala iyon. Parang ina ko na rin si Lola Faustina at kami lang din naman ang magkapitbahay dito." Napangiti lamang siya. Binuksan na niya ang pinto at pumasok sa loob. Ibinaba niya sa kahoy na bangko ang dala niyang mga bagahe. Binuksan naman ni Manang Rosalya ang mga bintana ng bahay. Doon niya nasilayan ang loob ng bahay. May ilang kagamitan na luma pero malinis pa rin naman ang bahay at parang hindi naman naabanduna ng husto. "Iisa lang ang silid ng bahay na ito kasi ang Lola Faustina mo lang din naman ang mag-isang nakatira dito. Sigurado ka ba talaga ayos ka lang dito Hannah?" Nilingon niya si Manang Rosalya. "Ayos na ayos po," nakangiti niyang sagot. Pinipilit niyang maging masigla dahil ayaw niyang ipakita sa kaharap na malungkot pa rin siya dahil sa pagpanaw ng kanyang Lola Faustina. "Kumain ka na ba Hannah? May pagkain ako sa bahay. Teka, ikukuha lang kita," ani Manang Rosalya. "Huwag na po. Nakakahiya naman po sa inyo iyon," agad na tanggi niya rito. Ikinumpas naman nito ang kaliwang kamay. "Sus, maliit na bagay lang iyon Hannah. Hindi ka na rin naman na iba sa akin," anito at iniwan na siya. Huminga siya ng malalim. Nagpapasalamat siya dahil may naging karamay din pala ang kanyang Lola Faustina bago ito nawala sa mundo. Muli siyang bumuntong-hininga. Kakayanin niya ito. Kakayanin niyang mamuhay mag-isa. Nakaya nga niya sa abroad, dapat kaya niya rin ngayong nasa Pilipinas na siya. Kinuha niya na ang kanyang mga gamit at sinimulan niya nang inayos ang mga ito. MATAPOS ang ilang oras sa pag-aayos ay napagpasyahan niyang umikot sa likod ng bahay. Agad niyang nakita ang maliit na kusina ng kanyang Lola Faustina. Mukhang dito yata nagluluto ang kanyang Lola Faustina. Minsan kasi ay ang trabaho nito sa Rancho ay magluto ng masasarap na pagkain para sa mga trabahador. Mabuti na lamang at may alam siya sa pagluluto dahil mukhang magagamit niya ang mga kagamitan ni Lola Faustina sa pagluluto. "Hannah, dinalhan kita ng almusal mo. Kumain ka muna," tawag sa kanya ni Manang Rosalya. Agad din naman siyang lumabas mula sa likod ng bahay. "Salamat po talaga Manang Rosalya," aniya nang makita ang dala nito. Pumasok na sila sa loob ng bahay. Inilapag naman ni Manang Rosalya ang dalang mga plato na may lamang pagkain sa maliit na mesa. "Kumain ka na habang mainit-init pa iyang sinigang na niluto ko." Tumango siya at matamis na ngumiti rito. "Kumportable ka ba naman dito? Alam kong maninibago ka pero pasasaan ba't masasanay ka rin." "Kumportable naman po," aniya habang inaalis ang takip ng mga pagkain. "Anong balak mo ngayon Hannah? Mamamasukan ka rin ba sa Rancho?" "Kung may bakante po. Gusto ko rin po sanang subukan." "Marunong ka bang magluto? Naghahanap sila ngayon ng bagong kusinera." "Talaga po? Marunong po akong magluto. Kahit anong putahe po." "Aba'y maganda iyan Hannah. Teka lang, tatawagan ko muna ang asawa ko. Sasabihin ko sa kanya na may nahanap na akong taga-luto sa Rancho. Teka," ani Manang Rosalya at halatang excited na excited ito. Nagmamadali pa nga itong umuwi. Nang wala na si Manang Rosalya ay bigla siyang napadasal. Talagang napakabuti ng Diyos sa kanya dahil kahit papaano'y binigyan siya nito ng pag-asa. MATAPOS niyang makapag-almusal at makapag-ayos ng sarili ay napagpasiyahan niyang mamasyal muna sa labas. Hindi na siya nakapagpaalam pa kay Manang Rosalya at sinigurado na lamang na nakakandado nang mabuti ang bahay. Nagtungo siya malapit sa ilog kung saan madalas siyang maglaro noon kasama ang ilang anak ng mga trabahador sa Rancho. Nang naroon na siya ay agad din naman siyang napatampisaw dahil sa linaw ng tubig. Enjoy na enjoy siya sa paglalaro sa tubig hanggang sa mapansin niyang may kabayong paparating. Sakay nito ang isang makisig na lalaki. Wala itong suot na pang-itaas at tangging maong na pantalon lamang ang saplot nito sa ibaba. Hindi niya makita ang mukha nito dahil may takip itong pulang panyo. Napatigil siya sa kanyang ginagawa. Sampung dipa ang layo nito sa kanya pero hindi maipagkakailang nakakaagaw talaga ito ng atensyon. Maging siya ay aminadong napapatulala rin. Curious siya kung sino ang lalaking ito. Napapatanong din siya sa kanyang sarili kung kilala niya ba ito o kung taga-Rancho ba ito. Nang gumawi ang tingin nito sa direksyon niya ay mabilis siyang nag-iwas nang kanyang tingin at muling bumalik sa kanyang ginagawang paglalaro sa tubig. Kahit na ang totoo ay kabado siya. Baka kasi nahuli siya nitong nakatitig dito. Nakakahiya siya!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD