Chapter 5

1527 Words
Nagulat ang nanay ni Lorrene nang makita siyang bumaba mula sa isang magarang kotse. Mabilis itong lumapit sa kaniya at sinalubong ng sampal saka siya hinila papasok ng bahay. Hindi siya nakapagsalita dahil sa gulat. “Nay, bakit mo ako sinampal? Hindi mo man lang ba ako hahayaang magpaliwanag? Sampal agad?” gulat na sambit niya. “Huwag mo akong tatanungin kung bakit kita sinampal! Hindi mob a alam na hindi ako nakatulog kagabi dahil sa pag-aalala? Hinintay kita, Lorrene! Hindi ko alam kung saan kita hahanapin! Hindi mo ba naisip ang puwedeng mangyari sa akin? Mag-isa lang ako sa b ahay! Ito ang unang beses na ginawa mo ito sa akin!” sunod-sunod na singhal nito sa kaniya. Hindi mapigilang tumulo ng mga luha ni Nanay Divine habang sinusumbatan si Lorrene. pumasok silang dalawa sa bahay at marahan niyang tinulak si Lorrene paupo sa sofa. “ʼNay, relax lang. Walang masamang nangyari sa akin. Ito ako, oh, buhay pa naman ako, ʼdi ba?” biro niya para pagaanin ag tension sa kaniyang ina. “Nagtatampo lang po ako sa inyo, eh. Hindi ko naman sinasadyang hindi umuwi kagabi,” paliwanag niya. “Bakit? Saan ka natulog kagabi? Bakit ka inumaga ng uwi?” Hindi nakasagot si Lorrene at tinakpan na lamang ang kaniyang mukha. “Sagutin mo ako!” galit na singhal ng kaniyang nanay saka umalis saglit para kumuha ng pamalo. Napalunok siya dahil alam niyang hindi ito nagbibiro. Talagang papaluin siya nito. “ʼNay, hindi na po ako bata. Huwag niyo na akong gamitan ng pamalo, puwede ba?” maktol niya naman. “Sige. Isa—kapag hindi mo ako sinagot ng maayos pagbilang ko ng lima, talagang makakatikim ka ng palo!” Inamba pa nito ang hawak niyang pamalo. “Dalawa! Tatlo! Apat! Ano, ayaw mo talagang magsalita?” singhal nito. “’Nay, ano ba? Ginagawa mo naman akong bata, eh.” “Saan ka natulog kagabi? Sagutin mo ako!” “Nalasing po ako kagabi, eh. Inuwi ako ni Sir Froilan sa kaniyang mansiyon,” nahihiyang saad niya dahilan para manlaki ang mata ng kaniyang nanay. “Inuwi? Ano ang ibig mong sabihin? Inuwi ka ni Sir Froilan sa mansiyon, at ano ang ginawa niya sa ʼyo? May nangyari ba sa inyo? Sagutin mo ako! Malandi ka!” sigaw nito sa kaniya. “’Nay, hindi! Wala pong naangyari sa amin! Magkaiba po kami ng tinulugan na kuwarto,” paliwanag niya ngunit hindi nabawasan ang galit na nararamdaman nito dahil sa nangyari. Napahawak sa batok si Nanay Divine. “Kunin mo ang cellphone mo at tawagan mo ʼyang boss mo ngayon din!” nanghihinang utos nito sa kaniya. “Bakit pa? Hindi naman po kailangan, eh. Para saan pa? Ayoko!” pagtanggi niya saka tumayo para sana umakyat na sa kaniyang kuwarto ngunit mabilis siyang hinampas nito sa puwet. Napahiyaw siya sa sakit. “’Nay naman! Masakit ʼyan, eh!” Muli siyang hinila nito paupo saka pinandilatan ng mga mata. “Kunin mo ang cellphone mo at tawagan mo ang boss mo,” mariin at seryosong usal nito. Ngunit hindi siya nagpatinag. “Hindi ko na nga po siya boss, ʼnay. Ang kulit niyo naman, eh!” “At ako pa ang makulit? Lumalandi ka pero ako ang makulit? Kailangang panagutan niya ang ginawa niya sa ʼyo!” “’Nay, ano ba? Wala kaming ginawa. Ano ba ang iniisip niyo? Nakakahiya naman sa Froilan na ʼyon! Walang nangyari kaya walang dapat panagutan!” pahayag niya. “At isa pa, wala akong number ng taong ʼyon.” “Lorrene, making ka sa akin. Gusto kong makausap ang Froilan na ʼyon sa ayaw at gusto mo.” Walang nagawa si Lorrene kaya tinawagan niya na lamang ang kaibigan na si Kyla sa opisina. Kinausap niya ito na kung maaari ay papuntahin si Froilan sa kanilang bahay dahil gusto itong makausap ng kaniyang nanay. Tamang-tama rin dahil hindi pa nakakaalis si Froilan para pumunta sa kaniyang meeting. Tatlong katok muna ang ginawa ni Kyla bago pumasok sa loob ng opisino ng kanilang boss. “Sir Froilan, may pinapasabi po si Lorrene, emergency daw po. Ang sabi niya, puntahan mo raw siya sa kanilang bahay ngayon. Gusto ka raw makausap ng kaniyang nanay.” Nangunot ang noo ni Froilan. “Bakit daw, Kyla? May kasalanan ba ako sa kaniyang nanay?” tanong nito kay Kyla. “Maitanong ko lang, Sir, nagkikita po ba kayo ni Lorrene?” nagtatakang tanong ni Kyla kay Froilan. “Nagtataka kasi ako. Bakit kilala ka ng nanay niya? At alam mo rin ang kanilang bahay? Huwag kayong magagalit, ha, pero may gusto ka ba sa kaibigan ko?” walang pag-aatubiling tanong ni Kyla. Hindi niya maintindihan kung paano nagkakilala ang dalawa. “Ang dami mong tanong, hindi ko alam kung paano kita sasagutin,” natatawang turan niya. “Pero wala akong gusto kay Lorrene. May hinihingi lang akong pabor kaya lumapit ako sa kaniya. Sige, maiwan na kita, asikasuhin mo ang opisina ko.” Magsasalita pa sana si Kyla ngunit pinigilan na siya ni Froilan. Nagmamadaling lumabas ito ng silid para tumungo sa parking lot kung nasaan ang kaniyang kotse. Mabilis niya iyong pinaharurot papunta sa bahay ni Lorrene. Alam niya ang dahilan kung bakit gusto siyang makausap ng nanay ni Lorrene. dahil iyon sa hindi nito pag-uwi kagabi. Hindi mapakali si Lorrene habang hinihintay ang lalaki. Palakad-lakad siya sa bahay dahil sa hindi maipaliwanag na kabang nararamdaman ngayon. “’Nay, paparating na raw si Froilan. Ano ang sasabihin mo sa kaniya? Ano ang itatanong mo? Na may nangyari sa amin kagabi? Nakikiusap po ako sa inyo, huwag naman po. Nakakahiya po, eh,” pakiusap niya sa nanay ngunit sininghalan lang siya nito. “Tumigil ka, Lorrene. Huwag mo akong pangunahan. Huwag mo akong turuan kung ano ang sasabihin ko sa kaniya.” Ilang sandal pa ay may kumatok sa kanilang pinto, alam nila na si Froilan iyon. Binuksan agad ni Lorrene ang pinto at tinitigan si Froilan. “Pumasok ka na, Sir Froilan. May pag-uusapan tayo,” seryosong saad ni Nanay Divine. “Magandang umaga po sa inyo, Ma’am Divine. Kumusta po kayo?” nakangiting bati ng binata. “Magandang umaga rin sa ʼyo, Sir, maupo ka muna.” Bumaling ito kay Lorrene. “Lorrene, maupo ka na rin para makapagsimula na tayo.” “’Nay, ano ba? Ano po ang sisimulan niyo?” kinakabahang tanong niya sa nanay. Natatakot na siya na baka kung ano ang sabihin nito kay Froilan. “Sir Froilan, bakit mo inuwi ang anak ko kagabi sa bahay mo? Ano’ng ginawa mo sa anak ko?” tanong nito. “Ma’am, wala po akong ginawang masama sa anak niyo, sa katunayan nga po ay siya pa ang may masamang ginawa sa akin, eh,” turan ni Froilan nang may lihim na ngisi sa labi. Nag-init ang tenga ni Lorrene dahil sa narinig kaya malakas niyang sinipa sa binti si Froilan. “Wala akong ginagawa sa ʼyo! Huwag kang magkamali, Froilan!” gigil na sigaw niya ngunit hindi man lang siya pinansin ng dalawa. “Ano ang ginawa sa ʼyo ni Lorrene? Sabihin mo sa akin.” Nakita ni Froilan ang pagbabago sa mukha ni Lorrene. Ramdam nito ang takot sa maaari nitong isagot. “Ma’am Divine, muntik niya na po akong masaksak. Ang akala niya kasi ay may masama akong balak sa kaniya pero maniwala po kayo, wala akong ginawang masama sa anak niyo,” paliwanag nito. Nakahinga ng maluwag si Nanay Divine. Naging kalmado na ang isip nito ngayong nakumpirma na nagsasabi ng totoo ang kaniyang anak. “Totoo pala ang sinabi ni Lorrene na walang nangyari sa inyo. Salamat sa pagpapatulog mo sa anak ko, Sir,” mahinanong usal nito. “Malaki ang utang na loob ko sa ʼyo. Kung wala siya sa bahay mo ay baka nagahasa na iyan sa labas dahil sa kalasingan.” Sumilay ang magandang ngiti sa labi ni Froilan. “Wala po ʼyon, Ma’am, pero may pakiusap lang po sana ako sa inyo. Gusto kong bumalik si Lorrene sa aking kompanya. Sana pakiusapan niyo siya para bumalik sa akin.” Mabilis itong bumaling sa kaniya. Saglit pa siyang natigilan dahil sa narinig at ilang beses na napakurap. “Ano pa ang hinihintay mo?” pagkausap nito sa kaniya. “Umakyat ka na sa taas at magbihis. Magtrabaho ka na ulit kay Sir Froilan!” singhal pa nito dahilan para tuluyang magsalubong ang kaniyang kilay. “’Nay, ayoko nga! Bahala nga kayo mag-usap diyan! Ayokong bumalik sa trabaho. Ayoko!” mariin niyang pagtanggi. Tumayo si Froilan saka dahan-dahang lumapit kay Lorrene. inilapit pa nito ang bibig sa kaniyang tenga para bumulong. “Magbihis ka na kung ayaw mong sabihin ko sa nanay mo ang totoo na muntik mo na akong pagsamantalahan kagabi.” Ngumiti pa ito ng malapad para mas lalong maasar si Lorrene. “Okay, sige! Humanda ka sa akin, Froilan! Ginusto mong bumalik ako sa trabaho kaya guguluhin ko ang buhay mo araw-araw!” sigaw niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD