GULAT ang naramdaman ni Kyla nang makita si Lorrene at Froilan na magkasama. Agad nitong nilapitan ang dalawa para itanong kung ano ang nangyari at kung bakit pinatawag ng nanay ni Lorrene si Froilan sa kanilang bahay.
“Hoy, bakla! Ano ang nangyari kay Sir Froilan? Anong kasalanan niya sa nanay mo?” puno ng pagtatakang tanong nit okay Lorrene.
“Wala siyang kasalanan. At wala akong choice, eh. Kailangan kong bumalik sa trabaho,” matamlay na sagot naman niya sa kaibigan.
“Ano nga ang dahilan? Bakit bigla kang bumalik?” pangungulit nito. Dumako ang tingin nito sa kanilang boss saka marahang siniko si Lorrene sa tagiliran. “At kasama mo pa ang boss natin, ah?”
“Si Nanay kasi, eh. Kung ako lang, ayoko na talagang bumalik dito. Nakakainis naman kasi ang Froilan na ʼyan!” inis na turan nito. Narinig ito ni Froilan kaya agad itong lumapit sa kanila.
“Lorrene, nasa opisina tayo. Huwag mo akong tatawagin sa pangalan ko,” mariing saad nito.
“Ayaw kitang tawagin na Sir dahil hindi ko kagustuhang bumalik dito,” galit niyang sagot.
Lumapit ito sa kaniya para bumulong. “Kung ayaw mong pagtsismisan tayo ng mga kasamahan niyo sa trabaho, umayos ka.” Bumaling it okay Kyla. “Kyla, bumalik ka na sa trabaho mo. Iyong mga pinagagawa ko sa ʼyo, naasikaso mo na ba?”
“Yes, sir, tapos na po. Nailagay ko na sa table niyo,” magalang na sagot nito saka lumingon sa kaibigan. “Lorrene, balik na ako sa trabaho, ha? Relax lang, kaya mo ʼyan. Nandito lang ako para sa ʼyo.”
“At ikaw, Lorrene, dito ka sa loob ng opisina ko. Gusto kong nakikita ka lagi ng mga mata ko.”
Napabuga siya ng hininga. “Ayaw kitang makita at ayaw kitang makasama sa opisina.”
“Wala kang magagawa, ikaw ang assistant ko. Kahit ano ang iutos ko sa ʼyo ay gagawin mo. Kung saan ako pupunta, dapat ay kasama ka. Ngayon, aalis tayong dalawa dahil may importante tayong pupuntahan,” galit nitong utos.
“Ano? Don’t tell me, sir, na yaya ang trabbaho ko rito? Baka gusto mong magdaka na rin ako ng gatas at towel para hindi ka magutom at hindi ka matuyuan ng pawis sa likod mo?” sarkastikong turan niya.
Hindi mapigilang tumawa ni Kyla nang marinig ang sinabi ni Lorrene. Ngunit agad rin siyang tumalikod dahil nakit niya ang pag-asim sa mukha ng kanilang boss. Mukhang hindi natutuwa dahil sa kaibigan nito.
“Uulitin ko sa ʼyo, huwag mong ulitin ang mga sinasabi mo ngayon kung ayaw mong pag-initan ka nila!”
“Wala akong pakialam, sir. Problema na ʼyon!” pang-aasar pa niya para lalo itong mainis.
“Sana naman maintindihan mo ako. Boss mo ako, Lorrene. Halika na at may pupuntahan tayo.”
“Ano? Agad-agad? Saan ba tayo pupunta?”
Ngunit hindi na siya sinagot ni Froilan. Mabilis itong tumalikod kaya wala na siyang nagawa pa at tahimik na sumunod na lang. katahimikan ang bumalot sa kanilang dalawa sa loob ng sasakyan. Walang ni isang nagsalita ngunit nahagip ng kaniyang mata ang pagsulyap sa kaniya ni Froilan.
Huminto sila sa isang mamahaling restaurant. Nauna nang bumaba si Froilan kaya tahimik lang siyang sumunod kung saan man ito pupunta. Namangha siya nang makapasok sila sa loob at nakita kung gaano kaganda at kabango ang kabuuhan ng lugar. Naupo siya sa harap ni Froilan.
“Sir, busog pa ako. Ayokong kumain.” Tinitigan lang siya ni Froilan at hindi na nagsalita pa.
Matapos ang ilang minuto ay may dumating na mga waiter na may dalang iba’t ibang uri ng pagkain at wine.
“Nag-order na ako ng pagkain bago pa man tayo makarating dito. Kumain ka na lang. Bawal magsayang ng pagkain, maraming nagugutom.”
Walang nagawa si Lorrene, kumain na lang siya kahit hindi siya nagugutom. May hangover pa kasi siya dahil sa alak na nasa katawan niya. Nagtataka siya sa mga kilos ni Froilan kaya hindi niya napigilang magtanong.
“Ano’ng ibig sabihin nito? Bakit mo ako dinala rito? Date ba ito?” sunod-sunod niyang tanong. “Kalimutan mo na ang plano mo dahil wala akong balak na pagbigyan ka sa gusto mo.” Tinawanan lang siya nito.
“Kalimutan mo na ʼyon, Lorrenem wala na ʼyon sa plano ko. May nahanap na akong karapat-dapat na maging ina ng anak ko. Hindi na kita pipilitin dahil alam kong matigas ka pa sa bato,” saad nito.
Nagulat na lamang si Lorrene nang may lumapit sa kanilang table, isang magandang babae na nakasuot ng bestida na abot sa singit ang slit. Agad na tumayo si Froilan para salubungin iyon ng halik sa pisngi.
“Kumusta ka na, Froilan? Long time no see! Miss na miss na kita,” masiglang bati ng bagong dating sabay yakap ng mahigpit kay Froilan. Sumama ang timpla ng mukha ni Lorrene dahil sa nakita.
“Bianca, kumustaa ka na? Ang laki ng pinagbagi mo, ah. Ang ganda mo na ngayon,” puri ni Froilan sa dalaga. Inalalayan pa nito si Bianca para makaupo ng maayos.
“Kumusta na pala si tita at tito? Mabuti naman at pinayagan ka nila na mag-stay dito sa Pilipinas. Sobrang ganda na ba sa America at hindi niyo na naisipang bumalik pa rito?”
Marahang umiling si Bianca. “Hindi naman sa gano’n. Okay na kasi ang business namin doon kaya mas gusto ng parents ko na manatili na for good sa America. Alam mo naman ang daddy, business minded. At okay rin naman sila, malakas pa. Nangungumusta din sila sa ʼyo.” Dumako ang tingin nit okay Lorrene na tahimik sa isang tabi. “Ah, Froilan, ito na ba ang assistant mo?”
“Yes, Bianca. Siya si Lorrene, ang assistant ko. Lorrene, si Bianca nga pala, kababata ko.” Malawak ang ngiti sa labi ni Froilan habang pinapakilala ang dalawa sa isa’t isa.
“Hello, Ma’am Bianca, nice to meet you.” Ngiti lang ang sagot ni Bianca at tinitigan nito si Froilan.
Marami silang pinag-usapan. Nakikita niya kung gaano kasaya si Froilan kay Bianca. Kinuha niya na ang kaniyang bag at nagpaalam na pupunta lang saglit sa restroom. Pagkarating doon ay humarap siya sa salamin. Pinasadahan niya ng tingin ang sarili na ngayon ay namumula at hindi mapalagay. Nakaramdam siya ng kirot sa kaniyang puso kaya sinampal niya ang kaniyang sarili para alisin iyon. Nang makabawi ay saka lang siya nag-retouch ng mukha.
Biglang pumasok sa loob ng powder room si Bianca at nginitian siya nito mula sa salamin.
“Lorrene, matagal ka na ba kay Froilan? Kumusta siya bilang boss? Mabait ba siya? sunod-sunod na tanong nito sa kaniya. Hindi malaman ni Lorrene kung paano iyon sasagutin.
“Mabait naman siya sa iba, sa akin lang talaga hindi,” mapaklang sagot niya. Tinawanan lang siya nito saka hinawakan sa balikat.
“Mabait si Froilan, hindi mo lang nakikita dahil nakapikit ka yata,” tumatawang sambit nito.
Nakaramdam ng inis si Lorrene dahi sa paraan ng pagtawa ni Bianca. Nagpaalam na siya at mabilis itong iniwan, hindi na siya bumalik pa sa kanilang table at dumiretso na lamang sa parking lot para doon hintayin si Froilan. Hindi niya maintindihan kung bakit siya nagagalit kay Froilan at Bianca. Gusto niya na lang na bumalik sa opisina.
“Ano ba ang nangyayari sa akin? Bakit hindi ako mapalagay? Nagseselos ba ako sa babaeng iyon? Sh*t! Bakit naman ako magseselos? No, no, no! Nakakainis ka, Froilan! Bakit mo pa kasi ako pinabalik sa kompanya mo?!” gigil na pagkausap niya sa sarili sabay sipa sa gulong ng kotse ni Froilan. Saktong kararating lang ng dalawa kaya nahuli siya nito na sinipa ang gulong ng sasakyan.
“Lorrene, may kasalanan ba sa ʼyo ang gulong ng kotse ko? Bakit mo sinipa?”
Pinamulahanan ng mukha si Lorrene dahil sa hiya.
Kitang-kita niya ang pagyakap at halik ni Froilan kay Bianca bilang paalam. Biglang kumabog ng malakas ang kaniyang dibdib. ‘Nagseselos ba ako? Oh my God!’ hindi makapaniwalang tanong ni Lorrene sa kaniyang isipan.
Nagpaalam na rin sa kaniya si Bianca kaya ginantihan niya ito ng kaway ng kamay. Matalas na tingin ang ipinukol ni Froilan sa kaniya pagpasok nila sa loob.
“May pupuntahan tayo pero uuwi muna tayo sa bahay, may kukunin lang ako saglit.”
“Sir, puwede bang sa opisina mo na lang ako ihatid? Bakit kailangan ko pang sumama sa bahay mo?” pagtanggi niya dito.
“Dahil ʼyon ang gusto ko. Amoy pagkain ang damit ko kaya kailangan kong magpalit ng polo. Yaya kita, ʼdi ba? Wala kang karapatan magreklamo kung ayaw mong sabihin ko sa nanay mo kung ano ang ginawa mo sa akin kagabi!”
“Blackmail na yata ang ginagawa mo sa akin, sir. Tinatakot ma ako? Lasing ako no’n at wala kong alam. Ayoko nang magtrabaho sa ʼyo! Ayoko na! gusto ko nang umuwi!” sigaw niya.
“Hindi ka puwedeng umuwi. Ako magsasabi kung kalian ka puwedeng umuwi,” mariing saad ni Froilan. “Pupunta si Bianca sa bahay mamayang gabi, doon siya matutulog. Kailangang nandoon ka dahil gusto ko na ikaw ang mag-asikaso sa kaniya.”
Walang nagawa si Lorrene, kahit ayaw niya gawin ay wala na siyang ibang choice. Pikit-mata na lang ang ginagawa niya sa mga gusto ni Froilan.
SINALUBONG agad ni Froilan si Bianca nang dumating ito sa bahay. Kinuha na nito ang mga dalang pagkain ng dalaga.
“Ang dami mo namang dala, Bianca. Nagpaluto na ako kay Manang Carmen at Lorrene ng dinner natin, eh, hindi ka na dapat nag-abala pa.”
“Desserts lang naman ʼyan, Froilan. Favorite natin ʼyan, ʼdi ba? Mango float.”
Sumilay ang ngiti sa labi ni Froilan. “Wow, talaga? Ang sarap naman niyan. Thank you, Bianca. Maupo ka muna. Maya-maya lang ay kakain na tayo.”
Nakita ni Bianca si Lorrene na abalang-abala sa kusina. Nilapiatan nito si Froilan saka nginitian. “Samahan mo naman ako sa kusina, Froilan.”
Napakunot ang noon ni Froilan. “Hindi pa yata tapos sina Lorrene at manang mag-prepare ng food.”
“Si Lorrene ang gusto kong makita. May gusto lang akong ipaintindi sa kaniya,” nakangiti niyang sagot.
Dahil mapilit si Bianca, napipilitang sinamahan ito ni Froilan sa kusina. Pinaupo nito si Bianca sa dining at binigyan ng tubig. Halos handa na ang lahat para sa dinner, may kandila pa na nakalagay sa gitna ng table.
“Wow, ang ganda naman ng design at ang bango ng pagkain,” namamanghang komento ni Bianca nang makita ang set-up ng dinner table. “Lorrene, ikaw ba ang nagluto ng mga pagkain?”
“Yes, Ma’am Bianca. Gusto kasi ni Sir Froilan na ako ang mag-prepare ng dinner date niyo. Sana magustuhan niyo ang pagkain.” Lumipat ang tingin niya kay Froilan. “Sir, puwede na ba akong umuwi? Tapos na rin ako magluto, eh.”
“Maupo ka, Lorrene, sabayan mo kaming kumain,” singit naman ni Bianca.
“Thank you po pero kailangan ko na talagang umuwi. Kailangan ako ni nanay, siya lang kasi mag-isa sa bahay.”
Biglang nagsalita si Froilan dahilan para bahagyang mag-init ang kaniyang ulo.