KABABALAGHAN NG LALAKING MESTISO

3338 Words
CHAPTER 5   Mas nagiging interesado na ako sa buhay niya. Kanina, gusto ko lang na may kausap. Nais ko lang na maibsan ang pagkabagot ko sa haba ng gabi. Sanay kasi ako sa buhay Maynila, maingay, magulo at madaming puwedeng pagkaabalahan. Hindi katulad dito sa probinsiyang manaka-nakang huni ng mga kuliglig at kokak ng mga palaka sa bukid malapit sa lumang bahay lang ang pumupunit sa katahimikan ng gabi.                 Biglang may kumakatok sa pintuan.                 "May kumakatok ba?" tanong ko sa kaniya.                 Kumunot lang ang noo niya na parang nakiramdam kung meron nga ba o wala. "May tao nga yata?" bulong ko sa kanya kasunod no’n ang hindi ko na naman maipaliwanag na takot na para bang may kung anong pwersa akong nararamdaman na gustong pumasok sa akin. Mabilis kong tinungo ang sala. Sumunod lang siya sa akin ngunit banaag sa mukha niya ang pagtataka. Naabutan na naming nakabukas ang pintuan.                 Pilit kong inalala kung isinara ko iyon kanina."Isinara ko naman 'to kanina hindi ba?"                 "Hindi ko alam. Sa pagkakaalala ko, ikaw ang huling pumasok." Sagot niya.                 Pilit kong inalala kung ano kung isinara ko ng aba ang pintuan kaninang pagpasok ko o hindi pero blangko. Hindi ko matandaan. Mabilis ko na lang na isinara muli iyon.                 Nagkatinginan kami. Siya ang unang nagbaba ng kaniyang tingin.                 "May narinig ka rin namang kumatok, hindi ba?"                 "Wala e.” “Wala? Paanong wala e anlakas-lakas kayo. Tatlong beses pa nga. Yung katok na kulang na lang magiba ang pintuan.” “Pagkakaalam ko, hindi pa naman ako bingi. Wala akong narinig kaya nga nagtataka ako na sinabi mong may kumakatok." “Bakit hindi mo sinabi sa akin na wala?” “Malay ko kung mahina lang ang katok at hindi ko narinig kaya sinundan na lang kita hanggang dito.”                 "Weird.” “Ako? Weird ako?” “Hindi ikaw. Weird na talaga yung mga nangyayari. Kasi alam ko talaga at sigurado akong may kumatok. Well, saan na uli tayo? Anong nangyari sa pangarap ninyo?" Para mawala ang takot ko ay pilit kong ibin” Bumuntong hininga ako. Muli kong pinagmasdan ang isinira kong pinto. “Asan na uli tayo kanina?” gusto kong bumalik kami sa naputol naming usapan kanina. Paraan ko lang para mawala sa isip ko yung nangyari. “Nasaan tayo kanina? E di ba doon sa kusina.” “Hindi, ang sinasabi ko nasa’n na tayo doon sa kuwento mo.”                 Umiling siya. "Huwag na lang nating pag-usapan.” “Bakit naman biglang ayaw mo na.” “Basta.” Naupo siya sa isang tumba-tumbang upuan. “Ang totoo niyan, ang mga pangarap namin ay isa sa mga pangarap na nilusaw na lang ng panahon dahil hindi na talaga magkakatotoo pa." bumunot ng malalim na hininga.                 "Ah okey, sorry."                 Tinanggal ko ang isang putting tela na nakabalot sa mahabang upuang gawa sa kahoy. Kaharap ng silyon o kaya ay tumba-tumbang inuupuan niya. Kumalat ang alikabok. Tinakpan niya ang kanyang ilong.                 “Grabe na talaga ang alikabok dito sa loob ano?”                 “Walang natingin e. Walang binayaran sina tito na maglinis kaya heto, kulang na lang bumagsak na sa kalumaan.”                 “Pero bilib ako sa tibay ng bahay na ‘to. Balita ko, nasa higit isandaan taon na daw yata ‘to. Bawat henerasyon nang mga tumira, pinaayos lang ngunit walang nakaisip na ipabakbak ng buo. Yung mga muwebles sa loob pati na rin ang semento mukhang panahon pa yata ng mga espanyol.”                 “Grabe ka naman sa panahon pa ng mga espanyol.”                 “Oh, di ba nga? Tignan mo yung hagdan, uso pa ‘yan noong panahon ng mga Espanyol ah. Yung mga kisama at mga sementong nakapalibot, parang dumaan na sa ilang gyera pero heto’t matibay pa ring nakatayo.”                 “Magkano na kayang aabutin nito kung maibenta ko.”                 “Ah, ibebenta mo na? Hindi ba magagalit ang tito mo?”                 “Paanong magalit e ayaw nan gang bumalik pa rito. Isa pa, sa akin naman rin ipinamana ni Papa dahil ayaw naman din niyang tumira pa raw dito.”                 “Talaga? Antigo na ‘to e. Sayang naman kung ibebenta lang pala ninyo.”                 “Kailangan nang pamuhunan sa negosyo e.”                 “Magnenegosyo ka, dito?”                 “Hindi, babalik din ako sa Manila kung maibenta ko na ‘to. Doon ko gustong magtayo ng negosyo.”                 “Sabagay, wala naman ding kikita na negosyo rito dahil bukod sa malayo, kakaunti pa rin ang tao hanggang ngayon.”                 “Tama.” Itinaas ko ang aking mga paa sa mahabang upuan. Parang may malamig akong naramdaman na tumulak sa paa ko. Galing ang malamig na iyon sa bahaging dulo ng upuan kaya mabilis kong hinila pababa ang mga paa ko.                 Tumingin ako kay Rod. Hindi ko ipinahalata na may naramdaman na naman akong kakaiba.                 "Ano palang gusto mong ipagawa dito sa bahay ninyo?" tanong niya. Alam kong gusto lang niyang mabasag ang katahimikan.   Hindi muna ako sumagot. Nag-iisip pa kasi ako kung ano nga bang uunahin, dito sa loob o sa labas?                 Tumingin siya sa akin. May kung anong hila ang kaniyang tingin. Kahit sinag lang ng kandila ang sumasabog ng liwanag sa loob ng kabahayan ay bakas ang kakaibang karisma at kaguwapuhan niya.                 Nahuli niya ang aking mga tingin kaya siya nakipagtitigan din sa akin. Ako ang unang nagbaba ng tingin. Unang pagkakataong ako ang nakaramdam ng hiya. Madalas sa mga nakakasalubong ko sa mga malls sa Maynila, sila ang pinatatakam ko. Sila ang nahihiyang makipagtitigan sa akin. Kahit sa mga bagong kainuman na may trip sa akin at trip ko din, sila ang sumusuko sa mga titig ko. Nakikipagtitigan ako hanggang sa mamula-mula sila. Kung guwapo ang katitigan, may pag-asang may mangyari pagkatapos o kahit sa gitna ng lasingan. Kung walang dating, pasensiyahan na lang dahil mapapaasa ko lang sila sa wala. Bahagi lang iyon ng aking kapilyohan. Ngunit itong kay Rod, iba yung dating niya sa akin. Hindi ko natatagalang salubungin ang kaniyang mga tingin. Hindi ko rin kayang dumiskarte o gumawa ng first move dahil hindi ko kayang basahin ang kanyang pagkatao. Magaling akong kumilatis kung berde ang dugo ng kaharap ko o hindi, pero kay Rod, kakaiba. Wala akong makitang hint. Kung sa titig lang kasi ang basehan ko, hindi sapat dahil marami na akong nakaengkwentro na straight pala sila. Ngunit kay Rod, blang ko pa ako. Ang sigurado ko lang ay gusto ko siya pero yung gusto rin niya ako, mukhang di pa malinaw.                 "Ano nga ang mga ipapagawa mo dito?" tanong niya uli.                 "Iniisip ko kasi kung sa loob ba tayo magsisimula o sa labas e.” “Saka mo na iisipin kung alin ang uunahin. Ang gusto ko lang malaman kung ano ang ipagagawa mo, ke sa loob o sa labas pa ‘yan.” “Gusto ko sanang maputol ang mga nagtatayugang damo sa labas at malinis ang kabuuan ng bahay."                 "Madali lang naman pala." Sagot niya.                 "Nadadalian ka ron?” “Hindi naman isang buong araw lang gawin, no? Baka kasi nagmamadali ka.” “Hindi naman. Yung kaya lang. Wala ka bang gustong isama para may katulong tayo?” “Okey na ‘yan. Kahit tayo na lang.” “Sige bahala ka. Baka kasi hindi kita kayang tulungan sa lahat kaya okey pa rin sana na may iba pa tayong katulong.” “Huwag kang mag-alala, maagap at masipag ‘to. Kaya ko na ‘to mag-isa.” “Sabi mo e. Pupunta ako sa bayan bukas para muling ipa-connect ang linya ng kuryente." "Tama, iyan kasi ang importante muna."                 "Paano pala ang tubig dito?" tanong ko.                 "De bomba.” “De bomba? Ano ‘yon?” “Alam mo yung mano-manu na binobomba? Yung may lumalabas na tubig sa poso?” “Ah poso. Alam kong poso. May nalalaman ka pa kasing sinasabing de bomba e poso lang naman pala.” “Yun nga poso. Gano'n ang uso dito pero ang alam ko, de-kuryente ang tubig dito sa bahay ninyo. Kapag may kuryente na saka ko na aayusin."                 “E, yung balon diyan, okey pa kaya ‘yan?”                 “Mukhang sinemento na e. saka maraming mga nakatambak na kahoy. Huwag na lang natin bubuksan baka may dahilan kung bakit sinemento ‘yan.”                 “Sabagay, baka kasi marumi na rin yung tubig niyan.”                 “O, baka natuyuan na rin kamo. Kasi noong bata ako, wala na rin naman tubig ‘yan kaya alam ko, di na talaga pwede pang kuhaan ng tubig.”                 Tumango ako. “Sige. Baka may kailangan kang ipabili bukas. Sabihan mo ako.” “Wala naman bukod siyempre sa mga gagamiting panglinis saka itak na pamutol sa mga kahoy at baging.” “Sige, bibili na din ako ng pintura para mapinturahan ang buong bahay para mas magiging maaliwalas sa mata." medyo may sabit ang pagkakasabi ko no'n. Halatang nangingibabaw ang hiya at kaba nang muli niya akong nahuling nakatitig sa bahaging iyon ng kaniyang katawan!                 "Sige, hayaan mo, tatapusin ko lahat ang mga gusto mong ipagawa." sagot niya. “Promise, kaya kong mag-isa ‘yan.”                 “Hindi mo man lang ba tatanungin kung magkano ang sahod mo?”                 “Bahala ka na ro’n.”                 “Magkano ngang gusto mo?”                 “Ikaw na ngang bahala.”                 “Sige na nga.”                 Hanggang sa naghari muli ang katahimikan sa pagitan namin ngunit may dalang kakaiba ang aming mga malagkit na titigan. Mukhang may nababanaag na akong akong pag-asa. May nababasa na ako sa kanyang pagkatao. Sana lang hindi ako nagkakamali.                 Muli kong inisip ang mga nalalaman ko tungkol sa kanya. Kung sa edad niyang iyon ay wala pa siyang asawa may naamoy akong malansa. May kung ano akong naisip sa pagkatao niya na pilit na itinatago ng kaniyang tigasing hitsura, kilos at pananalita. Dama ko iyon sa lagkit ng kaniyang mga tingin ngayon sa akin. Kung kanina sinasabi kong hindi sukatan ang lagkit na titig para sabihing straight o bakla ang isang lalaki, ngayon, basing-basa ko na siya. Parang may something.                 "Tara muna sa labas. Amoy luma itong bahay. Gusto ko sumagap ng preskong hangin." Pagyakag ko sa kaniya. Kinuha ko na muna ang aking sigarilyo sa bulsa ng aking bag bago lumabas.                 Tumayo siya sa tumba-tumbang upuan. Bago kami lumabas at hinila ang pinto ay nakita kong biglang huminto ang inupuan niya sa pagtumba. Parang mag nagpatigil o umupo. Hindi naman kasi basta-basta titigil lang iyon lalo na kung katatayo palang ng umupo. Napalunok ako pero hindi ko pa rin sinabi sa kanya ang napansin ko.                 Nang nasa labas na kami ay sinindihan ko ang sigarilyo ko. Inabutan ko siya ng isang stick ngunit tumanggi siya. "Hindi ka naninigarilyo?" nakangiti kong tanong.                 Umiling siya at ngumiti. “Hindi e.”                 "Umiinom ka naman siguro." Tanong ko.                 "Oo naman. Hard lang saka sobrang dalang lang din."                 "Hmnn clean living. Baka 200 years old ka na niyan, buhay ka pa." kasunod iyon ng pilyo kong tawa.                 "Bakit nga ba kayo umalis dito no'n?" tanong niya.                 Naupo ako sa isang sementong upuan habang siya ay nakasandal sa puno. Tanging liwanag galing sa buwan ang nagsilbi naming ilaw at tunog ng mga insekto at manaka-nakang tahol ng aso mula sa mga kapitbahay sa hindi kalayuan ang tanging pumupunit sa katahimikan ng gabi.                 “May dalawang version.”                 “Dalawang version? Hindi ba pwede yung totoong version na lang?”                 “Bata pa ako no’n kaya hindi ko alam kung alin sa dalawa ang totoong version.” Humitit ako saka ko mabilis na ibinuga ang usok.                 “Sige, sabihin mo na lang yung dalawang version na ‘yan at ako na ang pipili ng gusto kong paniwalaan.                 “Yung unang sabi, nadestino daw yata si Papa sa Manila kaya kami umalis dito. Bata pa kasi ako no'n e kaya di ko talaga alam kung ito yung totoo. Naging manager daw kasi siya sa isang bangko do'n. Mas gusto kasi ni Papa na doon kami lumaki kaysa dito sa liblib na lugar. Kaya kahit okey naman yung trabaho niyang manager diyan sa bangko sa bayan ay mas ginusto niyang dalhin kami doon." Humitit-buga ako.                 “Yung pangalawang kuwento?” tanong niya.                 “Yung pangalawa naman, eto yung medyo tanda kong kwento. Pinatotohanan ito ni Mama pero di naman naniniwala si Papa. Bata pa kasi ako, alam kong may kapangyarihan na akong makakita ng ligaw na kaluluwa.” Humitit ako ng sigarilyo saka ako bumuga pataas. Tinignan ko siya kung nakikinig o interesado ba talaga siya sa kuwento ko. Nang mukha naman siyang interesado ay pinagpatuloy ko ang aking sinasabi. “Naalala ko dati may kalaro ako noon na mestisong lalaki. Lagi niya akong binubuhat e. Dinadala niya sa silong ng bahay o kaya diyan sa malapit sa balon. Ilang beses daw akong nawala noon an tumatagal ng ilang oras din pero pakiramdam ko saglit lang akong nawawala. May ipinapasuot ang lalaking iyon noon sa akin sa daliri ko. Ngunit dahil maluwang ang aking mga daliri ay kusang nahuhulog.” “Singsing ba?” “Parang. Basta meron akong natatandaan e. Kung makikita ko siguro uli ‘yon, matatandaan ko pa at mas paniniwalaan ko itong pangalawang kwento.” “Anong nangyari? Sino ba raw yung lalaking ‘yon?” humalukipkip siyang parang giniginaw. “Tinatanong ko nga noon si Papa kung sino ang lalaking iyon ngunit walang sumasagot sa akin. Kahit si mama hindi rin naman nagsalita. Si tito, ayaw rin namang magkuwento kaya tuloy hindi ko alam kung panaginip ko lang iyon o talagang nangyari. Para bang may kung ano kasi silang kinatatakutan. Hanggang sa nagulat na lang ako na nagpasya si Papa na aalis na kami.” Tinignan ko ang sigarilyo kong nakalahati na rin pala. Muli akong humitit. “Hindi ko na nagawang magpaalam pa sa mestisong lalaking iyon ngunit nang paalis na kami, kitang-kita ko ang parang isang maitim na usok na bumangga sa isang malaking flower base. Nabasag nga iyon noon e, kasunod iyon ng pagbagsak din ng malaking litrato ng lalaki sa may sala namin. Sabi sa akin ni Papa, litrato daw iyon ng lolo ng lolo ko na may-ari talaga dito sa bahay.” “Oo nga, tanda ko nga ‘yong litratong iyon noon. Kasi magandang lalaki iyon. Mestisuhin, hindi kaya ‘yon din ang sinasabi mo sa akin na mestisong lalaki na bumubuhat sa’yo?” Humitit ako ng sigarilyo saka ko ibinuga. Parang may punto siya. “Tama, baka nga. Kasi…” napalunok ako. “Oo nga. Bakit hindi ko noon naisip ‘yon. Magkahawig nga.” “Ibig sabihin, lolo mo ang nagmumulto noon sa’yo?” Tumango lang ako. Ngayon malinaw na sa akin. Bakit kaya ngayon ko lang na-realize iyon? “Saan na tayo?” tanong ko sa kanya. “Yung paalis na kayo at nagalit ang isang itim na parang usok kamo yata?” “Yun nga. Nahulog ang malaking litrato ng lolo ko sa talampakan. Tama ba? Lolo sa talampakan kung lolo na siya ng lolo ko?” “Hindi rin ako sigurado e, tapos?” mukhang mas interesado siya sa kwento kaysa sa relasyon ko doon sa kung sino ang nasa nahulog na malaking picture. “Nataranta lahat sila noo lalo na si mama. Binuhat niya ako at itinakbo ako palabas. Iyon na yung huling naaalala ko. Hindi na kami muli pang bumalik.” “Yun na yung second version?” Tumango ako. “Alin sa dalawa ang paniniwalaan mo?” “Yung una, kasi totoo namang nadestino yata ang papa mo sa Manila noon e. kasi kung hindi totoo, di sana nang lumipat kayo ro’n dahil lang sa may nagmumulto sa’yo rito sa lumang bahay, sana wala siyang trabaho noong nasa Manila na kayo.” “Sabagay.”          "Bakit hindi mo sila kasamang umuwi ngayon?" tanong niya.   Huminga ako ng malalim. Tinignan ko ang hawak kong sigarilyo. Huling hitit na lang. "Wala na sila." Sagot ko. Ayaw ko nang dagdagan.                 "Wala na?" makulit niyang tanong.                 "Oo, pumanaw na sila."                 "Sorry ah? E ang tito mo?" tanong niya. "Okey naman si Tito." Sagot ko pagkatapos kong ibuga ang usok. "May asawa na ba siya?" tanong niya. "Wala pa e. Mapera na 'yon kaya wala nang balak umuwi pa dito."                 "Alam mo naman siguro kung nasa'n siya ngayon ano?"                 "Oo naman. Siya nga ang nagbigay ng susi bago ako umuwi dito. Sa kanya rin ako noon nakatira nang pumanaw ang mga magulang ko."                 "Masaya ba siya?"                 "Pagkakaalam ko oo."                 "Wala ba siyang gustong balikan dito?"                 "Ayaw na nga umuwi dito e."                 "Ah, ganon ba? Wala ba siyang nababanggit tungkol sa akin? Sa amin?"                 Kumunot ang noo ko.                 "Wala e. Bakit mo natanong?"                 "Wala naman, para may mapag-usapan lang."                 Napansin kong sobrang interesado siya sa buhay ni Tito Diego. Mga tanong na hindi karaniwan sa isang tunay na lalaki. Gusto ko tuloy siyang tanungin kung may naging nakaraan ba sila ni Tito ngunit naunahan ako ng hiya. Mahirap na at baka mali lang ako ng hinala.                 "Inaantok na ako. Magpahinga na tayo." Yakag ko sa kaniya.                 "Sige, mauna ka na. Susunod na ako. Sa sofa na lang diyan sa sala ako matutulog." Mahina niyang tugon sa akin.                 "Huwag mong tagalan ha, baka may magpakita naman. Mauna na ako." Pamamaalam ko nang tinungo ko na ang bahay.                 Gusto ko nga sanang sabihin na samahan niya ako sa taas. Doon sa mismong kuwarto namin noon nina Mama at Papa ngunit nagdalawang isip ako. Baka kasi kalabisan na ang hihingin ko sa kaniyang pakiusap. Nagmagandang loob na siyang samahan ako sa bahay tapos hanggang sa kuwarto ba naman ay magpapasama pa ako?                 Nauupos na ang nakasinding kandila na nasa sala pagpasok ko. Kinuha ko ang isang kandila at sinindihan ko muna. Pinatay ko ang naupos na. Kinuha ko ang flashlight. Binuhat ko ang mga bagahe ko. Huminga ako ng malalim. Dadaan ako sa hagdanan kung saan ko nakita ang babae kanina. Sinilip ko si Rod sa pinag-iwanan ko sa kaniya. Naroon pa siya. Nakatingin sa kalangitan. Tawagin ko kaya siya para samahan niya ako?                 Huwag na. Baka isipin niyang wala akong bayag.                 Kahit mabigat ang aking mga paa na aakyat ay kailangan kong gawin dahil nasa pangalawang palapag ang kuwartong tutulugan ko at wala akong ibang dadaanan kundi ang hagdanan na iyon. Muli kong itinutok ang hawak kong flashlight sa kung saan ko nakita ang babae ngunit wala nang bakas pa. Pumikit ako. Hindi kaya namamalikmata lang ako kanina? Ngunit hindi ko na talaga kayang paniwalain pa ang sarili ko na bunga lang ng guni-guni ko ang lahat. Nasisiguro ko nang may multo nga sa bahay. Nararamdaman ko iyon. May makakasama ako ditong kaluluwa. May pamimilian naman ako, sila ang paalisin ko dito o ako ang aalis. Yung pangalawa, mukhang malabo. Hindi nila ako basta-basta mapapasuko.                 Nang nasa kuwarto na ako ay ibiniba ko sa sahig ang dala kong bag. Tinanggal ko ang mga telang puti nakatakip sa kama, sa isang upuan at sa side table. Nabalot ng alikabok ang kwarto. Mabilis kong binuksan ang bintana at ang kurtina. Napatingin ako sa balon. May para akong nakitang lalaki na nakatayo doon. Kumurap ako, siniguro ko kung totoo nga ang nakita ko. Pagmulat ko wala nang bakas. Ngunit alam kong nakita ko ang lalaking nakaputi na matangkad. Hindi kaya si Rod iyon? Pero hindi naman nakaputi si Rod? Bumalik ako sa kama. Sinindihan ko na lang muna kandila at inilagay ko sa side table. Pinatay ko ang flashlight. Tinungo ko ang aking bag para kunin ang bedsheet kong dala. Tinanggal ko ang bedsheet sa kama at pinalitan ko ng bago. Pati mga punda ng unan ay pinalitan ko na rin. Amoy luma na nga talaga ang bahay. Inisip kong magtiis na lang muna hanggang sa malinis at maayos din sa tulong ni Rod. Bigla kong naisip kung paano siya matutulog sa baba. Matigas ang kahoy na mahabang upuan doon. Kailangan din pala niya ng kumot at unan. Iisa ang dala kong kumot. Ngunit hindi ko maatim na ako na itong nagpasama ay hindi ko pa magawang ayusin ang higaan ng taong inistorbo ko. Tinungo ko ang malaki naming aparador. Umaasa na naroon ang mga beddings. Napangiti ako nang pagbukas ko, naroon pa nga lahat. Nakabalot din ng plastic para hindi kapitan ng alikabok. Kumuha ako ng kumot at unan.  Sumabog sa ilong ko ang lumang amoy at alikabok. Tinanggal ko ang plastic na ibinalot sa isang kumot at unan. Bumaba ako dala ang kumot at isang unan. Bukas pa din ang pintuan kaya ipinatong ko na lang sa pinakamalaking sofa ang mga dala ko. Sinilip ko siya sa labas ngunit wala na siya doon. "Rod!" tawag ko sa kaniya pagkalabas ko sa pintuan.                 Tahimik ang paligid. "Saan kaya nagpunta, iyon?" bulong ko sa aking sarili. Inilibot ko ang aking paningin baka umihi lang ngunit nang magawi ang tingin ko sa lumang balon ay may kung anong unti-unting lumalabas doon sa mga nakasalansan na kahoy. Maliwanag ang buwan kaya kitang-kita ko ang dahan-dahang paglabas ng ulo ng isang babae na nakaputi. Nakatingin sa akin. Itinaas nito ang isa niyang kamay na animo'y humihingi sa akin ng saklolo. Sobrang lakas ng kabog sa dibdib ko. Tumayo ang balahibo ko. Napaatras ako at mabilis na tinungo ang pintuan ng bahay habang nakalingon sa babaeng tuluyan nang nakalabas sa balon at palapit sa akin ngunit hindi sumasayad sa lupa ang kaniyang mga paa.                 "Rodddddddddddd! Hayan yung sinasabi kong multo! Roderickkkkkkkkk!" sigaw ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD