CHAPTER 6
Bumaba ako dala ang kumot at isang unan. Bukas pa din ang pintuan kaya ipinatong ko na lang sa pinakamalaking sofa ang mga dala ko. Sinilip ko siya sa labas ngunit wala na siya doon. Minabuti kong lumabas para hanapin.
"Rod!" tawag ko sa kaniya pagkalabas ko sa pintuan.
Tahimik ang paligid.
"Saan kaya nagpunta, iyon?" bulong ko sa aking sarili.
Inilibot ko ang aking paningin baka umihi lang sa may bakod ngunit nang magawi ang tingin ko sa lumang balon ay may kung anong unti-unting lumalabas doon sa mga nakasalansan na kahoy. Maliwanag ang buwan kaya kitang-kita ko ang dahan-dahang paglabas ng ulo ng isang babae na nakaputi. Nakatingin sa akin. Itinaas nito ang isa niyang kamay na animo'y humihingi sa akin ng saklolo. Sobrang lakas ng kabog sa dibdib ko. Tumayo ang balahibo ko. Napaatras ako at mabilis na tinungo ang pintuan ng bahay habang nakalingon sa babaeng tuluyan nang nakalabas sa balon. Nasindak ako nang makita kong palapit na ito sa akin ngunit hindi sumasayad sa lupa ang kaniyang mga paa.
"Rod! Multo! Roderickkkkkkkkk!" sigaw ko.
Pumasok ako sa loob at mabilis kong isinara ang pinto ngunit tang-ina bago ko kasi naisara ang pintuan ay may nakita pa akong isang duguang lalaking nakatingin sa akin. Halos mahati na ang ulo nito at naliligo sa sarili nitong dugo. Mabilis iyong dumaan sa harap ng pintuan. Nanlilisik ang kaniyang mga mata. May hawig ang duguang lalaki na dumaan kay Rod! Hindi kaya si Rod iyon ngunit bakit bigla siyang nawala. Bakit siya duguan?
Sumandal ako. Napapikit habang hinahabol ko ang aking paghinga.
"Sino yung duguang lalaking iyon? Parang si Rod. Si Rod nga ba?" tanong ko sa aking sarili.
Nagpadagdag iyon ng takot sa akin. Napakalakas ng kabog ng aking dibdib. Nangangatog ang aking tuhod. Nakakita ako ng multo noong bata ako ngunit hindi nakakatakot katulad ng mga nakikita ko ngayon. Ang mga nakikita ko noon ay parang mga buhay din lang kagaya ng mestisong gwapong lalaki na nakakalaro ko pa. Yung mga bagong kaluluwa dito sa lumang bahay, may kakaibang lagim akong nakikita sa kanila. May galit. May pagmamakaawa. Parang may gustong iparating sa akin. May mga gusto silang sabihin.
Binuksan ko ang mga mata ko. Hinarap ko ang pintuan saka ako umatras. Palayo sa pintuan.
Nabigla ako nang may nabangga akong tao.
Nanlaki ang aking mga mata. Bigla kong humarap sa kung sino man ang nabangga ko.
Gusto kong sumigaw nang sa mahabang panahon ay nakita ko na muli ang multong nakikita ko noong bata ako. Ang mestisong lalaki. Ang lalaking kahawig ng lolo kong nasa litrato noon. Nakangiti ngunit nanlilisik ang kanyang mga mata. Maitim ang palibot ng kanyang mga mata. Nagbabadya ng kasamaan. Itinaas niya ang kanyang mga kamay. Parang gusto akong yakapin. Gusto kong magsalita ngunit naibuka ko lang ang aking bibig, walang boses na lumabas doon.
Gusto kong umatras paralyo ngunit hindi ko maikilos ang aking mga paa.
“Jeric!” narinig kong sinabi ng lalaking kaharap na unti-unting nagbabago ang anyo sa paningin ko. "Anong nangyari sa'yo?" tinig ng nakatayong iyon sa harapan ko.
“Ako to, si Rod.”
“Hindi e!” humihingal ako. “Hindi ikaw yung nakita ko kanina.”
Lumingon-lingon siya. “Ako lang yung nandito, paano hindi ako ang nakita mo?”
“Basta iba! Yung mestisong lalaki noong bata ako, nandito pa rin. Nanlilisik at nangingitom ang kanyang mga mata. Nakangiti pero nababanaag ko ang kasamaan sa kanyang mukha.”
“Kumalma ka nga. Walang ba. Walan mestisong narito. Kanina pa ako nakatayo rito sa harap mo. Ako lang ‘to. At hindi ako mestiso.”
"Hindi ko na alam. May mga multo akong nakikita. May babaeng sugatan at inaagnas na sa balon! May duguang lalaki din akong nakita sa labas. Kamukha mo! Ikaw na ikaw. Yung mestisong lalaki, nandito rin. Lahat sila nagkakaisang nagpapakita. May mga gusto yata silang sabihin ngunit hindi ko alam kung paano ko sila kakausapin.” nanginginig kong tinuran. Para akong batang nagsusumbong sa kaniyang tatay.
"Multo naman!"
"Oo. Multo. Kaluluwa! Mga elemento. Bakit ba hindi ka sa akin naniniwala?" singhal ko.
"Sige kung totoo, asan sila ngayon." Pumunta siya sa bintana. Hinawi niya ang kurtina at sumilip siya sa nakabukas na bintana. "Wala naman? Paanong nasabi mong may multo e, kanina pa ako mag-isang nakatayo diyan sa labas ngunit wala naman ako nakita." Tumingin siya sa akin.
Gusto ko siyang yakapin para mawala yung takot ko. Ngunit nagpigil ako. Kahit pa hindi na maganda ang pakiramdam ko ay pilit ko pa ring pinatatag ang loob ko. Pumikit ako. Pilit kong kinakalimutan ang nakita ko. Kailangan kong kumalma. Pagmulat ko ng aking mga mata ay nakita ko siyang nakahiga na sa sofa. Nakatingin sa akin. Napapailing na nangingiti sa inaasta ko. Tuloy ang labas ay parang gumagawa na lang ako ng kuwento dahil wala naman siyang nakikita o nararamdaman tulad ng sa akin. Bumalik tuloy yung mga pagkapahiya ko nang Elementary palang ako. Pinagtatawanan nila ako noon dahil iniisip nilang weird ako dahil kung anu-ano daw ang ini-imagine ko.
Umupo ako sa upuang tumba-tumba.
Katahimikan parin.
Pinagmasdan ko ang unti-unting nauupos na kandila. Naghihintay akong siya ang unang magsalita. Tahimik lang din siyang nakamasid sa kandila katulad ko. Inilipat ko ang tingin ko sa kaniyang hubad nang pang-itaas. Ipinatong niya ang isang kamay niya sa kaniyang noo at napalunok ako sa ganda ng hubog ng kaniyang katawan. Napakalakas ng dating sa akin ang maumbok niyang dibdib, ang impis niyang tiyan at ang malalaking masel niya. Nagtama ang aming tingin. Kinagat niya ang pang-ibaba niyang bibig saka siya dumukot sa loob ng kaniyang short. Iyon ang tuluyang nagpagapi sa aking pagtitimpi. Kung sa kaniya ay wala lang iyon, sa akin ay isa iyong paraan ng pang-akit. At kung nang-aakit man siya, alam kong kuhang-kuha na niya ako. Nakaramdam ako ng kakaibang init.
"Pumanhik ka na sa taas para makapagpahinga ka na." Hinila niya ang kumot hanggang sa kanyang dibdib. “Tulog na tayo para masimulan na nating malinis ang bahay mo nang di ka na natatakot ng ganyan. Malay mo kapag nalinis natin ito, mag-alisan na rin sila.” Nagtalukbong na siya.
Huminga ako ng malalim.
"Natatakot ako." Maikli kong tugon.
"Ano?" tinanggal niya ang itinalukbong niyang kumot, tinignan niya ako.
"Sabi ko natatakot ako."
"Oo, narinig kita. Ang problema kasi nagpapaniwala ka kasi sa mga multo.
"E, sa totoong may nakita nga ako. Bakit ba hindi ka naniniwala?" naiirita kong wika.
"Gawa-gawa lang 'yan ng imahinasyon mo.”
“Hindi ko naman ipinipilit na paniwalaan mo ako e. Respetuhin mo man lang na di lahat tayo ay pare-pareho ng pakiramdam at paningin.”
“Okey, sige. May punto ka naman e. Sabihin na nating totoo na may multo rito, kailangan bang ipinapakita o ipramdam mong takot ka sa kanila. Hindi ba dapat ikaw ang mas malakas kasi buhay ka at bahay mo ‘to? Kung baga sila ang nakikitira kaya dapat ikaw ang magpalayas sa kanila. Mas may karapatan ka rito e.”
May punto siya sa sinabi niyang iyon. Hindi ko siya sinagot.
“Sige na, sabi ko naman kasi sa'yo baka pagod ka lang. Ipakita mong matapang ka kung may magpakita pa. Magpahinga ka na."
"Samahan mo na lang kaya ako sa taas." Nagmamaktol na akong parang bata.
Umiling siya.
"Sige na."
Nagpakawala siya ng malalim na hininga.
"Please?" bihira kong gamitin ang salitang iyon.
"Tsk! Sige na nga!”
“Talaga?”
“Oo, samahan na kita!"
"Yes!" napasuntok ako sa hangin.
"Mauna ka nang umakyat at susunod na ako. Iwan mo na lang na bukas ang pintuan."
"Bakit kailangang mauna kung puwede naman tayong sabay na lang." Pangungulit ko.
"Naku naman!"
"Sabay na lang tayo."
"Bakit kailangan pang magsabay?"
"Natatakot nga ako."
"Sige na. Sasabay na! Pero huwag mong ipakitang naduduwag ka kasi lalo ka nilang paalisin dito sap ag-aari mo naman." Seryoso pa din ang kaniyang mukha.
Napangiti ako. Gusto ko na yung nangyayari. Hindi ko alam pero sobrang gaan na ang loob ko sa kaniya at muling nanumbalik ang kakaibang ngiti ko sa labi na matagal nang hindi ko nagagawa. Hindi para maghanap ng bagong pag-ibig ang dahilan ng pagbabalik ko dito sa bahay. Gusto kong makalimot. Gusto kong magsimulang muli, gusto kong magkapera para sa gusto kong negosyo. Kapag maipaayos koi to at maibenta ko na, aalis na rin ako dito agad. Ngunit hindi ko isinasara ang posibilidad na ito na ang hinihintay kong isang magandang pagsisimula lalo pa't sa kagaya ni Rod na laking probinsiya.
Nang makapasok kami sa kuwarto ay naghubad na din muna ako ng damit. Umupo siya sa upuang naroon. Kahit hindi ko siya tinitignan ay alam kong nakatingin siya sa akin. Sinadya kong iharap sa kaniya ang may kaputian kong katawan at hinaplos ko ang may maumbok na masel ko sa dibdib habang nakatingin ako sa kaniya. Siya ang unang nagbaba ng kaniyang tingin. Nakaramdam ako ng panalo. Ngayon, siya naman ang napasuko ng tingin ko.
Alam ko, naghihintayan lang kami kung sino ang unang gagawa ng unang hakbang. Tinanggal ko ang pantalon ko at tanging puting boxer short na lang ang aking suot. Panakaw ko siyang tinignan at ramdam kong unti-unti na siyang ginagapi ng kaniyang pagpipigil.
Halos maligo na ako sa alcohol dahil wala pang kuryenteng huhugot ng tubig para sana mag-shower muna ako. Habang naglalagay ako ng alcohol at hinahaplos ko ang buo kong katawan, hita at binti ay pansin na pansin kong napapalunok siya.
Kung magaling siyang mag-tease, ibahin niya ako. Laking Maynila yata 'to. Tumitig ako sa kaniya. Titig na alam kong tuluyang magpagapi sa kaniya. Nang kinagat ko ang labi ko ay napansin kong tumayo siya. Kitang-kita ko ang ganda ng hubog ng kaniyang katawan. Katawang parang nakapasarap angkinin. Napalunok ako ng bumaba ang aking tingin sa pagitan ng kaniyang mga hita.
“Kung wala ka pang asawa, may girl friend ka naman siguro?’ pamamasag ko sa katahimikan.
“Wala e.”
“Wala na o wala pa?”
“Wala na.”
“Ah okey, ibig sabihin nagkaroon ka na?”
“Oo naman, sa tanda kong ‘to.”
“So may experience ka na.”
“Oo naman.”
“Sa lalaki?” ngumiti ako.
Natawa siya. “Bakit biglang sa lalaki e, girl friend ang pinag-uusapan.”
“Wala lang para maiba.”
“Sayang no, sana nakabili tayong alak para mas masarap ang kwentuhan. May nabibilhan pa kaya?”
“Wala akong alam e.”
“May motor ka ba?”
“Mero’n kaso hindi ko dala. Naiwan ko sa bahay e.”
“Sayang lilibot sana tayo. Baka may bukas pang tindahan.” Umupo ako sa gilid ng kama. Nakabuka. Sinadya kong ipakita sa kanya ang maputi, makinis kong singit at bumubukol at may kalakihan kong kargada.
Nakita kong napatitig siya sandali. Napangiti ako.
“Ikaw, may girl friend?”
“Ex. Kaka-ex lang namin.” Huminga akong malalim. Naalala ko na naman si Greg ngunit nang nakita ko si Rod parang kahit paano medyo nawawaglit din naman siya sa isip ko. Saka sabi naman niya, focus ako sa sarili ko para kapag nakita niyang naging okey na uli ako, maari at may pag-asang magkabalikan pa kami.
“Anong nangyari?”
“Ipinagpalit ako.” Diretsuhan kong sagot. Hindi kasi ako mapaglihim. Sasagutin ko ng totoo ang bawat tanong kung sa tingin ko hindi ko naman ikasasama. What you see is what you get. Kahit sa aking pagkatao.
“Kayo pa ng ipinagpalit ka?”
Tumango ako. “Kasalanan ko rin naman e. Nagumon ko sa alak, sugal at nagamit din paminsan-minsa ng droga.”
“Talaga? Ibig sabihin kaya ka ipinatapon rito ng tito mo dahil ro’n?”
“Hindi ah, sarili kong desisyon ang pumunta rito para magbago. Mahal na mahal ko kasi si Greg kaya kailangan kong gawin ito para sa akin, para sa amin?”
“Greg?” kumunot ang kanyang noo.
“Oo, pangalan ng ex ko?”
“Lalaki?”
“Bakit, may sinabi ba akong babae?”
“Ibig sabihin…”
“Oo na. paminta ako, bakla, silahis… kahit anong itawag mo sa akin, ayos lang kasi ‘yon ako e.”
“Ah okey, sorry.Now I know…” tumatango-tango siya. “It makes sense now…”
“Huwaw! English? Saan galing ‘yon? Magsasaka pero tama ang pagkakabigkas ng bawat salita?”
“Bakit, hindi porke magsasaka, hindi na marunong magsalita ng English. Nakatuntong din naman ako sa paaralan ah.”
“Okey, sabi mo e.” ngunit hindi niya alam na dahil do’n, nagkaroon ako ng agam-agam. Hindi jo nakikita sa kanya yung typical na magsasaka. Yung kilos niya, yung pananalita, pananamit pati na rin yung amoy. Ngunt ano nga bang pakialam ko. Ang mahalaga sa ngayon ay may kasama ako at may tutulong sa akin sa pag-aayos ng bahay.
“Pahinga na tayo. Dito na lang ako sa lapag matulog.”
"Bakit kailangan sa lapag? Malaki naman ang kama e. Tabi na lang tayo." Isang paanyaya.
“Malikot ako matulog. Saka baka…”
“Baka ano? Baka may mangyari sa atin kasi alam mo na na ganito ako?”
“Bakit ba ang hilig mong dugtungan ang sinasabi ko?”
“E, ano ba dapat ang sasabihin mo kung hindi ‘yon?”
“Baka kako sana mapuyat ka pa lalo sa akin. Ikaw kung anu-ano iniisip mo.”
“So ano, tabi nga tayo?”
“Sige na. Oo na.”
Ngumiti ako. Inayos ko ang unan. “Oh ano, na. mahiga na tayo.”
"Sige lang, mahiga ka lang. Babantayan na muna kita hanggang sa makatulog ka.”
Natawa ako. “Babantayan mo ako hanggang makatulog? Ano ako, bata?”
“Matulog ka na. Okey na ako dito" sagot niya.
Humiga na lang ako suot lang ang puting boxer short ko. Bumubukol ang bahaging iyon at sinabayan ko pa ng parang wala sa sariling pagkambyo.
Nang magawi ang tingin niya sa akin ay nagkakatitigan kami. Siya din muli ang unang yumuko. Tumayo siya at tinungo ang bintana.
“Buksan ko ‘to ha? Kulob kasi ang bahay. Amoy luma. Para makapasok ang hangin.”
“Sige lang.”
Hinawi niya ang kurtina at binuksan niya ang bintana. Nanatili siya doon ng ilang sandali. Hindi na siya muli pang lumingon. Parang napakalalim na ng kaniyang iniisip.
Ilang sandali din iyon ng katahimikan. Dinig ko ang mga malalakas na huni ng mga palaka at kuliglig. Kinagigiliwan kong marinig muli ang mga iyon. Nakapatagal na panahon. Halos limot ko na ang tunog na ito ng probinsiya.
"Hindi ka pa ba matutulog?" Hindi lang din tanong iyon. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na kailangan na niya akong tabihan, hindi ko nga lang maidiretsong sabihin. Sa pagod ko sa byahe, nakakaramdam na rin ako ng pagkaantok lalo na nakapatahimik ng gabi. Ramdam ko rin ang lamig ng simoy ng hangin na nanggagaling sa binuksan niyang bintana.
Nilingon niya ako. Isang malalim na buntong-hininga lang ang tugon sa akin saka siya muling tumingin sa labas.
Inayos ko na lang ang kanyang magiging unan sa tabi ko. Tumihaya akong nakabuka. Hanggang sa hindi ko na nakayanan pa ang aking antok. Bumibigat na ang talukap ng aking mga mata. Alam kong dala na din iyon ng pagod at puyat sa mahaba kong biyahe kanina.
Hanggang sa naalimpungatan na lang ako nang naramdaman ko siyang marahang tumabi sa akin. Dama ko ang init ng kaniyang brasong dumikit sa braso ko. Narinig ko ang pagbunot niya ng malalim na hininga. Kahit pa inaantok ako ay iminulat ko ang aking mga mata. Nilingon ko siya. Napako ang aming mga mata sa isa't isa. Nag-aanyaya ang kaniyang kahubdan. Sinisilaban na ako ng kakaibang init sa katawan. Sinubukan kong ilapit ang labi ko sa kaniyang labi. Hindi niya iyon inilayo sa akin. Sa katulad kong laking Maynila at marami ng naging karanasan, hindi uso sa akin ang pa-hard to get. Alam ko din kung kailan ako papatulan at hindi ng isang estranghero pa sa akin. Muli kong inilapit ang aking labi sa kaniya. Amoy ko na ang lalaking-lalaki niyang hininga. Nagsimula na ding dumantay ang palad ko sa kaniyang maskuladong dibdib. Hanggang sa hahalikan ko na sana siya nang tinanggal niya ang kamay ko at tumalikod siya sa akin. Napahiya ako.
“Straight ka ba?” diretsuhang tanong ko.
“Ano ba yang mga tanong mo sa akin.”
“Ayaw mo ba sa akin?” kinapalan ko na ang mukha ko.
Narinig ko ang kanyang buntong-hininga.
“Alam mo ba yung salitang respeto?” tanong niya. Titig na titig sa akin. Para akong sinilaban sa sobra kong pagkapahiya. “Inaya mo ako sa labas para samahan kita sa bahay mo, pumayag ako. Niyaya mo akong matulog sa kwarto mo at pinahiga sa kama mo, pumayag pa rin ako. Sana naman bigyan mo rin ako ng kahit katiting na respeto.”
Namula ako. Noon lang ako natanggihan ng akala ko gusto rin ako. Mukhang nagkakamali nga ako ng pagkakakilala sa kanya. Hindi nga pala siya talaga gano’n.
“Sorry, hindi ko na uulitin.”
“Dapat lang, hindi lang sa akin, sana sa iba mo pang makikilala.”
Bumangon na siya. Tumayo.
“Hindi mo na ba ako sasamahan?”
“Sa baba na lang ako.”
Mabilis siyang lumabas at hindi na siya lumingon pa.
Nainis ako sa sarili ko. Sa pagiging presko ko at mayabang kaya ako madalas mapahiya. Ito ang mga ugali kong gusto kong baguhin. Kaya ako nandito para magpakapino sa magaslaw kong mga ikinikilos. Pumikit ako. Bahala na kung may maramdaman akong multo. Kailangan kong itulog na lang. Bukas na lang ako hihingi muli ng despensa kay Rod. Mali ako sa ginawa ko sa kanya, aminado ako.
“Bumalik ka.” Napabalikwas ako sa pagkagulat. Mula sa paanan ko, nakita ko ang nakangiting mestisong lalaki. Hindi na nangingitim ang paligid ng kanyang mga mata. Maaliwalas na ito. Narinig ko ang sinabi niya. Ibig sabihin pwede ko siyang kausapin.
“Kilala ninyo ako?”
“Kilala kita. Bakit napakatagal mong bumalik, apo.”
“Apo? Sino ba kayo?”
“Hindi ba ako nakukuwento sa’yo ng Tito Diego mo?”
“Hindi ho.”
“Bakit antagal bago ka bumalik?”
“Hindi ko ho kayo naiintindihan?”
“Kailangan mong mahanap ang singsing. Gusto kong sirain mo ito. Hindi dapat maisuot pa ng iba. Pagod na pagod na ako, gusto ko nang magpahinga. Tulungan mo akong hanapin iyon apo.” Yumuko siya.
“Lo, anong singsing ang sinasabi ninyo?” tanong ko.
Bigla niyang itinaas ang kanyang mukha. May kung anong kakaiba na sa mukha ng nagpakilalang lolo ko. Naroon na naman ang maitim sa paligid ng mga mata nito. Nanlilisik ang kanyang mga mata. Hanggang sa unti-unting naging parang halimaw na ang hitsura nito. Umatras ako. Gusto kong sumigaw. Humingi ng tulong pero huli na. Nakadagan na sa akin ang halimaw. May pangil, mahaba ang dila at naagnas ang inuuod niyang mukha.
“Lumayo ka sa akin.” Itinulak ko siya ngunit nakapalakas niya. Hinawalan niya ang kamay ko. Nakita ko ang nangingitim at mahahaba niyang kuko. Hindi ako makagalaw sa sobrang lakas niya.
“Hanapin mo ang singsing. Isuot mo para matapos na lahat ng ito.”
“Anong singsing ‘yan? Bakit kailangan kong isuot?”
“Matatahimik ang lolo mo kung may bagong magmamay-ari nito. Lahat ng lagim ng mga kaluluwang narito ay makapagpapahinga. Papalitan ng bagong buhay ang mga nakatira rito.”
“Hindi, walang kahit sinong hindi ko kilala o gusto ang dapat tumira dito. Nasaan ang lolo kko? Bakit ikaw ang biglang lumitaw. Saan mo dinala ang kaluluwa niya?”
“Bwahahahaha! Bwahahahaha!” nakakagumbal ang kanyang tawa. Akala ko sa mga horror movies lang ako makakikita ng ganitong elemento. Ngayon, naniniwala na ako dahil mismong nasa harapan ko na. Alam kong nililinlang niya ako. Hindi ako dapat maniwala sa lahat ng kanyang mga sinasabi sa akin.
“Akin lang siya. Hangga’t walang kumukha sa pwesto niya, magiging akin lang siya!”
“Ano bang gusto mong gawin ko para pahingain mo na ang kaluluwa niya.”
“Ikaw. Ikaw ang matagal ko nang nakikitang papalit sa kanya. Ikaw ang kailangan ko.”
“At ano naman ang mapapala ko kung ako ang papalit sa kanya?”
“Matutulungan mo ang lahat ng kaluluwang di matahimik na narito. Mapapalaya mo silang lahat kasama ng lolo mo. Di ba gusto mong masolo ang lumang bahay?” tumawa siyang muli. Nakagigimbal ang kanyang halakhak. “Walang titira dito kundi ikaw lang at ng mga gusto mong makasama. Kaya mo nang palayasin ang mga kaluluwang narito. Lahat ng taong maiibigan mo, magugustuhan ka. Sasambahin ka. Gagawin ang lahat ng iyong iuutos. Kung may nang-iwan sa’yo, babalikan ka. Hindi ba iyon naman talaga ang gusto mo? Ang masolo mo ang bahay na ‘to? Ang babalikan ka ng taong mahal mo? Pagkakataon mo na para magkaroon ng kapangyarihang mapasayo ng habang-panahon ang taong nagugustuhan mo.” Dinilaan niya ako sa mukha.
Inilayo ko ang mukha ko. Pilit ko siyang itinulak palayo sa akin dahil naduduwal na ako sa masansang niyang amoy. Hinawakan niya ang leeg ko.
“Bitiwan mo ako! Hindi ka totoo! Nililinlang mo ako!” Nagwawala na ako. Hindi ako makahinga sa pagsakal niya sa akin. Pilit na akong lumaban. Ngunit hindi ko man lang siya natitinag. Hanggang sa sumisinghap na ako. Hindi na ako makahinga. Para na siyang demonyo sa paningin ko.
Hanggang sa bigla kong naimulat ang mga mata ko. Naupo ako sa kama. Hinahabol ko ang aking hininga.
“Ayos ka lang?” Si Rod. Banaag sa mukha niya ang pagkabahala. “Kanina pa kita ginigising, hindi ka magising. Parang may kung anong kinakausap ka’t nilalabanan. Nanaginip ka ba?” Naramdaman ko ang paghaplos ni Rod sa aking likod. Basa ako ng pawis.
“Hindi!” humihingal ako. Pinupuno ko ng hangin ang aking dibdib. “Hindi lang iyon basta lang panaginip,”
“Binabangungot ka lang.”
“Alam ko ang panaginip sa hindi.” Sinipat ko ang aking mga braso. Mamumula na parang mahigpit itong hinawakan. Mabilis akong bumangon. Nilapitan ko ang malaking salamin na may nakabalot pang puting tela. Tinanggal ko ang tela at pinagmasdan ko ang aking leeg sa harap ng salamin. Nakita kong may marka iyon. Namumula na parang sinakal ako ng matindi.
Hindi nga panaginip ang nangyaring iyon sa akin. Hindi lang pala ligaw na kaluluwa ang narito. May mas matindi pa akong mga makakalaban. May masamang elemento na narito. Lumilinaw na sa akin ang mga panaginip ko. Narito ang tunay na kalaban. Ano ang sinasabi ni Lolo na singsing? Bakit gustong ipasuot iyon ng isang demonyo? Anong sikreto ng singsing na iyon? Paano ko ba magagapi ang tunay na kalaban?