CHAPTER 4
Muli ay pagmasdan ko ang kabuuan ng bahay para mapagplanuhan ko na ang mga dapat kong unahin bukas kapag nakapagpahinga na ako. Nang idinaan ko ang sinag ng flashlight sa hagdanan ay nanlaki ang aking mga mata. May nakita ako doong hindi ko inakala't napaghandaan. Hindi ko na maigalaw ang aking katawan sa pagkabigla. Gusto kong sumigaw ngunit walang kahit anong boses na lumalabas sa aking labi. Parang may kung anong yumakap sa akin para hindi ako makagalaw. May naririnig akong halakhak na nakatatakot. Gusto kong igalaw ang aking mga paa. Gusto kong makawala sa malamig na elementong yumakap sa akin ngunit hirap kong gawin iyon. Hindi ko din maigalaw ang mga kamay. Lahat ng balahibo ko ay nagsitayuan sa nakita kong isang babaeng nakaputi na parang lumilipad sa hagdanan, pababa, palapit sa akin.
Nang una, nakalutang lang ito at maputi pa ang suot nito hanggang sa dahan-dahang nagbago ang kaniyang kabuuan. Tumatakip na ang kalahating buhok sa kaniyang duguang pisngi. Nangingitim ang paligid ng isa niyang mata at halos putol na ang duguang braso. Nagkapunit-punit ang duguang puting suot. Nanlilisik ang kaniyang mga mata. Hanggang sa nagawa kong umatras. Nabitiwan ko ang hawak kong flashlight. Kasunod iyon ng pagkamatay ng sindi ng kandilang ipinatong ko sa center table. Napakalakas ng kabog ng aking dibdib at pagsigaw lang ang magagawa ko para tuluyan kong mailabas ang nararamdaman kong kilabot.
Multoooooooooooooooooo! Multoooooooooooo!" paulit-ulit kong pagsisigaw habang kumakaripas ng takbo palayo sa lumang bahay namin.
Hindi ko namalayang nasa mismong gate na ako ng lumang bahay. Pakiramdam ko ay lumaki ang aking ulo at nagtayuan lahat ang mga buhok ko sa katawan. Hindi ko na alam kung gaano ako kabilis na nakalabas. Sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib. Mabilis ang aking paghinga.
Lalo akong nagulat nang may nabangga akong isang lalaki.
“Opps!” narinig ko ang boses na ‘yon mula sa estranghero. Yumuko ako para mas makahinga ako. Itinukod ko ang aking mga kamay sa aking tuhod. Bumunot ako ng malalim na hininga para kumalma muna,
"Bakit? Anong nangyayari sa'yo?" tanong muli ng estranghero na noon ay papasok palang sana sa luma naming gate. Lalo akong kinabahan ng maisip kong baka kaluluwa din o isang masamang elemento ang kaharap ko. Dumistansiya ako. Mahirap na ang magtiwala lalo pa’t nakatitig din siya sa akin. Yung titig na titig na parang may sinusukat siya sa aking pagkatao.
“Sino ka?” tanong ko. Umaasang sagutin niya ako para masigurado kung hindi multo at masamang elemento ang nakabanggaan ko.
“Ikaw ang dapat kong tanungin, sino ka?”
Sumagot. Tama. Sumagot siyang parang tao. Ibig sabihin hindi siya multo. Hindi siya masamang elemento. Hindi ko na alam kung ano ang una kong sasabihin. Sasagutin ko baa ng tanong niya o aalamin ko muna ang kanyang pagkasino?
“Bakit ka nga ba natakbo?” tanong niya muli. Nauutal pa rin ako. Nakakapangilabot lang kasi talaga ang mga nangyayari sa unang gabi ko sa lumang bahay.
"May multo! May multo sa lumang bahay!" nanginginig kong sabi sa kanya.
Noon ko lang naramdaman ang pagod at paghingal. Kinuha ko ang pagkakataong iyon para sandaling makapagpahinga. Itinukod ko muli ang aking mga kamay sa aking tuhod. Pumikit ako. Paulit-ulit akong huminga ng malalim. Nang mahimasmasan ay ibinalik ko ang aking paningin sa estranghero.
"Multo kamo?" tumawa siya.
Hindi ko nagustuhan ang pagtawa niyang iyon. Nainsulto ako.
"May nakakatawa kuya.”
“Sorry hindi lang kasi ako naniniwala sa multo.”
“Kung hindi ka naniniwala, wala kang karapatang pagtawanan ang mga nakakakita.”
"Ibig sabihin, nakakikita ka?”
“Alangan imbento ko lang ‘to.”
Umiling siya. “Naniniwala ka sa multo na gawa-gawa lang ng iyong malikot na pag-iisip."
"Hindi ako baliw na sabihing meron kung wala." Inis pa din ako.
"Pagod ka lang siguro o kaya gutom kaya kung anu-ano ang pumapasok sa isip mo."
“Hindi kita pinipilit na paniwalaan ako. Basta paninindigan ko na totoo ang nakita ko. Pagod ako, inaamin ko iyon, ngunit nasisiguro kong hindi lang bunga ng aking imahinasyon ang mga naramdaman at nakita ko." Paniniguro kong sagot.
"Matagal nang walang nakatira sa bahay na 'yan a. Ano ba kasi ang ginagawa mo diyan?" tanong niya.
Hinugot ko ang huling hangin na naiipon sa aking dibdib para tuluyan akong kumalma.
"Amin ang lumang bahay na 'yan."
“Ano?”
“May pagkabingi ka ba kuya? Sabi ko, amin ang bahay na ‘yan.”
"Inyo ang lumang bahay na 'yan?" may halong pagtataka ang tanong na iyon ng estranghero.
“Paulit-ulit naman tayo e.”
“Talaga?” tumatango-tango siya. “May kasama ka bang dumating?”
“Wala. Bakit may nakikita ka bang kasama ko?”
“Tito mo o kaya mga magulang mo?”
Huminga ako ng malalim. Naramdaman kong naging bastos na ako sumagot sa kanya. “Wala ho. Ako lang ang bumalik. Minana pa ni Papa ito sa kaniyang mga magulang na galing pa aming mga ninuno.”
“Alam ko ‘yon.”
“Alam mo ‘yon? Ibig sabihin tiga-dito ka lang?”
“Oo, bakit pagkaraan ng ilang taon, ngayon lang ninyo naisipang balikan ang lumang bahay ninyo?”
Walang nagkakainteres na balikan pa ito. Para hindi masayanng gusto ko sanang pagandahin at ibenta. Kaso, pinamumugaran na talaga ng mga multo.” Nakapamaywang akong lumingon sa aming lumang bahay. “Ayaw kong maniwala dati kay Tito Diego na may multo diyan pero ngayon naniniwala na ako." Natigilan ako. “Sorry.’ Bulong ko. Hindi ko naman kailangan pang sabihin iyon sa taong ni di ko man lang alam ang pangalan.
"Diego ba kamo?”
“Oho.”
“Tito mo si Diego Alcantara?" tanong niya sa akin.
Pilit kong inaninag ang kaniyang mukha para kilalanin siya ngunit maramot pa ang liwanag ng buwan. Hindi ko siya mamukhaan.
"Bakit, kilala mo ba ang tito ko?" balik tanong ko.
“Bakit naman hindi ko makikilala e, tiga-dito lang din ako. Lumaki na ako rito kaya alam ko ang lahat ng tumira diyan.”
“Saan kayo dito?”
"Nakatira lang kami sa hindi kalayuan sa likod ng lumang bahay na 'yan. Doon kami sa may kakahuyan."
"Ah di ayos may kapitbahay din naman pala ako." Nakaramdam ako ng saya.
“Hindi naman gano’n kalapit. Mga ilang metro din ang layo ng bahay namin sa inyo.” Tumitig siya sa akin. "Nakikita ko ang Papa at Tito mo noong bata pa ako rito."
"Talaga po?"
Tumango siya. "Nanilbihan kasi ang ate ko sa kanila kaya halos diyan na din ako sa bahay na iyan lumaki. Sandali, anong pangalan mo?"
"Jeric po."
"Jeric?” ngumiti siya. Parang may pilit inaalala. Tumatango-tangong tumingin sa akin. “Tama. Ikaw nga si Jeric."
"Kilala ho ninyo ako?"
"Oo naman.”
Kumunot ang noo ko. Pilit ko siyang inaalala. Ayaw ko kasing sabihing di ko siya kilala agad nang di ako nagta-try na halungkatin siya sa aking nakaraan.
“Ikaw yung batang maliit na sobrang baho ng ebak.” Tumawa siya. Gustong-gusto kong sagutin kung saan siya nakaamoy ng mabangong ebak ngunit dahil hindi kami close ay minabuti kong palagpasin na lang iyon.
“Akalain mo ‘yon, ambilis ng panahon. Noon, iyak ka ng iyak kapag pinapalitan kitang diaper at kinakarga kapag madaming inaasikaso si ate. Walong taong gulang lang siguro ako no'n.” Ngumiti ang lalaki sabay tingin sa akin pataas pababa. "Anlaki mo na ah!"
"Mas nakakapagtataka po kapag sanggol pa din ako hanggang ngayon."
"Mapagbiro ka rin pala kagaya ng papa mo." Nangitii siya.
"Bakit hindi ko ho kayo matandaan?"
"Kasi nga sanggol ka lang no’n. Pero kilalang-kilala ko ang Tito mo." May diin iyon.
Katahimikan.
“Ano kaninang sinabi mo? May multo kaya ka humahangos na lumabas ng bahay?”
“Oho.”
"Ang hirap kasing paniwalaan e.”
“Bakit mahirap paniwalaan?”
“Dito din kasi ako dumadaan sa gate na ito halos araw-araw pero wala naman akong nararamdaman.”
“Bakit naman kayo nadaan dito?”
“May shortcut kasi dito papunta sa maliit na sinasaka ko. Kaysa iikot pa ako sa maluwang na bakuran ninyo."
"Maniwala kayo, may nakita talaga akong babae." Paglalahad ko.
"Babae?"
"Oho. Nang una kong makita, nakasuot lang ito ng mahabang puting damit at nakalutang sa hangin hanggang unti-unti nang nagbago siya sa paningin ko. Nakasuot na siya ng ng gutay-gutay na puting damit at duguan ang kaniyang maputing mukha. Duguan din ang halos buong katawan at halos putol na ang kaniyang braso."
Huminga ng malalim ang estranghero. "Pinaglalaruan ka lang ng imahinasyon mo. Sige na, bumalik ka na doon. Uuwi na din ako." Tumalikod na siya.
Nataranta ako.
Hindi ko alam kung pipigilan ko siya. Wala na akong makitang ibang tao sa paligid. Siya na lang ang tanging pag-asa ko.
Muli kong pinagmasdan ang lumang bahay. Sa laki at dilim niyon, idagdag pa ang kaluluwang nakita ko ay ayaw ko nang bumalik na ako lang. Nilingon ko ang lalaking naglalakad na palayo.
"Sandali lang ho!" pahabol kong sigaw sa kaniya.
Huminto siya.
Lumingon.
"Bakit?" tanong niya. Nagkamot ng ulo.
Mabilis akong lumapit.
Sa tulong ng liwanag ng buwan na unti-unti nang sumisilip sa tinaguan niya kaninang ulap ay may kung ano sa ngiti niya na parang nagpagaan sa aking pakiramdam. Mas matanda siya sa akin ng siguro nasa lima hanggang sampung taon. Sa edad kong dalamwampu't apat, siya sa tantiya ko ay mas bata o matanda sa edad na trenta. Nakasuot lang ito ng hapit na may kalumaang sando at short na maong kaya litaw ang magandang hubog ng kaniyang katawan. May dating. Guwapo. Mukhang hindi siya magsasaka.
"Puwede hong sa inyo na lang ako magpalipas ng gabi?" kinapalan ko na ang aking mukha.
Tinitigan niya ako.
Napalunok ako sa lakas ng dating ng kaniyang titig.
Naghintay ako ng kaniyang isasagot.
"Bukas na lang ho ako babalik diyan sa bahay."
Umiling siya. "Hindi pwede e."
"Ho? Sige na ho, please?” Pamimilit ko. "Hindi naman siguro ako masamang tao sa tingin ninyo. Saka sabi din naman ninyo kilala ninyo sina Papa at Tito kaya baka naman…"
"Wala naman sanang kaso e, pero..."
"Ah, magagalit ho bang asawa ninyo?" minabuti kong unahan na lang siya. “Pwede naman ninyong sabihing kahit ngayong gabi lang.
Malalim na buntong-hininga lang ang itinugon niya sa akin.
"Please kuya, kahit ngayong gabing ito lang ho. Bukas ipapaayos ko na ang kuryente ng bahay para hindi na ako matatakot." Dagdag pakiusap ko.
"Wala akong asawa."
"E, di mas lalo pala hong okey."
"Samahan na lang kita sa bahay ninyo kung okey lang sa'yo.”
“Okey lang ba sa inyo?”
“Okey lang. Nakakahiya kasi kung sa bahay ka pa magpapalipas ng gabi. Magulo at may kalumaan na din. Baka kasi hindi ka sanay sa papag lang matulog."
"Sige ho. Kung hindi sa inyo nakakaabala, sa bahay na nga lang ho." napangiti ako. Dapat nga sa buhay ako matakot at hindi sa mga multo ngunit sa nakikita ko naman sa kaniya, siguro naman hindi siya mamamatay tao. Isa pa, nasabi na din naman niyang kilala niya ang pamilya ko. Iyon palang nakuha na niya ang tiwala ko.
"O, pa'no tara?" yaya niya sa akin.
"Tara!" nakangiti na ako. Nauna siyang naglakad, sumunod ako. Natatakot pa kasi ako sa nakita ko kanina ngunit napawi na yung matinding kilabot.
"Naghahanap ho ako ng makakatulong na maglilinis sa paligid, kukumpuni sa mga sirang bahagi ng bahay at magpipintura. Baka lang may mai-recommend kayo sa akin.”
“Gano’n ba?” maikling niyang sagot. Naghihintay ako ng dagdag sa sinabi niya ngunit mukhang mahabang katahimikan kung hihintayin ko pa siyang magsalita muli.
“ Arawan na lang ho ang bayad."
"Puwede naman ako."
"Ayos. Hindi na ako mahihirapang maghanap pa."
Katahimikan. May kung anu akong naririnig na kaluskos. Kailangan magtuluy-tuloy ang aming usapan para mawaglit yung takot ko.
“Kaya mo bang lahat ng trabaho na ipagagawa ko?” Pagsisimula ko ng usapan nang nasa malapit na kami ng pintuan ng bahay. Gusto kong tuluyang matabunan ng ibang usapan ang nararamdaman ko paring takot.
“Oo naman. All around ako. Sabihin mo lang kung ano ang mga ipapagawa mo para masimulan ko."
"Salamat ho."
"Kaya lang kailangan ko ding puntahan ang bukirin ko sa tanghali. Pero maipapangako ko namang matatapos ko lahat kasi madaling araw palang, gising na ako." Itinulak niya ang nakasarang pino. Nagtataka ako kung bakit nakasara na iyon e iniwan ko namang bukas kanina.
"Sigurado ho kayo? Baka kasi mahirapan kayo." Paninigurado ko.
"Huwag mo nga ako pinopo Jerick, mas pinaparamdam mo ang katandaan ko sa'yo niyan eh."
"Sorry ho." Natawa ako.
"Kasasabi lang e. “
“Sorry.”
“Yun! Kung tutuusin, mga nasa walong taon lang naman ang tanda ko sa'yo."
"Walong taon lang ah. Lapit no'n kuya." Natawa ako.
Tipid na ngiti lang ang tugon niya.
Siya ang unang pumasok sa bahay. Isinara ko agad ang pintuan.
"May kandila ka?" tanong niya.
Inapuhap ko anng lighter ko sa bulsa. Mabuti at naroon pa nga. Mabilis kong sinindihan ang kandila dahil sa namatay iyon kanina nang kumaripas na ako ng takbo. Nang sumabog ang liwanag sa paligid ay mabilis na umikot ang mga mata ko sa kabuuan ng bahay. Umaasa na sana wala na yung babae kanina.
Huminga ako ng malalim. Wala na nga. Siguro naman ngayong may kasama na ako tuluyan na iyong hindi pa magpakita pa. Baka nabulabog lang kanina dahil biglang may pumasok sa bahay na akala niya pag-aari na niya.
Ibinalik ko ang tingin ko sa estrangherong nagmabuting loob na samahan ako. Muli ko siyang tinitigan. Bagsak ang tuwid at maninipis na buhok. Yung buhok na parang napakasarap paglaruan dahil parang balahibo lang ng pusa ang kapinuhan. Medyo may pagkasingkit ang maamong mga mata, matangos ang tamang hulma ng ilong, may kanipisan ang kaniyang mga labi at kulay ng balat na hindi aakalain ng kahit sino na siya ay isang magsasaka lang. Moreno siya dahil siguro sa madalas siyang babad sa araw ngunit bumabagay iyon laki ng kaniyang katawan. Nagpaangat sa pagiging lalaking-lalaki niya at ng buo at mababa niyang boses.
"Ano nga ho palang pangalan ninyo?" tanong ko para mabasag lang ang naghaharing katahimikan.
"Hayan, kasasabing huwag ka nang..." napakamot. Nakita ko ang manipis na buhok sa kaniyang kili-kili.
"Ah okey, anong palangalan mo?"
"Roderick pero tawagin mo na lang akong Rod."
"Kuya Rod." Pag-uulit ko para hindi ko makalimutan.
"Walang kuya, walang po o opo. Rod lang. Nagkakaliwanagan ba tayo?" sa buo at lalaking-lalaki na boses. Katangiang wala si Greg. "Kung sa simpleng bagay na 'yan ay hindi na tayo magkaintindindihan e, wala na tayong pag-uusapan pa, hahanap ka na lang ng iba mong makakasama dito." Alam kong may bahid iyong pagbibiro.
"Sige Rod." Inilahad ko ang kamay ko.
Tinignan niya ang nakalahad kong palad. Naninibago siguro.
"Ano yan?" tanong niya.
"Handshake,” napangiti ako.
Tinanggap niya ang palad ko. "Hindi naman uso kasi dito 'yan kapag nagpapakilala." Napailing siya.
Naramdaman ko ang magaspang niyang palad. Ramdam ko ang higpit ng pakikipagkamay sa akin.
Hindi ko magawang iwaglit ang aking paningin sa kaniyang napakaguwapong mukha. Tinamaan yata agad ako ng sibat ni Kupido sa unang pagkikita.Sa Manila, kung ganitong trip, sigurado ako na mauuwi agad ito sa s*x ngunit dito sa bayan na 'to, maaring makaluma pa din ang mga tao. Nakakahiyang gumawa ng first move. Baka kapag magtangka ako, kamao ang hahalik sa akin at pag-uusapan na ako ng buong bayan kinabukasan. Kaya konting pigil lang. Isa pa, hindi ko pa siya lubos na na kilala. Hindi dapat ako mahulog sa kaniya. Matanda na ako para sa Love at first sight! Kagagaling ko lang sa isang failed relationship. Nandito ako para buuin muli ang aking buhay, hindi para bumuo ng isang relasyon sa taong di ko pa lubos na nakikilala. Nakabanggaan ko nga lang sa labas. Ni hindi ko nga alam kung pareho kami ng hinahanap at pagkatao.
"Nagugutom ka?" tanong ko.
"Hindi. Kumain na ako kanina e. Dumaan kasi ako sa bayan, ikaw ba?"
"Hindi pa nga e. Nakakaramdam na ako ng gutom." Sagot ko.
"Sandali, may dala ka bang pagkain?”
"Noodles at delata lang."
"Ayos na muna 'yan. Ikaw na lang ang kumain at kukuwentuhan na lang kita habang naghahanda ka ng hapunan mo."
Binuksan ko ang bagahe ko. Mabuti nga nakapagdala pa ako ng panawid-gutom dahil kung hindi, siguradong gutom magdamag ang aabutin ko.
“Sasamahan mo ba ako sa kusina?” nahihiyang tanong ko.
“Sure.” Sagot niya. Tumayo na siya. Sabay naming tinungo ang kusina.
Binuksan ko ang gas. Pinihit ko ang stove. Walang apoy na lumalabas.
“Sandali. Tignan natin at baka wala nang laman ang gas.”
Binuksan niya ang gasul at ipinihit ang gas stove, inamoy niya. “Wala nang gas.”
“Ahhh! Ano na lang ba ang meron sa bahay na ‘to!”
“Multo. Di ba sabi mo may multo dito.”
“He he. Patawa ka.” Bumuntong hininga ako. “Paano ako kakain nito?”
“May kalang kahoy diyan sa likod bahay. Ako nang bahala magpaapoy. Kumuha ka na lang ng kalderong lulutuan mo.”
“Alam na alam mo ha?”
“Paanong di ko alam e, halos dito na ako lumaki noon.”
Kumuha ako ng kaldero at malaking bote ng mineral water na siya kong gagamiting pang sabaw sa lulutuin kong cup noodles. Sumunod ako sa kanya paglabas ng bahay. Doon kami sa likod bahay na parang dirty kitchen. May kataasan na din ang mga damo sa mismong daraanan namin.
“Wala kayang ahas dito?”
“Wala naman siguro. Sandali ha, kuha lang ako ng mga tuyong kahoy. Babalikan kita.”
“Iiwan mo ako?”
“Ikaw kung gusto mong sumama?”
“Sama na lang ako. Mahirap nang magpaiwan baka mamaya…”
“May flashlight ka ba?”
“Meron.”
Binuksan ko.
“Tara?”
Tumango lang siya.
Mabilis din naman kaming nakahanap ng panggatong at mukhang sanay din siyang magpailaw ng kahoy.
“Mabuti na lang talaga nandito ka. Kung hindi baka bukod sa daan ako matutulog, malilipasan din ako ng gutom.”
“Maswerte ka pa rin na natiyempuhan mo ako.”
"Kuwentuhan mo ako." Pamamasag ko ng katahimikan habang hinihintay kong kumulo ang tubig.
"Tatlo kaming magkakapatid." pagsisimula niya. "Dala ng kahirapan kaya napasok ang ate ko noon sa inyo bilang kasambahay. Bata ka pa no'n kaya alam kong hindi mo pa natatandaan pero inalagaan ka ng ate ko."
"Oo nga, nakuwento na ninyo kanina. Pero paanong pinayagan ng mga magulang mo ang ate mong magkasambahay?" tanong ko.
Tumingin muna sa akin si Rod. Bumunot ng malalim na hininga na para bang napakahirap sa kaniyang ilahad ang kaniyang buhay.
"Sa hirap ng buhay." Ramdam kong naluha siya. Nakita ko kasi yung pagkislap ng kanyang mga mata na natatamaan ng apoy mula sa kalan.
"Pwede namang iba na lang ang pag-usapan natin kung ayaw mong ikuwento ang buhay ninyong magkakapatid." Napalunok ako. Masyado na kasi yatang personal na bagay ang mga tinatanong ko.
"Okey lang. Medyo natatamaan lang ako kung naaalala ko ang pamilya ko.”
“Sige, iba na lang ang pag-uusapan natin.”
“Sumama ang nanay ko sa ibang lalaki dahil sa kahirapan." Pagpapatuloy niya. Hindi ko na siya pinigilan. Mukha naman kasi okey lang sa kanyang ikuwento ang nakaraan niya. "Hindi na kasi sila magkasundo ni tatay. Halos araw-araw silang nag-aaway. Naghahanap kasi si Nanay ng karangyaan. Gusto niya ng magaan na buhay. Iyon daw kasi ang pinangarap niya at ipinangako ni tatay bago sila nagsama at naging mag-asawa bagay na hindi naman kayang ibigay ng magsasakang tatay ko," tumigil siya.
"Kumukulo na yata 'to." Lumingon siya sa akin.
"Salamat. Ikaw pa tuloy ang nagpakulo," sagot ko.
“Ayos lang. Alam ko namang di ka sanay sa hirap kaya hindi mo talaga alam magluto sa kahoy.” Tinanggal niya sa apoy ang kaldero gamit ang tuyong dahon ng saging na kinuha niya kanina para madali niyang mapaapoy ang panggatong na kahoy. “Akin nang cup noodles mo para malagay na natin ang mainit na tubig.”
Inilagay ko sa lumang mesa ang cup noodles na nabuksan ko na. Inilagay niya ang mainit na tubig saka mabilis niyang tinakpan.
“Saan na tayo kanina?”
“Saang ano?”
“Yung pinag-uusapan natin?”
“Hmmn, sabi mo yata hindi nakukuntento ang nanay mo sa buhay na ibinibigay ng tatay mo?”
“Ah, yun na nga. Iniwan kami at sumama sa mayaman at matandang nagbabakasyon lang noon dito sa purok si nanay." Pagpapatuloy niya. "Dahil sa sobrang nasaktan si tatay, paglalasing lagi ang inaatupag niya at isang araw, nakita na lang naming nagbigti sa puno ng mangga malapit dito sa lumang bahay ninyo."
“Punong manga?” napakunok ako. Natatanaw ko kasi ang malaking punong mangga ilang dipa lang ang layo sa amin. “Diyan ba?” nakaturo ako sa mangga ngunit hindi ko tinitignan. Natatakot akong isiping may nagbigti nga doon.
Tumango siya. Napabuntong-hininga.
"Seryoso?" Napalunok ako.
"Mukha ba akong gumagawa lang ng kuwento?"
"Hindi kasi ako makapaniwala. Bakit dito nagbigti? Tara na nga sa loob. Parang may kung anong enerhiya na naman akong nararamdaman.”
“Saan?”
“Basta parang may nakatingin sa akin. May nag-aabang sa bawat ikinikilos ko.”
“Hayan ka na naman e. Tinatakot mo na naman ang sarili mo.”
“Hindi nga. Ramdam ko may ibang malakas na elemento bukod sa mga multo.”
“Sige, tara na sa loob at baka nga gutom lang ‘yan.”
“Totoong ginawa ng tatay mo ‘yon?” pamamasag ko ng katahimikan nang pumasok na kami sa lumang bahay.
“Oo nga.”
“Akala ko sa mga pelikula lang nangyayari ang mga ganoong kaganapan. Nangyayari nga pala talaga iyon sa totoong buhay?"
"Oo naman."
"Pareho nap ala tayong walang magulang kung gano’n. Sige tuloy mong kuwento mo habang nakain ako."
“Yun nga. Lumaki kaming magkakapatid na hikahos sa buhay. Lahat ay ginagawa ng ate ko para maibigay lang ang lahat ng pangangailangan namin. Siya ang naging tatay at nanay namin. Siya ang masipag at matiyagang kumakayod mabuhay lang kami katuwang ang pangalawa kong kapatid." Kumislap ang gilid ng kaniyang mga mata. Pinipigilan niya ang sariling hindi maluha. Nakaramdam ako ng awa sa pinagdaanan nila.
"Anong nangyari? Siguro may asawa na ang ate mo ngayon."
Bumuntong hininga siya.
"Pinipilit ni Ate na pag-aralin ako noon kasi sabi niya, iyon na lang ang natitirang pag-asa namin para umangat." Halatang iniwasan niyang sagutin ang tinuran ko. "Kahit gaano kami kahirap, tanging pangarap lang namin ang puwede naming kakapitan. Pangarap na pilit naming hinahabi araw-araw. Dahil sa pangarap na iyon ay nabubuo ang aming pag-asa kaya lang may mga bagay talagang hanggang pangarap lang. Hindi natin hawak ang buong pagkakataon at pagdating ng mga hindi inaakalang pangyayari." Nakita ko ang lungkot sa kaniyang mukha. Mabilis niyang pinunasan ang luhang kumikislap sa gilid ng kaniyang mga mata bago pa man iyon babaybay sa kaniyang pisngi.
Nawalan ako ng ganang ubusin ang noodles na kinakain ko.
Itinabi ko na lang.
Hinarap ko siya.
"Anong nangyari sa mga pangarap ninyo?" seryoso kong tanong.
Mas nagiging interesado na ako sa buhay niya. Kanina, gusto ko lang na may kausap. Nais ko lang na maibsan ang pagkabagot ko sa haba ng gabi. Sanay kasi ako sa buhay Maynila, maingay, magulo at madaming puwedeng pagkaabalahan. Hindi katulad dito sa probinsiyang manaka-nakang huni ng mga kuliglig at kokak ng mga palaka sa bukid malapit sa lumang bahay lang ang pumupunit sa katahimikan ng gabi.
Biglang may kumakatok sa pintuan.
"May kumakatok?" tanong ko sa kaniya. "May tao ba?"
Muling bumalik ang naramdaman kong takot.