CHAPTER 3
“Pangako, magtitino na ako at sana babalikan mo pa rin ako.”
“Tignan natin. Ayaw kong magsalita ng patapos.”
“Mahal na mahal pa rin kita Greg.”
“Okey.” Malamig na sagot niya.
“Okey lang?”
“Wala ka na bang sasabihin? Susunduin ko pa si Daryl.”
“Daryl pala ang pangalan niya?”
“Oo. At nakikita ko sa kanya yung dating ikaw noon. Sana lang hindi siya magbago.”
“Mas matagal ang pinagsamahan natin at naniniwala akong mahal mo pa rin ako at babalik ka rin sa akin.”
“Taas ng confidence ah. Pero sige, tignan natin basta please. Tigilan mo na muna ako.”
“Muna? Ibig sabihin may pag-asa pa rin?”
“Tulad ng sabi ko, tignan natin. Sige na, bumaba ka na. Baka naghihintay na ‘yon ngayon.”
“Sige. Salamat sa oras.”
“Okey.”
“Hihintayin kita mahal. Kahit mahirap pilitn kong magbago, balikan mo lang ako.”
Binuksan niya ang pintuan ng kotse. Muli kong naamoy ang kanyang pabango. Namiss ko siya. Miss na miss ko si Greg pero nang yakapin ko siya para sana ay halikan ay itinulak niya ako.
“Baba na.”
Bumunot ako ng malalim na hininga saka ako bumaba. Sana pagdating ng araw kami pa rin. Sana ma-realize niyang mahal pa rin niya ako. Naniniwala akong maiisip pa rin niya akong balikan. Gagawin ko na ito hindi lang para sa kanya kundi para na rin sa aking sarili.
Kaya heto ako't nagdesisyong magsimulang muli. Ito lang ang tanging paraan para muli kong mahanap ang isang Jeric na matagal nang nawala sa sa aking pagkatao. Ang kaguwapuhan, sa una lang talaga 'yan nabibigyang halaga ‘yan pero kapag nasa relasyon na at matagal nang magkasama, nawawala ang lakas ng hatak ng nito at ang naiiwan ay ang kung ano ba ang kaya mong punan sa relasyon. Kung ano ang kaya mong gawin para mapanatili ang init ng inyong pagmamahalan. Doon ako nagkulang, guwapo lang ang meron ako ngunit pabaya ang ugali ko. Pabayang pakawala.
Nang pumasok ang sinasakyan ko sa masukal at mabatong daan ay alam kong malapit na ako sa kinalakhan kong lugar. Matagal na panahon ding di ako dito nakadalaw. Ni hindi ko alam kung anong buhay ang kahaharapin ko dito. Ang mahalaga naman sa akin ay ang makapagsimulang muli. Hanggang sa natanaw ko na an gaming lumang bahay.
“Kuya, sa tapat na lang po ako ng lumang gate.”
“Hindi ba pwedeng huwag sa mismong gate?”
“Bakit po? Kumpleto naman ho ang ibabayad ko ah.”
“Pasensiya na ha. Natatakot lang kasi ako.”
“Kuya, walang multo sa lumang bahay namin. Kung sakaling may magpakita man sa’yo hindi ka aanuhin. Sa buhay po kayo matakot. Huwag sa kaluluwa o multong kinatatakutan ninyo.”
“Sabagay. Pero kayo lang ba talaga ang titira diyan sir?”
“Opo. Ako lang ho.”
“Tibay ninyo talaga sir.”
Minabuti ko na lang na hindi siya sagutin. Kung iyon ang paniniwala niya, wala na akong pakialam pa. Ayaw ko lang na pati ako ay tinatakot pa niya.
“Sige po kuya. Dito na lang ho ako.”
Ibinaba ko muna ang mga bagahe ko saka ko binunot ang dalawang daan sa bulsa ko.
“Wala akong barya sir.”
“Okey na ‘yon kuya. Pasalamat nga ako hinatid mo ako kasi yung mga iba. Tumanggi kanina nang malalamn nila na dito ako pupunta.”
“Ah, sige po sir. Salamat po. Hindi ko na kayo matulungang ihatid sa loob.”
“Ayos lang po ‘yon. Sige po. Salamat.
Bumunot muna ako ng malalim na hininga nang nasa gate na ako at nakaalis na ang kinontrata kong tricycle. Nakaramdam ako ng magkahalong takot at kawalang katiyakan nang inilibot ko ang aking paningin. Nakabibinging katahimikan. Nakatatakot ang kapaligiran. Parang may kung anong hindi ko gustong vibes. Ngunit wala na itong atrasan. Inisip ko na lang ang dahilan kung bakit ako narito. Pilit kong inalala ang dahilan ng aking pagbabalik. Kapag mapaganda ko ang lumang bahay na ito at maibenta ng mahal, dito ko kukunin ang negosyong gusto kong simulan. Pasasaan din at babalikan ako ni Greg lalo na kapag makita niyang may pinagbago ang buhay ko. Magsisikap ako.
"Ito na 'to! Dito ko mapapatunayan na gusto kong magbago at magsimulang muli." bulong ko sa aking sarili.
Sinipat ko ang paligid. Umikot ako. Umaasang may makitang makausap. Nagsisi akong pinaalis ko agad ang tricycle. Sana pala nagpahatid muna ako sa isang hotel sa bayan at kinabukasan na lang ako bumablik. Nagbago kasi ako ng isip nang makita kong wala pa ring malapit na kapit-bahay, walang nadaan, walang ibang buhay na nilalang kundi ako lang.
Binuhat ko ang aking bagahe. Marahan kong itinulak ang kinakalawang na gate ng lumang bahay. Mabigat ang mga paa kong pumasok sa bakuran lalo pa't mag-isa akong aayos at titira doon. Kung may mapuntahan lang sana akong iba ay hinding-hindi ako magtitiis na bumalik pa dito. Huminga ako ng malalim. Nagdadalawang isip ako kung itutuloy ko pa ang binabalak ko nang makita ko ang mga nagtatayugang damo at ang mistulang haunted house na ayos ng bahay dahil halos balutin na ito ng baging.
Ayon kay Papa, minana pa nila ito sa kanilang mga ninuno. Pinaaayos lang ng bawat henerasyon na tumitira. Sila ang huling henerasyon ngunit sa hindi ko alam na kadahilanan ay ayaw na ni Papang tumira doon. May kung ano siyang iniiwasan na ikuwento sa akin noon. Napapansin ko na kapag sisimulan ni Mamang magkuwento sa lihim ng lumang bahay sa akin ay nauuwi lagi sa pag-aaway. Hanggang hindi ko na tinanong pa kung anong lihim dito.
“Tito, ano bang meron sa lumang bahay at ayaw na ninyong magbakasyon man lang?”
“Wala. Huwag mong nang ungkatin pa kung anong meron sa lumang bahay. Hindi ko nga lam sa’yo kung bakit ura-urada mong gustong umuwi ro’n.”
“Sayang kasi e. Baka naman pwede pang pagandahin at ibenta.”
“Wala naman kaso sa pagpapaganda, sa pagbebenta, doon ako medyo naaalangan kung may bibili.”
“Bakit naman walang bibili tito kung mapapaayos nang husto?”
“Huwag ka na lang kasing tumuloy.”
“Tito, kailangan ko ‘to para makapagmove-on at magsimulang muli. Kung dito lang ako sa Manila, mababarkada lang uli ako at masisira ang buhay ko. Isa pa, parang meron kung ano sa lumang bahay na gusto kong balikan.”
“Ano naman ‘yon?” napailing. “Baka ikapapahamak mo lang ‘yan o ng ibang tao kaya ako na nakikiusap, huwag ka nang umuwi pa doon.”
“Kilala mo naman ako, tito, kung anong gusto ko ginagawa ko.”
“Matigas nga talaga ang ulo mo. Hindi ko na alam kung ano pang sasabihin ko.”
“Payag ka na?”
“May magagawa pa ba ako?”
“Salamat tito.”
“Basta usapan natin ito ha, pagandahin mo lang ang bahay at kapag okey na ibenta mo na agad, okey?”
“Opo.”
“Kung sakaling may maramdaman kang kakaiba, umalis na lang kaagad. Huwag na huwag kang nagsusuot ng kahit anong nakikita mo roon na lumang kasangkapan.”
“Ano namag isusuot ko ro’n? Hindi naman ako mahilig ng mga antigo.”
“Sige papayagan kita basta yung usapan natin.”
“Deal tito.”
Nakita kong hindi mapakali si tito sa gusto ko. Ramdam ko talagang may itinatago siya. May kung anong bumabalot na misteryo dito na ayaw na nilang pag-usapan pa.
Napakamot ako nang inihakbang ko ang aking mga paa palapit sa lumang bahay. Para namang may pamimilian pa ako. Wala na akong babalikan pa sa Manila. Nawalan na ako ng trabaho dahil sa madalas na pagliban at pagpasok ko na lango sa alak, pagkagumon sa sugal at sa rurok ng aking pagdarahop ay ipinagpalit pa ako ng lalaking minahal ko. Masaya na din ang kaisa-isa kong kapatid sa buhay niya sa ibang bansa kasama ng kanyang pamilya. Kaya panindigan ko na lamang ito. Ito na lang kasi ang pag-asa ko para muling umangat.
Nandito ako dahil gusto ko ring makalimot sa lahat ng aking pagkakamali sa buhay. Gusto kong takasan ang lahat ng alaala ng Maynila. Dito sa probinsiya ako magsisimula ng bagong buhay. Wala na akong buhay na kailangan pang ipagpatuloy sa lungsod at kung mananatili ako roon, siguradong hindi ko mababago ang buhay ko tulad ng hiling sa akin ni Greg. Kung bakit kasi kung kailan nawala siya sa akin ay saka ko lamang naramdaman ang kaniyang kahalagahan. Kailangan ko din munang iwasan ang ang mga lugar na pinapasyalan namin at malayo sa mga mutual friends. Gusto kong patunayan sa kaniya na kaya ko din namang magbago. Kung magkikita kaming muli, may nabago na dapat sa buhay ko. Sa ngayon, dito na muna ako. Pasasaan din at masasanay din ako.
Mabilis akong humakbang palapit sa lumang bahay dahil palubog na din ang araw.
Kung sana hindi sabay na namatay sina Papa at Mama dahil sa isang car accident, siguro kahit papaano, naalagaan pa ang bahay na ito. Hindi man kami ang titira, paniguradong magbabayad si Papa ng caretaker para mapanatili ang kagandahan nito.
Ayon kay Tito Diego nang minsan itong nalasing, nasabi niyang may masamang elemento daw dito. May mga kaluluwa din daw na nakatira na. Kung totoo ang sinasabi niya, ako ang makapagpapatunay kung totoo nga iyon dahil noong bata pa lamang ako, alam kong may kapangyarihan na akong makakita ng kagaya nila. Naalala ko may kalaro ako noon na mestisong lalaki. Lagi niya akong binubuhat. Dinadala sa silong ng bahay. Ilang oras daw akong nawala noon pero pakiramdam ko saglit lang. May ipinapasuot ang lalaking iyon noon sa akin. Ngunit dahil maluwang ang aking mga daliri ay kusang nahuhulog. Tinatanong ko noon si Papa kug sino ang lalaking iyon ngunit walang sumasagot sa akin. Para bang may kung ano silang kinatatakutan. Hanggang sa nagulat na lang ako na nagpasya si Papa na aalis na kami. Hindi ko na nagawang magpaalam pa sa mestisong lalaking iyon ngunit kitang-kita ang parang isang maitim na usok na parang bumangga sa isang malaking flower base. Nabasag iyon noon. Sa taranta ni Mama ay itinakbo ako palabas. Iyon na yung huling naaalala ko. Hindi na kami muli pang bumalik ngunit ang hitsura ng bahay na ito at ang alaala ng aking kabataan ay hindi na nawala sa akin.
May mga gabi ding dinadalaw ako ng mga hindi ko naiintindihang mga panaginip. Panaginip na sa lumang bahay nangyayari. Kung sino ang mga nasa panaginip ko, hindi ko alam. Hindi ko nakikilala. May mga panaginip din akong parang may kung anong tumatawag sa akin para bumalik at tapusin ang kung ano mang misteyong bumabalot dito. May mga elementong nakikiusap. May mga panaghoy na nakakatakot. May isang lalaking kumokontrol sa lahat. Mga iba’t ibat senaryo ng panaginip na sa paghahalo-halong nito ay pinili kong huwag na lang ding aalahanin.
Matagal na nang huli kong nagamit ang kakayahang makakita at makipag-usap sa multo. Mula nang pinagtawanan ako at sinabing weird ako noong High School ako, iniwasan ko nang magkuwento o kaya mamalagi sa mga lugar na may ligaw na kaluluwa. Ilang taon na din akong hindi nakakakita. Kaya naisip kong sa pagdaan ng panahon, nawala din ang kakayahan kong iyon. Wala na din naman akong balak pang bumalik pa sa pagiging ganoon.
Sandali akong huminto, yumuko ako at ibinaba ang mabigat kong dala-dalang bag. Huminga ako ng malalim. Pinuno ko ang aking baga. Ito ang gusto ko dito, ang kasariwaan ng lahat. Ilang Linggo lang siguro, magagawa ko nang pagandahin muli ito. Na-excite ako. Parang nakikita ko na kasi ang magandang kinalabasan ng pagpapaganda sa lumang bahay namin. Ibabalik ko ang pintura nitong kulay puti. Tatamnan ko ng namumulaklak na halaman ang buong paligid ng bahay. Bibigyan ko ng buhay sa gabi ang buong kabahayan sa pamamagitan ng paglagay ng maraming matitingkad na ilaw. Ako ang muling magbibigay ng buhay sa lumang bahay. Bukas na bukas din ay simulan ko na ang paglilinis sa bakuran. May mga pinsan sina Papa dito kaya sa kanila na lang ako magpapahanap siguro ng makakatuwang ko para maglinis, magkumpuni sa mga sirang bahagi ng bahay at magpintura.
Humugot muli ako muli ng malalim na hininga bago nagdesisyong ituloy ang aking paglalakad. Pagtayo ko ay may kung anong malamig na hangin na parang yumakap sandali at dumaan sa akin. Napalunok ako.
Parang may nag-welcome sa aking pagdating. Pinagmasdan ko ang mga puno sa paligid ngunit hindi gumagalaw ang mga dahon ng mga ito. Nagtaka ako. Dama ko kasi talaga ang kakaibang malamig na bagay na yumakap sa akin kasunod ng bahagyang paggalaw ng matayog na damo papunta sa lumang balon. Nanatili akong nakatayo doon at muling nakiramdam ngunit wala na akong kakaibang nararamdaman pa.
Napakamot ako.
Dala lang siguro iyon ng pagod sa halos sampung oras na biyahe kaya kung anu-ano na ang napapansin at nararamdaman ko. Ipinagpatuloy ko ang aking paglalakad.
Sinipat kong mabuti ang paligid ng bahay. Nanlaki ang aking mga mata nang may nakita akong parang pares ng pulang mata sa bintana at pigura ng lalaki. Pumikit ako at dumilat. Naroon pa rin nga ang parang pigura ng lalaki. Habang palapit ako ng palapit ay biglang naglaho na lang ang nasa bintana. Sino ‘yon? Tanong ko sa aking sarili. Huminto muna ako pansamantala. Kinukutuban na ako ng hindi maganda.
Nagtataka lang ako kay Tito Diego kung bakit bigla na lang siyang umayaw na sumilip o tumira dito samantalang iniwan namin siya dito noong bata pa ako na tuwan-tuwa dahil masosolo na daw niya ang bahay. Ang di ko lang maintindihan ay kung bakit wala sa mga kamag-anak namin ang gustong dito na muna tumira para may maglinis at titingin-tingin. Hindi sana napabayaan ng ganito ang bahay. Hindi ko naman masisisi si Tito kung bakit niya ipinagpalit ang buhay niya dito sa buhay niya sa Maynila, mas nagiging maunlad ang pamumuhay niya ngayon. May kumikitang mga negosyo. Ako lang naman ang may ayaw na tumira uli sa kaniya. Nakakahiya na kasi dahil sa dami ng naibigay niya sa akin na nawaldas ko lang sa sugal, alak at barkada. Isa pa, umalis-alis ako para sumama kay Greg, iyon pala babalik din ako sa kanyang walang-wala. Ang ikinabuti lang kay Tito, kahit hindi niya suportado ang mga desisyon ko sa buhay, hinding-hindi siya nagdamot. Nagbigay siya ng malaking halaga sa akin sa pag-uwi ko dito sa probinsiya kahit pa mula’t sapol ay tinututulan niya ang pagbabalik ko dito.
"Sigurado ka na ba talaga dito sa gagawin mong ito?” usisa niya bago niya nang nasa bus station na ako. Siya kasi ang naghatid sa akin.
“Tito, ilang beses mo na ba akong tinanong niyan? Iisa pa rin ang sagot ko. Sure ako dito.”
“Ano ba kasing gagawin mo 'ron? Kung pera lang ang dahilan, pauutangin kita ng pang negosyo mo."
“Utang na naman. Di ba sa akin ibinigay ni Papa ang lumang bahay na ‘yon kasi ayaw mong makuha? O, sayang naman kung di ko mapapakinabangan. Kaya uuwi ako tito, sayusin ko ang bahay at kapag maibenta ko ng malaki-laki, dito na uli ako titira sa Maynila."
"Ewan ko lang kung may bibili pa." sagot niya.
"Paano ngang walang bibili?"
"Para namang hindi mo alam ang mga tao sa atin. Kumalat na kasi ang chismis na may nakatira dong mga kaluluwa at masamang elemento. Bata pa ako, kalat na kalat na iyon. At saksi akong meron nga. Maliit lang ang ating bayan kaya mabillis kumalat ang mga sabi-sabi. Sabi-sabing may katotohanan din naman talaga."
"Bahala na po." Sagot ko. "Basta gusto kong umuwi do'n para simulang ayusin ang buhay ko at para linisin kung ano man ang sumpa ng lumang bahay. Malay ninyo tito ako pala ang magpapalayas sa kung anong masamang elemento na bumabalot doon."
"E, di sige. Bigyan na lang kita ng pera pampaayos mo.”
“Ayos ‘yan tito. Pero kung magkano man ibibigay mo ngayon, utang ‘yan. Ibabalik ko kapag nabenta ko na ang bahay.”
“Sige. Balitaan mo ako ha? Malay mo makakapasyal din ako do'n kapag nalinis mo na at napalayas mo nga talaga ang mga kaluluwa at elemento doon."
"Sus, maniwala naman ako sa'yo na babakasyon ka do'n."
Ngumiti siya. "Oh, eto mga susi. Umayos ka na do'n ha? Kapag may naramdaman ka at kung may iba nan a nangyayari sa’yo, umalis ka na agad. Huwag kung anu-ano pang mga binubuksan doon. May dahilan kung bakit nakatago ang ilan sa mga lumang gamit kaya huwag na huwag nang pakikialaman."
“Tulad ng ano tito?”
“Basta. Lahat naman doon naitago ko na. Kaya alam kong maglilinis lang at magpipintura ang gagawin mo. Kapag okey na, ibenta mo na lang agad at bumalik ka na dito.”
"Opo. Sige tito. Sakay na ako ng bus."
Bumunot muli ako ng malalim na hininga. Binitbit ko ang bag kong ibinaba ko kanina at muli akong naglakad. Nang nasa malaking pintuan na ako ay hinanap ko ang susi na ibinigay ni Tito sa akin sa bulsa ng aking backpack.
Muli kong inilibot ang aking paningin sa paligid habang inaapuhap ko ang susi. Nilalamon na ng kadiliman ang naiiwang silahis ng liwanag mula sa palubog na araw. Inilabas ko na din ang dala kong flashlight at inilagay ko iyon sa aking bibig sabay tutok sa susian ng seradura. Sinubukan kong ipihit ang susi ngunit ayaw umikot.
Napakunot ako.
Mali pa yata ang ibinigay ni Tito na susi. Muli kong inilabas ang susi saka ko dahan dahang ipinasok. Pinihit kong muli. Ayaw pa rin. Hindi kaya dahil sa tagal nang walang nakatira ay pati loob ng seradura ay kinakalawang na rin? Tinanggal ko muli ang susi. Sinubukan kong ipihit ang buong seradura sabay tulak ngunit mukhang sarado nga talaga. Napailing ako.
“Okey, huling subok. Kung ayaw pa rin, maglalakad na lang ako hanggang makahanap ng masasakyan pabaik ng centro. Nang muli ko sanang ipasok sa seradura ay biglang dahan-dahang bumukas ang pinto. Nagtayuan ang balahibo ko. Lumikha ng nakakatakot na tunog ang dahan-dahan pagbukas ng pinto ngunit biglang huminto ito sa kusa nitong pagbubukas. Parang may kung anong nagbukas at hinawakan ang pintuan para tumigil. Napakalakas ng kabog ng aking dibdib. Luminga-linga ako sa aking likuran dahil naramdaman ko na naman ang lamig na parang dumaan at pumasok sa loob.
“Huh! Wala ‘yon Jeric! Pinaglalaruan ka lang ng iyong isip.” Bulong ko sa aking sarili. Pilit akong nagpakatapang. Nandito na ako. Wala na akong mapuntahan pang iba. Kailangan kong labanan ang namumuong takot. Minabuti kong itulak na lang ang pintuan gamit ang aking balikat dahil sa aking mga bagahe. Ibinaba ko ang dala kong bag. Kinuha ko ang flashlight na nilagay ko sa aking bibig. Mabilis kong inapuhap ang switch ng ilaw sa tabi ng pintuan.Malas nga talaga. Pinutulan na pala talaga ito ng kuryente. Mabuti na lang at nagdala ako ng kandila na magagamit ko magdamag. Bukas ko na lang aasikasuhin ang pagpapakabit ng kuryente. May kadiliman na din ang buong kabahayan at tanging ang liwanag ng flashlight na hawak ko ang sumasabog ng liwanag. Tinanggal ko ang puting tela na nakabalot sa center table. Sumabog ang naipon doong alikabok. Napaubo ako. Bumalik ako sa kung saan ko ibinaba ang aking mga dala kanina at inapuhap ko ang nakasupot na kandila sa bulsa ng aking bag. Nang biglang may naramdaman akong dumaan sa likod ko na nakaputi. Mabilis akong lumingon. Napakamot uli ako ng aking ulo nang makita kong nahulog lang pala ang telang puti na isinabit ko sa upuan sa aking likod. Ngunit bakit gano’n? Korteng tao yung parang nakita ko at hindi telang puti lang?
Ano bang nangyayari sa akin? Kinikilabutan ako sa wala naman.
Tuluyan nang nilamon ng kadiliman ang katiting na silahis ng liwanag ng araw kanina. Lalong mas dumilim na ang buong kabahayan. Sinindihan ko ang kandila, gamit ang dala kong lighter ngunit sa tuwing itinatapat ko ang kandila sa apoy sa lighter ay namamatay ito na parang hinihipan ng kung sino. Nagsisimula na talaga akong maniwala sa sinasabi sa akin ni Tito Diego na may kakaiba dito sa lumang bahay na ito. Nilakasan ko parin ang loob ko. Sa buhay na tao dapat ako natatakot at hindi sa mga kaluluwa lang. Hindi nila ako maaano. Oo tatakutin nila ako pero bakit ako sa kanila patatalo? Bahay ko ‘to. Akin na ito at sila ay parang mga squatter lang na nakikitira. Hindi ako ang dapat umalis. Kung meron man dapat mapalayas, sila iyon. Sinubukan kong muling inilapat ang kandila sa apoy galing sa aking lighter at nang masindahan ko ito ay agad kong ipinatong sa center table.
Minabuti kong pagmasdan ang kabuuan ng bahay para mapagplanuhan ko na ang mga dapat kong unahin bukas kapag nakapagpahinga na ako. Nang idinaan ko ang sinag ng flashlight sa hagdanan ay nanlaki ang aking mga mata. May nakita ako doong hindi ko inakala't napaghandaan. Hindi ko na maigalaw ang aking katawan sa pagkabigla. Gusto kong sumigaw ngunit walang kahit anong boses na lumalabas sa aking labi. Parang may kung anong yumakap sa akin para hindi ako makagalaw. May naririnig akong halakhak na nakatatakot. Gusto kong igalaw ang aking mga paa. Gusto kong makawala sa malamig na elementong yumakap sa akin ngunit hirap kong gawin iyon. Hindi ko din maigalaw ang mga kamay. Lahat ng balahibo ko ay nagsitayuan sa nakita kong isang babaeng nakaputi na parang lumilipad sa hagdanan, pababa, palapit sa akin.