Malungkot akong tumayo mula sa pagkakaluhod ko sa asin. Nasundan ko na lang ng tingin si Papa na ngayon ay paakyat sa hagdan upang pumasok sa loob ng kwarto nila. Tangka na sana akong hahakbang nang tawagin ako ni ate Fatty.
Hindi ako nagsalita naghintay lamang ako nang sasabihin nito sa akin. Agad itong pumunta sa aking harapan. At nakita kong Iiling-iling ito ng kanyang ulo.
“Siguro naman ay magtitino ka na, Farah? Iwasan mo rin ang kababarkada mo at matuto kang mahiya kay Papa. Ang swerte mo nga may nagpapa-aral sa ‘yo. Tingnan mo ang ibang mga bata hindi kayang pag-aralin ng mga magulang nila dahil kapos sa pera. Ikaw nga na sa ‘yo na’t lahat. Ngunit nagpapasaway ka pa rin!”
Hindi ko na lang sinalungat ang sinasabi ni ate Fatty. Dahil kung aangal pa ako o sasagot sa mga tinuran nito ay mas lalo lamang niya akong sesermonan. Magkaugali pa naman sila ni Papa. Saka, bak makarating din sa aming Ama ang mga sasabihin ko. Tiyak na magagalit na naman ‘yun sa akin.
Hindi naman nagtagal si ate Fatty sa aking harapan at agad din na umalis. Napahinga na lamang ako ng malalim hanggang sa nagpunta na ako sa kwarto ko. Pagpasok sa loob ng silid ko ay agad akong nahiga sa kama. Mataman akong nag-isip tungkol sa mga tinuran ni Papa.
Tama si Papa. Hindi man lang niya ako maipagmalaki, dahil nahihiya siya. Wala na rin akong magawa nang sabihin ni Papa na huwag na akong mag-aral. Dahil babalik din naman ako sa second year high. Sayang lang daw ang ibibigay niyang baon sa akin. Kaya sa next year na lang daw ako pumasok.
Kailangan ko nang magpakatino upang makaalis na ako sa second year high. Malalim na lamang akong napahinga. At tuloy-tuloy kong ipinikit ang aking mga mata para matulog.
KINABUKASAN ay nagising akong nagtatawanan sina papa, mama at ate Fatty. Kahit hindi ako lumabas ay alam kong sila ‘yun dahil kilala ko ang boses nila. Marahan akong bumangon. Maingat din akong bumaba ng hagdan.
Maingat aking sumilip sa pinto na kung saan naroon sina mama at papa. Nakita ko naman sila na masayang kumain sa harap ng hapagkain. Parang sila-sila lang ang totoong pamilya at hindi ako kasama roon. Nakaramdam naman ako ng kirot at selos sa akin puso. Ngunit kailangan kong tanggapin na galit sila sa akin dahil hindi ako katulad ng ate Fatty ko na mabait na anak at matalino.
Bago lumapit sa hapagkainan ay magkakasunod muna akong napahinga. Upang kahit papaano ay pagaanin ang aking sarili. Pikit matang humakbang ako para lumapit sa aking pamilya.
“Good Morning po, Pa, Ma,” magalang na pagbati ko sa kanila. Wala akong narinig na salita mula sa aking pamilya. Tangka na sana akong uupo sa bakanteng silya. Ngunit biglang nagsalita si PPaa.
“Mamaya ka na kumain, Farah. Hintayin mo kaming matapos bago ka kumain. At simula ngayon ay kailangan mong tumulong kay yaya Bering sa mga gawaing bahay. Tutal naman hindi ka na papasok sa school dahil babalik ka rin naman. Para naman may pakinabang ka rito sa loob ng bahay!” seryosong sabi ni Papa sa akin.
“Sige po,” anas ko. Umalis na rin ako rito sa harap ng hapagkainan. Mukhang ayaw nilang makita ang aking mukha. Wala naman akong magagawa roon. Dahil ako ang kakahihiyan sa pamilyang ‘to.
Sa likod bahay ako nagpunta at naupo sa malaking bato. Pilit kong hindi maiyak. Saka bakit naman ako iiyak, eh, kasalanan ko rin naman dahil tamad akong mag-aral. Kaya dapat lang ito sa akin.
“Farah, bakit nandito ka? Kumakain na sina mama at papa mo.” Agad naman akong napalingon nang marinig ko ang boses ni Yaya Bering. Mapait akong ngumiti rito.
“Ayaw po nila akong kasabay, Yaya Bering. Kasalanan ko rin naman dahil tamad akong mag-aral. Tama si Papa ako ang kahihiyan sa aming pamilya…” malungkot na sabi ko kay Yaya.
Dali-dali namang lumapit sa akin si Yaya para aluin ako. Niyakap din ako nito. At ramdam ko ang pag-aalala nito sa akin.
“Sana’y unawain mo ang Papa mo. Masama lang loob noon dahil muli ka na namang babalik sa second year high. Hija, sana’y ayosin muna ang pag-aaral mo sa susunod. Mahal ka ng papa at mama mo. Nagagalit lang sila dahil hindi ka nag-aaral ng maayos. Alam ko kapag nag-aral ka ng mabuti. Nakakatiyak akong magiging maayos din ang lahat. Maniwala ka sa akin, Farah,” malumanay na sabi ni Yaya Bering.
“Susundin ko po ang mga sinasabi mo, yaya. Magsisipag na po akong mag-aral,” anas ko kay Yaya at ngumiti pa rito.
Agad din akong niyaya nito na pumasok sa loob ng bahay para kumain. Dahil tapos na ang pamilya ko na kumain ay ako naman ang lalapan. Habang kumain ay malungkot ang mukha ko dahil wala akong kasabay kumain. Oo nga pala kahit naman kasabay nila akong kumain ay hindi pa rin nila ako kinakausap o pinapansin, sapagkat ang atensiyon nila ay na kay ate Fatty.
Hindi ko tuloy naubos ang pagkain ko. Agad na lamang akong tumayo. Ngunit kailangan kong maghugas ng plato dahil ‘yun ang bilin ni Papa sa akin. Kailangan ko ring tulungang maglaba si Yaya Bering.
Pagkatapos kong iligpit at hugasan ang mga pinagkainan ko ay agad akong umalis dito sa kusina. Ngunit bigla akong napahinto sa paglalakad nang marinig ko ang boses nina papa at mama. Nasa loob sila ng library. Alam kong masama ang makinig sa usapan, dahil isa ‘yun sa kabilin-bilinan nina papa at mama sa amin ni ate Fatty. Ngunit sadyang matigas ang ulo ko. Dahil lumapit pa talaga ako sa tapat ng pinto at idinikit ko ang aking tainga sa pintuan.
“Mas maganda siguro kung ipadala natin si Farah sa lunsod. Baka sakaling magtino pa siya kapag nasa poder siya ni Ana,” narinig kong anas ni Papa.
Magulat naman ako sa sinabi ng aking Ama. Ngunit para sa akin ay mas tama ang magiging desisyon nito kung doon na lang ako kay tita Ana. Dahil alam kong tanggap ako niya kahit ano pa ako o ang aking kakayahan.
“Pag-isipan muna natin. Saka, baka lalong tumigas ang ulo ng anak mo kung papaalisin natin siya rito sa bahay. Mas maganda pa rin na tayo ang gumagabay sa kanya. Alam naman natin na malapit si Farah sa tita Ana niya baka malaman na lang natin na drug adik na siya.” Iiling-iling na lamang ako na umalis sa harap ng pinto ng library. Baka kasi may makakita pa sa akin na nakikinig ako sa usapan nila.
Paglabas ko ng bahay ay nakita ko agad ang isang kabarkada ko, nakaakyat ito sa ibabaw ng pader. At nang makita ako ay agad niya akong tinatawag.
“Farah, ang tagal mong lumabas. Kanina pa ako rito. Tara na, may boxing sa tabing dagat. Ang laki ng premyo sa mananalo. Sayang din ‘yun.”
Dali-dali akong lumapit dito. Pinanlakihan ko rin ito ng mga mata. Dahil baka makita ito ni Papa.
“Bumaba ka na riyan dahil hindi ako puwedeng sumama sa inyo. Baka lalong magalit sa akin si Papa,” anas ko sa aking kabarkada.
“Ano ka ba, minsan lang naman. Saka sayang din ang puwede mong mapalalunan. Teka, kung ‘di ka puwede ngayong lumabas. Mamayang gabi na lang may boxing din na mangyayari. Mga alas-otso ng gabi. Sa tabing dagat pa rin mangyayari ang boxing. Ano, sama ka na, Farah---” pangungulit ng aking kabarkada.
Hindi muna ako nagsalita. Dahil nag-isip pa ako kung pupunta ba ako mamayang gabi. Saka, kung pupunta ako roon mamayang gabi ay hindi naman siguro malalaman nina papa at mama na umalis ako dahil hindi naman sila pumupunta sa aking kwarto.
“Sige mamayang gabi. Hintayin mo lang ako roon. Huwag ka nang pumunta rito dahil baka makita ka nina mama at papa.” Dali-dali namang umalis sa ibabaw ng pader ang barkada ko.
“Farah, bakit hindi ka pumunta ngayon? Minsan lang naman yata, kaysa mamayang gabi ka pa pumunta. Ako na ang bahala kina mama at papa.” Mabilis akong lumingon sa taong nagsalita mula sa likuran ko. Walang iba kundi si ate Fatty. Gulat na gulat din ako sa tinuran nito.
“Ate Fatty---” tanging nasabi ko na lamang.
“Sige na, Farah. Umalis ka na habang hindi ka pa nakikita ni papa at mama.” At talagang pinagtulakan ako ni ate Fatty papalabas ng gate. Wala akong nagawa nang tuluyan akong makalabas ng gate. Lalo nang isira na ni ate Fatty ang pinto ng gate.
Kahit may pag-alala sa aking isipan ay nagdesisyon pa rin akong pumunta sa tabing dagat na kung saan ginaganap ang boxing. Pagdating ko sa aking pupuntahan ay nakita kong nagsisimula na ang laban.
Subalit, hindi pa ako nakakaupo sa malaking bato ay bigla namang sumulpot ang mga pulis. Halos magkulay suka ang aking mukha dahil sa putla at takot. Diyos ko baka ikulong nila ako? Mas lalong magagalit sa akin sina mama at papa. Hindi ito puwedeng mangyari!