Magkakasunod akong napalunok. Bigla ring nanuyo ang aking lalamunan. Kahit ano’ng hila ko sa aking paa ay ayaw talaga nitong bitawan. Mas lalo pa nga nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa aking paa.
Hanggang sa naramdaman kong pilit akong hinihila papasok sa loob ng kwarto nito. Agad ko tuloy ibinuka ang aking kamay at pilit na humawak sa hamba ng pinto.
“Ninang Teylyn! Tulungan mo ako!” malakas kong sigaw. Lalo at pilit talaga akong hinihila ng hinayupak na lalaking ito at balak talagang ipasok sa kwarto niya.
“Onyx! Ano’ng ginagawa mo kay Farah!” sigaw ni Ninang Teylyn. At nagmamadali itong lumapit sa akin. Agad namang binitawan ni Onyx ang isang paa ko. Mabilis akong lumayo sa pinto ng kwarto ng lalaki. Ngunit tumingin pa sa akin si kuya Onyx at nakikita ko ang pagbabanta sa mga tingin ng lalaki.
“Onyx, masyado mong tinatakot si Farah!” sermon ni Ninang Teylyn sa anak nito.
“Wala akong ginagawa Mom. Masyado lang talagang matabil ang dila ng inaanak mo. Kailangang bigyan ng leksiyon!” At basta na lang kaming tinalikuran ng lalaki. Mabilis namang lumapit sa akin si Ninang Teylyn at inakbayan ako sa balikat ko.
“Farah, ako na ang humihingi ng pasensiya sa ginawa ng aking anak. Pasaway talaga ‘yun. Halika’t doon tayo sa hapagkainan. Sabayan mo akong kumain.” Tuloy-tuloy na kaming bumaba ng hagdan at agad na pumunta sa harap ng hapagkainan. Agad niya akong pinaupo sa bakanteng silya. Kinuha nito ang pansit canton na dala-dala. Ganoon din ang isang box na pizza.
Masaya kaming nag-uusap ni Ninang Teylyn. Panay kasi ang kwento nito sa akin. Sa totoo lang ay akala ko ay masungit ito. Dahil sa tabas ng mukha nito na minsan lang ngumiti noon kapag pumupunta sa bahay namin. Ngunit nang makasama ko ngayon ay ang masasabi ko ay sobrang bait nito at talagang alagang-alaga ako.
Nang matapos kaming magmeryenda ay nagpaalam na ito sa akin para magpahinga muna. Sinabi ko naman kay Ninang Teylyn na ako na ang bahalang magligpit dito sa kusina. Marunong naman akong maglinis ng buong bahay talagang maasahan ako roon. Dahil isa ‘yun sa itinuro sa akin ni yaya Bering.
Ang sabi rin nito kahit saan ako pumunta ay hindi ako mapapahiya dahil marunong ako. Ang pagluluto lang talaga ang hindi ko alam. Kailangan ko yatang mag-aral magluto dahil ‘yun talaga ang aking problema. Sa paglalaba naman ay maaasahan din ako. Napahinga na lamang ako ng malalim.
Kasalukuyan akong naghuhugas ng mga plato nang marinig kong may papalapit dito sa kusina. Hindi ako lumingon ngunit pabango pa lang ay alam ko na kung sino walang iba kundi si kuya Onyx.
“Marunong kang maghugas ng plato, Farah?” mapang-uyam na tanong sa akin ng lalaki. Hindi ako nagsalita nakayuko lamang ako at patuloy na naghuhugas ng plato. Naramdaman kong lumapit sa aking tabi si kuya Onyx. Marahan pa nga nitong binangga ang aking balikat. Hindi naman ako nasaktan ngunit alam ko na ang pagbangga nito sa akin ay may kasamang babala.
Hindi na lamang ako nagsalita. At pinagpatuloy ko ang paghuhugas ng plato. Agad din namang umalis sa aking tabi si kuya Onyx. Hindi nagtagal ay natapos din ako sa aking ginagawa. Ngunit napahinto ako sa balak kong paghakbang nang marinig kong nag-ingay ang cellphone ko. Dali-dali ko itong kinuha. Nakita kong nagtext si Mama. Nagpapaalala ito na maging mabait ako rito kay Ninang Teylyn. Dahil oras daw na gumawa ako ng kalokohan ay kay tita Ana na raw ang bagsak ko.
Agad naman akong nagreply at sinabi kong huwag silang mag-alala. Dahil mabait na ako ngayon. Muli kong itinago ang aking cellphone. Maaga pa naman kaya naglakad-lakad muna ako sa labas ng bahay. Hanggang sa maisipan kong lumabas na rin ng gate. Iba talaga kapag nangangati ang paa. Dahil gustong-gusto kong maglakad na naman. Marahas tuloy akong napahinga. Hindi naman siguro ako papagalitan ni Ninang Teylyn.
Sa patuloy kong paglalakad ay may nadaanan akong mga kabataan na nagbabasketball. Mukhang mga kaedad ko lang sila. Kaya naman naupo ako sa isang bato at pinanoon ko sila. Ngunit bigla akong napailing dahil hindi man lang naka-shoot.
Nakakawalang ganang manood. Hindi man lang nakaka-shoot. Kailangan pa nila ng mahabang training. Tangka na sana akong tatalikod nang tawagin ako ng isang lalaki. Hindi akong lumingon dito. Ngunit narinig kong papalapit ito sa akin.
“Kanina ko pa napapansin na panay ang iling mo ng ulo. Dahil ba hindi kami halos nakaka-shoot sa ring? Ikaw ba kaya mo bang magpa-shoot---?” Hindi ko na ito pinatapos magsalita. Mabilis kong naagaw ang bola at agad na nag-dribble ng bola habang tumatakbo. Mabilis na umangat ang aking katawan sa ere habang dala-dala ng isang kamay ko ang bola. At sinampulan ko sila ng malupit ng slam dunk. Rinig na rinig ko ang sigawan ng mga nakasaksi sa aking ginawa. Muli kong kinuha ang bola at muling tumiran ng three point shooting.
Muli ko sanang kukuhanin ang bola upang ipakita sa kanila kung gaano rin ako kagaling magpa-shoot kapag layup sa basketball. Ngunit namataan ko si kuya Onyx sa ‘di kalayuan. Sobrang dilim ng mukha nito habang nakatingin sa akin.
Nagmamadali tuloy akong umalis dito. Ngunit narinig ko pang tinawag ako ng mga lalaki dahil gusto raw nila akong kalaro. Agad kong itinaas ang aking kamay upang ipaalam sa pamamagitan ng pagsenyas ko na kailangan ko nang umuwi.
“Ms. Beautiful, babalik ka, hihintayin kita---!” pasigaw pa na sabi ng isang lalaki at alam kong dinig na dinig iyon ni kuya Onyx.
Kakamot-kamot na lamang ako sa aking batok habang papalapit kay kuya Onyx.
“Ganiyan ba ang ginagawa mo sa inyon? Kaya pinatapon ka sa bahay namin ng mga magulang mo, huh?!” mariing tanong sa akin ng lalaki. Ramdam ko talaga ang galit ng lalaki sa akin.
Hindi tuloy ako makapagsalita. Dahil totoo ang lahat nang sinabi ni kuya Onyx. Nakita kong Iiling-iling ang lalaki. Hanggang sa nauna itong humakbang. Agad naman akong sumunod sa lalaki.
“Ms. Beautiful, sana’y makalaban kita sa basketball soon---” Ngunit nahinto ang sasabihin ng isang lalaki nang huminto sa paglalakad si kuya Onyx at tumingin sa lalaki. Kitang-kita ko namang mabilis na umalis ang mga lalaki. Mukang natakot yata kay kuya Onyx. Sabagay nakakatakot naman kasi kung tumingin si kuya Onyx. Parang papatay ng tao.
“Bilisan mong maglakad, Farah!” pasinghal na sabi ng lalaki sa akin. Lumapit pa ito sa akin at dinala ako sa unahan nito. Ito ngayon ang nasa likuran ko at ako ang nasa unahan.
Ngunit parang nagtataasan ang mapipinong balahibo ko sa aking katawan. Pakiwari ko’y para akong matutunaw sa titig ni kuya Onyx mula sa likod ko. Kaya naman nagmamadali akong humakbang para lang makalayo kay kuya Onyx. Pagpasok sa loob ng bahay ay tuloy-tuloy akong pumanhik sa hagdan at pumasok sa loob ng silid ko. Agad akong nahiga sa kama. Kinuha ko ang kumot at agad na ibinalot ang aking buong katawan.
Hindi ko alam kung ano’ng nangyayari sa akin. Dahil sa kabaliwan ng utak ko at basta na lang akong nagpagulong-gulong sa kama. Ngunit malakas akong napasigaw nang mahulog ako sa kama. Hindi tuloy maipinta ang tabas ng mukha ko. Hindi rin akong makabangon dahil masakit ang likod ko. Napasama yata ang pagkahulog ko.
“Diyos ko po, Farah! Ano’ng nangyari sa ‘yo? Bakit nasa ibaba ka ng kama? Onyx anak! Pumunta ka rito sa kwarto ni Farah!” sigaw ni Ninang Teylyn na ngayon ay nasa bungad ng pinto ng kwarto ko. Hindi ko pla na i-lock ang pinto ng silid.
Hindi naman ako makapagsalita. Nakatingin lamang ako kay Ninang Teylyn habang hindi maipinta ang aking mukha. Mayamaya pa’y nakita ko na si kuya Onyx. Dali-dali itong lumapit sa akin at agad akong binuhat papunta sa kama.
Nang itanong sa akin ni Ninang Teylyn kung ano’ng masakit sa akin ay agad kong sinabi ang aking balakang. Maingat naman akong pinadapa ni kuya Onyx. Sinabi rin ni ninang Teylyn na huwag daw akong mag-alala dahil marunong daw mang gamot si kuya Onyx lalo at malapit na raw itong maging doctor.
Hindi ako nagsalita. Ngunit naramdaman kong inangat ni kuya Onyx ang aking damit upang tingnan ang aking balakang at likod. Mariin ko namang ipinikit ang aking mga mata. Hindi ko alam kung ano’ng pinapahid ni kuya Onyx sa aking balat ngunit nakaramdam ako ng ginhawa. Parang nawawala na rin ang kirot.
Hanggang sa hindi ko namalayan na nakatulog na ako. Ngunit naramdaman ko pa rin na parang may bumuhat sa akin at inayos ako ng higa sa kama. Naramdaman ko ring nilagyan ako ng kumot. Hindi nagtagal ay lalo akong nilamon ng kadiliman.
Kinabukasan na ako nagising nang may kumatok sa pinto ng kwarto ko. Maingat akong gumalaw. Napangiti ako dahil hindi na masakit ang aking likod. Tuloy-tuloy akong lumapit sa pinto ng kwarto ko. Pagbukas ko’y ang mukha ni Ninang ang aking nakita.
“Farah, may mga bisita ka. Mga kaibigan mo raw sila,” pagbibigay alam sa akin ni ninang Teylyn. Nanlalaki tuloy ang aking mga mata. Hanggang sa magalang akong nagpaalam kay Ninang Teylyn para puntahan ang mga kaibigan kong dumating. Talagang tinutoo nila na pupuntahan nila ako rito.
Paglabas ko ng bahay ay agad kong nakita ang mga kaibigan ko. Pati ang manliligaw ko ay kasama. Nagulat pa nga ako dahil may dala-dala itong bulaklak at chocolate para sa akin.
“Salamat dito sa bulaklak at chocolate. Gumastos ka pa, ah,” natatawang sabi ko kay Enardo.
“Gusto lang kitang pasayahin, Farah. Teka totoo ba na hindi ka na papasok at sa sunod na taon na ulit? Ano bang nangyayari sa ‘yo? Bakit bagsak ka na naman! Handa kitang tulungan, Farah---” At hinawakan din nito ang aking kamay.
“Hmmm! Enardo! Baka naman langgamin kayo ni Farah,” anas naman ng mga kaibigan ko. Natatawa akong tumingin sa kanila. Ngunit agad kong binawi ang aking kamay nang makita ko si kuya Onyx na pumasok ng gate. Tumingin ito sa akin na tila may kasalanan na naman ako.
“Farah, sino ‘yun? Grabe ang gwapo naman niya…” pabulong na sabi sa akin ng kaibigan ko. At kilig na kilig talaga ito. Marahan ko itong siniko upang sawayin. Umiwas na lamang ako ng tingin kay kuya Onyx.
“Farah hija. Ikaw na ang bahala sa mga kaibigan mo. Ako’y aalis na,” paalam sa akin si Ninang Teylyn. Lumapit ako kay Ninang Teylyn at agad na nagmano bago ito umalis. Sinabi ko rin na mag-iingat ito.
Hanggang sa kami na lang ng mga kaibigan ko ang naiwan dito sa labas ng bahay. Tumingin ako kay Enardo nang maglabas ng sigarilyo. Inalok pa nga ako nito at agad ko namang kinuha. Balak ko na sanang sindihan ang sigarilyo nang biglang sumulpot sa harap ko si kuya Onyx at basta lang inagaw ang sigarilyo sa aking kamay.
“So, ganiyan ba ang ginagawa ninyo? Iyan din ba ang tinuturo ninyo kay Farah?!” mabalasik na tanong ni Kuya Onyx. Ngunit nakatingin ito kay Enardo. Lahat kami ay hindi nakapagsalita. Punong-puno ng kaba ang mga dibdib namin.
“Umalis kayo sa pamamahay ko kung ayaw ninyong ako mismo ang magdala sa inyo sa police station!” galit na sabi ni kuya Onyx. Dali-dali namang umalis ang mga kaibigan ko. Takot na takot sila nang marinig ang pagbabanta ni kuya Onyx.
Nang tuluyang mawala sa aking paningin ang mga kaibigan ko ay ako naman ang binalingan ni kuya Onyx. Mahigpit akong hinawakan nito sa aking pulsuhan. Kinuha rin ni kuya Onyx ang bulaklak at chocolate na hawak ko at basta na lang hinagis sa loob ng basurahan. Pagkatapos ay agad niya akong ipinasok sa loob ng bahay at dinala sa kanyang kwarto.
“Kuya Onyx, teka ano’ng gagawin mo sa akin?!” pasigaw na tanong ko. Ngunit hindi nagsalita ang lalaki. At talagang sapilitan akong ipinasok sa loob ng kwarto nito. Ramdam ko rin ang galit nito sa akin.
“Kuya Onyx! Ano ba!” malakas na sigaw ko. Ngunit bingi ang lalaki at hindi ako pinapansin.