Nanlalaki ang mga mata ko sa gulat habang nakatingin sa mga mata niyang tila walang kaemo-emosyon. Hindi ako makapaniwala sa ginagawa niya sa'kin.
"A-Alexeus..?" kinakabahan kong sambit. Nakatutok sa leeg ko ang talim ng kanyang espada. At base sa nakikita ko sa mukha niya, mukhang handa niyang itarak sa leeg ko ang kanyang espada. Napakatalim pa naman din ng Flago na kahit ano'y kaya nitong hiwain.
Napalunok ako. "A-Alexeus. Ano bang nangyayari sa'yo?" tanong ko habang nanginginig ang katawan ko.
Bubuwelo na siya sa paghiwa sa leeg ko ngunit yumuko ako ng sobrang baba at naiwasan ko ito tapos ay tumakbo ako papalayo sa kanya.
"Ano ka ba?" sigaw ko sa kanya.
Tapos ay tumakbo siya papalapit sa'kin at handa na naman akong atakihin ng kanyang espada. Bago pa siya makalapit ay tumakbo na ulit ako papalayo.
"Alexeus, ano ba? Itigil mo na nga 'yan!" sigaw ko sa kanya habang patuloy pa rin sa pagtakbo para makaiwas sa kanyang patuloy sa paghabol sa'kin para atakihin ng espada niya. Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit niya 'to ginagawa?
"Pakiusap Alexeus, ayaw kitang labanan! 'Wag mo sa'king gawin 'to!" sigaw ko pa sa kanya.
Tapos ay inatake niya ako ng apoy mula sa kanyang espada. Dumapa ako sabay gumulong sa sahig upang makaiwas. Tumama ang apoy sa pader na naging sanhi ng pagguho nito.
"Sandali. Bakit kulay itim ang apoy na inilabas ng Flago?" pagtataka ko dahil sa aking nakita.
Nakita ko na namang tumatakbo siya papalapit sa akin at handa akong atakihin ng kanyang espada. Mabilis siyang nakalapit sa akin kaya't 'di na ako nakaiwas pa.
Kaya't nang makalapit siya ay agad niya akong inatake ng paulit-ulit, at sa kabutihang palad ay nakakailag naman ako kahit paano. Lagot talaga ako kapag tinamaan ako nito!
Labis na ang kabang nararamdaman ng puso ko habang patuloy lang ang pag-ilag ko sa mga atake niya, nabigla ako nang madaplisan niya ang braso ko. Wala namang sugat, napunit lang ang tela ng aking damit sa bahaging tinamaan.
Wala pa rin siyang tigil sa pag-atake sa akin, kaya't wala ring tigil ang pag-ilag ko. Mayamaya'y nadaplisan naman niya ang laylayan ng palda ko.
Sa kaiilag ko, 'di ko namalayang napasandal na ako sa pader. At wala na akong iba pang mapupuntahan. Itinutok niya sa leeg ko ang talim ng espada. At sa nakikita ko sa mukha niya, handa niyang laslasin ang leeg ko.
"Alexeus...pakiusap...gumising ka na. Ayaw kong labanan ka at masaktan. Pakiusap..." mangiyak-ngiyak kong sambit. Kumikirot ang puso ko sa nangyayari sa amin ngayon. Mukhang wala sa sariling katinuan si Alexeus. Kaya ayaw ko siyang labanan. Ayaw ko siyang masaktan!
Idinampi na niya ang talim ng kanyang espada sa aking dibdib. Sa aking labis na takot at kabang nararamdaman ngayon, wala na akong magawa. Nanginginig ang buong katawan ko habang natataranta naman ang isipan ko, at lubos na nasasaktan ang kalooban ko ngayon.
Hindi ko lubos maisip na hahantong kaming dalawa sa ganitong klaseng sitwasyon. Sa mga kamay na nga ba ni Alexeus matatapos ang buhay ko?
Dahan-dahan niyang idinidiin ang talim ng espada niya sa dibdib ko. Kaya naman 'di ko napigilang sumigaw dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ko. Halos umalingawngaw ang boses ko sa buong templo.
Mayamaya'y may nararamdaman na akong basa sa aking dibdib at nakita kong nagkulay pula na ito. Dugo. May dugo. Nagdudugo na ang bahaging tinutusok ni Alexeus. At mas lalo pa itong sumasakit kaya mas lalo pang lumalakas ang aking sigaw.
Kahit nanghihina na ako at nanlalambot na ang aking buong sistema, hinawakan ko pa rin ang espada niya gamit ang dalawa kong kamay upang mapigilan ang tuluyang pagtarak nito sa akin.
"Pakiusap...tama na...Alexeus!" sigaw ko habang damang-dama ang sakit ng ginagawa niya sa akin. Nakakaramdam na ako ng panghihina ng katawan. Mayamaya'y naramdaman kong may mga luha nang umaagos mula sa aking mga mata. Pakiramdam ko sasabog na ang puso ko sa sobrang sakit na nararamdama ko ngayon.
Buong lakas akong tumingin sa mga mata niya. Ang mga mata kong hilam na sa luha dahil sa sakit at pighati dulot ng nangyayaring ito ngayon.
"Alexeus...ako 'to..s-si Charlotte...hindi mo ba ako naaalala?" pilit kong pagsasalita kahit parang mauubusan na ako ng lakas. Walang nagbago sa reaksyon ng kanyang mukha na para bang wala siyang narinig. Mas lalo pa niyang diniinan ang pagtarak kaya naman mas hinigpitan ko ang paghawak sa espada kahit pa nanghihina na ako at pilit na tinitiis ang sakit.
Sinamid na ako at may dugo na ring lumabas mula sa aking bibig. Tapos ay napahagulgol na lamang ako. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari ngayon. Kahit kailan, hindi sumagi sa isip ko na makakaya akong saktan ni Alexeus ng ganito.
"I-ikaw ang...aking kabalyero, hindi ba? Bakit mo...ginagawa sa akin 'to?" sambit ko habang nakatingin sa sahig at nakikita ang mga patak ng aking dugo na nagkalat.
Tapos ay tumingin akong muli sa mga mata niyang walang emosyon. Binigyan ko siya ng isang mapait na ngiti, ngunit mula naman ito sa kaibutura ng aking puso.
"Naaalala mo ba nang nalaman nating ikaw ang aking hinirang na kabalyero? Nangako ka sa'kin ng...katapatan...at palagi mo akong...ipagtatanggol at poprotektahan...ano mang manyari?" sambit ko habang patuloy ang pag-agos ng aking luha. Nagbabaka-sakali akong baka mabago ko ang pag-iisip ni Alexeus at bumalik sa dati nitong katinuan.
"Kahit...hindi pa ganoon katagal ang pagsasama nating dalawa. Mula sa mga pinagdaanan natin, masasabi ko na...ikaw ay...ikaw ay aking..." sambit ko habang patuloy sa pagluha. Dahil sa hirap at sakit ng nararamdaman ko ngayon.
Masakit ang ginagawa niyang pagtarak na ito ng espada sa aking dibdib, pero mas masakit sa kalooban na si Alexeus mismo ang gumagawa sa'kin nito. Sobrang sakit na halos gustuhin ko na ngang mamatay mula sa mga kamay niya.
Mayamaya'y naramdaman kong itinigil niya ang pagtarak ng espada. At nabigla ako nang makita kong lumuluha siya.
"Alexeus..."
Nag-aagaw ang kulay itim at asul sa mga mata niya.
"Ch-Charlotte. Patawarin mo sana ako sa nagawa kong 'to sayo. Alam ng mga diyos na hindi ko ito nais gawin sa iyo. Ngunit may...nagtutulak sa aking gawin ito. At hindi ko ito kayang pigilan. Kaya pakiusap...lumaban ka. Labanan mo 'ko! Kunin mo ang buhay ko kung maaari!" pakiusap niya habang patuloy din siya sa pagluha.
Gumaan ng kaunti ang nararamdaman ko nang sabihin iyon ni Alexeus. Ngunit hindi ko kaya ang labanan siya. Lalo na ang...kitilin ang buhay niya!
"Ngayon na, Charlotte!" sigaw niya sa akin.
"Hindi, Alexeus! Ayaw ko! Kahit ano, 'wag lang ang saktan ka!" mariin kong pagtutol. Hindi ko kailanman kakayanin na gawin 'yon!
"Gawin mo na! Kung hindi...kung hindi..." sambit niya tapos ay humagulgol siya.
"Mapapatay kita gamit ang sarili kong mga kamay... Ayaw kong mangyari 'yon, Charlotte..." Ramdam ko ang hirap ng kanyang kalooban at hinagpis dahil sa sitwasyong kinalalagyan namin ngayon.
Naramdaman ko na naman ang pagtarak ng espada kaya't napasigaw na naman ako sa sakit.
"Charlotte, ngayon na!" pakiusap sa akin ni Alexeus.
Dahil sa matinding kagustuhan kong hindi labanan si Alexeus, pilit ko pang hinigpitan ang pagkakahawak sa Flago at kinontra ko ang puwersa ni Alexeus na halos ibinuhos ko na ang lahat ng natitira kong lakas dito. Itinutulak ko ito papalayo sa akin.
Unti-unti namang nahuhugot ang espada papalayo sa pagkakatarak nito sa aking dibdib. Kahit napakasakit ng paghugot dito ay tinitiis ko.
Mayamaya'y natanggal ko rin ito sa wakas mula sa pagkakatarak nito sa aking dibdib. Sabay nabitiwan na ito ni Alexeus kaya't naglaho ang espada. At siya rin namang bagsak ko sa sahig.
"Charlotte!" Ang aking huling narinig bago tuluyang magdilim ang lahat.