Gulat ang reaksiyon ng mga kaibigan ni Yam nang matagpuan ang katawan ng dalagita sa loob ng isang banyo sa isang motel. Tadtad ng saksak ang katawan nito at ang dahilan ay ang kasintahan ng lalaking kasama daw nito sa nasabing lugar. Pinatay siya ng girlfriend ng lalaking noong araw niya lang nakasama. Nasundan pala sila ng babae at pinagsasaksak ang kawawang si Yam na kasalukuyang nasa banyo. Hindi na nagawang maawat ng lalaki dahil kahit ito ay naundayan din nang saksak ng kasintahan. Buhay si Hans, na siyang tumestigo laban sa girlfriend nito. Nakakulong na ang pumatay kay Yam, pero hindi nila matanggap ang sinapit nito. Case close na kaya hindi na nag-imbestiga nang malalim ang kapulisan at nahuli na rin naman ang mga salarin. Walang piyansa kaya hindi na ito makakalabas pa.
“Mika, grabe pala iyang si Yam, ano Akala ko pa naman santa, iyon naman pala sumasama sa pipitsuging motel sa lalaking ilang beses lang niya nakausap. Nakakahiyang maging kaibigan.” Umiling-iling pa si Jenica habang nakatingin sa kabaong ni Yam na nasa harap ng altar. Sinabayan pa nang palihim na pag-irap at pag-ismid. Ngayon ang araw ng libing ni Yam na tatlong araw rin ibinurol. Halos gabi-gabi nasa chapel sila para sa kaibigan.
Napalingon si Mika sa katabing si Jenica, na nasa bandang kaliwa niya. Ni hindi ito lumingon sa kaniya na titig na titig sa kabaong ni Yam, kaya umismid siya ng may kalakasan. “Mas grabe ka! Patay na ‘yung tao, kung makapagsalita ka. Dalawin ka sana niya.” Hinawakan naman ni Kit na nasa bandang kanan niya, ang kamay ng kasintahan dahil parang galit na ito sa kaibigang si Jenica.
“Huwag ka ngang ipokrita! Huwag kang magpakainosente. Alam nating lahat na hindi ka ganoon!” makahulugang saad ni Jenica.
“A, talaga ba? Kinakalaban mo talaga ako, ha, Jenica?” mahina pero may diin ang bawat salita ni Mika. Nasa kalagitnaan na kasi ng misa at halos karamihan sa kamag-anak ni Yam ay nag-iiyakan. Ayaw naman niyang gumawa sila ng eskandalo dahil nakakahiya sa pamilya ni Yam bagamat nakakuyom na ang kamao niya, handa na para sapakin si Jenica.
“Aw, paano kung sabihin kong OO. Palag ka?” inilapit pa ni Jenica ang mukha kay Mika at nginisihan ito.
“Puwede ba, Jenica. Nasa simbahan tayo at libing ni Yam. Respeto na lang.” Hindi na nakatiis si Kit at bahagyang itinulak si Jenica palayo kay Mika na sinabayan naman nang pagsabi ni Jenica ng ano ba?
“Whatever. Magplastikan kayo hanggang magaya kayo sa kaniya.” At inginuso pa ni Jenica ang kabaong ni Yam bago tumayo at hindi na tinapos ang misa para sa kaibigang namatay. Matalim na sinundan lang siya ng tingin ni Mika. Narinig pa nila ang huling sabi nito na bait-baitan, malamang ay patungkol kay Mika. Mabuti na lang at nasa bandang hulihan sila mga nagsipag-upo kung kaya hindi sila naririnig ng mga kamag-anak ni Yam na nasa mga unahan at mga nag-iiyakan.
“Hayaan mo na. Kagabi pa ‘yan badtrip, hindi kasi pinansin ng crush niya,” nang-uuyam na saad ni Hazel na nakatingin din kay Jenica na ngayon ay nakalabas na ng simbahan.
Hindi na nagkomento si Mika at ibinalik ang paningin sa kabaong ng kaibigan. Mayamaya pa ay tapos na rin ang misa. Oras na para dalhin ito sa huling hantungan.
***
“Ang paplastik! Akala mo kung sinong mga hindi gumagawa ng kasalanan. Letse! Magpakadrama sila at umiyak nang umiyak na akala mo mabubuhay na muli ang malanding si Yam. Feeling maganda kasi, buti nga.” Hindi pa rin mawala ang inis kay Jenica hanggang makapasok ng sariling kuwarto. Dumiretso siya ng banyo at nais na niyang hubarin ang itim na damit kanina pa. Agad siyang pumasok ng banyo para maligo nais niyang magbabad sa tubig.
Matagal na rin naman siyang buwisit kay Yam dahil nga nagpi-feeling maganda. Isang beses nga kinantyawan siya nito nang makitang hindi branded ang suot niyang damit. Mahirap na raw siya at hindi na belong sa group nila. Hindi na lang niya pinansin dahil dinaan nito sa biro iyon. Na sinegundahan naman nila Mika na huwag na lang pansinin si Yam. Kaya pinalagpas na lang niya. At masama na kung masama, pero lihim siyang nagdiwang nang malamang namatay ito. At lalo na sa isang pipitsuging motel pa nakita.
Kung hindi ba naman, gaga. Pumayag sa motel? Boba!
Nakatapis lang siya ng tuwalya nang lumabas ng banyo. Didiretso na sana siya sa aparador nang mapatingin sa kama. Napakunot ang kaniyang noo ng may makitang itim na libro sa gitna ng kaniyang single bed. Nagtatakang dinampot niya ito at inikot-ikot subalit wala siyang makitang anumang sulat o pamagat. Hindi siya mahilig magbasa ng kahit anong babasahin lalo na ang libro. Naboboring siya sa isiping uupo siya sa isang tabi habang ito lang ang hawak. Mas gusto niya ang magliwaliw sa labas kesa sa loob ng kanilang bahay o manood ng movie.
“Kanino naman ito?” Balewalang basta na lang inihagis ni Jenica ang libro pabalik sa kama. Pabukas itong bumagsak at isang kulay pulang papel ang lumabas mula rito. Hindi naman iyon pinansin ni Jenica at dumiretso na ng aparador. Kumuha ng mga panloob at isinuot. Lumapit sa tokador at iniabot ang lotion. Naka-bra at panty lang siya nang maupo sa dulo ng kama. Nagsimula siyang magpahid ng lotion sa katawan habang nakaharap sa full size mirror.
Nakangiting pinagmasdan ang kaniyang mukha at katawan. Aminado siyang maganda siya kaya hindi niya sasayangin iyon sa mga walang kuwentang bagay gaya ng pag-iyak sa mga kaibigang namatay o nawala na. Papangit lang siya gaya ng mga kaibigan na nag-iiyak kay Yam na ang pangit naman ng kamatayan. Kasalanan naman ni Yam ang nangyari sa kaniya. Kung hindi siya sumama ng basta sa hindi naman niya gaanong kakilala, hindi sana siya namatay.
Inuuna kasi ang landi.
Itinaas niya ang legs para pahiran ng lotion nang may mapansing may nakadikit dito. Naiinis na kinuha niya ang kulay pulang papel. Ito iyong nasa libro kaninang nakita niya.
“Don’t tell your ending? Ano namang kalokohan ito?” Lalamukusin sana niya ang papel nang makarinig ng sunod-sunod na katok.
“Jenica, ang mama ito.”
Dagling tumayo si Jenica at itinapis na muli sa katawan ang tuwalyang inilapag sa kama. Binuksan nang bahagya ang pinto at sumilip.
“Ma, nagpapalit ako ng damit. Bakit ba?” Nakarehistro sa mukha niya ang pagkabagot na kausapin ang ina.
“Itatanong ko lang sana kung bakit narito ka na? Tapos na ba ang libing ni Yam?” Sanay na ang ina sa ugali nang nag-iisang anak. Nang mamamatay ang asawa niyang doctor, nagkaganito na ang dalagita. Siya naman ay isang pulis kaya hindi niya masiyadong natutukan ang anak. Noong nabubuhay pa ang asawa ay medyo maalwan ang buhay nila lalo pa at nag-iisang anak nga lang si Jenica. Sunod lahat sa luho ito lalo na sa ama nito. Nawala lang nang mamatay ang asawa na puno pa ng utang dahil nalulong sa sugal ng hindi nila nalalaman. Kaya malaking adjustment kay Jenica ang nararanasan. Kinailangan pa nilang lumipat sa mas maliit na bahay para lang mabayaran ang naiwang mga utang. Naiintindihan niya kung bakit dinadaan ng anak sa mga pasagot-sagot at palagiang pag-alis sa bahay. Para hindi na mas lalong lumayo ang loob ng anak kaya hinahayaan niya na lang sa ito na sa tingin niya ay magpapasaya rito.
“Ma, nauna na akong umuwi. Hindi na ako nakipaglibing, pero dumalo naman ako ng misa. Hindi ko lang din tinapos. ‘Yun lang ba ang itatanong mo?” medyo may inis na sa boses ni Jenica.
“Anak, kaibigan mo si Yam bakit ganiyan ka? Sige na, mayamaya ay magdu-duty na ako. Ikaw na bahala sa bahay.” Inabutan siya ng ina ng pera para panggastos ngayong araw. Aabutin sana iyon ni Jenica nang mapansing hawak pa pala niya ang papel na kulay pula na galing sa libro.
“Kanino pala ‘yung libro na nasa kama ko? Hindi akin ‘yun at mas lalong hindi mo ako dapat binibigyan ng ganoon dahil alam mong hindi ako mahilig magbasa. May korni pang papel, ano ito, bookmark?” nang-uuyam ang tinig ni Jenica habang ipinapakita ang pulang papel na nakuha sa libro.
“Akala ko nga sa ‘yo dahil nasa bag ko ‘yun. Walang pamagat sa labas e, ikaw lang naman nag-aaral dito,” saad ni ng ina habang nakakunot ang noo.
“Baka naman isa sa mga ebidensiya iyon naiuwi mo pa rito?”
Isa ang ina sa nagpunta nang madiskubreng namatay si Yam sa isang motel. Baka lang ebidensiya nga iyon at wala dapat sa bahay nila.
Nagkibit-balikat ang ina. “Alam mong hindi kami puwedeng mag-uwi ng gamit mula sa crime scene, kaya hindi ‘yan doon galing. Hindi ko maalala kung nailagay ko nga yan. O siya, male-late na ako. Itabi mo na lang at kapag may naghanap sa mga kasamahan ko kukunin ko na lang o baka ng mga kaklase mo. Hiniram mo siguro.”
Pahablot na kinuha ni Jenica ang pera at pagkatapos na bilinan ang ina na i-lock ang pinto paglabas, agad na rin niyang isinara ang pinto ng kuwarto.
Napabuntong-hiningang lumisan na ang ina ni Jenica. Hinihintay pa naman niya na kahit halikan siya nito bilang pamamaalam.
Subalit, gaya ng dati.
Wala.
***
Inis na dinampot ni Jenica ang libro at binuklat. Basta na lang sanang iipitin sa pagitan ang papel na hawak nang matigilan. At halos hindi siya makapaniwala sa nakita! Pinakatitigan at nang makasiguro ay nanlalaki ang mga matang nailagpak ang libro. Muntik pang tamaan ang kaniyang paa sa sobrang takot.
Hindi!
Shhh...
Don't tell your ending
jhavril