Nahuli ang mga pumatay kay Vin. Pero dahil walang saksi at ang CCTV ay sira ng mga oras na na nangyari ang krimen. Kung mayroon mang saksi, malamang ay natakot na magsalita dahil balita nila ay maimpluwensiya ang nakapatay sa kapatid. Kaya ang siste, nakalaya ang tatlong lalaki sa pangunguna ng nagngangalang Paul. Nakangisi pa iyon habang paalis ng pulisya na hindi man lang umabot ng kahit isang oras sa pakikipag-usap. Nabalitaan din nilang may kamag-anak itong pulis sa nasabing istasyon. Nais ng magulang nila na iakyat sa mas mataas na hukuman ang kaso upang magkaroon ng hustisya ang walang awang pagpatay kay Vin.
Hindi lubos maisip ni Jess ang sinapit ng kapatid kaya ilang araw rin siyang hindi nakapasok sa eskuwela. Ipina-cremate ang labi ni Vin dahil hindi nila maatim man lang tingnan ang kalagayan nito sa kabaong. Inilagak ang abo ni Vin sa mismong kuwarto niya na nagsilbing chapel na rin nila.
Halos gabi-gabing umiiyak ang nanay ni Vin, lalo pa at hindi pa rin sila nakakakuha ng hustisya. Binalak ng mga ito na magbakasyon muna sa probinsiya ng ina at hindi man lang pinagkaabalahan na isima si Jess. Ganoon naman iyon, si Vin lang ang nais nilang kasama at sa pakiramdam ni Jess ang mahal nila. Kaya simula nang mamatay ang pinakamamahal nilang anak, lalo lang lumayo ang loob ng mga ito kay Jess. Lalo pa at nalaman nilang alam pala ni Jess ng mga oras na mamatay ito kung nasaan si Vin.
Hindi naman pinapansin ni Jess ang mga bagay na iyon dahil sanay na siya kaya nang umalis ang mga ito, okay lang sa kaniya na maiwan sa bahay na iyon. Mas okay na rin iyon kaysa ang araw-araw siyang sinisisi ng mga ito sa pagkamatay ng pinakamamahal nilang anak. Nalulungkot man siya sa pangyayari, pinipilit na lang niyang intindihin lalo pa at kamamatay lang ni Vin.
Kuya…
Nabitin sa ere ang pangalawang subo pa lang ng hapunan ni Jess. Pinakiramdaman niya ang paligid. Nagkibit-balikat si Jess dahil baka guni-guni lang niya ang narinig kahit pa parang nasa likuran lang niya iyon. Tinapos na niya ang pagkain at tumayo. Idineretso sa lababo ang mga pinagkainan. Naghuhugas na siya ng mga iyon nang biglang may bumagsak sa bandang sala. Hindi siya naniniwala sa multo o kahit ano pa mang bagay na may kinalaman ang paranormal. Marahan niyang kinuha ang kutsilyo sa lalagyan at lumabas sa sala. Baka magnanakaw na nakapasok.
Malapit na siya sa sala ng isang pagbagsak na muli ang narinig ni Jess. Mahigpit niyang hinawakan ang kutsilyong nasa kanan. Isang paghinga nang malalim at bibiglain sana niya ang kung sino mang nangahas na pumasok sa bahay nila ng walang paalam. Subalit, madilim na sala ang sumalubong sa kaniya. Sabay pang namatay ang lahat ng ilaw. Agad na hinagilap ni Jess ang switch ng ilaw na nasa bandang kanan niya. Subalit, nakailang pindot na siya ay walang liwanag na kumakalat sa paligid. Hindi naman blackout dahil kita sa bintana ang liwanag sa mga kapitbahay. Nilakasan ni Jess ang loob at nakaamba pa rin ang kutsilyo na naglakad papasok ng sala.
Kuya Jess…
Natigilan si Jess sa narinig at dahil ngayon ay sigurado na siyang hindi lang guni-guni ang boses ni narinig niya. At iyon ay boses ni Vin!
Mula sa liwanag na nagmumula sa bintana, kita niya ang isang bultong nakaupo sa unahan niya, ilang dipa mula sa kaniya. Bulto ng lalaki.
Kuya Jess…Bakit…?
Napakalamig ng boses na animo galing sa ilalim ng bangin. Amoy rin ang mabahong amoy sa paligid na parang nabubulok na basura.
“V-vin?” Sadyang napakahina ng boses niya pero para sa kaniya ay lubhang malakas iyon dahil sa katahimikan ng paligid kasabay pa ng mabining hangin na galing sa labas ng bintanang bukas. Sumasabay pa sa lakas ng t***k ng kaniyang puso at nanlalambot niyang mga tuhod dahil sa takot.
Ikaw iyon ‘di ba? Ikaw dapat…”
May halong galit ang bawat katagang namumutawi sa kaluluwa ni Vin. Hindi naman maintindihan ni Jess ang sinasabi ng kapatid. Napapailing siya kasabay sana nang pagbuka ng bibig upang magtanong. Subalit, nabigla siya nang sa isang iglap, nasa harapan na niya ang kapatid at ramdam niya ang galit nito.
“Hindi kita mapapatawad! Mamamatay ka rin! Mamamatay ka rin! Kayong lahat!”
At bago pa man makaiwas si Jess, sakmal ni Vin ng dalawang nanlalamig nitong mga kamay ang leeg ng kapatid habang sobrang lapit ng mukha nito. Halos nagtatalsikan na ang kung anong bagay na mula sa bibig nito at nalulunok na nang nagsisigaw na si Jess sa takot.
“Ikaw na ang susunod!” Halos sabay pang sumigaw sina Jess at Vin na nag-umapaw sa dilim ng kapaligiran.
***
“Jess!”
Isang malakas na yugyog ang gumising kay Jess mula sa bangungot na iyon. Napa-“huh” pa siya nang mabungaran ang nag-aalalang mukha ni Princess. Nabalikwas nang bangon si Jess at nanghihilakbot na iginala ang paningin sa paligid; nasa loob siya ng sariling classroom. At tanging sila lang dalawa ni Princess ang naroon.
“Anong…. Anong nangyari?” Nagtatakang nanatiling inililibot ni Jess ang paningin sa maliit na kuwartong iyon.
“Hindi ba dapat ako ang magtanong niyan. Ano bang nangyayari sa’yo?” Nanatiling nakatayo sa harapan ni Jess si Princess habang nakunot ang noo. Naninibago siya sa mga kinikilos nang kaharap mula nang mamatay ang kapatid. Parang wala ito sa sarili lagi. Nag-aalala nga siya dahil mag-isa lang ito sa bahay at iniwan ng mga magulang. Hindi lingid sa kaalaman niya na mas mahal ng magulang nito ang namatay na kapatid.
Naihilamos ni Jess ang mga palad sa mukha. Kahit siya nalilito sa mga nangyayari sa kaniya. Mula nang mag-isa na siya sa bahay ay napapadalas ang pagdalaw ng kapatid sa panaginip. At palagi na lang hindi niya maintindihan ang nais na iparating nito. Masama ang loob o ang mas malala pa ay galit na galit. Marahil dahil isinisi nito sa kaniya ang hindi pagdating sa oras. Hindi malamang ito namatay ng maaga. Kaya pakiramdam niya siya ang may kasalanan.
At nakukunsensiya siya dahil doon.
“Wa-wala. Halika na.” Kasabay nang pagtayo ni Jess ay ang pagkuha ng bag na nasa likod ng kinauupuan. Kinuha naman ni Princess ang mga librong nasa ibabaw ng mesa ni Jess. Kukunin sana ng huli pero inunahan na niya nang pagsasabing ako na. Nagkibit-balikat na lang si Jess sa nagpatiuna na si Princess. Tahimik lang silang naglalakad pababa ng second floor.
Saglit na nagpaalam si Princess kay Jess na magbabanyo. Tumango lang ang binata at sinabing sa labasan na lang siya maghihintay.
Bitbit ang mga libro ni Jess na pumasok na ng banyo si Princess.
***
Malakas na nagtatawanan sina Mika habang papasok ng gym. Kasama sina Jenica, Hazel at Yam, nagpapa-cute na tumuloy sila sa isang bench. Inilapag doon ang mga gamit habang hindi inaalisan ng tingin ang mga varsity player na nagwa-warm up para sa practice. May ibang ngumingiti sa kanila lalo na ang grupo ni Kit, ang iba naman ay walang pakialam.
Kinindatan ni Mika ang team captain na si Kit. Na gumanti naman patakbong paglapit sa kanila. Nakangiti ito habang nagpupunas ng pawis sa mukha. Isinukbit sa kaliwang balikat ang hawak na towel bago hinapit palapit sa kaniya ang kasintahang si Mika.
"Bakit ngayon lang kayo, hon? Kanina pa kita hinihintay?" At sa harap ng mga kaibigan nila, hinalikan ni Kit sa labi ang kinikilig na si Mika. Sinong hindi kikiligin sa napakakisig at bukod sa guwapo ay sikat na si Kit. Buti na lang talaga at sa kaniya ito kaya maraming naiinggit sa kaniya.
Wala namang pakialam ang mga nakapaligid sa kanila dahil bukod sa liberated talaga sila ay palagi naman nilang ginagawa ang PDA o public display of affection. Kahit pa sa kung saan mang lugar sila naroon.
Natatawang napaupo na lang si Yam sa kalapit na upuan. Inilapag niya ang bag sa ibaba ng bench at ang ibang librong bitbit ay sa tabi niya inilagay bago kinuha ang cellphone. Naupo na rin sina Hazel at Jenica, habang nanatiling nakatayo ang magkasintahang Kit at Mika. Rinig ang lakas ng tawanan sa loob ng gym at ilang asaran gawa ng grupo nila. Sumasabay sa ingay nang ibang taong naroon at talbog ng bola nang nagpapraktis.
"Kailan ba ang laro ninyo? Nakakainis naman, baka may exam kami noon, ha?" naka-pout pang saad ni Mika. Nakangiting niyakap naman ni Kit ang girlfriend mula sa likuran.
"Dapat free ka noon, kasi iyong promise mong prize kapag nanalo kami." Malokong ngumiti pa si Kit mula sa pagbulong sa kaliwang tainga ni Mika. Kinikilig namang hinampas nang mahina ni Mika sa braso si Kit. Napangiwi naman ang dalawang babae na nasa harap nila sa nasaksihan.
“SPG alert!” ani Jenica na ikinataas ng kilay ni Mika sabay sambit ng inggit ka lang.
Busy naman si Yam sa kakapindot sa cellphone kaya wala siyang pakialam sa nangyayari. Napapangiti pa si Yam dahil isang unknown number ang na-wrong send sa kaniya last week. Actually, hindi alam ng barkada na sobrang marupok si Yam sa mga taong nagpaparamdam ng kaligayahan sa kaniya. Kung ano-anong dating site ang pinupuntahan niya para lang makakuha ng atensiyong hinahanap. Subalit, karamihan ay panandalian lang. Bagamat, nag-eenjoy naman siya nais pa rin naman niya ang umaabot ng taon gaya nila Kit at Mika.
At ito ngang ka-text niya ang latest ni Yam. Sobrang kinikilig kasi siya dahil napaka-sweet nito at maalalahanin. Balak na niyang makipagkita rito mamaya. Kinukuha niya ang f*******: or i********: nito o kahit ano mang social media na mayroon ito para makita niya ang itsura nito, pero ayaw nitong ibigay. Surprise daw kapag pumayag na si Yam at sinisiguro naman nito na hindi siya masamang tao o hindi kaaya-aya ang itsura. Tiwala naman si Yam na totoo ang sinasabi nito. At kahit binalak niyang tawagan ang numero nito, para kahit paano ay marinig niya ang tinig nito, wala, hindi rin siya sinasagot. Imbis na mabahala ay parang mas lalong na-excite si Yam na makipagkita. She likes surprises.
Pero, wala siyang balak na ipaalam kahit kanino iyon. Kahit pa sa mga itinuturing niyang kaibigan na nasa harapan lang niya. Nakakahiya na isipin nilang pumapatol siya kung kani-kanino! Dahil kahit ang mga nagdaang niyang pakikipag-date ay hindi niya sinasabi sa mga ito. Ayaw nila lang makantiyawan na cheap at desperada.
Maganda naman siya at maganda ang pangangatawan. Kaya hindi na mahirap sa kaniya ang makita nang prospect boyfriend. Pero, hindi rin niya maintindihan kung bakit lagi siyang olats pagdating sa pagmamahal.
Nasa kaniya ba ang mali?
"Hoy babae, busy ka with matching pangiti-ngiti pa, sino 'yan, ha?" Sinubukan ni Hazel na silipin ang cellphone ni Yam pero agad nitong nailayo ang cellphone.
"Puwede ba? Si mom lang ito, pinapauwi ako ng maaga. Dinner date with the fam." Pilit na ngiting ibinulsa ang cellphone at tumayo na. Nag-check pa kunwari sa smart watch na nasa kaliwang braso. Subalit, na-e-excite na si Yam sa isiping magkikita na rin sila ng laging kausap.
Sa wakas!
"What? Kala ko ba we're going out? It's Friday, Yam!" naiiritang turan ni Jenica. Tumayo na rin ito at sinubukang pigilan si Yam.
"Let her, Jenica. It's family day, remember?" Nang-uuyam ang ngiti ni Mika at pinakadiinan ang salitang family day. Pinagmamasdan nito si Yam habang nasa likod pa rin ang nakayakap na nobyo. Alam naman kasi niya o nila na alibi lang iyon ng kaibigan. May iba itong pupuntahan at malamang ay ayaw nitong ipaalam sa kanila. Mga one week na nilang napapansin na lagi itong busy sa cellphone kahit pa lagi silang kasama. Parang may iba itong mundo.
Hindi naman iyon pinansin ni Yam. Basta, makikipagkita siya sa kaniyang unknown texter. Nafi-feel niya kasi na kilala siya ng kung sino man iyon. At imbes na matakot, lalo pa siyang kinilig at baka isa iyon sa mga crush niya. Magkaka-lovelife na rin siya.
Nagmamadaling kinuha ni Yam ang mga gamit na nasa upuan. At sa kamamadali niya, nagkandahulog pa ang mga iyon sa lapag. Impit namang natawa ang mga kaibigan na imbis na tulungan siya. Narinig niya pa ang sinabi ni Mika na excited umalis.
Nakasimangot na lang na pinulot ni Yam ang mga gamit. Walang salitang inayos ang mga iyon at agad na isinukbit ang bag.
"Alis na ako,” ani Yam na hindi man lang pinagkaabalahang sulyapan ang mga kaibigan na nakaismid sa kaniya. Na may pagmamadali pang lumabas ng gym.
"I doubt it. May inililihim iyang si Yam. Noong isang linggo ko pa napapansin. Hindi mabitaw-bitawan ang cellphone." Nakahalukipkip at nakataas ang kilay na saad ni Jenica. Nanatili silang nakatingin sa pinto ng gym kahit wala na ang bulto ni Yam.
"Baka may boyfie na!" Malawak na napangiti si Hazel.
"Bakit hindi sa atin sinasabi?" nakaismid na saad ni Mika. Hinalikan naman ni Kit sa pisngi si Mika na ikinalingon ng huli.
"Ano ba, hon? Hayaan n'yo na si Yam, basta iyong pangako mo, ha? Can't wait." Ibinulong nito ang huling dalawang salita. Kinikilig namang natatawang tumango si Mika.
Napaismid naman sina sa Hazel at Jenica sa dalawa. Hanggang tawagin na si Kit para sa practice.
Shhh...
Don't tell your ending
jhavril