CHAPTER 5

2067 Words
Naalimpungatan ako nang maramdaman kong humina ang takbo namin. Tumuwid ako ng upo at dumungaw sa bintana. Puro nagtatayugang mga puno na ang nakikita ko sa labas. Gising na rin pala sina Lianne at Miles na kasalukuyang nag-uusap. Tinanggal ko ang neck pillow mula sa leeg at ang aking headset saka pinatay ang music sa aking cell phone. “Malapit na tayo, sis,” sabi ni Liane na nakangiting lumingon sa akin. “Gano'n ba?” Binalingan ko si Dwane. “Eh, bakit 'di mo man lang ako ginising, bro? Sabi ko naman sa iyo ‘di ba? Kita mo tuloy hindi kita napalitan sa pagmamaneho,” nakanguso kong saad kay Dwane. “Hay naku! Ang kulit mo talaga, Recian Rodriguez. Hindi ba sinabi ko rin na hindi na? Mukhang ang sarap ng tulog mo kanina, ah! Nakanganga ka pa nga riyan. Siguro napanaginipan mo 'yung taong sinabi ko kanina,” muling balik na naman ng panunudyo ni Dwane. Nakangisi na naman ito kaya inikutan ko na lang ito ng mga mata. “Talaga, Hon? Sino naman?” tanong ni Lianne na interesado sa usapang sinimulan ni Dwane. Pagkatapos ay siya naman ang nilingon nito. “At saka, sis, sanay na rin naman ang asawa kong 'to sa mahabaang pagmamaneho kaya you don’t havve to worry about it,” nakangiting saad ni Lianne sa akin. Lumingon muli siya sa asawa at may panggigigil na kinurot ang pisngi nito. “Now, sino ang napanaginipan ng maganda nating kaibigang balik-bayan?” “Sino pa nga ba, Hon? Siyempre 'yung ex prince charming niya,” sagot ni Dwane sa asawa. Bakas sa labi nito ang mapaglarong ngiti. Ang magaling kong kaibigan ay tumili naman kaya napataas ang kilay ko. Kayo, ha? Nagsisimula na naman. Kagigising ko lang!” naiiling na sabi ko na lang. Kararating ko lang ng Pinas pero ito na ang kinahihinatnan ko. Paano pa kaya ang mga susunod pa na mga araw at linggo? Buti na nga lang at kami lang na apat ang nakaririnig sa mga patutyada ng mga honghang na ‘to. Paano na lang rin kung nasa labas kami at maraming tao ang nakakarinig, lalo na ang pamilya ko at ang side ni Zach? Baka kung ano pa ang iisipin nila. “So, napanaginipan mo nga?” Nakangiting-aso naman si Miles na nilingon ako. Lumukot ang mukha ko sa pagsali nito sa usapang pilit niyang iniiwasan. Mukhang wala talaga siyang kakampi sa biyahe na ito. Nang mapagmasdan ang itsura niya ay napailing na lang ako. 'Tong babaeng ito talaga, kung makaupo daig pa ang lalaki. Walang bahid ng kaartihan sa katawan at maging sa paglalakad ay astig din. Sayang nga ang tindig kasi hindi yata nito kilala ang salitang kembot. Nilantakan nito ang baong chichirya, hinagis sa hangin at sinalo sa pamamagitan ng bibig saka walang pakialam na hinagis ang cell phone sa bag na nakalapag sa paanan nito. “Isa ka pa! Umayos ka nga r'yan, para kang tomboy kung makaupo,” irap ko sa kan'ya at kumuha ng tubig. “Na-high blood si Aling Ivanna natin, bro. Ikaw kasi,” natatawa na sabi ni Miles at pabirong hinampas ang balikat ni Dwane. Tumawa na rin ang dalawa na nasa harap. “'Wag n'yong sirain ang bakasyon ng bisita natin, baka bumalik agad 'yan sa lungga niya at ‘di na talaga bumalik pa dito,” ngising sabi naman ni Lianne. “Sorry, sis!” “Ay, talaga lang! Huwag na nga lang mamigay ng pasalubong,” biro ko dahilan para sabay silang natahimik. Nanlaki pa ang mga mata ng tatlo kaya muntik na akong mapabunghalit ng tawa dahil sa mga pagmumukha nila. “Hoy! 'Wag gano'n! Walang damayan ng pasalubong,” kunwari ay seryosong sabi ni Miles. “Pwes, magpapakabait kayo. Madali lang naman akong kausap. Sayang din ‘yung mga high end brands na dala ko kung ibabalik ko lang sa Canada or ibibigay ko na lang sa iba, 'di ba?” Hindi ko inaasahan ang halos magkasabay nilang pagsagot sa akin ng “yes po” kaya nakagat ko ang ibabang labi upang pigilin ang pagtawa. Ang cute kasi nilang tingnan, parang mga asong nanghihingi ng buto lang. Huminto kami sa isang malaking bahay. Literal na malaki. It’s a three storey house. Nasa gilid ang hagdan patungong rooftop. May malawak na harden sa harap at may tree house sa gilid. Tanaw ang malaking parte ng Batangas mula sa kinatatayuan namin. Ang lamig ng hangin at nagbeberdehan ang paligid. Bakit kaya kapag nakakakita ako ng ganitong view ay parang gusto kong umiyak sa tuwa at sa mangha? Inilibot ko pa ang aking paningin. Iilan pa lang ang mga nakatira sa parte na ito at malayo ang agwat ng mga kabahayan. Binalikan ko ng tingin ang bahay nina Mae. Concrete at glass type sa first floor. Sa second ay mix glass and woods at sa third floor ay purong woods na pero ang gandang tingnan dahil makintab. Kakaiba ang disenyo, ngayon lang ako nakakakita ng ganitong design ng bahay. Sa palibot nito ay mga puno ng mangga, abokado, at iba pa. Malaking lupa ang sakop sa kinatatayuan ng kanilang bahay. Nagulat ako nang marinig ang malakas at matinis na tili na tinig ng isang babae. Pamilyar sa akin ang boses na iyon. Paglingon ko ay tumatakbo ang may-ari ng boses na iyon papunta sa akin habang malawak ang ngiti sa labi. 'Di pa ako naka-recover sa gulat ay nakayakap na siya sa akin. “Ahm, excuse me. Sino po sila?” seryosong tanong ko sa kan'ya. Gusto kong ngumisi nang tumitig ito sa akin na ‘di maipinta ang mukha. Hindi pa rin talaga siya nagbabago, kay sarap pa ring paglaruan ni Mae. “Wala man lang talaga ni isa sa inyo ang nakapagsabi sa akin na ang dala niyong Ivanna ay may amnesia na pala?!” panenermon ni Mae sa kanilang lahat na nakapameywang pa. “Hindi bale dahil alam ko na kung paano ibalik ang nawalang memorya kuno nito,” saka ngumisi nang katakot-takot. Otomatiko akong kumaripas ng takbo at hinabol naman agad ako ni Mae habang nagsisisigaw. Alam ko na kasi na babatukan ako ng timang na ‘to at tatadtarin ng kiliti. Nagmistula kaming mga batang naghahabulan sa malawak na lawn ng kanilang bahay. Tumatawa naman ang mga kasama namin na nanonood lang. Saka lang kami napahinto nang may dumating na itim at magarang sasakyan saka tumigil sa harap ng bahay. “Swerte ka at dumating ang labidabs ko. Naku,’'pag ako gino-good time mo, mapapasubo ka talaga. Halika na nga at ipapakilala kita sa lalaking bumiyak ng sariwa kong pakwan,” kumindat ito at bumungisngis. Inakay n'ya ako papunta sa garage area. “Yucks, kadiri ka. Pakwan talaga? Sa pagkakaalam ko rambotan 'yon?” pilyang pang-aasar ko sa kan'ya.  “Manahimik ka't baka marinig tayo ng asawa ko, mapapaisip pa tuloy 'yon. Manang Nora, pakitawag nga po si Boyet, sabihin mo po na pakipasok ng mga gamit nilang lahat,” tawag nito sa may katandaang katulong. Nang makalapit ito ay nagmano agad ako. Tila nagulat at nahiya naman ito sa ginawi ko subalit matamis naman ang ngiting isinukli nito sa huli. “Naku, kayo po talaga, ma’am. Ako nga po pala si Nora. Naninilbihan na po ako kina Mam Mae at Sir Jacob ilang araw pagkatapos nilang magpakasal,” magalang na sabi ni Manang Nora sa akin. “Gano’n po ba? Ako nga rin po pala si Cian, kaibigan ni Mae. Nasa malayo po kasi ako kaya ngayon lang ako nakapunta rito. Nice to meet you po, Nanay Nora,” ngiti kong saad sa kan'ya. Hindi ko maipaliwanag pero napakagaan talaga ng loob ko sa mga matatanda. Feeling ko kasi parang isa siya sa mga matatanda sa probinsya namin. “Kaya pala ngayon ko lang kayo nakita. Ang ganda niyo po, ma’am. Nice to meet you rin po, Ma’am Cian. Sige, mauna na po muna ako. Kumaway muna ito kay Dwane at Liane bago tumalikod. “Mabait 'yon. Sa katunayan nga ay para na rin akong nagkaroon ng lola dito sa bahay. Kaya nga spoiled na spoiled ang mga bata sa kan'ya, eh. Kilala na rin niya sina Dwane, Lianne at Miles dahil palaging dumadalaw ang mga 'yan dito. In fact, may nilaan na nga akong room para sa mga 'yon dito sa bahay na binabayaran nila buwan-buwan,” sabi nitong hindi lumilingon sa akin. Nangunot ang noo ko. Ano ‘yon rumerenta? Sasagot na sana ako pero naunahan niya ako dahil mabilis niyang sinundan ang kanyang sinabi. “Joke lang,” sabi nito at bumunghalit nang tawa. “Sira-ulo ka pa rin talaga,” sabi ko na lang na napapailing. Agad itong yumakap sa asawa nang makalapit at humalik sa labi nito. Lumiwanag naman ang gwapong mukha ng asawa nito at matamis na ngumiti. Naasiwa ako sa senaryo kaya iniwas ko muna ang tingin sa kanilang dalawa. Saka ko lang ulit sila nilingon nang marinig kong nagsalita na si Mae. “Love, ito nga pala ang kaibigan kong si Cian.” Pormal na pakilala ni Mae sa akin sa asawa niya. Ngumiti ako at binati ang asawa nitong hindi ko pa alam ang pangalan. Subalit napangiwi agad ako nang marinig ang sunod na sinabi ni Mae. Hindi ko na napigilan ang kadaldalan niya. “Siya 'yung sinabi ko sa'yo noon, Mahal. Naalala mo? Iyong naglayas pa-Canada para mag-move on? Pero sa palagay ko ay sa pag-uwi n'yang ito ay ‘di pa rin nakahanap ng ipinalit iyan. Kahit pustahan pa,” diretsaang sabi ni Mae sa asawa bago muling bumaling sa akin. “Sis, asawa ko nga pala. Si Jacob. Ang lalaking kayang ipangalan lahat ng kan'ya sa akin, ang lalaking luluhod mabigyan ko lang ng pagmamahal at umiyak ng tanso mabigyan ko rin lang ng anak...pero joke lang ‘yung huli. Nauna kasi ang honeymoon namin bago ang kasal.” Tumawa ito at naglambing ng yakap sa asawa. “Biro lang, Love, ha?” bulong nito sa naiiling na asawa. “Nice to finally meet you, Cian. Buti naman at naisipan mo nang umuwi rito sa atin.” Tinanggap ko ang nakalahad na kamay nito at nakipag-hand shake. Sekreto kong iniksamin ang kabuuan ni Jacob. Tama nga si Lianne. Gwapo nga talaga ito at matikas. Magaan lang din ang awra nito, kaya sure akong kaya nitong sabayan ang kabaliwan ng asawa nito. “Cian here and nice to meet you too, Jacob. Oo nga, eh, may isa kasi riyan na handang umiyak ng palakol para lang umuwi ako dahil ang laki na raw ng utang ko sa anak niya,” biro ko ko kay Jacob na ang tinutukoy ay ang asawa nitong si Mae. “Hoy! Fake news iyan. Walang may sabi no'n,” nakangusong sabi ni Mae sa akin. Mukhang natunugan nito ang ipinahiwatig ko. “Wala ba? Okay, sabi mo, eh.” Nilingon ko ang tatlo kong kasama, palapit na rin sila sa amin. “Halika na kayo. Sa loob na tayo mag-chikahan. Manang, ang mga bata rin po pakibaba. Pakisabi po na may wow na dala si Tito Dwane nila,” sigaw ni Mae na lumingon kay Dwane at nakataas ang kilay. Agad na napakamot sa ulo si Dwane. Wala kasi itong dala dahil nakalimutan naming bumili ng para sa mga bata. “Sis naman, pinapasubo mo naman ako, eh. Si Cian nalang, besides malaki na ang utang n'yan sa mga junakis mo,” turo ni Dwane sa akin kaya pinanlakihan ko siya ng mata. Lagot din ako dahil mas lalong wala akong maibigay sa mga bata. “Ay talaga? Lumusot na nga rin lang, talagang sa akin agad ipinasa? Naku, patay tayo riyan!” Balak kong ipasyal na lang mamaya ang mga bata para mabilhan ng regalo. “Lagot kayo ngayon, problema n'yo na iyan kung paano kayo lulusot sa mga paslit,” pananakot ni Mae sa amin saka tumawa ito nang nakakaloko. Nakarinig ako ng ingay mula sa itaas. Nakita ko nalang na nag-uunahan na sa pagtakbo ang tatlong bata mula sa ikalawang palapag ng bahay. Naunang narating ng lalaki ang hagdan na sa hula ko ay siyang panganay habang nakasunod naman sa likod nito ang isa pang lalaki na hindi nalalayo ang taas sa nauna. Pero mas naagaw ang pansin ko sa huli, mataba at napaka-cute na batang babae. Hawak ito sa kamay ni Nanay Nora.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD