Nakahiga si Sugar sa kaniyang higaan. Nakatingin sa kisame habang pinagmamasdan ang mga glow in the dark stars na idinikit niya roon noong college pa siya. Parang ang bilis nga ng panahon, dati ay tumitingin rin siya sa mga bituin na ito kapag nag-iisip siya sa gabi at hindi dapuan ng antok. Tumitingin siya sa mga glow in the dark stars na ito kapag iniisip niya si Alwin at ang mga nagdadaang problema sa kanilang relasyon noon.
Kaya ngayon habang tinitignan niya ang mga bituin na ito ay parang si Alwin na ulit ang naalala niya. Naalala niya ang bagay na sinabi ng kaniyang ina, na balita kay Alwin. Iniisip niya na, paano kaya kung hindi siya tumuloy sa New York noon? Siya kaya ang asawa ni Alwin? May anak kaya sila? O kung siya man ang asawa nito at wala pa rin silang anak makalipas ng siyam na taon ay makikipag-hamunan rin ba ito ng hiwalayan?
Magagaya rin ba sila sa ibang mga mag-asawa na sa kabila ng pangako at sinumpaan sa harap ng Diyos, ay mauuwi rin sa hiwalayan?
Napa-iling siya. "Bakit ko ba iniisip iyon?!" Saway niya sa kaniyang sarili pagkatapos ay inalis ang tingin sa mga umiilaw na bituin sa kaniyang kisame. "Wala nga akong jowa tapos nagaalala ako sa bagay na hiwalayan?! Haay, Sugar! Magtigil ka at pagtuunan ng pansin ang mga importanteng bagay."
Napangiti siya at ipinikit na lang ang mga mata bago natulog na.
Kinakabahan siya sa extraction na mangyayari. Ganoon pa man ay ayos na rin iyon dahil nais niyang makasiguro ang katiyakan ng kaniyang pagbubuntis sa hinaharap.
Iyon ang dapat niyang isipin. Ang hinaharap at hindi ang nakaraan.
---
Huminga siya ng malalim ng maramdaman ang bakal na inilagay ng doktor sa kaniyang pagkab*bae. Sunod ay ang isang mahabang aparatus na ginagamit sa pag-extract ng kaniyang egg cell.
Nakakakaba ang mga aparatus lalo pa at iniisip niya na masakit iyon ngunit sa kaniyang hindi inaasahan ay wala naman siyang kahit anong sakit na naramdaman.
"Relax ka lang, malapit na." wika pa ng doktor pagkatapos ay nginitian siya.
At tama nga ito, dahil hindi nagtagal ay natapos rin ang extraction sa kaniya. Inayos siya ng doctor at pinaupo pagkatapos ay ipinakita pa gamit ang microscope ang kanyang egg cell na i-fi-freeze.
Namangha siya dahil sa labis na galing ng technolohiya ngayon. Na ng dahil sa science ay posible na ang mga bagay na ganito. Hindi na nakaka-pressure ang magbuntis lalo pa sa edad na kagaya ng kanya na wala pang asawa, dahil maari mo ng ipatabi ang iyong egg cell.
"Salamat, Doc. Akala ko ay mahihirapan ako, hindi naman pala." Sabi ni Sugar sa Fertility Doctor na inirecomenda ni Lyn sa kanya.
Ngumiti ito sa kaniya at ipinresenta ang kaniyang records upang iyon ay pirmahan. "Walang anuman, it's my pleasure na gawin ang extraction mo. Don't worry, safe na safe ang egg mo rito hanggang sa bumalik ka para naman maitanim muli siya sa iyo. Meron rin kaming app to guide you incase na may partner ka na at plano niyo na mag-proceed sa invirtro. But you can contact me naman incase may mga questions ka." Saad nito.
Tumango si Sugar pagkatapos ay pinirmahan ang ilang documents sa harap pagkatapos ay nagpaalam na sa doctor.
Pagkalabas niya ay naroon si Candy na siyang naghihintay sa kaniya. "Tapos na?"
Tumango siya, kaya naman ay niyakap siya ng kaniyang kapatid.
"Wahh! I'm so happy for you!" Wika pa nito na halatang masaya talaga sa kaniya.
Tinapik niya ang tagiliran nito. "Saka ka na matuwa pag may bubuo na roon na sperm. Pero ngayon wag muna,"
Ngumiti si Candy. "Kung sabagay. Kaya ang next step ay ang baby daddy na talaga, para may Sugar Baby ka na."
"Gaga ang sagwa ng sugar baby, parang iba."
"Aba! Baby ni Sugar kasi iyon."
Napailing na lang siya sa kapatid bago ilalayan ito. "Tara na?"
"Wait saglit, naiihi ako. CR lang muna ako. Dyan ka lang." Paalam nito bago umalis sa harapan niya.
"Hindi pa nag-CR kanina. Mamaya kung sino na naman makita ko rito."
"Sugar?"
Rinig niyang boses sa kaniyang likuran. At pagtingin niya ay nakitang si Alwin iyon.
Kakasabi niya lang, at ito na nga sa harapan niya ang lalaking sumagi sa isip niya na baka makita niya. At hindi naman siya nagkamali. Parang pinaglalatuan siya ng univers na makita ulit ito kahit ayaw na niya.
"Huy, Alwin?" Bati niya sa kanyang Ex na nasa harapan niya. Maaliwalas ang mukha nitong nakangiti sa kaniya.
"Hi! Nagkita ulit tayo, teka? Doctor mo rin si Doc Shane?" Tanong nito.
Ito ang doctor na inirecomenda ni Lyn sa kaniya.
Tumango si Sugar at tipid na ngumiti. Kahit naman itanggi niya ay mukhang 'di rin nito kakagatin ang palusot niya.
"Tapos ka na?" Tanong pa nito.
Tumango muli si Sugar. Lumapad naman ang ngiti ni Alwin. "Pwede ba kitang maimbitahan mag-coffee? Napaaga kasi ang punta ko. Mamaya pa ang sched namin ng wife ko."
Napataas ang kilay niya. Purkit wala ang asawa nito ay inimbitahan siya nitong mag-kape?
Umiling si Sugar. "Alwin, siguro sa susunod na lang. Pauwi na rin kasi ako. I'm just waiting for my sister."
"Ah ganon ba?" Tanong nito na may blangkong ngiti sa kaniyang mga labi. "Sige, ayos lang."
Nasaan na ba si Candy? Bakit ang tagal? Tanong niya iyan sa kaniyang isipan. At napalingon sa pasilyo na pinuntahan nito.
"Ang galing, same pala tayo ng fertility doctor. Teka, Yung kapatid mo lang ang kasama mo? Nasaan na asawa mo?" Tanong ni Alwin kaya muling natuon ang pansin niya rito.
"Wala akong asawa, nagpasama lang ako sa kapatid ko kasi medyo hindi ko na saulo ang pasikot sikot. Medyo marami na rin kasi nagbago rito sa probinsya.
"Bakit ka nag punta sa fertility doctor?"
Eh anong pakialam mo?
"Ah.. kasi alam mo naman sa panahon ngayon.., tumatanda na mahirap na. Kailangan makasiguro para kapag nagka-asawa na ako ay mag-kababy kami agad."
Tumango si Alwin sa kaniyang sinabi.
"Ikaw? Kamusta check up niyo noong nakaraan? May baby na ba?" Tanong pabalik naman ni Sugar sa kaniya.
Umiling si Alwin. "Wala pa, kaya ito balik kami ulit ng misis ko rito. Nagbabakasakali. Medyo ilang taon na rin kami sumusubok pero wala talaga eh.,"
Ngumiti si Sugar. "Dadating rin iyan."
Napangiti si Alwin sa kaniyang sinabi. "Sana nga."
"Hon?" Napalingon sila at nakita ni Sugar ang isang babae na lumapit kay Alwin pagkatapos ay kumapit sa braso nito.
Saglit pa na humalik ito kay Alwin bago napatingin sa kaniya.
"Who is she?"
Napangiti si Sugar, "I'm Sugar, dati niyang kaibigan." Napatingin si Sugar kay Alwin. "Sige na pala Alwin, mauna na ako. Goodluck sa inyo ng asawa mo. Sana magka-baby na kayo." Aniya bago nagpaalam.
Hindi pa man siya nakakalayo ay narinig niya ang boses ng babae habang kausap si Alwin. "Wala ka talagang pagkahiya ano? At talagang nakipagkita ka rito sa Ex mo? Akala mo ba hindi ko siya nakikilala? Saka ano? Pinagkakalat mo na sa kaniya na hindi tayo magka-anak? Ano babalikan mo na ba siya?!"
Sabi nito kaya napangiwi siya.
Nag-goodluck lang naman siya, pero bakit parang siya pa ang masama?
Umiling si Sugar pagkatapos ay naglakad na. Sakto naman at nakita niya si Candy na ngayon ay kakalabas lang ng CR.
"Bakit ang tagal mo?" Sabi niya pagkatapos ay pinanlakihan ito ng mata.
"Eh, pasensya na. Akala ko ihi lang. Na-jebs pala ako eh. Pagpasensyahan mo na, yung mga ganyan di ko na 'yan mapigilan. Maiintindihan mo rin ako kapag ikaw naman ang mag-buntis."
Napalingon si Sugar at sumama ang mukha. "Ang tagal mo, nagkita na naman tuloy kami."
"Ni 'no? Ni Alwin?" Tanong ni Candy kaya agad na tinakpan ni Sugar ang bibig nito.
Baka kasi nasa malapit at marinig sila.
"Huwag kang maingay d'yan, mamaya marinig ka ng asawa."
Nanlaki ang mga mata ni Candy sa sinabi niya. Lumingon pa ito sa pinanggalingan nila kanina na tila sinisipat si Alwin at ang kasama nito.
"Huwag ka ng lumingon, pahamak ka rin eh." Saway pa ni Sugar kay Candy na nangaasar. Napalabi si Candy at natawa.
"Kasama niya asawa niya?"
"Biglang dumating habang naguusap pa kami. Punyeta! Nagparinig pa, parang ako pa masama."
Napahagalpak ng tawa si Candy. "Inggit lang sa iyo iyon. Hahha kasi yung asawa niya mukhang hindi pa nakaka-move on sa iyo."
"Shhh..." Saway niya pa bago hinawakan ang kamay ni Candy at tuluyan na silang lumabas ng hospital.
____
Napabuntong hininga si Sugar pagkapasok niya sa loob ng kaniyang kwarto. Napasandig siya sa pintuan at hindi mapigilan na maalala ang nangyari kanina sa hospital.
Naalala niya si Alwin at ang asawa nito.
Kahit itanggi niya ay meron pa rin pala talagang kirot ng makita niya ang dalawa.
Lagi niyang tinatanggi ang bagay na iyon sa kaniyang sarili lalo pa at alam niya naman sa sarili niya na napakatagal na ng panahon na hiwalay sila. Pero wala, affected pa rin pala siya.
At nang makita niya ang dalawa kanina ay naalala niya ang mga kahibangan niyang ginawa noon. Ang pang s-stalk niya sa babaeng napangasawa ni Alwin lalo na nung bagong kasal pa lang sila noon.
Ang dahilan niya kaya ayaw niyang bumalik sa Pilipinas noon. Dahil ayaw niyang makita si Alwin o masalubong ito. Dahil natatakot siya na magmakaawa siya upang balikan siya nito.
Mabuti na lang rin at hindi niya iyon ginawa.
Pero kanina, nang makita niya ang dalawa ay may kirot pa rin pala sa puso niya. Para siyang sinampal ng katotohanan. Na ang bagay na meron ang dalawa ay ang bagay na ipinagpalit niya upang marating ang pangarap niya na makapunta ng New York at doon makilala.
Nakamit niya nga ang pangarap niya, naging successful siya sa trabaho na pinili niya. Nagkaroon ng bahay at kotse sa New York. Nakapag give back na rin siya sa kaniyang Pamilya lalo na sa kaniyang Mama. Kung tutuusin ay parang wala na siyang mahihiling pa, parang nasa kaniya na ang lahat lalo na ng bago at hanggang sa makauwi siya sa Pilipinas.
Pero simula nung nalaman niya ang kundisyon niya, at ng makita si Alwin sa Hospital lalo na kanina na kasama nito ang asawa niya. Ay may napakalaking bagay pa pala na wala sa kaniya.
Yung bagay na mas pinapangarap niya higit pa sa kung anong mayroon siya ngayon.
Pero huli na para bumalik pa. Mahirap ng bawiin ang mga bagay na iniwan niya lalo pa at pagmamay-ari na ito ng iba.
Pinahid niya ang luha na pumatak sa kaniyang mata. Napailing bago ay tipid na napangiti at pinagsabihan ang sarili.
"Ano ba Sugar? Para kang tanga. Sa ganda mong iyan hindi ka dapat umiyak."
Nasa gitna siya ng kaniyang pagda-drama ng biglang tumunog ang Cellphone niya.
Agad niyang kinuha iyon sa kaniyang bulsa. Tinignan ang email na ngayon ay pumasok sa mailbox niya.
Nanlaki ang kaniyang mga mata ng mabasa ang nilalaman ng email na sinend sa kaniya.