“Bakit ba ‘di ka pa nag bo-boyfriend? Aba, Quarenta ka na!” wika ng Tita Chenny niya bago sumubo ng palabok.
“Tita, 39 pa lang po ako. 6 months pa bago ako mag quarenta,” sagot niya pagkatapos ay tipid na nginitian ito.
“Aba, ganoon na rin iyon! Bakit kasi wala pa? Sa edad mo na iyan dapat may asawa at may pinag-aaral ka na ng mga anak. Tignan mo sila Jenny at Sussy.”
Napatingin siya kay Jenny at Sussy na ‘di na magkandaugaga sa mga anak. Nag ta-tantrums ang isa sa mga anak ni Jenny. Habang si Sussy naman ay sunod-sunod na sinusubuan ang mga anak na wala pa ata isang taon ang agwat. Oo may mga pinag-a-aral na sila. Ngunit bakas din ang hirap dahil sa sunod-sunod na mga anak. Samantalang ang mga asawa nila ay hindi man lang sila matulungan sa pag-aasikaso sa mga anak.
Oo, halos kasing edad niya lang ang mga ito. Pero kung titignan ay napakalayo ng agwat ng itinanda ng dalawa.
Napangiwi siya ng pumasok sa imahinasyon niya na siya ang may ganong lagay ngayon.
“Tiya, kanya-kanyang desisyon lang ‘yan sa buhay. Maaga silang nag-asawa, ako hindi. Maaga silang nagkaroon ng time lumandi, ako hindi. Busy ako sa trabaho ko. Ganoon talaga, saka hindi naman ibig sabihin na wala akong kasintahan ngayon ay wala na talaga akong balak na mag-asawa,” sagot niya rito pagkatapos ay uminom ng softdrinks.
“Puro ka trabaho kasi, kaya ayan wala kang kasintahan ngayon. Wala ka bang mga nakakasalamuha sa New York? Napakaganda at laki ng New York. Wala bang pumasa sa taste mo?” sunod-sunod na tanong naman iyon ng Tiya Loleng niya.
“Tita, if nakakasalamuha marami. Nagkataon lang talaga na iba ang naging priority ko.- Saka kung hindi ako nag-trabaho? Nganga ako ngayon.”
“Hindi niyo alam Tita, pero si Ate Sugar pa? Marami kaya naka-date ‘yan sa New york. Nagkataon lang na wala siyang kasama ngayon. Pero I’m sure, soon magkakaroon ‘yan! Di’ ba Ate?” wika ni Candy nang ilapag niya ang mga nakahiwa ng Cake sa mesa nila.
Nginitian niya ito. Nagpapasalamat siya dahil dumating na ito ngayon. Kamuntikan na niyang tawagin si Lele para mag pa-saklolo sa kapatid niyang si Candy.
“Marami nga naka-date. Bakit hindi pa ni-lubos? At sana nag-uwi ka na rin.”
Napabuntong hininga siya.
Hindi talaga matapos-tapos ang diskusyunan nila, tungkol sa mga katanungan ng mga ito kung bakit wala pa siyang boyfriend hanggang ngayon.
“Hayaan na lang natin si Ate. Ganoon talaga, hindi natin mapipilit kung wala pa. Ako kung tatanungin ninyo, at kaya pang maibalik ang ako 15 years ago? Gagawin ko rin ang desisyon ni Ate Sugar,” wika pa ni Candy kaya napa-iling siya.
“Ano ka ba? nabigyan mo naman kami ng Leleng, Ramil, Renz at Mia. Thankful ako at nagkaroon ako ng mga magagandang pamangkin mula sa ‘yo.” sagot ni Sugar sa kanila kaya napangiti si Candy.
“Oo nga Candy, at para naman sinabi mo na nagsisisi ka na nag-asawa ka ng maaga?” wika ni Tiya Chenny.
“At bakit lumipat sa akin ang topic ha?”
Nagtawanan sila sa sinabi ni Candy.
“Hindi naman sa nagsisisi. Pero kung sumama ako kay Ate sa New York, siguro ay mas maganda ang buhay ng mga anak ko. At ‘di lang iyon, malamang mga blue eyes sila,” biro nito kaya mas lalong napuno ng tawa ang mga naroon sa mesa.
“Hindi lang iyon, I’m sure kasing ganda at sexy ko siya. Kambal kami pero mas mukha akong ate sa kaniya.”
Oo kambal sila ni Candy, pero dahil siya ang nauna na nailabas ng kanilang ina ay Ate ang tawag nito sa kanya. Identical twins sila, ngunit makikita mo rin ang pagkakaiba sa itsura nilang dalawa. Dahil si Candy ay nagbago na rin ang katawan dulot ng pagiging ina. Maikli rin ang buhok nito, kung ikukumpara sa kanya na mahaba at kulot ang buhok.
“Pero balik tayo sa ‘yo, Sugar.” wika ng Tiya Loleng nila kaya nagkatinginan ulit sila ni Candy.
Mukhang wala talaga silang balak na tantanan siya. Tila nakapag-handa ang mga ito ng katanungan para sa pagbabalik niya.
“Hindi ka na bumabata. Sayang ang matris mo, hindi mo nagagamit,” wika ulit ng tiya Loleng niya.
“Nagagamit ko naman po,” wika niya, kaya napangisi sila ni Candy.
Hindi naman ibig sabihin na wala siyang kasintahan ay wala siyang oras para sa S*x life niya. Maraming paraan kung gugustuhin naman.
“Kahit na! Ah, basta! Sa edad mong iyan mahihirapan ka na mag-buntis.”
Dito lang naman sa Pilipinas laging sinasabi iyan. Sa ibang bansa naman hindi gan’yan. Karaniwan sa mga ka-trabaho niya ay ka-edad niya rin. At ang karamihan sa kanila ay ka-kakasal at kaka-buo pa lamang ng pamilya. Ang iba nga ay sa ganitong edad ay nagloloko pa.
Basta, hanggang may regla siya hindi siya kakabahan. Mga 10 taon pa o 15 na taon pa siguro. Marami pa ang pwede na mangyari.
“Hayaan niyo na ang anak ko,” wika iyon ng kanilang Mama. “Tiwala ako d’yan. Bibigyan ako niyan ng mabait ay responsableng mamanugangin.”
“At gwapo Ma, idagdag mo ‘yon.” sabat ni Sugar.
“With blue eyes, saka may abs,” dagdag naman ni Candy na talagang sumusuporta sa kaniya.
Kaya naman ay napangisi na naman silang magkakapatid.
“Hindi bali na kung with blue eyes o black eyes iyan. Basta mamahalin, aalagaan at responsableng mapapangasawa. At syempre yung mabibigyan ako ng maraming-maraming apo. Iyon ang importante.”
Napangiti si Sugar. “Parang tuta ang nais mo, Ma. Gusto mo ma yung may batik?”
Hinampas siya ng kanyang ina kaya naman ay napuna na naman ng tawa ang mga nasa paligid nila.
“Pero nandito ka na sa Pinas. Baka naman ay may mapusuan ka sa mga ilang ka-ba-bata mo.” wika ni Aling Maris kaya nanlaki ang mata ng kanyang ina.
Tila alam na nito kung saan na naman mauuwi ang usapin.
“Yung anak ko si Bert? Baka naman. Kayo na lang kaya?”
Parang gusto niyang manginig sa sinabi nito. Nakita niya si Bert kanina sa labas at mukhang tambay sa kanto. Ganon pa man ay gusto niyang matawa dahil naramdaman niyang kurutin siya ng kanyang ina mula sa ilalim ng mesa.
“Eh may asawa na si Berto ‘di ba?” nanlalaki ang matang sabi kanyang ina.
‘’Ito naman si Mars, parang hindi ko nabanggit sa ‘yo na hiwalay na sila ni Marites. Binata na ulit ang anak ko. Oo may anak sila pero hindi naman kaso ‘yon sa panahon ngayon. Lalo pa at hindi sila kasal ni Marites. Saka, gwapo naman ang anak ko.”
Naubo ang Mama Zenny nila. “Diyos ko po, kung ganon lang rin mas nais ko na lang na maging matandang dalaga ang anak ko,” bulong nito na tanging sila lang ni Candy ang nakakarinig. Muli tuloy na pa-ngisi ang dalawa.
“Ano ka ba kumareng Maris! Ano naman ang ipapakain ng anak mo kay Sugar? Turuan mo munang maligo bago mo i-reto.”
Halos mabulunan na naman sila sa sinabi naman ni Aling Claire. Sumama tuloy ang tingin ni Maris sa kanyang kumare.
“Sugar, yung anak ko si Luis. Kilala mo siya ‘di ba? Mag ka-klase kayo nung high school. Single ang anak kong iyon. Baka naman?” wika nito.
“Hahaha!”
Napatigil sila ng biglang humalakhak si Aling Maris.
“Bakit ka tumatawa?” sarkastiko nitong tanong kay Aling Claire.
“Ang lakas ng loob mo na sabihan na turuan muna na maligo ang anak ko. Eh ikaw nga, yung anak mo hindi maturuan na magsipilyo!. Kaya ayon nalagas ang mga ngipin! Pag pustisuhin mo muna kaya----” wika ni Aling Maris.
Ngunit hindi iyon natapos dahil agad tumayo si Aling Claire at hinablot ang buhok niya.
“Ay! Susko, Ginoo!” sigaw ng Mama nila. “Doon kayo sa labas mag-away.”’
Tumayo naman si Candy at natatawa na hinawakan si Sugar para ilayo na.
Napahalakhak silang dalawa na lumayo sa mesa kung saan nag sa-sabunutan si Aling Maris at Aling Claire.
Hindi talaga makukumpleto ang isang selebrasyon ng walang kaunting drama.
“Iba ang welcome party sa ‘yo. Basta si Mama ang nag-plano.”
Wika iyon ni Candy ng makarating sila sa Garden na malayo sa gulo. Dumami na rin kasi ang nakikiosyoso.
“Sinabi mo pa, siguro sa susunod ay hindi ko na sasabihin sa kanya kung kailan ako uuwi. Para hindi na mangyari ang ganito.”
“Mas mabuti pa nga,” pagsang-ayon ni Candy sa kanya.
“Pero na-miss ko yung ganitong klaseng Gulo.”
“Walang ganyan sa New york?” tanong nito at napailing siya.
“Meron, pero iba pa rin gulo rito, nakakaaliw.”
Kapwa sila napangiti.
Ngayon na sila na lang dalawa ay hindi napigilan ni Sugar na yakapin ng mahigpit ang kanyang kambal.
Naluluha pa silang hinaplos ang pisngi ng bawat isa.
Hindi niya lang kasi basta kambal si Candy kundi bestfriend niya rin. Napaka hirap sa kanya ang hindi nila pagkikita ng 10 taon.
“Candy, thank you pala kanina ha? Doon sa mga sinabi mo kala Tita.”
“Wala iyon. Ano ka ba? huwag mo silang pinapansin. Gan’yan na mga matatanda, wala ng magawa kaya iba ang pinapakielaman.”
Wika nito kaya naman ay hinatak niya ito at binulungan. “Pero may hindi ka sinasabi sa akin? kailan mo sasabihin ang tungkol diyan?” napatingin si Sugar sa tiyan ni Candy.
Nang mapagtanto naman nito ay agad napa-sapu ito sa kanyang tiyan. “Sinabi ni Leleng?”
“Hindi,” pagsisinungaling niya. “Naramdaman ko lang, ganon daw iyon ‘di ba pag kambal? Nararamdaman,” palusot niya kaya tipid na napa-ngiti ang kapatid. “Akala ko ba ay hiwalay na kayo?”
“Hiwalay na nga, kaso ito ang nangyari. Kaya---”
“Nagkabalikan kayo?” putol ni Sugar sa kan’yag kapatid.
“Sinubukan lang, para sa mga bata naman. Saka alam mo naman na mahal ko siya kahit ba naman gago iyon.”
Niyakap ni Sugar ang kapatid ng dahil sa sinabi nito.
“Naiinis pa rin ako, pero pipilitin kong intindihin ka. Kung ano man ang desisyon mo at kung saan ka masaya, su-suportahan kita.”
Naluha si Candy sa sinabi ni Sugar. Ganon pa man ay agad niyang itinago iyon ng makita ang kanyang asawa. Napatingin siya kay Sugar at tumango ito.
“Sige na, aakyat na rin ako. Gusto ko na rin magpahinga at napagod ako sa byahe.”
Nang iwan siya ni Candy ay naglakad siya sa may mesa at inilapag doon ang baso na hawak.
Hindi pa naman siya nakakalayo ay may narinig na naman siyang bulungan mula sa mga kapitbahay.
“Naku! Foreigner na foreigner na ang dating niya oh, mukhang mamahalin rin ang kanyang mga suot. Grabe nakakainggit! Ako kaya? Kailan ako makakabili ng ganyang bag?” si Anneth iyon.
“Saka tignan mo Mars, parang hindi tumanda ang itsura niya. Mas lalong kuminis ang balat. Kutis artista! Saka ang hubog ng katawan, grabe ang sexy! Iba talaga ang glow kapag dollars ang kinikita,” sabi pa ng isang kapitbahay nila na hindi na niya matandaan kung sino..
“Kasing edad lang natin si Sugar. Pero parang walang nagbago sa katawan niya. Tingin mo ba ay nagpagawa siya?”
Napataas ang kilay niya.
“Excuse me, wala akong pinagawa ‘no. Lahat ng ito ay natural.” bulong niya sa kanyang isipan.
“Ganyan naman talaga ang katawan niya dati. Na-maintain niya lang.”
Rinig niyang wika ng isa pa sa mga chismosa.
“Buti naman ay nakakapag isip sila kahit papaano.”
Wika niya ulit sa kanyang isipan.
“Sus!, maganda at sexy lang siya. Pero mawawala rin ‘yan. Kukulubot din iyan, at kapag napagtanto niya iyon, wala na rin kasi hindi na rin gagana ang bahay bata niya. Sigurado ako. Kaya rin ‘yan hindi muna nag-asawa o nag-anak kasi ayaw niyang masira ang pigura niya. Ipinagdadamot niya ang kanyang katawan at ayaw niyang magkaanak. Saka sa edad niyang iyan? Sino pa ba ang pwedeng pumatol?. Kung ‘di mga kalalakihan na wala na lang rin choice o kaya naman matandang gurang na malapit nang mamatay.”
Rinig niyang wika ni Anneth kaya sumama ang mukha niya.
Ganoon pa man ay hindi na lang niya iyon pinansin at pumasok na sa bahay.