Cassie's POV
NANG makaalis si Jason ay muli akong bumalik sa loob ng condo unit ni Shiela. Nanlalambot ang mga tuhod na umupo ako sa sofa, saka nagpakawala ng isang mabigat na buntong-hininga para kalmahin ang sarili ko. Ang hirap ng ganito, iyong tuluyang pakawalan ang lalaking naging sentro ng buhay ko for 8 long years.
Napapagod na dumausdos ako ng upo, saka sumandal sa sandalan ng sofa. Tumikhim ako nang makailang ulit para alisin ang pagbabara ng lalamunan ko. Gusto kong umiyak pero para saan pa, wala na ring saysay kahit lumuha pa ako nang lumuha. Tapos na. Tinapos ko na ang lahat sa amin ni Jason dahil iyon ang pinakatama kong gawin.
"Umalis na?" Nag-angat ako ng tingin nang magsalita si Shiela sa tabi ko. Umupo pa siya sa tabi ko, saka pinisil ang kamay ko. "Siguro naman magsisimula ka ng mag-move on niyan kasi nakita mo kung gaano kairesponsable si Jason," sabi nito. "Kasi naniniwala akong walang mabubuo kung hindi rin nagpadala sa init ng katawan iyang ex mo. At saka hindi naman one night stand iyong nangyari sa kanila eh, magkakilala na sila tapos siguro gustong-gusto ng babaeng iyon si Jason kaya inakit. Ito namang ex mo nagpaakit kaya kahit sabihin niyang pinilit siyang magpakasal ng pamilya ng nabuntisan niya may kasalanan pa rin siya. Hindi naman siya mapupunta sa sitwasyong iyon kung hindi niya ginalaw ang babaeng iyon, hindi ba?" Mahabang litanya ni Shiela.
Hindi naman ako sumagot nanatili akong nakapikit. Hindi ko napigilang mapaluha nang muling bumalik ang sakit ng ginawa ni Jason sa akin. Naramdaman kong pinisil ni Shiela ang kamay ko.
"Move on, Cassie. Natural lang na nasasaktan ka ngayon pero huwag mong hahayaan na talunin ka ng sakit na iyan. Ipakita mong kaya mo, malamang inalis siya ni Lord sa buhay mo kasi alam Niyang hindi siya ang tamang tao para sa'yo. Gano'n naman daw iyon, 'di ba? Kapag hindi para sa'yo, mawawala pa rin siya sa'yo kahit gaano na kayo katagal."
Napahikbi naman ako. "Bakit kasi kailangan pa naming tumagal ng walong taon kung hindi naman pala siya ang para sa akin?" Nagawa kong itanong dahil sa tindi ng sama ng loob ko sa mga nangyari sa akin.
"Well, hindi ko rin alam ang sagot pero isipin mo na lang na ito ang alam Niyang makabubuti para sa'yo. At saka huwag mong iisipin na nagkulang ka, kasi walang magkukulang kung marunong siyang makontento," sabi pa nito. "Sana gets mo iyong point ko, Cassie," dugtong pa niya.
Nagmulat naman ako ng mga mata at tumingin sa kaibigan ko, saka tumango. "Oo naman, gets ko lahat," sabi ko, saka bumuntong-hininga. "Nasasaktan ako pero magmo-move on ako, Shiela. Tulad ng sabi ko sa'yo babalik na ako sa Taiwan para mas mabilis akong makalimot."
Malungkot na ngumiti ang kaibigan ko, saka ako kinabig para yakapin. At dahil sa ginawa niya lalong naglaglagan ang mga luha ko. Tahimik akong umiyak sa dibdib ng kaibigan ko na hinayaan naman niya ako. Hinaplos lang nito ang likod ko habang mahigpit akong yakap-yakap.
Kahit nang tumigil na ako sa pag-iyak ay yakap pa rin niya ako. Pinakawalan lang niya ako nang masigurong okay na ako.
"Kaya mo iyan, best, ikaw pa ba?" sabi nito.
Kiming ngumiti naman ako sa kaniya. "Thank you, Shie, for always being here with me."
"Of course, mag-best friend tayo, 'di ba? Gano'n talaga iyon damayan tayo always. At kapag naayos ko ang mga kailangan ko, susunod ako sa iyo sa Taiwan."
Napangiti naman ako. "Gagawin mo iyon?"
"Yup! Para magkasama tayong humanap ng Fafa," maharot na sabi nito. Nang tumawa ito ay napatawa na rin ako.
Ilang sandali pa kaming nagkuwentuhan. Nang dumating ang hapunan ay nag-order lang kami ng pagkain sa isang restaurant. Pareho kaming tinamad magluto kaya tamang order na lang. Nang dumating ang pagkain ay sabay kaming kumain ng kaibigan ko, pagkatapos ay muli kaming nagkuwentuhan. Hindi ako nag-worry na gabi na dahil dito ako sa condo unit ni Shiela matutulog. Gusto ko siyang makausap para kahit papaano ma-divert ang isip ko. At hindi nga ako nagkamali dahil likas na makulit ang kaibigan ko. Napapatawa niya ako sa simpleng joke niya na habey naman talaga.
Tawanan lang kami nang tawanan pero sabay kaming natigilan nang may nag-doorbell. Nagkatinginan pa kami ni Shiela.
"Ikaw na ang magbukas," utos ni Shiela sa akin. Kaagad naman akong tumayo, saka binuksan ang pinto. At gano'n na lamang ang gulat ko nang sumulpot sa harapan ko ang lasing na si Jason.
"Jason!" Malakas na sambit ko sa pangalan niya nang muntik na itong matumba. Kaagad ko siyang inalalayan. "Anong ginagawa mo rito? At bakit lasing ka?" sunod-sunod kong tanong.
"I want to see you, Cashie," bulol na sabi nito. Namumungay ang mga matang tumingin siya sa akin. "I love you, babe. Hindi ko kayang mawala ka sa akin, ang sakit, ang hirap."
Mabilis nag-init ang mga mata ko nang pumiyok ang boses nito kasabay niyon ang paglaglagan ng kaniyang mga luha.
"I hate myself for hurting you, babe. But believe it or not I love you. Iniisip ko pa lang na iiwanan mo na ako para akong pinapatay, hindi ako makahinga, Babe," umiiyak na sabi nito.
Parang pinupunit ang puso ko habang nakatitig sa luhaang mukha ni Jason. Kita ko ang sakit sa mga mata niya pero wala na akong magagawa sa bagay na iyon. Pareho kaming nasasaktan pero hanggang doon na lamang kami, ang masaktan dahil sa pagpapabaya ni Jason.
Isang malalim na buntong-hininga ang ginawa ko saka tinawag ang kaibigan ko. Mabilis naman siyang lumapit sa amin.
Mukhang nagulat pa ito nang makita si Jason na nakasalampak ng upo sa sahig. "What is he doing here?"
Umiling naman ako bilang sagot sa kaniya.
"Hoy, Jason, anong ginagawa mo rito?!" galit na tanong nito, saka hinila patayo si Jason. "Stand up! Umuwi ka na, Jason," pagtataboy nito.
"I can't," garalgal na sabi nito.
"Anong you can't? You can, hindi ka puwedeng mag-stay dito sa condo ko. Lasing ka at wala akong tiwala sa lasing na kagaya mo?" asik ni Shiela.
Napasigok naman si Jason habang nakatingin sa akin, na waring nagpapaawa.
"Let me stay for a while, please? Gusto kitang makasama--"
"No!" Sansala ni Shiela, saka pilit inilabas si Jason.
"Shie, please? Gusto ko lang makasama pa ang babaeng pinakamamahal ko," desperadong pakiusap nito.
Marahas namang umiling ang kaibigan ko, saka pinagtulakan si Jason. "Tigilan mo na ang kaibigan ko, Jason! Hindi mo ba alam na puwede niyang ikapahamak ang pagpunta mo rito? May asawang tao ka na at hindi magandang pumunta ka rito na ganiyan ang estado mo. Paano kung may makakita sa'yo at isipin nilang nakikipagtagpo pa sa'yo ang kaibigan ko, ha?!"
Natigilan naman si Jason, maging ako rin dahil may punto si Shiela. Paano nga kung may makakita at pag-isipan kami nang hindi maganda.
"Shie, please?" ani Jason.
"No! Umalis ka na, hindi ka puwede rito! Kung hindi mo kayang umuwi, itatawag kita ng taxi para makauwi ka na. Tigilan mo na si Cassie, mapapahamak lang siya sa ginagawa mo!" galit na sabi ni Shiela, saka hinila si Jason paalis. Nakakailang hakbang na siya nang lumingon sa akin. "Ihahatid ko lang siya sa baba, itatawag ko siya ng taxi kaya makakauwi siya nang maayos," sabi nito.
Alam niyang kahit papaano nag-aalala ako sa estado ni Jason. Kahit naman ganito ang nangyari sa amin hindi ko pa rin gustong mapahamak siya.
Nagpakawala ako ng buntong-hininga nang tuluyan na silang mawala sa paningin ko. Mabagal akong naglakad pabalik sa sala, iniwan kong hindi naka-lock ang pinto dahil nasa labas pa si Shiela.
Nanlalatang napaupo ako sa sofa. Napatingin ako sa cellphone ko nang makita kong umilaw iyon, kinuha ko iyon at nakita kong tumatawag si Mama.
Kaagad ko namang sinagot iyon. "'Ma?"
"Nasaan ka?" tanong nito.
"Nandito po kay Shiela, nag-text po ako kay Papa sabi ko dito na ako matutulog. Bukas na lang po ako uuwi, 'Ma," sagot ko.
Narinig ko siyang nagpakawala ng buntong-hininga sa kabilang linya. "Mag-iingat ka riyan, agahan mo na lang ang balik bukas. Akala ko kung nasaan ka na dahil gabi na wala ka pa rito sa bahay," sabi nito.
"Opo, 'Ma. Akala ko po kasi nasabi na ni Papa kaya hindi ko na kayo itinext."
"Wala siyang sinabi, busy siya sa panunuod ng TV," sagot nito. "Oh siya sige, tinanong ko lang naman kung nasaan ka. Ibababa ko na ang tawag, umuwi ka nang maaga, ha?" Bilin pa nito sa akin.
"Sige po, 'Ma," sagot ko. Eksakto namang pagbaba ni Mama ng tawag ay siyang pasok ni Shiela. Halata ang pagkairita sa mukha nito nang lumapit sa akin. "Nasaan na?" tanong ko.
"Naisakay ko na sa taxi," sagot nito. "Gago rin iyang ex mo eh, hindi nag-iisip kahit kailan! Mapapahamak ka sa ginagawa niya eh, kaya tama lang talaga ang plano mong pag-alis dahil baka mamaya kung ano pa ang mangyari sa'yo rito lalo na kung lapit siya nang lapit sa'yo," iritang sabi pa nito.
"Naisip ko rin iyan," sagot ko.
"Mabuti naman kung gano'n. Huwag kang magpapadala sa mga pagpapaawa niya, kung nasasaktan man siya ngayon kasalanan niya iyon, gago kasi siya," hirit pa nito. Ramdam ko ang gigil sa boses ng kaibigan ko.
Paulit-ulit na paalala pa ang ginawa niya sa akin. Halos inabot na kami ng hating-gabi bago nagdesisyong matulog na muna. Magkatabi kaming natulog sa kama ng kaibigan ko. Hindi naman naging mailap sa akin ang antok dahil pagod na ang isip ko sa maghapong iyon.
KINABUKASAN ay maaga akong nagising, nakiligo na rin muna ako sa condo unit ni Shiela dahil may mga damit naman talaga ako rito dati pa. Matapos makaligo ay nagbihis na rin ako, saka nagpaalam kay Shiela na uuwi muna ako. Hinatid niya ako hanggang sa lobby ng condo, hinintay niya rin muna akong makasakay ng taxi.
Hindi naman nagtagal ay lulan na ako ng taxi papauwi sa bahay namin. Makalipas ang kalahating oras ay nasa tapat na ako ng bahay namin. Kaagad akong nagbayad bago tuluyang bumaba.
Nakahanda na ang isang magandang ngiti sa mga labi ko bago pa man ako kumatok. Dalawang magkasunod na katok pa ang ginawa ko bago bumakas ang pinto.
"Hi, Mama," maganda ang ngiting bati ko sa Mama ko na siyang nagbukas ng pinto. Pero kaagad ding naglaho ang ngiting iyon nang sumulpot si Papa mula sa likuran ni Mama, saka ako binigyan ng malakas na sampal.
"Romnick!" Bulalas ni Mama. "Maghunus-dili ka!" Umiiyak na si Mama habang ako ay tigagal pa rin dahil hindi ko napaghandaan ang pagsampal ni Papa sa akin.
"Anong ginawa ko?" kapagkuwa'y tanong ko nang makabawi, sapo ko ang nasaktang pisngi.
"Disgusting!" galit na sabi niya sa akin, saka ako hinila papasok sa loob ng bahay. Napasalampak ako ng upo sa sofa nang bahagya niya akong itinulak. "Hindi kita pinag-aral para maging ganiyan, Cassandra! Nakakahiya ka!" muling umalingawngaw ang boses ni Papa.
Tumayo ako habang nakakunot ang noo. "Anong ganiyan, 'Pa? Wala akong ginagawang masama, bakit ako nakakahiya?" nagawa kong itanong ngunit isang malakas na sampal na naman ang pinadapo niya sa pisngi ko dahilan para muli akong matigagal.
"Nakakahiya ka, Cassandra!"
Doon na ako napaiyak. Nanginginig ang mga labing naglakad ako palapit kay Papa. "Anong ginawa ko, 'Pa?"
Sa halip na sumagot ay umalis siya sandali, pagbalik ay may dalang puting envelope. Inihampas niya iyon sa mukha ko dahilan para lalong maglaglagan ang mga luha ko. Nanginginig ang mga kamay na kinuha ko ang laman ng envelope at gano'n na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang makita ang mga laman niyon. Mga larawan namin ng lalaking nagisnan ko sa hotel noong nakaraang araw.
Isa-isa kong tiningnan ang mga iyon at halos manlaki ang ulo ko sa huling larawan. Ako habang natutulog na tila kumot lang ang takip ng katawan.
"Paano kayo nagkaroon nito?" Nanginginig ang boses na tanong ko.
Pero isang sampal lang ang natamo ko mula kay Papa. Galit na galit siya sa akin ngayon.
"Anong klase ka, Cassandra?! Nakipagsiping ka sa lalaking iyan?!"
"Papa, hindi, please hindi totoo iyan!" Sa wakas ay tanggi ko.
"Anong hindi totoo? Malinaw pa sa sikat ng araw na ikaw ang nasa mga larawan na iyan kaya paano mo maitatanggi iyan, ha?!" Muling dumagundong ang boses nito. Tangka niya akong sasampalin na naman pero mabilis siyang napigilan ni Mama.
"Romnick, tama na iyan! Pakinggan mo muna ang anak natin," ani Mama. Kagaya ko umiiyak na rin ito.
"Pakinggan saan, Monaliza? Sa kasinungalingan niya? Hindi lang iyan ang kasalanan ng anak mo, mayro'n pang iba!" sigaw ni Papa.
"Mas mabuti kung tanungin mo ang anak mo, hindi iyong ganiyan!" ganting sigaw ni Mama.
"Tanungin?" asik nito kay Mama bago ako binalingan. "Oh, sige, anong kagagahan ang ginawa mo at magkasama kayo ng lalaking iyan sa isang hotel? Hindi kita pinalaking ganiyan, Cassandra! Tapos kagabi ang sabi mo magkasama kayo ni Shiela pero si Jason pala ang kasama mo! Huwag mong itatanggi dahil may nakakita sa inyo! Magkayakap! Nakakahiya ka, Cassandra!"
"Tama na! Tumigil ka na muna," awat ni Mama.
"Nakakahiya ang mga ginagawa mo, Cassandra!"
"Sabi ng tama na, Romnick!"
Iiling-iling na tumingin ako kay Papa. "Ganiyan po ba kababa ang tingin n'yo sa akin, 'Pa? Sa tingin n'yo papayag akong maging kabit ni Jason? Oo mahal ko siya pero matuwid pa po ang utak ko, 'Pa. Nakakasama lang ng loob dahil hindi n'yo pala ako kilala. Tatay kita, dapat ikaw ang mas nakakakilala sa akin, 'Pa." Puno ng hinanakit na sabi ko. "Nagkita kami ni Jason para tapusin ang relasyon namin at hindi para maging kabit niya. Shiela was there, kung gusto kong makipagkita sa kaniya nang palihim hindi ko sana siya roon pinapunta, 'Pa." Sa kabila ng sinabi ko ay hindi man lang nabawasan ang galit sa mukha ni Papa.
"At iyang lalaking nasa larawan na iyan?! Paano mo ipaliliwanag iyan? Iharap mo sa akin ang lalaking iyan kung ayaw mong magkagulo tayong dalawa, Cassandra!"
"Papa, hindi ko siya kilala. Nagising na lang ako sa hotel na kasama siya--" Hindi ko natapos ang sasabihin ko nang patahimikin ako ng isang sampal ni Papa.
Hilam ang luhang tiningnan ko siya.
"Iharap mo sa akin ang lalaking iyan kung ayaw mong magkagulo tayong dalawa, Cassandra!"
"Papa, huwag na. Babalik na lang ako sa Taiwan--"
"Walang babalik sa Taiwan! Ayusin mo ang kahihiyang ginawa mo rito!"
Lalo lamang akong napaiyak nang yakapin ako ni Mama.
Ano ba 'tong nangyayari sa buhay ko? Piping tanong ko sa isip ko. Bakit pagulo nang pagulo?