Chapter 8

2437 Words
Cassie's POV MATAPOS akong saktan at pagalitan ni Papa ay nagmamadali na akong pumasok sa kuwarto ko. Sobrang sama ng loob ko, dapat sila ang mas nakakakilala sila sa akin pero napakadali sa kanilang husgahan ako. Walang tigil sa paglaglagan ang mga luha ko habang sapo pa rin ang namamanhid kong pisngi. Ang sama ng loob ko dahil ito ang unang beses na nagawa akong pagbuhatan ng kamay ni Papa. Impit akong napaiyak nang kumirot ang kanang pisngi ko. Hinagilap ko ang kumot ko at iyon ang ginamit kong pamunas ng mga luha ko. Sandali akong natigilan nang marinig kong may kumakatok sa labas ng pinto ng kuwarto ko. "Cassie, si Ate 'to, usap tayo please?" Boses ni Ate Catelyn habang kumakatok. Hindi ako sumagot, lalong hindi ako tumayo para pagbuksan siya ng pinto. "Cassie, please open the door," sabi pa nito. Hindi siya basta makakapasok dahil ini-lock ko iyon. Hindi pa rin ako sumagot, sa halip ay dumapa ako sa kama at doon umiyak nang umiyak. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sana hindi na lang ako umuwi ng Pilipinas. Pero gusto ko lang naman ng closure sa amin ni Jason eh, kagagahan ba iyon? Masama bang gusto ko ng closure? Lalo lang akong napaiyak dahil nagkandaletse-letse na talaga ang lahat. Basang-basa na ang unan ko dahil sa kakaiyak pero iyong luha ko ayaw pa ring maampat-ampat. Isang oras na yata akong umiiyak pero iyong luha ko ayaw tumigil, kusang naglalaglagan sa pisngi ko. Nakadapa pa rin ako nang maramdaman kong bumukas ang pinto ng kuwarto ko, kapagkuwa'y sumara pero hindi ako nag-abalang lumingon kung sino ang pumasok. Naramdaman kong may umupo sa tabi ko. "Cassie," tawag niya sa pangalan ko. Nang marinig ko ang boses ni Ate Catelyn ay doon ako umalis sa pagkakadapa ko. Bumangon ako, saka luhaang humarap sa ate ko. "A-Ate.." hikbing sabi ko. Awang-awa naman siyang lumapit sa akin, saka ako niyakap nang mahigpit. "B-Bakit nagawa ni Papa sa akin 'to?" Umiiyak na tanong ko. "I'm sorry, Cassie pero sana maintindihan mo si Papa kung bakit. Kagigising lang ni Papa at Mama kanina nang may magpadala ng mga larawan na iyon sa kanila. Kahit naman sinong magulang magagalit kapag nakita nilang may gano'n ang anak nila eh. Bunso ka ni Papa kaya gano'n siya ka-protective sa iyo, sa atin. Halos mahimatay si Papa nang makita ang mga larawan mo na may kasamang lalaki sa kama. Walang magulang ang matutuwa kapag nakita iyon, hindi ko sinasabing tama si Papa sa ginawang pananakit sa iyo kasi mali iyon pero alam ko kung saan siya nanggagaling, Cassie. Mas lalo siyang nagalit nang may tumawag sa kaniya at sinabing kasama mo kahapon at kagabi si Jason," mahabang litanya ni Ate Catelyn. "Pero wala akong ginagawang masama at hindi totoong kasama ko siya kagabi. Nag-usap kami, Ate, kasi gusto kong tapusin nang maayos ang walong taong relasyon namin ni Jason. Pero pagkatapos niyon, pinaalis ko rin siya roon. At isa pa, Shiela was there, hindi lang kaming dalawa ang nasa condo niya. Hindi ako umuwi kasi gusto kong makipagkuwentuhan kay Shiela kasi balak kong bumalik na sa Taiwan. Pero kagabi bumalik si Jason sa condo ni Shiela, lasing siya Ate, muntik na siyang matumba kaya inalalayan ko siya. Pero pagkatapos niyon pinaalis namin siya ni Shiela, hinatid pa nga siya ni Shiela sa labas eh, isinakay pa niya sa taxi para makauwi nang maayos. Wala akong ginagawang masama, Ate, matino pa naman ako kahit ang sakit-sakit na," humihikbing pagkukuwento ko sa kaniya. "Cassie--" "Kung sino man ang may gawa nito, alam kong gusto niya lang akong mapahamak." "Naniniwala ako sa part ng kuwento mo about Jason kasi kilala kita pero iyong tungkol sa lalaking kasama mo sa larawan, sino siya?" Umiling ako. "Hindi ko siya kilala, Ate." "Pero nakipagsiping ka sa kaniya? Bakit mo ginawa iyon? May nangyari ba talaga sa inyo?" Muling naglaglagan ang mga luha ko nang maalala ko ang hitsura ko nang magising ako ng gabing iyon. Hindi ako pariwarang babae pero dahil sa sakit na nararamdaman ko ng gabing iyon naging gano'n na pala ako nang hindi ko namamalayan. "Cassie, may nangyari ba?" Muli niyang tanong. Nag-angat ako ng mukha. "Hindi ko alam, basta nagising akong katabi ko siya sa kama. Nakahubad siya habang ako suot ko ang damit niya, wala akong panloob." Lalo akong napaiyak dahil naiwala ko nang gano'n lang ang iniingatan kong p********e. Sa lalaking hindi ko kilala. Napabuntong-hininga naman si Ate. Tila awang-awang hinagod niya ang buhok ko. "Tahan na, magang-maga na ang mga mata mo eh," pagpapatahan niya sa akin. "Wala na tayong magagawa kung naibigay mo na talaga sa kaniya, hindi na maibabalik iyon kahit anong pag-iyak pa ang gawin mo." "Ate.." "Hindi ko maiwasang magalit kay Jason dahil nagkandaletse-letse ka simula nang gaguhin ka niya. Ang taas pa naman ng tingin ko sa kaniya tapos ganito lang ang gagawin niya sa'yo?" Ilang sandali pa akong umiyak bago tuluyang maampat ang mga luha ko. Umalis ako sa kama, saka pumunta sa closet ko. Pinag-aalis ko ang mga gamit ko roon at mabilis na inilagay sa maleta ko. "Cassie, anong ginagawa mo?" Rinig kong tanong ni Ate sa tabi ko. "Babalik na lang ako sa Taiwan, Ate," sagot ko, saka patuloy na naglagay ng mga gamit sa maleta ko. "Cassie, no!" Pigil niya sa akin. Malungkot ko siyang tiningnan. "Aalis na lang ako para tapos na." "Cassie, next week pa ang alis mo." "Ipapabago ko--" Natigilan ako nang makita ko si Mama na nasa pinto ng kuwarto ko. Kagaya ko, maga na rin ang mga mata nito. "Mama." Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa akin at sa mga maleta ko, kapagkuwa'y muling ibinalik ang tingin sa akin. "Anong ibig sabihin nito, Cassandra?" "Mama, aalis na po ako," malumanay kong sabi. Naglakad siya palapit sa akin. "I'm sorry sa ginawa ng Papa mo, pero hindi mo kailangang umalis ngayon. Mag-usap kayo ng Papa mo, Cassie." "Hindi siya makikinig sa akin, 'Ma, kasi gano'n na ang tingin niya sa akin. Palaging taga-dala ng gulo sa pamilya natin," tampong sabi ko. "Cassie.." "Malinis ang konsensya ko, 'Ma. Alam ko kung anong ginagawa ko." "Pero iyong nangyari sa inyo ng lalaking iyon sa hotel, alam mo rin ba?" "'M-Ma.." wala akong mahapuhap na sasabihin kaya nag-iwas na lang ako ng tingin. "Ipaliwanag mo iyon sa Papa mo para maintindihan ka niya. Mag-usap kayong dalawa," giit nito. "Galit pa siya, 'Ma, hindi pa niya ako pakikinggan." "Makikinig iyon, maniwala ka--" Nahinto sa pagsasalita si Mama nang kumatok sa nakaawang na pinto ang kasambahay namin. "Bakit?" "Ma'am Mona, pinapatawag po kayo ni Sir Nick," sagot ni Ate Lita, ang kasambahay namin. "Bakit daw?" tanong ni Mama. "May dumating po kasing mga bisita, Ma'am." Nagkatinginan kami ni Mama at Ate Catelyn sa sinabi nito. Nang tumayo si Mama mula sa pagkakaupo sa kama ko ay ibinalik ko ang atensyon ko sa ginagawa ko. Ngunit kaagad din akong napahinto dahil sa sunod na sinabi ni Ate Lita. "Pati po si Cassie pinapatawag po ni Sir Nick." "Ako?" tanong ko at kapagkuwa'y tumayo. "Bakit pati ako?" Hindi naman ito sumagot, si Mama ang binalingan nito. "H-Hindi ko rin po alam." Nang lumabas si Mama ay hindi ako sumunod, nanatili akong nakatayo sa kinaroroonan ko. Mukhang napansin ni Mama na hindi niya ako kasunod kaya binalingan niya ako. "Cassandra, halika na," untag niya sa akin. "Ma, susunod po ako--" "Halika na," sansala nito. Nang balikan ako ni Mama at hawakan sa braso ay wala na akong nagawa kun'di ang magpatianod na lamang sa paghila nito. Kasunod na rin namin si Ate. Pagdating sa sala ay napatda ako nang makita kung sino ang bisitang tinutukoy ni Ate Lita. Anong ginagawa niya rito? Piping tanong ko sa isip ko nang makita ko ang lalaking nagisnan ko sa hotel ng araw na iyon. Kaagad akong napabitaw kay Mama, saka malalaki ang hakbang na lumapit sa kaniya. "Anong ginagawa mo rito?!" halos maglabasan ang ugat sa leeg ko sa sobrang galit. "Ikaw ba ang nagpadala ng mga larawan sa mga magulang ko?!" sigaw ko, saka siya binigyan ng malakas na sampal. Napasinghap ang lahat sa ginawa ko, maging ang dalawang lalaking kasama nito na sa tingin ko ay kaedad lamang ng lalaking sinampal ko. "Cassandra!" boses ni Papa. "Anong ginagawa mo rito?" tanong ko pa sa halip na pansinin si Papa. "Anong ginagawa mo rito?!" "Pumunta ako rito para panagutan ang ginawa ko ng gabing iyon. Alam ko kung anong ginawa ko kaya nagdesisyon akong panagutan ka. Nang magising ako na wala ka sa tabi ko ng umagang iyon, hinanap kita kaagad pero ilang araw pa bago kita nahanap. Kaya narito ako para humarap sa pamilya mo at sabihing wala akong planong takasan ang ginawa natin ng gabing iyon-" "No!" Malakas na sabi ko. "Hindi ako papayag!" "But I want to marry you-" "No way! Hindi ako magpapakasal sa'yo!" "Cassandra!" mahina ngunit mariin na bigkas ni Papa sa pangalan ko. Humarap ako sa kaniya at kitang-kita ko ang galit sa mukha nito. "P-Papa.." umiiling-iling na sabi ko. Nagtagis ang mga bagang nito habang nakatingin sa akin. "Ayaw mo? Paano kung magbunga ang ginawa niya sa'yo? Gagawin mong bastardo ang anak mo?!" Napaawang naman ang mga labi ko. "Hindi ako buntis, Pa!" "At paano ka nakakasiguro, ha? Nakipagsiping ka sa lalaking iyan tapos sasabihin mong hindi ka buntis?!" "Hindi ako buntis at kung buntis man ako hindi pa rin ako magpapakasal sa lalaking iyan! Magpapakasal lang ako sa lalaking mahal ko at hindi sa kung sino lang!" Sigaw ko, saka mabilis na tumakbo. "Cassandra!" Narinig ko pang tinawag ni Papa ang pangalan ko pero dire-diretso lang ako hanggang sa makapasok sa kuwarto ko. Ini-lock ko iyon, saka pabagsak na dumapa sa kama. Ilang sandali pa akong umiyak hanggang sa mapagod ako at makaramdam ng antok. Hinayaan kong tangayin ako ng antok. ____________ HINDI ko alam kung gaano ako katagal na nakatulog basta nagising na lamang ako dahil sa mainit na sikat ng araw na tumatama sa mukha ko. Sikat ng araw? Piping tanong ko sa isip ko, saka mabilis na napabalikwas ng bangon. Nanlaki ang mga mata ko nang makita sa cell phone ko na alas diyes na pala ng umaga. "Gano'n katagal ang tulog ko?" Tanong ko pa sa sarili ko habang papunta sa banyo. Napangiwi ako nang makita ko ang hitsura ko sa salamin. Magang-maga ang mga mata ko na parang nakagat ng ipis. Hinawakan ko iyon habang patuloy na pinagmasdan ang aking sarili. Nang magsawa akong tingnan ang pangit na hitsura ko sa salamin ay naligo na ako. Matapos maligo ay nagbihis na rin ako pero sa halip na lumabas ng kuwarto ay muli akong humiga sa kama ko. Pinipilit kong i-proseso sa utak ko ang gustong mangyari ng lalaking iyon. Pakasalan ako? Gago ba siya? Ni hindi kami magkakilala pero pakakasalan niya ako? Oo at natatandaan ko siya na siya ang lalaking nakasakay ko sa eroplano noong pauwi ako rito sa Pilipinas, naging mabait siya sa akin that time pero hindi pa rin sapat na dahilan iyon para pumayag ako. Hindi ako magpapakasal kahit kanino. At kung mabuntis man ako hindi pa rin sapat na dahilan iyon para magpakasal ako sa taong hindi ko naman mahal. Hindi ako mapipilit ng kahit na sino, kahit si Papa. Never. Buo ang loob na bumangon ako, saka nagpalit ng damit na pang-alis. Balak kong lakaran ang mga papel ko para mas mapabilis ang pag-alis ko. Lumabas ako sa kuwarto bitbit ko bitbit ang bag ko na may lamang personal belongings ko. "Saan ka pupunta?" Napatda ako sa tangkang paglabas nang marinig ko ang boses ni Papa mula sa aking likuran. "Saan ka pupunta?" "May aayusin lang po ako," malumanay kong sagot. "Hindi ka aalis, Cassandra," matigas na sabi nito. Hinarap ko siya, nakita kong katabi pala nito si Mama na ngayon ay malungkot na nakatingin sa akin. "Walang lalabas ng bahay na ito, Cassandra, mag-uusap tayo." "Pagbalik ko na lang po, Papa, naka-schedule na po ako sa--" "Mag-usap muna tayo, Cassandra." Nagulat ako dahil malumanay ang boses ni Papa ngayon, wala rin ang bangis sa mukha nito. "Papa, aayusin ko lang po ang mga papel ko para sa pag-alis ko," sagot ko. "Babalik din po ako kaagad," sabi ko. "Cassandra, about yesterday, I want to apologi--" Natigil sa pagsasalita si Papa nang marinig namin ang malakas na sigaw mula sa labas ng gate. Nagkatinginan kaming tatlo at sabay-sabay na lumabas para tingnan kung sino ang tila nagwawala sa labas. Gano'n na lamang ang pagbundol ng kaba sa dibdib ko nang makita si Jason. Siya ang nagkakalampag sa gate namin. Nagkatinginan kami ni Papa, muling naging mabangis ang awra nito. "P*tangina talaga ang lalaking ito!" Galit na sabi nito, saka gigil na binuksan ang gate. "Papa!" "Romnick!" Sabay na sigaw namin ni Mama nang paglabas na iyon ni Papa ay inundayan niya ng sunod-sunod na sapak si Jason. Lasing yata ito kaya kaagad itong napahiga sa semento. "Papa, taman na po!" Inawat ko siya sa takot na baka makapatay ito nang wala sa oras. "Papa, tama na po!", "Romnick, tama na iyan!" Maging si Mama ay nakiawat na rin dito. Hinila nito si Papa palayo kay Jason. "Maghunus-dili ka, Romnick!" "Eh tarantado ang lalaking iyan eh! Makapal mas'yado ang mukha para sumugod pa rito!" Sigaw nito, saka binalingan muli si Jason na ngayon ay nakatayo na habang may dugo sa gilid ng mga labi. "Cassie, babe.." hikbing sabi nito. "Jason, puwede ba tama na. Nag-usap na tayo, hindi ba? Tapos na tayo, kaya please lang tumigil ka na rin." Pakiusap ko sa kaniya pero sadyang makulit si Jason, idagdag pang nakainom yata ito dahil amoy alak ang singaw ng katawan. "I'm lost, babe. Hindi ko kayang mawala ka--" "Tarantado!" Sabat ni Papa, saka hinaklit ang damit na suot nito. "Tigilan mo na ang anak ko! May pamilyang tao ka na pero nagagawa mo pa ring pumunta rito?! Tigilan mo na ang anak ko dahil magpapakasal na rin siya sa iba!" Kitang-kita ko ang gulat sa mukha ni Jason, saka tumingin sa akin. "Is it true, babe?" Pumiyok ang boses nito. "Yes, it's true!" Si Papa ang sumagot. "Ikakasal na rin si Cassandra kaya tigilan mo na siya! Mas gugustuhin ko pang maikasal siya sa lalaking iyon kaysa ang maging other woman mo ang anak ko! Gago!" Galit na galit na sigaw ni Papa, saka kinaladkad si Jason palayo sa gate namin. Paulit-ulit na isinigaw ni Jason ang pangalan ko pero nakatitig lang ako sa kaniya. Naaawa ako sa nakikita kong kamiserablehan niya pero mas naaawa ako sa sarili ko dahil mukhang lalong igigiit ni Papa ang ipakasal ako sa lalaking iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD