BBC Chapter 34

1227 Words
Nagtanong tanong ako kahapon sa reception at nirecommend sa akin ang dalawang traysikel na siyang sasakyan namin sa buong araw na pag-stay namin sa resort. Mas mabuti na mapagkakatiwalaan ang aming kukuning drayber dahil kung kami ang makikipag-usap sa labas ay baka taasan ang singil sa amin dahil nga turista kami. Dalawang traysikel ang aking inarkilahan para sa buong araw na tour ng aming grupo. Si Hardy at ang dalawang babae ang magkasama sa isang traysikel at dalawa naman kami ni Peter sa isa pa. Una muna kaming pumunta sa Tagmanocan Cave kasunod ay sa Banahaw Cave at huli sa Cambugahay Falls. Dahil hindi naman kalakihan ang Siquijor ay nakarating kami kaagad sa aming unang destinasyon- ang Tagmanocan Cave. Marami palang mga kweba dito sa Siquijor kaya naman sa unang araw ay kuweba muna ang aming pupuntahan para maiba naman. Hindi masyadong kilala ang Tagmanocan Cave kaya ng araw na pumunta kami ay solo ng aming grupo ang lugar. Nag park lamang sa labas ng kalsada ang aming traysikel at pumasok na kami sa daan na tinuro ng aming drayber. Hindi naman kalakihan ang Tagmanocan Cave pero maganda ito sa loob. Walang masyadong stalactites sa loob pero mayroong malaking stalagmite sa pinakagitna nito. Mayroon ding maliit na ilog sa loob ng kweba. Dahil maliit lamang ang kweba ay mga tatlo o apat katao lamang ang pwedeng pumasok sa loob. Picture doon, picture dito. Pose doon, pose dito. Nag-enjoy naman kaming lahat sa una naming pinuntahan. Kakaiba kasi usually kapag bakasyon, ang ibang traveller ang tipikal na pinupuntahan ay beach kaagad samantalang sa amin ay kweba. Tuwang tuwa naman ang apat kong kasama kasi ngayon ay may iba na silang ipo-post sa kanilang mga social media maliban pa sa mga beach scenery. Inabot lamang kami ng lampas isang oras sa Tagmanocan Cave at nagpasya na kaming pumunta sa kasunod na lugar - ang Banahaw Cave. Magkalapit lamang daw ang sunod na kweba ayon sa aming drayber kaya bago kami tumuloy sa sunod naming destinasyon ay nananghalian muna kami sa nadaanan naming karinderya. Ang kainaman lamang sa mga kasama ko ay hindi sila maarte kaya kahit papaano ay kahit anong mga pagkain ay pwede naming orderin. Napansin ko lamang na hindi masyado nag-uusap si Hardy at si Peter. At least kahit hindi sila nag-uusap ay hindi na matalim ang tingin ni Hardy kay Peter. Nang dumating na ang order namin ay nanalangin muna kami para magpasalamat sa biyayang bigay ng Diyos. Matapos manalangin ay excited na kaagad silang kumain kasi mainit init pa ang sinerve sa amin. "Ooooppss.. Just wait guys. Don't eat first." sabi ko sa kanila. Tumingin ako sa aming mesa. Wala akong may nakitang mga condiments katulad ng toyo, patis, suka at paminta. "Ate! Ate!" tawag ko sa may-edad nang babae na nagserve sa amin ng pagkain. "May asin po ba kayo?" "Wala." tumalim bigla ang tingin sa akin may-edad na babae. "Eh.. m-may kalamansi po kayo?" "Wala din." mas lalong tumalim ang tingin nito sa akin. "Bakit po wala kayong mga condiments, Ate? Mahilig po kasi ako sa toyo at kalamansi kaya gusto ko po sana manghingi." "Pasensiya na 'Day kasi naubusan kami ng hinahanap mo. Timplado naman ang aming mga nilulutong pagkain at masasarap kaya hindi na rin kailangan pa ng asin at kalamansi." banayad na sabi ng may-edad na babae pero ang tingin nito sa akin ay nakamamatay na. "Sige po. Salamat nalang po, Ate." Umalis na ang may-edad na babae noong magpasalamat na ako. Mabuti na lamang at girl scout ako. Naghalungkat na ako sa aking bag. Lagi akong may baon na hiniwang kalamansi dahil nga noong kabataan ko ay minsan ko nang narinig nag-uusap ang aking Mama at kapitbahay na muntik ng aswangin ang isa pa naming kapitbahay. Mahilig daw 'yon pumunta sa mga handaan at pistahan. May isang pangyayari na naimbitahan itong maki-pista sa isang liblib na lugar sa amin sa Negros. Meron daw itong nakain at nang umuwi ito sa amin ay ilang araw lamang ay nagbago na ito at nakikita na lamang sa gabi. Mabuti na lamang at pinatingnan ito ng kanyang mga kaanak sa isang albularyo at nalaman na 'niyanggaw' o in-aswang pala ang aming kapitbahay. Dahil maalam sa panggagamot ang albularyo ay gumaling ang aming kapitbahay at simula noon hindi na ito pumunta sa mga handaan at pistahan. Na-trauma 'ata na muntik na siyang maging aswang. Ang payo naman ng albularyo ay sa tuwing pupunta o kakainin sa mga hindi kilalang lugar o hindi kilalang tao ay budburan lamang ng kalamansi ang pagkain na binigay. Kapag nagbago ang hitsura ng pagkain, ibig sabihin na may masamang plano ang taong nagbigay ng pagkain. Kaya simula no'n lagi na akong may kalamansi. "This taste good." Nahindik ako ng makita kong tinikman ni Peter ang isang pritong isda na nakahain sa aming mesa. "Peter, don't!" huli na at nakakain na ito ng kapirasong laman ng isda. Napatingin silang lahat sa akin at nagtataka bakit ko sinabihan si Peter ng ganoon. Siyempre hindi sila laking Pinas kaya wala silang alam sa mga pamahiin o desparates ng mga matatanda. Mahilig pa man din akong maniwala sa ganyan. Mas mabuti na ang nag-iingat kasi wala namang mawawala sa akin. Yumuko ako at sa mahinang boses ay nagpaliwanag sa kanila. "Sorry if I raise my voice. Don't just eat, yet. You will not understand me but I know what I'm doing. Just trust me guys." binudburan ko na ng kalamansi ang mga pagkaing hinain sa amin. Pasimple lang aking ginagawa dahil nakaantabay ang may-edad na babae at nakatingin sa aming gawi. Sa apat na putaheng hinain sa amin ay tatlo ang nag-iba ang hitsura. Hindi iyon napapansin ng mga kasama ko pero alam kong may kakaiba doon sa tatlong putahe, kasama na doon ang isdang nakain ni Peter. Tingin ko ay isang kagat lamang ang nakain ni Peter kaya pinapanalangin ko na sana ay hindi sasama ang kanyang pakiramdam. Isang putahe lamang ang hindi nagbago ang hitsura at iyon ay ang sinabawang isda kaya iyon lamang ang nilagay ko sa gitna. Ang tatlong putahe ay nilagay ko aking harapan para hindi na nila magalaw pa. Binudburan ko rin ng konting kalamansi ang aming mga kanin at tubig. Mukhang safe naman ang kanin at tubig kaya nagbigay na ako ng go signal na pwede nang kumain. Kahit nagtataka sa aking ginawi ay hindi na sila umangal pa. Nagsikainan na kami. Ang dalawang drayber na inarkilahan namin ay inaya namin kaninang kumain pero umayaw lamang ang mga ito. Sa isip ko kaya siguro umayaw dahil baka alam nila na kakaiba ang karinderyang aming kinainan. Nang matapos kaming kumain ay nagbayad na ako ng aming mga kinain. Kahit ang kahera ay masama din sa ang tingin sa akin dahil mukhang alam din niya na hindi namin kinain ang ibang putaheng sinerve nila sa amin. Akmang iaabot na niya ang aking sukli ng sinabihan ko na lamang na ilapag niya ito. Ayaw pa sana niyang ilapag pero tinaliman ko ito ng tingin. Akala siguro ay matatakot niya ako. Laking probinsiya ako kaya alam ko ang mga ganitong eksena. Mataas kaya ang 'dungan' ko. Wala nang nagawa ang kahera kaya inilapag na nito ang aking sukli. Dali dali ko naman iyong kinuha at nilisan na namin ang karinderya. Tutuloy na kami sa susunod na kwebang aming pupuntahan- ang Banahaw Cave. Ano na naman kaya ang ma-eexperience namin do'n.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD