Valeen's POV
MANILA, PHILIPPINES
Matapos ang halos limang oras na byahe, nakarating din ako ng Maynila. Ibang iba ito kaysa sa lugar kung saan ako lumaki. Napakaraming tao. Napakaraming sasakyan at higit sa lahat, napakaraming matataas na gusali sa paligid. Nakakalula ang taas. Ganito ba kayayaman ang mga tao sa syudad?
Nagpalinga linga ako sa paligid. Hindi pa masyadong tirik ang araw dahil maaga pa. Nandito ako sa tapat ng isang pamilihang bayan. Wet and Dry market ang nakita kong nakalagay sa taas noon. Lumakad ako papasok sa loob. Mabilis na kinabisa ko ang pasikot sikot doon.
Alam ko na ang gagawin ko para mabuhay dito. Pwede akong pumasok bilang katulong sa mga nagtitinda ng kung ano-ano. High School lang ang natapos ko kaya malamang sa malamang ay tindera lang ang mapasukan kong trabaho dito.
May nakita akong tinderang hindi magkandaugaga sa pagtitinda dahil nag-iisa lang ito. Agad na nilapitan ko s'ya.
"Ale, naghahanap po ba kayo ng makakatulong dito sa tindahan n'yo? Pwede po ako!"
Nakita kong umiling s'ya with matching hand signal. Naunawaan ko naman kaya umalis na ako. Sa iba na lang siguro ako magtatanong.
Matapos ang isang oras na pag-iikot, halos maikot ko na ang buong pamilihan na 'yon pero wala pa rin akong nahahanap na mapapasukan. Napabuntonghininga ako at naupo sa isang tabi. Gutom na rin ako kaya nagpasya akong kumain sa isang karinderya doon.
Matapos kong kumain ay ipinagpatuloy ko na ang paghahanap ng mapapasukan. Lumabas ako at nag-ikot ikot doon. Hanggang sa may nabasa akong 'WANTED SALES LADY'
Agad na nilapitan ko iyon at binasa. Papasok na sana ako nang may isang gwapong lalaki ang lumabas mula doon. Sa tingin ko ay nasa 40 years old na ito. Nakakunot ang noo nito habang may kausap sa phone.
"Palabas na ng supermarket, Wifey. What?! Ano namang alam ko sa pagpili ng diaper?! Tss. Fine fine," rinig kong sabi nito at bumalik ulit sa loob. Mukhang may nakalimutan itong bilhin.
Pumasok na rin ako sa loob at nagtanong sa guard. "Ah, mag-aapply po sana para maging sales lady,"
"Naku, Hija, sayang! May nakuha na kahapon. Pasensya na at hindi ko pa pala natanggal 'yong nakapaskil sa labas," sabi nito at lumabas para siguro tanggalin na iyon.
Napabuntonghininga ulit ako at nanlulumong lumabas na ng supermarket. Kasunod ko ay 'yong mamang gwapo na may kausap kanina sa phone. Mukhang nagmamadali ito at may kausap pa rin sa phone. Asawa siguro nito.
"Oo na, Wifey. Eto, pauwi na ako. Kiss ko mamaya ha?" sinundan ko pa s'ya ng tingin hanggang sa lumapit ito sa magarang kotse. Nagulat ako nang makita kong may nalaglag mula sa bulsa nito. Tumakbo ako para habulin s'ya pero mabilis na nakalayo na ang kotse nito. Pinulot ko ang itim na bagay na nahulog mula dito. Pitaka!
At dahil sadyang usisera ako ay binuklat ko iyon. May nakita akong picture ng isang pamilya. Napakaganda ng babaeng katabi nito sa picture na may hawak na isang sanggol. Sa gilid naman nung mamang gwapo ay nakatayo ang dalawang batang lalaki. Kambal yata ang mga ito dahil magkamukhang magkamukha. At parehong gwapo! Psh! Saan pa nga ba magmamana eh ang gwapo nung mama.
Binuklat ko pa 'yon at may nakita akong card. Binasa ko ang nakasulat doon.
"Maverick Yu?"
May nakita akong address sa card na 'yon pero hindi pamilyar sa akin. Nagtingin tingin pa ako sa laman ng wallet at puro card at ID ang laman. Sigurado akong mahalaga ito para sa mamang gwapo na 'yon. Kailangan kong maibalik sa kanya ito.
Kinuha ko ang card at nagtanong tanong kung saan ang address na nakalagay sa card. Sakto namang mayroong taxi na dumaan sa gilid ko. Nang pinakita ko ang address ay isa pala iyong sikat na subdivision sa di kalayuan kaya sumakay na agad ako.