Valeen's POV
Pasado alas nuebe na ng gabi nang makauwi ako galing sa restaurant. Dinukot ko sa bulsa ang dalawang libong ibinigay sa akin ng isang mag-asawang mayaman kanina dahil nagustuhan nila ang niluto ko. Halos yakapin ko na sila kanina sa sobrang tuwa. Malaking tulong 'to pandagdag sa iniipon kong pang-aral sa susunod na taon. May tatlong libo na akong ipon sa bahay kaya may limang libo na ako.
Agad na ibinalik ko na iyon sa bulsa ko at baka makita pa ni Aunty. Hindi ko kasi binabanggit sa kanila ang mga tip na ibinibigay ng ibang customers. Gusto n'ya kasi ay wag na akong magtira para sa sarili ko dahil wala naman daw akong poproblemahin sa araw araw kong gastos dahil sa bahay nila ako kumakain araw-araw.
Nakarating ako sa bahay at narinig ko silang masayang naghahapunan. Mukhang maraming pagkain ngayon. Ano ba'ng meron? Pilit kong iniisip kung anong okasyon ngayon para maghanda sila ng marami pero wala talaga akong makuhang sagot.
"Oh, Valeen! Nand'yan ka na pala! Halika at kumain. Masarap ang mga ito!" yaya ni Aunty. Muntik pang tumaas ang kilay ko. Nakita kong kagat kagat n'ya ang hita ng litsong manok.
'Nakakabait na ba ngayon ang litsong manok?'
"Gosh! Tataba ako nito. I hate bilbil pa naman!" maarteng sabi ni Jemma. Muntik nang umikot ang mga mata ko. Eh halos tumatlong layer na nga ang bilbil n'ya eh. Hate pa n'ya ng lagay na 'yon? Binatukan s'ya ni Jessa. "Aray! Ba't na naman ba nambabatok ka? Insekyorang froglets 'to!"
"Akala ko, favorite mo ang bilbil eh. Feel na feel mo kasing isuot?" sinamaan naman s'ya ng tingin ng kapatid. Napailing na lang ako. Pareho naman silang puro bilbil eh. Paanong hindi eh wala naman silang ginagawa sa bahay na 'to kundi kumain, matulog at manood ng TV.
"Aunty, ano po'ng okasyon? Bakit ang dami po'ng pagkain?" usisa ko at kumuha narin ng letson na halos puro buto na lang. 'Yong totoo? Ano ako? Aso?
Sasagot na sana si Aunty nang unahan s'ya ni Jemma. "Pera mo kaya—"
"Handa yan ni Jemma kasi naka-perfect s'ya sa quiz. 2 items!" putol ni Aunty sa sasabihin nito. Nakita ko pa kung paano pinandilatan nito ang anak. Huh? 2 items lang ipaghahanda na? Sosyal!
Hindi ko na lang sila pinansin at kumain na lang ng 'tira-tira' nilang mag-iina. Matapos namin kumain ay naghugas na ako ng pinggan tsaka pumasok na sa maliit kong kwarto. Muling dinukot ko ang dalawang libo sa bulsa at ipinatong iyon sa ibabaw ng cabinet. Isasama ko na iyon sa ipon ko.
Agad na kinuha ko ang box kung saan ko itinatago ang ipon ko. Tumingin pa ako sa paligid bago binuksan iyon. Mahirap na, baka makita pa ng mag-iinang iyon.
"Huh? Walang laman? Teka? Nasaan na 'yon?" nagulat ako nang pagbukas ko ng maliit na box ay puro barya na lang ang natira doon. Hindi naman ako nagbago ng lalagyan pero nasaan na?
Halos maitaob ko na ang buong cabinet pero hindi ko pa rin nakikita ang ipon ko. Napatigil ako sa paghahanap nang maalala ang mga tinginan nila Aunty kanina. Napalunok ako at nakaramdam ng kaba. Nakita ba nila 'yong pera ko? Sila kaya ang kumuha at s'ya nilang pinambili ng mga masasarap na pagkaing 'yon?
Dali daling bumaba ako sa sala at nakita ko silang prenteng nanonood ng TV. Nilapitan ko sila.
"Aunty, nakita n'yo po ba 'yong pera ko sa kwarto?" napatigil naman ito sa pagtatanggal ng tinga.
"Oo. Kinuha ko nga. Wala ng pera eh. Tsaka hindi mo manlang sinasabing may pera ka pala. Wala na tayong pambayad sa kuryente at tubig," halos mapapikit ako sa inis.
"Pero, sana po nagpaalam muna kayo—"
Bigla itong tumayo sa kinauupuan at inis na hinarap ako. "Hoy! Pamamahay ko 'to! Dito ka sa poder ko nakatira, kaya kung ano'ng meron sa'yo, sa akin na rin! Kaya hindi ko kailangang magpaalam pa sa'yo! Tandaan mo, Valeen. Kung hindi dahil sa akin, matagal ka ng namatay sa gutom dahil pinabayaan ka ng ambisyosa mong ina!" muling sumbat na naman nito. Laglag ang mga balikat na bumalik na ako sa kwarto at doon ay nag-uunahang tumulo ang mga luha ko.
Para na rin akong nawalan ng pag-asang makapag-aral. Halos dalawang buwan ko ring inipon ang perang 'yon pero nawala lang ng ganon na lang.
Kinuha ko ang picture ng Nanay at Tatay ko sa cabinet at kinausap iyon. "Nay, Tay.. Hirap na hirap na po ako.." hinaplos ko ang nakangiting larawan ni Nanay. "Nay, nasaan ka na ba? Sana isinama mo na lang ako sa'yo.."
Muling hinawakan ko ang dalawang libong piso. Sapat na siguro 'yon para makapunta ako ng Maynila. Marami naman akong alam na trabaho kaya doon na lang siguro ako mamamasukan habang hinahanap ko ang kapatid ni Nanay. Muli kong hinaplos ang larawan n'ya.
"Tay, tulungan n'yo po ako'ng mahanap ang kapatid ng Nanay.. Sana po walang mangyaring masama sa akin sa Maynila," niyakap ko ang larawan nila at dali daling nag-empake ng mga gamit. Bago sumikat ang araw kinabukasan ay aalis na ako dito.