Chapter Five

3228 Words
NATULALA si Chaia matapos marinig ang mga katagang binitiwan ni Karl mula sa kabilang linya. Wala sa loob na nailayo niya ang cellphone mula sa tenga niya, saka tiningnan iyon na para bang si Karl iyon.           Hindi siya maaaring magkamali. Narinig na niya ang mga katagang iyon. May nagsabi na rin sa kanya niyon, at kung tama siya ng pagkakatanda. Halos labindalawang taon na rin ang nakakalipas. Napahawak siya sa suot niyang kwintas.           “Pogs,” bulong na sabi niya.           Napakurap siya ng marinig niyang nagsasalita pa sa kabilang linya si Karl. Tumikhim siya ng malakas para kahit paano ay bumalik sa kasalukuyan ang isip niyang biglang hinila ng nakaraan.           “Uh, oh? Sorry, may naalala lang ako.” Aniya.           “Are you really okay?” tanong ulit nito.           “Uh, oo! Oo! Okay lang ako.” Sagot niya. “Maraming Salamat sa pagtawag. Naabala pa yata kita.”           “What are you saying? Ako naman ang tumawag sa’yo.” Anito. “So, I’ll hang up now. I’ll just see you later.”           “O-okay, thanks.”           Pagkatapos nilang mag-usap. Nahulog siya sa malalim na pag-iisip. Saka malayang binalikan kung sino si “Pogs” sa buhay ni Chaia.             HABOL ni Chaia ang hininga niya nang huminto siya sa pagtakbo. Pagdating niya sa park na iyon. Tulala at luhaan siyang naupo sa isang wooden bench sa ilalim ng malaking puno ng Acacia. Doon siya umiyak ng umiyak. Hindi niya maintindihan kung bakit galit ang Ate Macy niya sa kanya. Madalas siyang      napapahamak sa tuwing magkasama sila. Natatandaan pa niya, niyaya siya nitong gumala sa mall. Dahil wala naman siyang pasok sa school ng mga panahon na iyon, sumama siya dito. Isa pa, naisip niyang pagkakataon na nilang dalawa iyon para tuluyan ng maging malapit sa isa’t isa. Ramdam kasi niya dati pa na hindi siya nito gusto. Habang nag-iikot sa department store, nagulat na lang siya dahil bigla siyang dinampot ng mga guwardiya ng Department Store. Inakusahan siya ng mga ito na nag-shoplift siya. Mariin niyang tinanggi iyon dahil alam niyang masama iyon, ngunit nagulat na lang siya dahil nakita sa loob ng bag niya ang isang stuff toy na may price tag pa at bahagya pa iyong nakalabas. Kaya marahil ay nakita iyon ng saleslady.           Pagdating sa bahay, sinumbong siya nito. Pinalo siya ng Papa niya ng dahil doon. Hanggang sa paglipas ng mga araw, sa tuwing lumalabas sila ng Ate niya. Palagi siyang nahuhuli sa parehong kaso. Ngunit alam ng Diyos na wala siyang ginagawang masama. Hanggang sa dumating ang pagkakataon na ang Ate niya ang nahuli ng mga security guard ng isang grocery store na pinasukan nila. Huli ito sa aktong naglalagay ng mga paninda sa loob ng backpack niya. Hindi siya makapaniwala sa nalaman niya. Nang malaman iyon ng Mama Fe niya, halos bugbugin nito ang Ate Macy niya ng dahil sa galit.           Dahil sa sama ng loob, doon sa park na iyon. Kung saan katabi lang ng barangay nila siya tumakbo. At iyon na rin ang naging permanenteng takbuhan niya sa tuwing may problema siya. Inaway na naman kasi siya ng Ate niya, at sinabi nitong nag-cutting classes siya kahit hindi totoo. Pero nabuking ito agad dahil tumawag sa bahay nila ang teacher nito. Nagalit ng husto ang mga magulang nila dito, nang mapag-isa silang dalawa sa kuwarto. Binuhos nito ang galit sa kanya. Bakit daw hindi na lang siya umoo sa sinabi nito? Ito daw tuloy ang napahamak. Sinaktan siya nito. Sinabunutan, kinurot at sinampal. Impit siyang napaiyak, hindi siya makapagsumbong dahil lalo lang itong papagalitan.            Dahil sa galit ng Ate niya. Sinabuyan nito ng kape ang project niyang ipapasa na niya sa school bukas. Dahil lang sa hindi niya sinakyan ang pagsisinungaling nito. Napapitlag siya ng biglang may sumulpot na panyo sa harap niya. Nang tingnan niya kung sino iyon, isang binatilyo ang nasa harap niya.           “Handkerchiefs are made to wipe away those tears. Hindi ang mga daliri. Huwag mong agawan ng trabaho ang mga panyo.” Sabi pa nito.           Nag-aatubili man, tinanggap pa rin niya ang panyo saka pinunas sa pisngi niyang basa ng luha.           “Thank you,” usal niya.           “Hindi magandang tingnan na sa gitna ng magandang park na ito. Sa ilalim ng matayog na punong ito, may isang umiiyak.” Anito.           “Sorry. Kayo ba ang may-ari nitong Park? Dito lang kasi ako nakakapaglabas ng sama ng loob.” Sabi pa niya.           Napalingon siya dito ng bigla itong tumawa ng malakas. Pagkatapos ay naupo ito sa tabi niya. “Kung puwede ko nga lang ipabili itong Park ginawa ko na. Para may karapatan akong ipagbawal ang mga umiiyak dito.”           Unti-unti ay sumilay ang ngiti sa mga labi niya. Nang lumingon ito sa kanya, ngumiti din ito. Napatitig siya sa mga mata nito, kayganda ng kulay tsokolateng mga mata nito. Parang sinasabi ng mga mata nito na wala siyang dapat alalahanin.           “Kita mo na? Mas maganda ka kapag nakangiti ka.” Puri pa nito sa kanya.           Mabilis niyang iniwas ang tingin mula dito. Pagkatapos ay biglang nag-init ang magkabilang pisngi niya.           “Ah, uuwi na ako.” Mabilis niyang paalam dito. Akma siyang tatayo ng pigilan siya nito, hinawakan pa nito ang pulsuhan niya.           “Sandali lang, hindi pa pala ako nagpapakilala sa’yo.” Anito, sabay lahad ng isang palad nito. “Pogs,” sabi nito.           “Ha?”           “Pogs, iyon ang tawag sa akin sa bahay. Iyon na rin ang itawag mo sa akin mula ngayon.”           Tinitigan niya ang palad nito na nakalahad sa harap niya, kahit medyo nawi- weirduhan siya dito. Tinanggap niya ang kamay nito, kahit medyo nawi-weirduhan siya dito. Tinanggap niya ang kamay nito. “Ikay,” aniya.           Muli na naman itong ngumiti. “Ikay. Bakit parang pangalan ng ibon?” tanong pa nito na may halong pang-aasar.           Napakunot-noo siya. “Hindi iyon pangalan ng ibon. Iyon lang din ang tawag sa akin sa bahay,” paliwanag niya.           “Ah okay,”           “Teka, madalas ka ba dito sa Park? Parang ngayon lang kita nakita dito.” Tanong niya dito.           Umiling ito. “Hindi. Ngayon lang din ako nakapunta dito. May pinuntahan kasi ang Lolo ko malapit dito. Eh nakakainip doon sa bahay ng kumpare niya, kaya pumunta muna ako dito.” Sagot nito.           “Ah, ito pala ang first and last na pagkikita natin.” Aniya.           Ngumiti ito, saka muling umiling. “Hindi ah! Babalik ako dito.”           “Talaga? Kailan naman?” tanong niya.           “Basta, bigla na lang akong susulpot dito. Ngayon pa ba ako hindi pupunta dito? Eh, may bago na akong kaibigan dito.”           Napangiti siya sa sinabi nito. Sa kabila ng hindi magandang pangyayari sa buhay niya. Mabait talaga ang Diyos, dahil may pinadala siyang isang taong kayang pawiin ang lungkot na nararamdaman niya. Medyo matagal pa silang nag-kuwentuhang dalawa, bago ito nagpaalam.           “Teka, ‘yung panyo mo. Sa susunod ko na lang ibabalik. Lalabhan ko muna.” Sabi pa niya. Tumitig muna ito sa kanya, bago ngumiti. “No, keep it. Tandaan mo, kahit saan ka makarating. Kung maramdaman mo ulit na nag-iisa ka. Tingnan mo lang ‘yan, at alalahanin mo na nandito ako. Hindi kita iiwan.” Sabi nito.           Tumanim sa isip ni Chaia ang mga katagang sinabi nito. Matapos ang unang pagtatagpo ng landas nila ni Pogs. Tinago na niya ang panyong iyon. Kapag malungkot siya at lumuluha, iyon ang pinampapahid niya. Mayamaya lang, wala na ang lungkot niya.           Ang unang pagkikita ay nasundan pa ng maraming beses. Hanggang sa nakasanayan na niyang pumunta doon sa Park tuwing hapon pagkagaling niya sa klase upang hintayin si Pogs. Ngunit ng araw na iyon, walang Pogs na dumating. Laman pa rin ng isipan niya kung bakit hindi ito nakarating. Bigla siyang nag-alala, baka kasi nagkasakit ito kaya hindi nakapunta. Pagdating niya sa loob ng kuwarto, naupo siya sa gilid ng kama saka patuloy na inisip si Pogs. Kasunod niyang pumasok ang Ate niya.           “Aba himala, ang aga mo yata? Nasaan na ‘yung boyfriend mo na madalas mong katagpuan sa park?” nakataas ang kilay na tanong nito habang nakahalukipkip pa.           Napatingin siya dito. Bigla ay hindi siya nakakibo. Kung ganoon, alam nito ang tungkol sa pagkikita nila ni Pogs.           “Oh, bakit hindi ka na nakasagot diyan?” mataray na tanong nito.           “A-ate, hindi ko boyfriend ‘yon. Bata pa ako para sa mga ganon. Kaibigan ko lang siya.” Paglilinaw niya.           Tumawa ito ng pagak, saka umiling. “Gusto mong maniwala ako sa’yo? Huwag mo nang itanggi. Kunwari ka pa, eh lumalandi ka na rin. Nahahawa ka sa mga kaibigan mo doon sa school.” Giit nito.           “Ate, hindi. Hindi naman ganoon ‘yon eh.”           “Isusumbong kita kay Papa!” sabi pa nito. Saka nagmamadaling lumabas ito ng kuwarto, agad niyang sinundan ito.           “Papa, si Chaia may boyfriend na!” malakas na sabi nito pagdating sa sala nila, kung saan naroon ang Papa niya at nanood ng telebisyon. Mabilis na nagsalubong ang kilay nito, saka tumayo at hinarap siya.           “Anong sabi mo?” tanong pa nito.           “Si Chaia po, madalas ko ‘yan nakikita doon sa park na may katagpuan. May kausap na lalaki. Sigurado akong boyfriend niya iyon. Hindi na nahiya, kay bata bata pa lumalandi na!” giit pa nito.           “Macy! Tumahimik ka!” singhal ng Mama nila dito.           “Bakit sa akin ka nagagalit, Ma? Hindi ako ang malandi dito, iyan!” maangas na sagot nito sa Mama nila. Tila nagdilim ang paningin nito at sinampal nito ang Ate niya.           Matalim siyang tiningnan ni Macy. “Nakita mo! Kahit ikaw ang may kasalanan, ako pa rin ang pinapagalitan! Salot ka sa buhay ko!” sigaw nito sa kanya sabay hablot sa buhok niya at sinabunutan siya.           “Aray Ate, tama na!” aniya.           Pinaghiwalay sila ng Mama at Papa niya. “Tama na! Macy, doon ka sa kuwarto niyo. Ikaw naman Chaia, maiwan ka dito. Mag-uusap tayo.” Utos ng Papa niya.           Agad na tumalima ang Ate niya. Pagkatapos ay siya naman ang hinarap ng Papa niya.           “Totoo bang may kinakatagpo ka doon sa Park? Sino ‘yon?” galit na tanong ng Papa niya.           Humihikbi na nagpaliwanag siya. “Hindi po ganoon ‘yon, Pa. Kaibigan ko lang po iyon.” Paglilinaw niya.           Sa kabila ng pagpapaliwanag niya. Hindi naniwala ang Papa niya, bagkus, mas pinaniwalaan nito ang Ate Macy niya. Ang higit na masakit pa roon, napagbuhatan siya ng kamay ng Papa niya. Dahil sa sama ng loob, muli siyang tumakbo palabas. Hanggang sa natagpuan na lang niya ang sarili na naglalakad sa gitna ng Park. Mula sa bulsa ng palda niya, nilabas niya ang panyo na bigay ni Pogs. Doon kung saan sila unang nagkita, umupo siya at umiyak ng umiyak.           “Akala ko hindi ka na darating.”           Napapitlag siya. Paglingon niya, naroon si Pogs. “Oh, umiiyak ka na naman.” Anito.           Hindi siya kumibo. Basta na lang siya tumakbo dito, at yumakap.           “Okay ka lang ba?” tanong pa nito.           “Oo, wala ito.” Sagot niya.           Nang tingnan niya ito. May bahid ng pag-aalala sa mga mata nito. Pagkatapos ay may nilabas ito mula sa bulsa ng pantaloon nito. Isang kwintas na may pendant na maliit at bilog na emerald stone. Sinuot nito iyon sa kanya.           “Yan, kahit hindi na tayo magkita sa mga susunod na araw. Tandaan mo, paglipas ng panahon, hahanapin kita. Kailangan suot mo pa rin ‘yan. Sa pamamagitan ng kuwintas na ‘yan. Mararamdaman mo na palagi mo akong kasama sa lahat ng oras, lalo na kapag malungkot ka. Hintayin mo ako.” Paliwanag nito. Pagkatapos ay sinuot nito ang kwintas sa kanya, naramdaman pa niyang bahagya nitong hinaplos ang buhok niya.           Lalo siyang naiyak. Humihikbi pa rin na hinubad niya ang kwintas na bigay sa kanya ng Mama niya noong maliit pa siya. Ang pendant naman niyon ay maliit at bilog na kahawig ng sapphire gemstone.           At ang gabing iyon ang huling beses nilang pagkikita.           “Bigay ‘to sa akin ng Mama ko noong bata pa ako. Wala akong natatandaan tungkol sa kanya, pero ikaw, binigyan mo ako ng masasayang alaala. Pinakita mo sa akin at pinaramdam mo na hindi ako nag-iisa. Na may karamay ako sa lahat ng oras.” Sabi naman niya, saka binigay dito ang kwintas.             HINDI alam ni Chaia kung gaano na siya katagal doon sa loob ng kotse. Muli niyang sinulyapan ang entrance door ng The Groove. Malakas ang kabog ng dibdib niya sa mga sandaling iyon. Matapos siya nitong tawagan kanina, may sinabi itong mga katagang nagpabalik sa kanya sa nakaraan. Isang taong malaki ang naging parte sa buhay niya. Dahil kung tama ang hinila niya, si Pogs at si Karl ay iisa. Ngunit kailangan pa rin niyang makasiguro. Kapag nakumpirma niya ang nasa isip, marahil ang ibig sabihin niyon. Ang Diyos ang nagbalik sa kanila sa isa’t isa.           Muli niyang sinulyapan ang sariling repleksiyon sa rearview mirror. Sinuklay niya ang side bangs gamit ang sariling mga daliri. Pagkatapos ay humugot siya ng malalim na hininga. Isa lang naman ang paraan para malaman niya ang totoo. Kailangan niya itong tanungin.           “Lakasan mo ang loob mo. Tatanungin mo lang naman siya, di ba? Iyon lang. Wala naman masama doon, kung tama ka. Eh di Masaya! Kung hindi, okay lang. Okay?” pagkausap pa niya sa sarili. “Fighting!”           Nagpalipas pa siya ng ilang minuto sa loob ng kotse bago bumaba at pumasok sa Bar. Matapos niyang makapag-ayos at makapagpalit ng uniporme, agad siyang pumunta sa station niya. Habang hinahanda ang mga gamit, ang isip niya ay na kay Karl pa rin. Iniisip niya, kung sakaling ito nga si Pogs. Ano kaya ang magiging reaksiyon nito kapag nalaman nitong siya si Ikay? Matutuwa kaya ito o babalewalain siya? O kaya naman, matatandaan pa kaya siya nito? Napabuntong- hininga siya. Bakit ba siya nagkakaganoon? Marami naman puwedeng magsabi ng gaya ng sinabi nito. Lahat ay puwedeng gawin advice iyon.           “Ay! Chaia! Gising! Focus! Hindi mo siya dapat iniisip ngayon. Trabaho muna!” sabi pa niya sa sarili, saka pinilig ang ulo niya.           First love mo si Pogs no? Kaya gusto mong malaman kung si ito at si Karl ay iisa. Anang isang bahagi ng isip niya.           Nahigit niya ang hininga at napatuwid pa siya ng tayo. Saka mabilis na tumibok ang puso niya. “Hindi kaya!” wala sa sariling malakas ang boses na sagot niya.           Nagulat siya ng biglang may tumikhim ng malakas mula sa likod niya. “Anong hindi kaya?” Agad siyang napaharap, ganoon na lang ang gulat niya at lalong nagpalakas sa kabog ng puso niya nang makitang si Karl iyon. Pakiramdam niya ay mas mapula pa sa mansanas ang mukha niya. Bigla siyang nakaramdam ng hiya. Hindi niya namalayan na dumulas na sa kamay niya ang hawak niyang baso.           Saka lang siya natauhan ng marinig niya ang pagbagsak nito sa sahig. Nanlaki ang mata niya ng makita ang resulta ng katangahan niya ng sandaling iyon.           “Hala! Naku! Sir, sorry po. Oh no! Pasensiya na po talaga!” natataranta at sunod-sunod na paghingi niya ng paumanhin. Saka agad siyang umupo at dinampot ang mga nakakalat na bubog.           “Ano ba kasing iniisip mo at gulat na gulat ka nang makita mo ako? Mukha ba akong aswang sa paningin mo?” tanong pa nito.           Hindi siya nakakibo. Hindi naman niya kasi maaaring sabihin dito na ito ang iniisip niya. Lalo siyang mawawala sa sarili kapag ginawa niya iyon, at baka bigla na lang siyang kainin ng lupa.           “Siguro ako ang iniisip mo, no?” nakangising tanong ulit nito.           Nanlaki ang mga mata niya saka siya biglang napatingin dito. “Hindi ah!” mabilis at mariin niyang sagot.           Sus! Defensive! Panunudyo ng isip niya.           Mayamaya, nawala kay Karl at sa maligalig niyang puso ang atensiyon niya ng bigla siyang mapaigik sa sakit. Nahiwa kasi ang daliri niya ng bubog na pinupulot niya.           “Aray ko!” daing niya.           Napapalatak si Karl, saka mabilis na hinawakan ang kamay niya. “Sino ba kasi ang may sabi na pulutin mo ‘yang nabasag? Tingnan mo, nasugatan ka pa tuloy!” mataas ang boses na sabi nito. “Tumayo ka nga diyan,” utos pa nito sa kanya.           Tinawag pa nito ang janitor saka pinalinis ang mga bubog na nakakalat pa rin sa sahig. Pagkatapos ay pinakuha nito ang first aid kit. Mabilis na lumapit si Miss Anne.           “Ay Sir, ako na po ang gagamot sa sugat ni Chaia.” Prisinta nito.           “Hindi, ako na.” seryosong sagot nito habang salubong ang kilay.           Nagkatinginan sila ni Miss Anne, tila nasa mukha nito ang pagtataka. “Puwede mo na kaming iwan, Miss Anne.” May awtoridad na wika ni Karl.           “Yes Sir,”           Bago umalis ang Manager nila ay isang mapanuksong ngiti ang iniwan nito sa kanya. Kahit ang ibang mga kasamahan nila doon ay tila lihim na nagmamasid at may mga nanunudyo ang mga ngiti.           “Huwag kang malikot,” saway nito sa kanya sa seryosong boses.           Bumilis ang t***k ng puso niya. Hinawakan nito ang kamay niyang nasugatan. Bago nito nilagyan ng gamot ang sugat niya, ito pa mismo ang naghugas nito.           “Ah, ako na. Kaya ko naman gamutin ‘to.” Sabi pa niya.           “Ako na.” giit nito.           Nakagat niya ang ibabang labi niya. “Sabi ko nga.”           Nang mahugasan na ang sugat niya, saka nito nilagyan ng betadine iyon.  Napangiti siya ng makita niyang bahagya pa nitong hinihipan ang sugat niya. Mahapdi iyon, pero parang namanhid sa sakit ang daliri niya. Dahil si Karl ang nagsilbing lunas. Kahit yata pulso niya ang nahiwa ay mababalewala, basta’t si Karl ang nasa tabi niya.           Tila nag-slow motion ang paligid nang tumitingin pa ito sa kanya habang hinihipan nito ang sugat niya. Mabilis na nag-react ang puso niya, sumikdo iyon. Saka lalong bumilis ang pintig. Pagkatapos ay hindi na niya alam ang sumunod na nangyari, namalayan na lang niya na nilalagyan na nito ng band aid ang sugat niya.           “There you go.” Sabi pa nito.           Pinilit niyang ngumiti at umaktong natural. Hindi na puwedeng maulit ang nangyari kanina na nagmukha siyang engot sa harapan nito, kahit sa loob niya ay parang may nagra-riot sa puso niya.           “Uhm, Sir. Paki-kaltas na lang po sa sweldo ko ‘yung presyo ng nabasag kong baso.” Wika niya.           Ngumiti ito. Saka parang bata siya na ginulo nito ang buhok niya. “Iyon pa rin ang iniisip mo? Samantalang nasugatan ka na nga.” Sabi pa nito.           “Eh pasensiya na po, may iniisip lang.” hinging-paumanhin niya.           “Next time, mag-iingat ka na.” Payo nito.           “Yes Sir,” sagot niya. “Sige, maraming salamat po ulit. Babalik na ako sa station ko.”           Tumango ito. Pagtayo niya, hindi pa man din siya nakakahakbang palayo ng hawakan siya nito sa isang kamay. Pagkatapos ay tumayo ito.           “Wait,” usal nito.           May pinulot ito sa sahig, “Is this yours?” tanong nito. Sabay angat ng isang kabilang kamay nito.           Kung kanina ay triple ang kaba ng dibdib niya. Ngayon ay mas dumoble na. Ang hawak nito ay ang kwintas na palagi niyang suot na binigay ni Pogs sa kanya. Tumango siya.           “Oo, sa akin nga ‘yan.” Aniya, sabay tingin dito. Nakita niyang titig na titig ito sa kwintas niya.           Pinag-aralan niya ang reaksiyon ng mukha nito.           “Ba-bakit po?” tanong niya.           Lumipat sa kanya ang tingin nito. “Uh, no. Nothing. Here.” Anito, sabay abot sa kanya ng kwintas. “Uh, wait. Let me.”           Nangilid ang luha niya ng ito mismo ang nagsuot ng kwintas sa kanya. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa Park kung saan sila nagkakilala ni Pogs. At sa pagsuot nito ng kwintas sa kanya, naramdaman niyang bahagya nitong hinaplos ang buhok niya. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya, hindi siya maaaring magkamali. Hindi niya kailan man nakalimutan ang huling gabing nagkita sila ni Pogs. Nang isuot nito noon ang kwintas sa kanya, ganoon na ganoon ang ginawa nito. Dahan-dahan tumulo ang luha niya. Makakalimutan niya ang ilang pangyayari ng buhay niya. Ngunit hindi ang gabing iyon. Hindi ang mga araw na magkasama sila.           Pogs, ikaw ba ‘yan? Bumalik ka na ba ulit sa buhay ko?  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD